Florante at Laura/Kabanata 3/Paliwanag
←Sa Babasa Nito ←Paliwanag |
Pagbubukas (Paliwanag) |
Masamang Kapalarang Sinapit→ Paliwanag→ |
Lagom
Sa kabanatang ito, dalawang pangunahing bagay ang inilalarawan at ipinaiikutan. Ito ang lubhang nakakalungkot na gubat, na sa kasukalan ay hindi makatagos ang mga sinag ng araw, sa labas ng Epiro sa tabi ng Ilog Kosito, isang ilog na dumadaloy papuntang Hades, ang mundo ng mga patay sa mitolohiyang Griyego, at si Floranteng sa kabanata ay binansagang ang "nakagapos na kahabag-habag".
Gubat
Ang gubat ay inilalarawan bilang isang masukal, malamya at malungkot na kagubatan ng mga malalaking sipres at higera.
Inilalarawan naman ang mga puno at bunga nito bilang lubhang mapanganib; ang mga punong mayroong mga sangang matitinik ay pinalilibutan ng baging, at ang mga bunga nito ay binubuluhan. Lahat ito ay nagpapasakit sa kanino mang madikit sa mga ito.
Ang mga bulaklak naman dito ay inilalarawan bilang kulay-luksa.
Maraming hayop ang namumugad sa kagubatang ito. Sa mga hayop na ito, unang inilarawan ang ibong humuhuni nang nakakalunos lalo na sa mga masasayang tao. Sunod namang inilarawan ang mga lubhang mababangis na hayop. Ito ang mga ahas, tinawag na s'yerpe sa awit, basilisko, binansagang "hari ng mga ahas", isang mabagsik na hayop na nagdudulot ng kamatayan sa sino mang masulyapan nito ayon sa mitolohiyang Europeo, hayena, isang wangis-asong hayop, at tigre, isang malaking pusa.
Binatang nakagapos
Sa gitna ng kagubatan, matatagpuan ang isang higera kung saan nakagapos ang isang binata. Ang binatang ito ay inilalarawan bilang may-ari ng lubhang karilagan at buhok na kulay ginto. Ang binatang ito ay si Florante.