Kasalukuyan
Dangan doo'y walang Oreadang Ninfas, gubat sa Palasyo ng masidhing Harp'yas, nangaawa disi't naakay lumiyag sa himalang tipon karikta't hirap.
Ang abang uyamin ng dalita't sakit — and dalawang mata'y bukal ang kaparis; sa luhang nanatak[1] at tinangis-tangis, ganito'y damdamin ng may awang dibdib.
"Mahiganting langit! Bangis mo'y nasaan? ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay; bago'y ang bandila ng lalong kasam-an sa Reynong Albanya'y iniwagayway."
"Sa loob at labas ng bayan kong sawi, kaliluha'y siyang nangyayaring hari, kagalinga't bait ay nalulugami, ininis sa hukay ng dusa't pighati."
"Ang magandang asal ay ipinupukol sa laot ng dagat kutya't linggatong; balang magagaling ay ibinabaon at inililibing na walang kabaong."
"Nguni, at ang lilo't masasamang loob sa trono ng puri ay iniluklok, at sa balang sukab na may asal-hayop, mabangong insenso ang isinusuob."
"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo at ang kabaita'y kimi at nakayuko; santong katuwira'y lugami at hapo, ang luha na lamang ang pinapatulo."
"At ang balang bibig na binubukalan ng sabing magaling at katotohanan, agad binibiyak at sinisikangan ng kalis ng lalong dustang kamatayan."
"O, taksil na pita sa yama't mataas! O, hangad sa puring hanging lumilipas! Ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat at niring nasapit na kahabag-habag!"[2]
"Sa Korona dahil ng Haring Linceo, at sa kayamanan ng Dukeng Ama[3] ko, ang ipinangahas ng Konde Adolfo sabugan ng sama ang Albanyang Reyno."
"Ang lahat ng ito, maawaing Langit, Iyong tinutunghaya'y ano't natitiis? Mula Ka ng buong katuwira't bait, pinayagang Mong ilubog ng lupit.[4]"[5]
"Makapangyarihang kamay Mo'y ikilos, pamimilansikin ang kalis ng poot; sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok ang Iyong higanti sa masamang-loob."[6]
Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin? Ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin? 'di yata't sa isang alipusta't iling sampung tainga mo'y ipinangunguling?
"Datapuwa't sino ang tatarok kaya sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila? Walang nangyayari sa balat ng lupa, 'di may kagaligang Iyong ninanasa."
"Ay, 'di saan ngayon ako mangangapit? Saan ipupukol ang tinangis-tangis, kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit, ang sigaw ng aking malumbay ng boses?"
|
Orihinal
Dan͠gan doo,i, ualang Oreadang Ninfas, gúbat na Palacio n͠g masidhing Harpías, nangaaua disi,t, na acay lumiyag sa himaláng tipon n͠g caricta,t, hirap.
Ang abáng oyamin n͠g dálita,t, sáquit ang dalauang mata,i, bucál ang caparis, sa lúhang nanatác, at tinan͠gis-tan͠gis ganito,i, damdamin n͠g may auang dibdib.
Mahiganting lan͠git, ban͠gis mo,i, nasaan? n͠gayo,i, naniniig sa pagcá-gulaylay bago,i, ang bandilà n͠g lalong casam-an sa Reinong Albania,i, iniuauagayuay?
Sa loob at labás, n͠g bayan cong sauî caliluha,i, siyang nangyayaring harî cagalin͠ga,t, bait ay nalulugamî ininís sa hucay nang dusa,t, pighatî.
Ang magandang asal ay ipinupucól sa láot n͠g dagat n͠g cut-ya,t, lingatong balang magagalíng ay ibinabaón at inalilibing na ualáng cabaong.
N͠guni, ay ang lilo,t, masasamang loób sa trono n͠g puri ay inalulucloc at sa balang sucáb na may asal hayop maban͠gong incienso ang isinusuob.
Caliluha,t, sama ang úlo,i, nagtayô at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô, santong catouira,i, lugamì at hapô, ang lúha na lamang ang pinatutulô.
At ang balang bibíg na binubucalán nang sabing magalíng at catutuhanan agád binibiác at sinisican͠gan nang cáliz n͠g lalong dustáng camatayan.
¡O tacsíl na pita sa yama,t, mataás! ¡o hangad sa puring hanging lumilipas! icao ang dahilan n͠g casamáng lahat at niyaring nasapit na cahabághabág.
Sa Corona dahil n͠g haring Linceo at sa cayamanan n͠g Duqueng Amá co, ang ipinangahás n͠g Conde Adolfo sabugan n͠g sama ang Albaniang Reino.
Ang lahát nang itó, ma-auaing lan͠git iyóng tinutunghá,i, anó,t, natitiis? mula ca n͠g boong catouira,t, bait pinapayagan mong ilubóg n͠g lupít?
Macapangyarihang cánan mo,i, iquilos, papamilansiquín ang cáliz n͠g poot, sa Reinong Albania,i, cúsang ibulusoc ang iyóng higantí sa masamáng loob.
Baquit calan͠gita,i, bingí ca sa aquin ang tapat cong luhog ay hindi mo dingín? dí yata,t, sa isang alipusta,t, ilíng sampong tain͠ga mo,i, ipinan͠gun͠gulíng?
Datapua,t, sino ang tataróc caya sa mahál mong lihim Dios na daquilà? ualáng mangyayari sa balát n͠g lupà dì may cagalin͠gang iyóng ninanásà.
¡Ay dî saán n͠gayón acó man͠gan͠gapit! ¡saán ipupucól ang tinangis-tangis cong ayao na n͠gayong din͠giguin ng Lan͠git ang sigao n͠g aquing malumbay na voses!
|