Florante at Laura/Kabanata 5/Paliwanag
←Masamang Kapalarang Sinapit ←Paliwanag |
Panibugho sa Minamahal (Paliwanag) |
Paggunita sa Nakaraan→ Paliwanag→ |
Lagom
Ang kabanatang ito ay umiikot sa kalungkutan ni Florante, ang muli niyang pag-aalinlangan sa Diyos, at, higit sa lahat, ang selos niya kay Laurang kanyang iniisip na tinanggap na ang pag-ibig ng Konde Adolfo, at minahal na ito.
Kalagayan ni Florante
Si Florante ay kasalukuyang sumasailalim nanaman ng higit na hinagpis, at ngayon pagseselos. Ito ay dahil kanyang naalala si Laura, ang prinsesang kanyang katipan. Naalala niya ang pang-aagaw na ginawa ng Konde Adolfo kay Laura, kasabay ng pang-aagaw niya ng trono ng Albanya.
At dahil sa lubhang kalungkutang iyon, hinimatay bigla si Florante; kung saan nalungayngay ang kanyang ulo, at natuloy ang pag-iyak, na sa sobrang pag-iyak na ito, nadiligan ang punong Higerang kinagagapusan.
Ang kalungkutan at pagpapakahirap ni Florante ay madaling makikita. Ayon nga sa sabi ng may-akda sa awit, hindi maantas ang "awang bubugso sa dibdib" ng sino mang makarinig ng panaghoy ni Florante. At sa lakas ng panaghoy na ito, sa buong kagubatan, maririnig ito.
Sa huling bahagi, nagising na si Florante, at nagsimula na ang pagtatanong kay Laura kung bakit niya nililo ang "tapat na puso" ni Florante bagaman sumumpa siya sa Diyos na hindi niya lililuhin si Florante. Dito makikitang ipinalagay na talaga ni Floranteng nililo na siya ni Laura para kay Adolfo.