Kasalukuyan
"Saka inilabas namin[1] ang trahedya ng dalawang apo ng tunay na ina, at mga kapatid ng nag-iwing amang anak at esposo ng Reyna Yokasta."
"Papel ni Eteokles ang naging tungkol ko at si Polinise nama'y kay Adolfo; isang kaesk'wela'y siyang nag-Adrasto at ang nagYokasta'y bunying si Menandro."
"Ano'y nang mumulang ang unang batalya ay ang aming papel ang magkababata, nang dapat sabihing ako'y kumilala't siya'y kapatid kong kay Edipong bunga."
"Nanlisik ang mata't ang ipinagsaysay ay hindi ang ditsong nasa orihinal, kundi ang winika'y "Ikaw[2] na umagaw ng kapurihan ko'y dapat kang mamatay!"
"Hinandulong ako, sabay nitong wika,[3] ng patalim niyang pamatay na handa, dangan nakaiwas ako'y nabulagta sa tatlong mariing binitiwang taga."
"Ako'y napahiga sa inilag-ilag, sa sinabayang bigla ng tagang malakas; (salamat sa iyo, o Menandrong liyag, kundi sa liksi mo, buhay ko'y nautas!)[4]"
"Nasalag ang dagok na kamatayan ko, lumipag ang tangang kalis ni Adolfo; siyang pagpagitna ng aming maestro at nawalandiwa kasama't katoto."
"Anupa't natapos yaong katuwaan sa pangingilabot at kapighatian; si Adolfo'y 'di naman nabukasan noon di'y nahatid sa Albanyang bayan."
"Naging santaon pa ako sa Atenas, hinintay ang loob ng ama kong liyag; sa aba ko't noo'y tumanggap ng sulat na ang balang letra'y iwang may kamandag."
"(Gunamgunam na 'di napagod humapis, 'di ka naianod ng luhang mabilis; iyong ginugulo ang bait ko't isip at 'di mo payagang payapa ang dibdib!)"
"(Kamandag kang lagak niyong kamatayan sa sintang ina ko'y 'di nagpakundangan; sinasariwa mo ang sugat na lalang ng aking tinanggap na palasong liham!)"
"(Tutulungan kita ngayong magpalala ng hapdi sa pusong 'di ko maapula; namatay si ina. Ay! Laking dalita ito sa buhay ko ang unang umiwa.)"
"Patay na dinampot sa aking pagbasa niyong letrang titik ng bikig na pluma; (diyata, ama ko, at nakasulat ka ng pamatid-buhay sa anak na sinta!)"
"May dalawang oras na 'di nakamalay ng pagkatao ko't ng kinalalagyan; dangan sa kalinga ng kasamang tanan ay 'di mo na ako nakasalitaan."
"Nang mahimasmasa'y narito ang sakit, dalawa kong mata'y naging parang batis; at ang "Ay, ay, inay!" kung kaya mapatid ay nakalimutan ang paghingang gipit."
"Sa panahong yao'y ang buo kong damdam ay nanaw[5] na sa akin ang sandaigdigan; nag-iisa ako sa gitna ng lumbay, ang kinakabaka'y sarili kong buhay."
"Hinamak ng aking pighating mabangis ang sa maestro kong pang-aliw na boses; ni ang luhang tulong ng samang may hapis ay 'di nakaawas sa pasan kong sakit."
"Baras ng matuwid ay nilapastangan ng lubhang marahas na kapighatian; at sa isang titig ng palalong lumbay, diwa'y lumulipad, niring katiisan."
|
Orihinal
Sacâ ilinabás namin ang tragedia nang dalauang apó nang túnay na iná, at man͠ga capatid nang nag-iuing amáng anác at esposo nang Reina Yocasta.
Papel ni Eteocles ang naguíng tungcól co, at si Polinice nama,i, cay Adolfo, isang ca-escuela,i, siyang nag Adrasto, at ang nag Yocasta,i, bunying si Minandro.
Ano,i, nang mumulán ang unang batalia, ay ang aming papel ang magca-cabaca, nang dapat sabihing aco,i, comilala,t, siya,i, capatid cong cay Edipong bún͠ga.
Nang-lisic ang matá,t, ang ipinagsaysáy, ay hindî ang dichong na sa original cundî ang uica,i, "icao na umagao nang capurihán co,i, dapat cang mamatáy"
Hinandulóng acó, sabáy nitóng uicá, nang patalím niyang pamatáy na handá, dan͠gan naca-iuas aco,i, nabulagtá sa tatlóng mari-ing binitiuang tagá.
Aco,i, napahiga sa inilag-ilag, sinabayáng biglâ nang tagáng malacas, ¡salamat sa iyó ó Minandrong liyag, cundî ang licsi mo búhay co,i, na-utás!
Nasalag ang dágoc na camatayan co, lumipád ang tangang cáliz ni Adolfo siyang pag-paguitnâ nang aming maestro, at naualáng-diuang casama,t, catoto.
Anopa,t, natapus yaóng catoua-án sa pan͠gin͠gilabot, at capighatian; si Adolfo,i, dîna naman nabúcasan, noón di,i, nahatid sa Albaniang bayan.
Naguing sangtaón pa acó sa Atenas hinintay ang loob nang amá cong liyag, ¡sa abá co,t,! noo,i, tumangap nang sulat, na ang balang letra,i, iuang may camandág.
¡Gunam-gunam na dî napagod humapis dî ca na-ianod nang lúhang mabilís, iyóng guinuguló ang bait co,t, ísip at dimo payagang payapà ang dibdib!
¡Camandág cang lagac niyaong camatayan sa sintang Iná co,i, di nagpacundangan, sinasariua mo ang súgat na laláng nang aquing tinagáp na palasóng liham!
Tutulun͠gang quitá n͠gayóng magpalalâ nang hapdî sa púsong di co ma-apulà, namatáy si Iná ay laquing dálitâ itó sa búhay co ang unang umiuà.
Patáy na dinampó sa aquing pagbasa niyóng letrang titic ng biguing na pluma ¡diyata Amá co at nacasulat ca n͠g pamatíd búhay sa anác na sintá!
May dalauang oras na dî nacamalay n͠g pagca-tauo co,t, n͠g quinalalag-yán, dan͠gan sa calin͠ga n͠g casamang tanán ay dî mo na acó na casalitaan.
Nang mahimasmasa,i, narito ang sáquit, dalauá cong matá,i, naguing parang bátis, ang ¡ay! ¡ay! Ina,i,! cong cayâ mapatíd ay nacalimutan ang paghin͠gáng guipít.
Sa panahóng yaó,i, ang boó cong damdám ay nanao sa aquin ang sangdaigdigan, ang-iisá acó sa guitnâ ng lumbay ang quinacabaca,i, sarili cong búhay.
Hinamac ng aquing pighatíng mabangís ang sa Maestro cong pang-aliu na voses, ni ang lúhang túlong ng samang may hapis, ay di naca-auás sa pasán cong sáquit.
Baras ng matouid ay linapastangan ng lubháng marahás na capighatian, at sa isang titig ng palalong lumbáy diua,i, lumilipád niyaring cati-isan.
|