Kasalukuyan
"Aking[1] tinitipon ang ikinakalat na masayang bango ng mga bulaklak, inaaglahi ko ang laruang palad, mahinhing amiha't ibong lumilipad."
"Kung ako'y mayroong matanaw na hayop sa tinitingalang malapit na bundok, biglang ibibinit ang pana sa busog, sa minsang tudla ko'y pilit matutuhog."
"Tanang samang lingkod ay nag-aagawan, unang makarampot ng aking napatay; ang tinik sa dawag ay 'di dinaramdam, palibhasa'y tuwa ang nakaaakay,"
"Sukat maligaya sinumang manood sa sinuling-suling ng sama kong lingkod; at kung masunduan ang bangkay ng hayop, ingay ng hiyawan sa loob ng tumok."
"Ang laruang busog ay kung pagsawaan, uupo cute ng crush ko
sa tabi ng matuling bukal; at mananalamin sa linaw ng kristal, sasagap ng lamig na iniaalay."
"Dito'y mawiwili sa mahinhing tinig ng nangagsasayang Nayades sa batis; taginting ng lira katono ng awit mabisang pamawi sa lumbay ng dibdib."
"Sa tamis ng tinig na kahalak-halak ng nag-aawitang masasayang Ninfas, naaanyayahan sampung lumilipad — sari-saring ibong agawan ng dilag."
"Kaya nga't sa sanga ng kahoy na duklay, sa mahal na batis na iginagalang ng bulag na hentil ay nagluluksuhan, ibo'y nakikinig ng pag-aawitan."
"Aanhin kong saysayin ang tinamong tuwa ng kabataan ko'y malawig na lubha; pag-ibig ni ama'y siyang naging mula, lisanin ko yaong gubat na payapa."
"Pag-ibig anaki'y aking nakilala, 'di dapat palakihin ang bata sa saya; at sa katuwaa'y kapag namihasa, kung lumaki'y walang hihinting ginhawa."
"Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis, namamaya'y sukat tibayan ang dibdib; lumaki sa tuwa'y walang pagtitiis ... anong ilalaban sa dahas ng sakit?"
"Ang taong magawi sa ligaya't aliw, mahina ang puso't lubhang maramdamin; inaakala pa lamang ang hilahil na daratni'y 'di na matutuhang bathin."
"Para ng halamang lumaki sa tubig, daho'y malalanta munting 'di madilig; ikinaluluoy ang sandaling init; gayundin ang pusong sa tuwa'y maniig."
"Munting kahirapa'y mamalakhing dala, dibdib palibhasa'y 'di gawing magbata, ay bago sa mundo'y walang kisapmata, ang tao'y mayroong sukat ipagdusa."
"Ang laki sa layaw karaniwa'y hubad sa bait at muni't sa hatol ay salat; masaklap na bunga ng maling paglingap, habag ng magulang sa irog na anak."
"Sa taguring bunso't likong pagmamahal, ang isinasama ng bata'y nunukal[2]; ang iba'y marahil sa kapabayaan ng dapat magturong tamad na magulang."
"Ang lahat ng ito'y kay amang talastas, kaya nga ang luha ni ina'y hinamak; at ipinadala ako sa Atenas — bulag na isip ko'y nang doon mamulat."
"Pag-aaral sa akin ay ipinatungkol sa isang mabait, maestrong marunong; lahi ni Pitako — ngala'y si Antenor — lumbay ko'y sabihin nang dumating doon."
|
Orihinal
Aquing tinitipon ang iquinacalat ng masayáng ban͠gó n͠g m͠ga bulaclác, ina-aglahi co ang larouang pulad mahinhíng amiha,t, ibong lumilipad.
Cong acó,i, mayroong matanao na háyop sa tinitin͠galáng malapit na bundóc, bigláng ibibinit ang panâ sa búsog, sa minsang tud-lâ co,i, pilit matutuhog.
Tanáng sámang lincód ay nag-aágauan unang macarampót nang aquing napatáy ang tiníc sa dauag ay dî dinaramdám, palibhasa,i, toua ang naca-aacay.
Súcat maligaya sino mang manoód sa sinuling-suling n͠g sáma cong lingcód, at cong masundúan ang bangcay n͠g háyop ingay n͠g hiyauan sa loob n͠g tumóc.
Ang larouáng búsog ay cong pag-sauaan, u-upo sa tabí n͠g matuling bucál, at mananalamín sa linao n͠g cristal, sasagap n͠g lamig na ini-áalay.
Dito,i, mauiuili sa mahinhing tinig n͠g nan͠gag-sasayáng Nayadas sa bátis, taguintíng n͠g Lírang catuno n͠g auit mabisang pamaui sa lumbay n͠g dibdib.
Sa tamis n͠g tinig na cahalac-halác n͠g nag-aauitang masasayáng Ninfas, na-aanyayahan sampóng lumilipád sari-saring ibong agauán n͠g dilág.
Cayâ n͠ga,t, sa san͠ga n͠g cahoy na ducláy sa mahál na bátis na iguinagalang ang bulág na gentil, ay nag lulucsuhan ibo,i, naquiquinig n͠g pag-aauitan.
Anhín cong saysain ang tinamóng touá ng cabataan co,t, malauig na lubhâ pag-ibig ni amá,i, siyang naguing mulà lisanin co yaóng gúbat na payapa.
Pag ibig anaqui,t, aquing naquilala dî dapat palac-hín ang bata sa sayá at sa catoua-a,i, capag-namihasa cong lumaquí,i, ualáng hihintíng guinhaua.
Sa pagca,t, ang mundo,i, bayan n͠g hinagpis namamaya,i, súcat tibayan ang dibdib, lumaquí sa toua,i, ualáng pagtiti-is ¿anóng ilalaban sa dahás n͠g sáquit?
Ang táuong mágaui sa ligaya,t, aliu mahinà ang púso,t, lubháng maramdamin, inaacala pa lamang ang hilahil, na daratná,i, dinâ matutuhang bat-hín.
Para n͠g halamang lumaguí sa tubig, daho,i, malalantá munting dî madilig, iquinalolo-óy ang sandaling init, gayón din ang púsong sa toua,i, mani-ig.
Munting cahirapa,i, mamalac-híng dalá, dibdib palibhasa,i, di gauing magbatá, ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa.
Ang laquí sa layao caraniua,i, hubád sa bait at muni,t, sa hatol ay salát, masacláp na bún͠ga ng malíng paglin͠gap, habág n͠g magulang sa irog na anác.
Sa taguríng bunsót, licóng pag mamahál ang isinasama n͠g báta,i, nunucál ang iba,i, marahil sa capabayaan nang dapat magturong tamád na magulang.
Ang lahát nang itó,i, cay amáng talastás, cayâ n͠ga ang lúha ni ina,i, hinamac, at ipinadalá acó sa Atenas, bulág na ísip co,i, n͠g doon mamulat.
Pag-aral sa aquin qy ipinatungcól sa isang mabait, maestrong marunong lahi ni Pitaco, n͠gala,i, si Antenor, lumbay co,i, sabihin nang dumating doon.
|