Kasalukuyan
Tugon ng may dusa[1]'y "'di lamang ang mula niring dalita ko ang isasalita, kundi sampung buhay sapul pagkabata, nang maganapan ko ang hingi mo't nasa[2]."
Nupong[3] nag-agapay sa puno ng kahoy ang may dalang habag at lipos-linggatong, saka sinalitang luha'y bumbalong, buong naging buhay hanggang naparool.
"Sa isang Dukado ng Albanyang S'yudad[4], doon ko nakita ang unang liwanag; yaring katauha'y utang kong tinanggap sa Duke Briseo. (Ay, ama kong liyag!)[5]"
"(Ngayo'y nariyan ka sa payapang bayan[6], sa harap ng kaing inang minamahal[7], Prinsesa Florescang esposa mong[8] hirang, tanggap ang luha kong sa mata'y nunukal[9].)"
"Bakit naging tao ako sa Albanya,[10] bayan ng ama ko, at 'di sa Krotona, masayang Siyudad na lupa ni ina? disin ang buhay ko'y 'di lubhang nagdusa."
"Ang dukeng ama ko'y pribadong tanungan ng Haring Linceo sa anumang bagay; pangalawang puno sa sangkaharian, hilagyuang-tungo ng sugo ng bayan."
"Kung sa kabaita'y uliran ng lahat at sa katapanga'y pang-ulo sa s'yudad; walang kasindunong magmahal sa anak, umakay magturo sa gagawing dapat."
"Naririnig ko pa halos hanggang ngayon, palayaw na tawag ng ama kong poon, noong ako'y batang kinakandung-kandong, taguring "Floranteng bulaklak kong bugtong"."
"Ito ang ngalan ko mula pagkabata, nagisnan sa ama't inang nag-andukha; pamagat na ambil na lumuha-luha at kayakap-yakap ng madlang dalita."
"Buong kamusmusa'y 'di na sasalitin[11], walang may halagang nangyari sa akin, kundi nang sanggol pa'y kusang daragitin ng isang Buwitreng ibong sakdal sakim."
"Ang sabi ni ina ako'y natutulog sa bahay na kintang malapit sa bundok; pumasok ang ibong pang-amo'y ay abot hanggang tatlong legwas sa patay na hayop."
"Sa sinigaw-sigaw ng ina kong mutya, nasok[12] ang pinsang kong sa Epiro mula; ngala'y Menalipo — may taglay na pana — tinudla ang ibo't namatay na bigla."
"Isang araw namang bagong lumalakad, noo'y naglalaro sa gitna ng salas, may nasok na Arko't[13] biglang sinambilat Kupidong d'yamanteng sa dibdib ko'y hiyas."
"Nang tumuntong ako sa siyam na taon, palaging gawa ko'y mag-aliw sa burol; sakbat ang palaso't ang busog ay kalong, pumatay ng hayop, mamana ng ibon."
"Sa tuwing umagang bagong naglalatag ang anak ng araw[14] ng masayang sinag, naglilibang ako sa tabi ng gubat, madla ang kaakbay na mga alagad."
"Hanggang sa tingal-in ng sandaigdigan ang mukha ni Pebong hindi matitigan ay sinasagap ko ang kaligayahang handog niyong hindi maramot na parang."
|
Orihinal
Tugóng nang may dusa,i, "dî lamang ang mulâ niyaring dálita co ang isasalita, cundi sampong búhay sapól pagcabata, nang maganapán co ang hin͠gî mo,t, nasà.
Nupóng nag-agapay sa punò nang cahoy ang may daláng habág at lipus lingatong sacá sinalitang, lúha,i, bumabalong boong naguing búhay hangang naparool.
"Sa isang Ducado nang Albaniang Ciudad, doon co naquita ang unang liuanag, yaring catauha,i, utang cong tinangap sa Duque Briseo ¡ay amá cong liyag!
N͠gayóng nariyang ca sa payápang bayan sa haráp n͠g aquing ináng minamahal Princesa Florescang esposa mong hirang tangáp ang lúhà cong sa matá,i, hunucál.
¿Baquit naguing tauo acó sa Albania bayan n͠g amá co at di sa Crotona, masayáng Ciudad na lúpa ni iná? disin ang búhay co,i, di lubháng nag dusa.
Ang Duqueng amá co,i, privadong tanungàn n͠g Haring Linceo sa anomang bagay, pan͠galauáng púno n͠g sangcaharían, hilaga-ang tungo n͠g súyo n͠g bayan.
Cong sa cabaita,i, ulirán n͠g lahát at sa catapanga,i, pang-úlo sa Ciudad, ualáng casingdúnong mag mahal sa anác, umacay, magturo sa gagauing dapat.
Naririn͠gig copa halos hangan n͠gayón malayao na tauag n͠g amá cong poon, niyaóng acó,i, bátang quinacandóng-candóng, taguríng Floranteng bulaclác cong bugtóng.
Itó ang n͠galan co, mulang pagcabata, naguisnán sa amá,t, ináng nag anducà, pamagát na ambil sa lumuhà-luhà, at cayacap-yacap n͠g màdlang dàlità.
Boong camusmusa,i, dî na sasalitín ualáng may halagáng nangyari sa quin, cundi nang sangól pa,i, cusang daraguitin ng isang Buitreng ibong sadyang saquim.
Ang sabi ni iná acó,i, natutulog sa bahay sa quintang malapit sa bundóc pumasoc ang ibong pang-amóy, ay abót hangang tatlóng leguas sa patáy na hayop.
Sa sinigao-sigao n͠g iná cong mutyà nasoc ang pinsán cong sa Epiro mulà
n͠gala,i, Monalipo may taglay na panà tinudlà ang ibo,i, namatáy na biglà.
Isang arao namang bagong lumalacad acó,i, naglalaró sa guitnâ n͠g salas, may nasoc na Arco,t, bigláng sinambilat Cupidong diamanteng sa dibdib co,i, hiyas.
Nang tumuntóng acó sa siyam na taón, palaguing gauâ co,i, mag aliu sa buról sacbát ang palaso,t, ang búsog ay cálong pumatay ng hayop, mamána ng ibon.
Sa touing umagang bagong naglalatag ang anác n͠g arao, n͠g masayang siñag, naglilibang acó sa tabi n͠g gubat mad-lâ ang ca-acbay na m͠ga alagad.
Hangang sa tingalín n͠g sangaigdigan ang muchâ ni Febong hindî matitigan ay sinasagap co ang caligayahang handóg niyaóng hindî maramot na parang.
|