Florante at Laura/Kabanata 12/Paliwanag
←Habag sa Moro ←Paliwanag |
Paglingap ng Persyano (Paliwanag) |
Uliran→ Paliwanag→ |
Tapos nang mag-usap sina Aladin at Florante, at lumubog na ang araw; tandaang ang araw ay lumulubog pa lamang noong siya ay iniligtas ni Aladin kanina sa Kabanata 10. Idinala at ipinahiga ni Aladin si Florante sa una niyang pinuntahan noong napadpad siya sa gubat, isang malapad at malinis na bato. Matapos niyon, pinakain niya ng baon niya si Florante; ito ay ginawa niya sa pang-aaliw kay Floranteng kumain dahil siya ay tumatangging kumain noong una.
Nang natapos na ang lahat ng ito, dahil gabi na at pagod si Florante, natulog na si Florante sa sinapupunan ni Aladin; ngunit hindi natulog si Aladin sa buong magdamag upang makatiyak na walang mga hayop na mananalanta sa kanila. Si Florante naman, kapag nagigising, ay naghihimutok.
Malapit na ang pagsikat ng araw, at kahit isang himutok ay walang nagmula kay Aladin. Si Florante naman ay nabalikan na ng lakas, na ipinagpasalamatan niya sa Diyos noong sumikat na ang araw. Ang pagbabalik-lakas na ito ay lubhang ikinatuwa ni Aladin, na sa tuwa ay inakap niya si Florante, at napaluha sa galak. Nagpasalamat naman nang lubos si Floranteng ngayon ay masaya na; na sa sobrang pasasalamat, maging si Francisco Balagtas, ang may-akda ng awit, ay hindi makapagsaysay.
Ngunit agad nagtapos ang saya ni Florante nang naalala niya ang ikinarurusa niyang pagsinta kay Laura. Sa pag-aalala, itinanong ni Aladin ang problema ni Floranteng, ayon sa kanya, ay kung mayroong daan ay bibigyanlunas.