Kasalukuyan
Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak, gerero'y hindi na napigil ang habag; tinunton ang boses at siyang hinanap, patalim ang siyang nagbukas ng landas.
Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik, sa dagok ng lubhang matalas sa kalis; Moro'y 'di tumugo't hanggang 'di nasapit ang binubukalan ng maraming tangis.
Anyong pantay-mata ang lagak ng araw niyong pagkatungo sa kalulunuran;[1] siyang pagkatalos sa kinalalagyan nitong nagagapos na kahambal-hambal.
Nang malapit siya't abutin ng sulyap ang sa pagkatali'y linigid[2] ng hirap, nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas, katawan at puso'y nagapos ng habag.
Malaong natigil na 'di nakakibo hininga'y hinabol at biglang lumayo; matutulog disin sa habag ang dugo, kundangang nagbangis leong nangagtayo.
Naakay ng gutom at gawing manila, nag-uli sa ganid at nawalang-awa; handa na ang ngipi't kukong bagong hasa at pagsasabayan ang gapos ng iwa.
Tanang balahibo'y pinapangalisag, nanindig ang buntot na nakagugulat; sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab, Puryang nagngangalit ang siyang katulad.
Nagtaas ng kamay at nangakaakma sa katawang gapos ng kukong panira; nang darakmain na'y siyang pagsagasa niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.
Inusig ng taga ang dalawang leon, si Apolo mandin na sa Serp'yente Piton; walang bigong kilos na 'di nababaon ang lubhang bayaning tabak na pamutol.
Kung ipamilantik ang kanang pamatay[3] at saka isalag ang pang-adyang kamay[4], maliliksing leon ay nangalilinlang, kaya 'di nalao'y nangagumong bangkay.
Nang magtagumpay na ang gererong bantog sa nangakalabang mabangis na hayop, luha'y tumutulong kinalag ang gapos ng kaawa-awang iniwan ang loob.
Halos nabibihay sa habag ang dibdib, dugo'y nang matingnang nunukal[5] sa gitgit; sa pagkalag niyang maliksi't nainip sa siga-sigalot na madlang bilibid.
Kaya ang ginawa'y inagapayanan, katawang malatang parang bangkay, at minsang pinatid[6] ng espadang tangan, walang awang lubid na lubhang matibay.
Umupo't kinalong na naghihimutok, katawang sa dusa hininga'y natulog; hinaplos ang mukha't dibdib ay tinutop, nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.
Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay, ng kaniyang kalong na kalumbay-lumbay, nininilay niya at pinagtatakhan ang dikit[7] ng kiyas at kinasapitan.
Namamangha naman ang magandang kiyas, kasing-isa't ayon sa bayaning tikas; mawiwiwli disin ang iminamalas na mata, kundangan sa malaking habag.
Gulung-gulong lubha ang kanyang loob, ngunit napayapa nang anyong kumilos itong abang kandong na kalunos-lunos, nagising ang buhay na nakakatulog.
|
Orihinal
Sa tinaghoy-taghóy na casindac-sindác, guerrero,i, hindî na napiguil ang habág, tinuntón ang voses at siyang hinanap, patalim ang siyang nagbucás n͠g landás.
Dauag na masinsi,i, naglagui-laguitic sa dágoc n͠g lubháng matalas na cáliz, moro,i, dî tumugot hangang dî nasapit ang binubucalán ng maraming tan͠gis.
Anyóng pantay-matá ang lagay n͠g arao niyóng pagcatun͠go sa calulunuran siyang pagcataos sa quinalalag-yan nitóng nagagapus na cahambalhambál.
Nang malapit siya,t, abutin ng suliáp ang sa pagcatali,i, liniguid n͠g hirap, naualán n͠g diua,t, lúha,i, lumagaslás, catao-án at púso,i, nagapus ng habág.
Malaong natiguil na dî nacaquibô hinin͠ga,i, hinabol na ibig lumayò, matutulog disin sa habág ang dugô, cundan͠gan nagbangís Leong nan͠gag-tayô.
Na-acay n͠g gútom at gauing manilâ, ang-ulî sa ganid at naualâng aua, handâ na ang n͠gipi,t, cucong bagong hasa at pagsasabayán ang gapós n͠g iuâ.
Tanang balahibo,i, pinapan͠galisag, nanindig ang buntót na nacagugulat sa ban͠gis n͠g anyô at n͠ginasáb-n͠gasáb, Furiang nag n͠gan͠galit ang siyang catulad.
Nag taás ang camáy, at nanga caamâ sa cato-ang gapá ang cucóng pangsirâ, nang daracmain na,i, siyang pagsagásâ niyaóng bagong Marteng lumitao sa lúpâ.
Inusig n͠g tagâ ang dalauang León, si Apolo mandin sa Serpiente Piton, ualang bigóng quilós na dî nababaón ang lubháng bayaning tabác na pamutol.
Cong ipamilantíc ang canang pamatáy, at sacá isalág ang pang-adyáng camáy, malilicsing León ay nanga lilinláng cayâ dî nalao,i, nan͠ga-gumong bangcay.
Nang magtagumpay na ang guerrerong bantóg sa nan͠ga-calabang maban͠gis na hayop, lúha,i, tumutulong quinalag ang gápus ng ca-aua-auang iniuan ang loob.
Halos nabibihay sa habág ang dibdib dugó,i, ng matingnang nunucal sa guitguít, sa pagcalág niyang malicsí,i, nainíp sa siga-sigalót na madláng bilibid.
Cayâ ang guinaua,i, inagapayanan catauang malatáng parang bagong bangcáy at minsang pinatid n͠g espadang tan͠gan ualang auang lubid na lubháng matibay.
Umupo,t, quinalong na naghihimutoc, catauan sa dusa hinin͠ga,i, natulog, hinaplus ang muc-ha,t, dibdib ay tinutóp, násà ng gueerro,i, pagsauláng loob.
Doon sa pagtitig sa pagcálun͠gay-n͠gay n͠g caniyang cálong na calumbay-lumbay, nininilay niya, at pinagtatao-hán ang diquit n͠g quias at quinasapitan.
Namamanghâ namán ang magandang quias casing-isa,t, ayon sa bayaning ticas, mauiuili disin ang iminamamalas, na matá, cundan͠gan sa malaquíng habág.
Gulong-gulóng lubha ang caniyang loob, n͠guni,t, napayapà n͠g anyong cumilos itóng abáng candong ng calunos-lunos nagusing ang búhay na nacacátulog.
|