Kasalukuyan
'di pa natatapos itong pangungusap, may dalawang leong hangos ng paglakad; siya'y tinutungo't pagsil-in ang hangad, ngunit nangatigil pagdating sa harap.
Nangaawa mandi't nawalan ng bangis sa abang sisil-ing larawan ng sakit; nangakatingala't parang nakikinig sa 'di lumilikat na tinangis-tangis.
Anong loob kaya nitong nagagapos, ngayong nasa harap ng dalawang hayop, na ang balang ngipi't kuko'y naghahandog? Isang kamatayang kakila-kilabot![1]
'di ko na masabi't luha ko'y nanatak[2], nauumid yaring dilang nangungusap; puso ko'y nanlambot sa malaking habag, sa kaawa-awang kinubkob ng hirap.
Sinong 'di mahapis na may karamdaman sa lagay ng gapos na kalumbay-lumbay; lipos ng pighati saka tinutunghan, sa laman at buto niya ang hihimay!
Katiwala na nga itong tigib-sakit na ang buhay niya'y tuntong na sa guhit; nilagnat ang puso't nasira ang boses, 'di na mawatasan halos itong hibik.
"Paalam, Albanyang pinamamayanan ng kasam-a't lupit, bangis, kaliluhan, akong tanggulan[3] mo'y mang pinatay, sa iyo'y malaki ang panghihinayang."[4]
"Sa loob mo nawa'y huwag mamilantik ang panirang talim ng katalong kalis, magkaespada kang para nang binitbit niring kinuta mong kanang matangkilik[5]."
"Kinasuklaman mo ang ipinangako — sa iyo'y gugulin niniyak[6] kong dugo; at inibig mo pang hayop ang magbubo sa kung itanggol ka'y maubos tumulo."
"Pagkabata ko na'y walang inadhika kundi paglilingkod sa iyo't kalinga; 'di makailan kang babal-ing masira, ang mga kamay ko'y siyang tumimawa."
"Dustang kamatayan ang bihis mong bayad: dapuwa't sa iyo'y magpapasalamat, kung pakamahali't huwag ipahamak ang tinatangisang giliw na nagsukab."
"Yaong aking Laurang hindi mapapaknit ng kamatayan man sa tapat kong dibdib paalam, Bayan[7] ko, paalam na ibig[8], magdarayang[9] sintang 'di manaw[10] sa isip!"
"Bayang walang loob, sintang alibugha, Adolfong malupit, Laurang magdaraya, magdiwang na ngayo't manulos sa tuwa at masusunod na sa akin ang nasa."
"Nasa harap ko na ang lalong marawal, mabangis na lubhang lahing kamatayan; malulubos na nga ang iyong kasam-an, gayundin ang aking kaalipustaan."
"Sa abang-aba ko! Diyata, o Laura ... mamatay ako'y hindi mo na sinta! Ito ang mapait sa lahat ng dusa; sa'kin ay sino ang mag-aalaala!"
"Diyata't ang aking pagkapanganyaya[11], 'di mo tatapunan ng kamunting luha! Kung yaring buhay ko'y mahimbing sa wala, 'di babahagian ng munting gunita!"
"Guniguning ito'y lubhang makamandag, agos na, lha ko't puso'y maagnas; tulo kaluluwa't sa mata'y pumulas, kayo aking dugo'y mag-unahang matak[12]."
"Nang matumbasan ko ng luha, ang sakit nitong pagkalimot ng tunay kong ibig, huwag yaring buhay ang siyang itangis kundi ang pagsintang lubos na naamis."
|
Orihinal
Dîpa natatapos itóng pan͠gun͠gusap may dalauang Leóng han͠gós ng paglacad, siya,i, tinuton͠go,t, pagsil-in ang han͠gad; n͠guni,t, nan͠ga tiguil pag datíng sa haráp.
Nan͠ga-auâ mandi,t, naualán n͠g ban͠gis sa abáng sisil-ing larauan ng sáquit, nan͠ga-catingala,t, parang naquinyig sa dî lumilicat na tin͠gistan͠gis.
¡Anóng loob cayâ nitóng nagagapus, n͠gayóng na sa haráp ang dalauáng hayóp, na ang balang n͠gipí,t, cucó,i, naghahandóg isang camatayang caquila-quilabot!
Dî co na masabi,t, lúhà co,i, nanatác, na-uumid yaring dilang nan͠gun͠gusap, pusò co,i, nanglalambot sa malaquing habág sa ca-aua-auang quinucob ng hirap.
¡Sinong dî mahapis na may caramdaman sa lagay ng gapús na calumbay-lumbay, lipus n͠g pighati sacá tinutunghán, sa lamán at butó niya, ang hihimáy!
Catiualâ na n͠gâ itóng tiguib sáquit na ang búhay niya,i, tungtóng na sa guhit, linagnát ang pusò,t, nasirâ ang voses, dína mauatasan halos itóng hibic.
"Paalam Albaniang pinamamayanan n͠g casama,t, lupit, han͠gis caliluhan, acóng tangulan mo,i, cusa mang pinatay, sa iyó,i, malaquí ang panghihinayang.
Sa loob mo naua,i, houag mamilantic ang panirang talím n͠g catalong caliz; magcá espada cang para ng binitbit niyaring quinuta mong canang matang-quilic.
Quinasuclamán mo ang ipinan͠gacò sa iyó,i, gugulin niniyac cong dugò at inibig mopang hayop ang mag bubò, sa cong itangól ca,i, maubos tumúlo.
Pagcabatà cona,i, ualáng inadhicà cundî pag-lilincod sa iyó,t, calin͠gà ¿dî maca-iláng cang babaling masirá ang mga camáy co,i, siyang tumimauà?
Dustáng camatayan ang bihis mong bayad; dapoua,t, sa iyo,i, mag papasalamat, cong pacamahali,t, houag ipahamac ang tinatan͠gisang guiliu na nagsucáb.
Yaóng aquing Laurang hindi mapapacnít n͠g camatayan man sa tapát cong dibdib; ¡ipa-alam bayan co, pa-alam na ibig, magdarayang sintang di manao sa ísip!
Bayang ualáng loob, sintáng alibughâ, Adolfong malapit, Laurang magdarayâ, magdiuang na n͠gayo,t, manulos sa touâ, at masusunod na sa aquin ang násà.
Na sa harap co na ang lalong maraual, mabin͠gís na lubháng lahing camatayan malulubos nan͠ga ang inyóng casamán, gayon din ang aquing aalipustaán.
¡Sa abáng-abá co! diatâ ó Laura mamamatáy aco,i, hindî mo na sintá! itó ang mapait sa lahat nang dusa, ¡Sa quin ay sino ang mag-aala-ala!
Diyata,t, ang aquing pagca-panganyáya dî mo tatapunang ng camunting lúhà, cong yaring búhay co,i, mahimbíng sa ualà dî babahaguinan n͠g munting gunitâ!
Guni-guning itó,i, lubháng macamandág ágos na lúhà co,t, púsò co,i, ma-agnás, túlò caloloua,t, sa mata,i, pumulàs, cayóaquing dugo,i, mag-unahang matác.
Nang matumbasan co ang lúhà, ang sáquit nitóng pagcalimot n͠g tunay cong ibig; houag yaring buháy ang siyang itan͠gis cundî ang pagsintang lubós na na-amis.
|