Kasalukuyan
Sa pagkalungayngay mata'y idinilat, himutok ang unang bati sa liwanag; sinundan ng taghoy na kahabag-habag; "Nasaan ka, Laura, sa ganitong hirap?"
"Halina, giliw ko't gapos ko'y kalagin, kung mamatay ako'y gunitain mo rin;" pumikit na muli't napatid ang daing, sa may kandong naman takot na sagutin.
Ipinanganganib ay baka mabigla, magpatuloy mapatid hiningang mahina; hinintay na lubos niyang mapayapa ang loob ng kandong na lipos-dalita.
Nang muling mamulat ay nagitlahanan, "Sino? Sa aba ko't nasa Morong kamay!" Ibig na iigtad ang lunong katawan, nang hindi mangyari'y nagngalit na lamang.
Sagot ng gerero'y "Huwag kang manganib, sumapayapa ka't mag-aliw ng dibdib; ngayo'y ligtas ka na sa lahat ng sakit, may kalong sa iyo ang nagtatangkilik."
"Kung nasusuklam ka sa aking kandungan lason sa puso mo ang hindi binyagan; nakukutya akong 'di ka saklolohan sa iyong nasapit na napakarawal."
"Ipinahayag ng pananmit[1] mo, taga-Albanya ka at ako'y Persiyano; ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko, sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo."
"Moro ako'y lubos na taong may dibdib at nasasaklaw rin ng utos ng Langit[2]; dini sa puso ko'y kusang natititik — natural na ley-ing sa aba'y mahapis."
"Anong gagawin ko'y aking napakinggan ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay, gapos na nakita't pamumutiwanan ng dalawang ganid, ng bangis na tangan."
Nagbuntung-hininga itong abang kalong at sa umaaliw na Moro'y tumugon, "Kundi mo kinalag sa puno ng kahoy, nalibing na ako sa tiyan ng leon."
"Payapa na naman disin yaring dibdib, napagkikilalang kaaway kang labis; at 'di binayaang nagkapatid-patid ang aking hiningang kamataya't sakit."
"Itong iyong awa'y 'di ko hinahangad, patayin mo ako'y siyang pitang habag; 'di mo tanto yaring binabtang hirap, na ang kamatayan ang buhay kong hanap."
Dito napahiyaw sa malaking hapis ang Morong may awa't luha'y tumagistis; siyang itinugon sa wikang narinig, at sa panlulumo'y kusang napahilig.
|
Orihinal
Sa pagcalun͠gay-n͠gay matá,i, idinilat, himutóc ang unang bati sa liuanag, sinundan n͠g taghoy na cahabaghabág "nasaan ca Laura sa ganitong hirap?
Halina guiliu co,t, gapus co,i, calaguín, cong mamatáy acó,i, gunitain mo rin, pumiquít na muli,t, napatid ang daing, sa may candóng namang tacot na sagutin.
Ipina-n͠gan͠ganib, ay bacá mabiglâ magtuloy mapatid hiningang mahinâ hinintáy na lubós niyang mapayapá ang loob n͠g candóng na lipus dálità.
Nang muling mamulat ay naguiclahanan "¿sino? ¡Sa aba co,t, na sa morong camay!" ibig na i-igtád ang lunóng catao-án, nang hindî mangyari,i, nag-ngalit na lamang.
Sagót n͠g guerrero,i, houag na man͠ganib sumapayapaca,t, mag aliu n͠g dibdib n͠gayo,i, ligtas cana sa lahát nang sáquit may cálong sa iyo ang nagtatangquilic.
Cung nasusuclám ca sa aquing candun͠gan, lason sa púso mo nang hindi binyagan, nacucut-ya acóng dí ca saclolohan sa iyong nasapit na napacarauál.
Ipina-hahayág n͠g pananamít mo tagá Albania ca at aco,i, Perciano icao ay caauay n͠g baya,t, secta co, sa lagay mo n͠gayo,i, magcatoto tayo.
Moro aco,i, lubós na táong may dibdib, ay nasasacalo rin ng útos ng Lan͠git, dini sa púso co,i, cusang natititic natural na leyng sa abá,i, mahapis.
Anong gagauín co,i, aquing napaquingán ang iyong pagtaghoy na calumbay-lumbay, gapús na naquita,t, pamu-mutiuanan ng dalauáng gánid, n͠g bangís na tangan.
Nagbuntóng hini͠gá itong abáng calong at sa umaaliu na moro,i, tumugón, "cundîmo quinalág sa punu n͠g cahoy, nalibíng na acó sa tiyán n͠g León.
Payapa na namán disin yaring dibdib; napag-quiquilalang ca-auay cang labis at dî binaya-ang nagca-patid-patid, ang aquing hinin͠gáng camataya,t, saquit.
Itóng iyóng aua,i, dî co hinahan͠gád, pataín mo acó,i, siyang pitang habág, dimo tantô yaring binabatáng hirap na ang camatayan ang búhay cong hanap.
Dito napahiyao sa malaquing hapis ang morong may áua,t, lúha,i, tumaguistís, siyang itinugón sa uicang narin͠gig at sa panglolomo,i, cusang napahilig.
|