Kasalukuyan
Anupa nga't yaong gubat na malungkot, sa apat ay naging paraiso'y lugod; makailang hintong kanilang malimot na may hininga pang sukat na malagot[1].
Sigabo ng tuwa'y unang dumalang-dalang, dininig ng tatlo kay Laurang buhay; nasapit sa reyno mula nang pumanaw ang sintang naggubat, ganito ang saysay:
"'di lubhang nalaon noong pag-alis mo[2], o sintang Florante sa Albanyang Reyno, narinig sa baya'y isang piping gulo na umalingawngaw hanggang sa palasyo."[3]
"Ngunit 'di mangyaring mawatasan-watasan ang bakit at hulo ng bulung-bulungan; parang isang sakit na 'di mahulaan ng medikong pantas ang dahil at saan."
"'di kaginsa-ginsa, palasyo'y nakubkob ng magulong baya't baluting soldados; (o, araw na lubhang kakilakilabot! Araw na isinumpa ng galit ng Diyos!)[4]"
"Sigawang malakas niyong bayang gulo: "Mamatay, mamatay ang Haring Linceo na nagmunakalang gutumin ang reyno't lagyan ng estangke ang kakani't trigo."
"Ito'y kay Adolfong kagagawang lahat at nang magkagulo yaong bayang bulag; sa ngalan ng hari ay isinambulat gayong ordeng mula sa dibdib ng sukab[5]."
"Noon di'y hinugot sa tronong luklukan ang ama kong hari at pinapugutan; may matuwid bagang makapanlumay sa sukab na puso't nagugulong bayan?"
"Sa araw ring yao'y maputlan ng ulo ang tapat na loob ng mga konseho; at hindi pumurol ang tabak ng lilo hanggang may mabait na mahal sa reyno."
"Umakyat sa trono ang kondeng malupit at pinagbalaan ako nang mahigpit, na kung 'di tumanggap sa haing pag-ibig, dustang kamataya'y aking masasapit."
"Sa pagnanasa kong siya'y magantihan at sulatan kita sa Etolyang Bayan, pinilit ang pusong huwag ipamalay sa lilo[6] — ang aking kaayawa't suklam."
"Limang buwang singkad ang hininging taning ang kaniyang sinta't bago ko tanggapin; ngunit ipinasyang tunay sa panimdim ang pagpatiwakal kundi ka rumating."
"Niyari ang sulat at ibinigay ko sa tapat na lingkod, nang dalhin sa iyo; 'di nag-isang buwa'y siyang pagdating mo't nahulog sa kamay ni Adolfong lilo."
"Sa takot sa iyo niyong palamara[7] kung ika'y magbalik na may hukbong dala, nang mag-isang muwi[8] ay pinadalhan ka ng may selyong sulat at sa haring pirma."
"Matanto ko ito'y sa malaking lumbay gayak na ang puso na magpatiwakal ay siyang pagdating ni Menandro naman kunubkob ng hukbo ang Albanyang Bayan."
"Sa banta ko'y siyang tantong nakatanggap ng sa iyo'y aking padalang kalatas, kaya't nang dumating sa Albanyang S'yudad[9], lobong nagugutom ang kahalintulad."
"Nang walang magawa ang Konde Adolfo ay kusang tumawag ng kapuwa lilo; dumating ang gabi umalis sa reyno at ako'y dinalang gapos sa kabayo."
"Kapag dating dito ako'y dinarahas at ibig ilugso ang puri kong ingat[10]; pana'y isang tunod na kung saan buhat, pumako sa dibdib ni Adolfong sukab."
Sagot ni Flerida: "Nang dito'y sumapit ay may napakinggang binibining boses na pakiramdam ko[11]'y binibigyang-sakit, nahambal ang aking mahabaging dibdib."
"Nang paghanapin ko'y ikaw ang natalos, pinipilit niyong taong balakiyot; hindi ko nabata't bininit sa busog ang isang palasong sa lilo'y tumapos ..."
|
Orihinal
Ano pa n͠gayaóng gúbat na malungcót sa apat, ay naguíng Paraiso,t, lugód, macailang hintóng caniláng malimot, na may hinin͠gá pang súcat na malagót.
Sigabó ng toua,i, n͠g dumalang dalang dinin͠gig n͠g tat-lo cay Laurang búhay, nasapit sa Reino mula ng pumanao ang sintang nag gúbat: ganitó ang saysay.
"Di lub-háng nalaon niyaóng pag alismo ó sintáng Florante sa Albaniang Reino! naringig sa baya,i, isang píping guló na umalin͠gaon͠gao hangáng sa Palacio.
N͠guni,t, dî mangyaring mauatasuatasan ang báquit, at húlo ng bulongbulon͠gan parang isang saquít na di mahulaan ng médicong pantás, ang dahil; at saan.
Dî caguinságuinsá Palacio,i, nacubcób n͠g magulóng baya,t, baluting soldados ¡o arao nalubháng caquiquilabot! ¡arao na sinumpa n͠g galit n͠g Dios!
Sigauang malacás niyaóng bayang guló, mamatáy mamatáy ang háring Linceo na nagmunacalang gutumin ang Reino,t, lag-yan nang Estanque ang cacani,t, trigo.
Ito,i, cay Adolfong cagagauáng lahat, at n͠g magcaguló yaóng bayang bulág sa n͠galan ng Hari ay isinambulat gayóng órdeng mula sa dibdib n͠g sucáb,
Noón di,i, hinugot sa tronong luc-lucan ang Amá cong Hari at pinapugutan ¿may matouíd bagáng macapang-lulumay sa sucáb na puso,t, nagugulóng bayan?
Sa arao ring yao,i, naput-lán ng ulo ang tapát na loob n͠g m͠ga consejo at hindî pumuról ang tabác na lilo hangang may mabait na mahal sa Reino.
Umacyát sa trono ang Condeng malupít, at pinagbalaan acó n͠g mahigpít, na cong dî tumangáp sa haying pag-ibig dustáng camataya,i, aquing masasapit.
Sa pagnanasa cong siya,i, magantihán, at sulatan quitá sa Etoliang bayan, pinilit ang púsong houag ipamalay sa lilo, ang aquing ca-ayaua,t, suclám.
Limáng bouang singcád ang hin͠ging taning ang caniyáng sinta,i, bago co tangapín; n͠guni,t, pinasiyáng túnay sa panimdím, ang mag patiuacál cundî ca dumatíng.
Niyari ang sulat at ibinigáy co sa tapát na lingcód, n͠g dalhín sa iyó; dî nag-isang bua,i, siyáng pagdatíng mo,t, nahulog sa camáy ni Adolfong lilo.
Sa tacot sa iyó niyaóng palamara cong acó,i, magbalíc na may hocbóng dalá n͠g mag-isáng moui ay pinadalhánca n͠g may Sellong súlat at sa Haring firma.
Matanto co ito,i, sa malaquíng lumbay gayác na ang puso na mag-patiuacál ay siyáng pagdating ni Minandro namán quinubcób n͠g hocbó ang Albaniang bayan.
Sa banta co,i, siyang tantóng nacatangáp ng sa iyo,i, aquing padaláng calatas caya,t, n͠g dumating sa Albaniang Ciudad, Lobong nagugutom ang cahalintulad.
Nang ualáng magauá ang Conde Adolfo ay cúsang tumauag n͠g capoua lilo dumatíng ang gabí umalís sa Reino at aco,i, dinalang gapús sa cabayo.
Capagdatíng dito aco,i, dinadahás at ibig ilugsó ang puri cong ingat, mana,i, isang túnod na cong saán búhat pumáco sa dibdib ni Adolfong sucáb...."
Sagót ni Flerida "nang dito,i, sumapit ay may napaquingang binibining voses na paquiramdám co,i, binibig-yáng sáquit nahambál ang aquing mahabaguíng dibdib.
Nang paghanaping co,i, icáo ang nataós pinipilit niyaóng táuong balaquiót, hindi co nabata,t, bininit sa búsog ang isang palasóng sa lilo,i, tumapos..."
|