Kasalukuyan
"'di nag-ilang buwan ang sa reynong tuwa at pasasalamat sa pagkatimawa, dumating ang isang hukbong maninira ng tagaTurkiyang masakim na lubha."
"Dito ang panganib at pag-iiyakan ng bagong nahugot sa dalitang bayan, lalo na si Laura't ang kapangambahan ang ako ay sam-ing palad sa patayan."
"Sapagkat heneral akong inatas ng hari sa hukbong sa Moro'y lalabas; nag-uli ang loob ng bayang nasindak puso ni Adolfo'y parang nakamandag."
"Niloob ng Langit[1] na aking masupil ang hukbo ng bantog na si Miramolin; siyang mulang araw na ikinalagim sa Reynong Albanya ng Turkong masakim."
"Bukod dito'y madlang digma ng kaaway ang sunud-sunod kong pinagtagumpayan; anupa't sa aking kalis na matapang, labimpitong hari ang nangagsigalang."
"Isang araw akong bagong nagbiktorya sa Etolyang S'yudad na kusang binaka, tumanggap ng sulat ng aking monarka, mahigpit na biling umuwi sa Albanya."
"At ang paninihala sa dala kong hukbo, ipagkatiwalang iwan kay Menandro; noon di'y tumulak sa Etolyang Reyno, pagsunod sa hari't Albanya'y tinungo/"
"Nang dumating ako'y gabing kadiliman, pumasok sa reynong walang agam-agam; pagdaka'y nakubkob[2] ... (Laking kaliluhan)[3] ng may tatlumpung libong sandatahan."
"'di binigyang-daang akin pang mabunot ang sakbat na kalis at makapamook; buong katawan ko'y binidbid ng gapos, piniit sa karsel na katakut-takot."
"Sabihin ang aking pamamahangha't lumbay, lalo nang matantong monarka'y pinatay ng Konde Adolfo't kusang idinamay ang ama kong irog na mapagpalayaw[4]."
"Ang nasang yumama't haring mapatanyag at uhaw sa aking dugo ang yumakag sa puso ng Konde sa gawang magsukab ... (O, napakarawal na Albanyang S'yudad[5]!)"
"(Mahigpit kang aba sa mapagpunuan ng hangal na puno at masamang asal, sapagkat ang haring may hangad sa yaman ay mariing hampas ng Langit sa bayan.)"
"Ako'y lalong aba't dinaya ng ibig, may kahirapan pang para ng marinig na ang prinsesa ko'y nangakong mahigpit pakasal sa Konde Adolfong balawis?"
"Ito ang nagkalat ng lasong masidhi sa ugat ng kaing pusong mapighati at pinagnasaang buhay ko'y madali sa pinanggalingang wala'y masauli."
"Sa pagkabilanggong labingwalong araw, naiinip ako sa 'di pagkamatay; gabi nang hangui't ipinagtuluyan sa gubat na ito'y kusang ipinugal."
"Bilang makalawang maligid ni Pebo ang sandaigdigan sa pagkagapos ko, nang inaakalang nasa ibang mundo, imulat ang mata'y nasa kandungan mo[6]."
"Ito ang buhay kong silu-silong sakit at hindi pa tanto ang huling sasapit ..."[7] Mahahabang salita ay dito napatid, ang gerero[8] naman ang siyang nagsulit.
|
Orihinal
Di nag iláng buan ang sa Reinong touà at pasasalamat sa pagca-timua, dumating ang isang hucbong maninira nang taga Turquiang masaquím na lubha.
Dito ang pan͠ganib at pag-iiyacan nang bagong nahugot sa dálitang bayan lalo na si Laura,t, ang capan͠gambahán ang acó ay samíng pálad sa patayan.
Sa pagca,t, general acóng ini-átas nang Harî sa hocbóng sa moro,i, lalabás nag-uli ang loob nang bayang nasindác, púsò ni Adolfo,i, parang nacamandág.
Linoob nang Lan͠git na aquing nasúpil ang hocbó nang bantóg na si Miramolín siyang mulang arao na iquinalaguím sa reinong Albania, nang turcong masaquím.
Bucód dito,i, madláng digmâ nang ca-auay ang sunód-sunód cong pinag-tagumpayán ano pa,t, sa aquing cáliz na matapang labing-pitóng hari ang nan͠gag-sigalang.
Isang arao acóng bagong nagvictoria sa Etoliang Ciudad na cúsang binaca tumangáp ng súlat n͠g aquing Monarca mahigpít na biling moui sa Albania.
At ang panihála sa dalá cong hocbó ipinagtiualang iuan cay Minandro; noón di,i, tumulac sa Etoliang Reino, pagsunód sa Hari,t, Albania,i, tinun͠go.
Nang dumatíng aco,i, gabíng cadilimán pumasoc sa Reinong ualáng agam-agam pagdaca,i, quinubcob ¡laquíng caliluhan! na may tatlóng-pauong libong sandatahán.
Di binig-yang daang aquing pang mabunot ang sacbát na cáliz at maca-pamoóc boong catauán co,i, binidbíd ng gápos piniit sa cárcel na catacot-tacot.
Sabihin ang aquing pamamangha,t, lumbáy lálo nang matantóng Monarca,i, pinatáy n͠g Conde Adolfo cúsang idinamay, ang Amá cong irog na mapagpalayao.
Ang násang yumama,t, háring mapataniág, at uháo sa aquing dugô, ang yumacag, sa púso ng Conde, sa gauáng magsucáb ¡o napacarauál na Albaniang Ciudad!
Mahigpit cang abá sa mapag-punuán n͠g han͠gal na púnò at masamáng ásal, sa pagca,t, ang Haring may han͠gad sa yaman ay mariing hampás nang Lan͠git, sa bayan.
Aco,i, lálong abá,t, dinayà n͠g ibig, ¿may cahirapan pang para n͠g marin͠gig, na ang princesa co,i, nangacong mahigpit pacasál sa Conde Adolfong balauis?
Itó ang nagcalat n͠g lásong masid-hi sa ugát ng aquing púsong mapighatí, at pinag-nasaang búhay co,i, madalí sa pinangalin͠gang uala,i, magsaulí.
Sa pagcabilangóng labing-ualóng arao na iiníp acó n͠g di pagcamatáy, gabí n͠g hangoi,t, ipinagtuluyan sa gúba,t, na ito,t, cúsang ipinugal.
Bilang macalauang maliguid ni Febo ang sangdaigdigan sa pagca-gapus co, ng ina-acalang na sa ibang Mundó imulat ang matá,i, na sa candungan mo.
Itó ang búhay cong silo-silong sáquit at hindi pa tantô ang huling sasapit" mahabang salitá, ay dito napatíd, ang guerrero naman ang siyang nagsulit.
|