Noli Me Tangere/Kabanata 18
←Kabanata 17: Basilio ←Paliwanag |
Kabanata 18: Mga Kaluluwang Naghihirap Paliwanag |
Kabanata 19: Mga Kapalaran ng Isang Guro→ Paliwanag→ |
Teksto
Mga Kaluluwang Naghihirap |
Mga Calolowang Naghihirap Magcacaroon na ng̃ icapitong horas ng̃ umaga ng̃ matapos ni Fr. Salví ang canyang catapusáng misa: guinawà niyá ang tatlóng misa sa loob ng̃ isáng oras. —May sakít ang párì—anang madadasaling mg̃a babae; hindî gaya ng̃ dating mainam at mahinhín ang canyáng kílos. Naghubad ng̃ canyáng mg̃a suot na di umíimic, hindî tumiting̃in sa canino man, hindî bumabatì ng̃ cahi't anó. —¡Mag-ing̃at!—anáng bulungbulung̃an ng̃ mg̃a sacristan;—¡lumulúbhâ ang samâ ng̃ úlo! ¡Uulan ang mg̃a multa, at ang lahát ng̃ ito'y pawang casalanan ng̃ dalawáng magcapatíd! Umalís ang cura sa sacristía upang tumung̃o sa convento; sa sílong nitó'y nang̃acaupô sa bangcô ang pitó ó walóng mg̃a babae at isáng lalaking nagpapalacadlacad ng̃ paroo't parito. Nang makita niláng dumarating ang cura ay nang̃agtindigan; nagpauna sa pagsalubong ang isáng babae upang hagcán ang canyang camáy; ng̃uni't gumamit ang cura ng̃ isáng anyóng cayamután, caya't napahintô ang babae sa calaguitnaan ng̃ canyáng paglacad. —¿Nawalan yatà ng̃ sicapat si Curiput?—ang mariíng sabi ng̃ babae sa salitáng patuyâ, na nasactán sa gayóng pagcá tanggáp. ¡Huwag pahagcán sa canyá ang cama'y, sa gayóng siyá'y celadora ng̃ "Hermandad", gayóng siya'y si Hermana Rufa! Napacalabis namang totóo ang gayóng gawâ. —¡Hindî umupô ng̃ayóng umaga sa confesonario!—ang idinugtóng ni Hermana Sípa, isáng matandáng babaeng walâ ng̃ ng̃ipin;—ibig co sanang mang̃umpisal at ng̃ macapakinabang at ng̃ magcamit ng̃ ng̃a "indulgencia". —Cung gayo'y kinahahabagan co cayó!—ang sagót ng̃ isang babaeng batà pa't ma'y pagmumukhang tang̃a; nagcamít acó ng̃ayóng umaga ng̃ tatlóng indulgencia plenaria na aking ipinatungcól sa calolowa ng̃ aking asawa. —¡Masamang gawâ, hermana Juana!—ang sabì ng̃ nasactán ang loob na si Rufa.—Sucat na ang isang indulgencia plenaria upang mahang̃ò siya sa Purgatorìo; hindî dapat ninyóng sayang̃in ang mg̃a santa indulgencia; tumúlad cayó sa akin. —¡Lalong magalíng ang lalong marami: ang sabi co!—ang sagót ng̃ waláng málay na si hermana Juana, casabáy ang ng̃itî. Hindî agád sumagót si hermana Rufa: nanghing̃î muna ng̃ isáng hitsó, ng̃ináng̃à, minasdán ang nagcacabilog na sa canyá'y nakikinig ng̃ dî cawasà, lumurâ sa isáng tabí, at nagpasimulâ, samantalang ng̃umáng̃atâ ng̃ tabaco: —¡Hindî co sinasayang cahi't isáng santong araw! Nagcamít na acó, búhat ng̃ acó'y mapanig sa Hermandad, ng̃ apat na raa't limampo't pitóng mg̃a indulgencia plenaria, pitóng daá't anim na pong libo, limáng daa't siyám na po't walóng taóng mg̃a indulgencia. Aking itinátalâ ang lahát ng̃ aking mg̃a kinácamtan, sa pagca't ang ibig co'y malinis na salitaan; ayaw acóng mangdáyà, at hindî co rin ibig na acó'y dayâin. Tumiguil ng̃ pananalitâ si Rufa at ipinatuloy ang pagng̃uyâ; minámasdan siyá, ng̃ boong pagtatacá ng̃ mg̃a babae; ng̃uni't humintô sa pagpaparoo't parito ang lalaki, at nagsalitâ cay Rufa ng̃ may anyóng pagpapawalang halagá. —Datapuwa't nacahiguít acó sa inyó, hermana Rufa, ng̃ taóng itó lamang sa mg̃a kinamtan co, ng̃ apat na indulgencia plenaria at sangdaang taón pa; gayóng hindî lubhang nagdárasal acó ng̃ taóng itó. —¿Higuít cay sa ákin? ¿Mahiguít na anim na raa't walompo't siyám na plenaria, siyám na raa't siyám na po't apat na libo walóng daa't limampo't ánim na taón?—ang ulit ni hermana Rufang wari'y masamâ ng̃ cauntî ang loob. —Gayón ng̃â, walóng plenaria at sangdaa't labing limáng taón ang aking cahiguitán, at itó'y sa íilang buwán lamang—ang inulit ng̃ lalaking sa líig ay may sabit na mg̃a escapulario at mg̃a cuintas na punô ng̃ libág. —¡Hindî dapat pagtakhan—ani Rufang napatalo na;—cayó pô ang maestro at ang púnò sa lalawigan! Ng̃uming̃itî ang lalaking lumakí ang loob. —Hindî ng̃â dapat ipagtacáng acó'y macahiguít sa inyó ng̃ pagcacamit; halos masasabi cong cahi't natutulog ay nagcácamit acó ng̃ mg̃a índulgencia. —¿At anó pô bâ ang guinágawâ ninyó sa mg̃a indulgenciang iyán?—ang tanóng na sabáysabáy ng̃ apat ó limáng voces. —¡Psh!—ang sagót ng̃ lalaking umanyô ng̃ labis na pagpapawalang halagá;—aking isinasabog sa magcabicabilà! —¡Datapuwa't sa bágay ng̃ang iyán hindî co mangyayaring cayó'y puríhin, mâestro—ang itinutol ni Rufa,—¡Cayó'y pasasa Purgatorio, dahil sa inyóng pagsasayáng ng̃ mg̃a indulgencia. Nalalaman na pô ninyóng pinagdurusahan ng̃ apat na pong áraw sa apóy ang bawa't isáng salitáng waláng cabuluhán, ayon sa cura; ánim na pong áraw sa bawa't isáng dangcal na sinulid; dalawampo, bawa't isáng patác na tubig. ¡Cayó'y pasasa Purgatorio! —¡Malalaman co na cung paano ang paglabás co roôn!—ang sagót ni hermano Pedro, tagláy ang dakilang pananampalataya.—Lubháng marami ang mg̃a cálolowang hináng̃ò co sa apóy! ¡Lubháng marami ang guinawâ cong mg̃a santo! At bucód sa rito'y "in articulo mortis" (sa horas ng̃ camatayan) ay macapagcácamit pa acó, cung aking ibiguìn, ng̃ pitóng mg̃a "plenaria", ¡at naghihíng̃alô na'y macapagliligtas pa acó sa mg̃a ibá! At pagcasalitâ ng̃ gayó'y lumayóng tagláy ang malakíng pagmamataas. —Gayón ma'y dapat ninyóng gawín ang catulad ng̃ aking gawâ, na dî acó nagsásayang cahit isáng áraw, at magalíng na bilang ang aking guinágawâ. Hindî co ibig ang magdayâ, at áyaw namán acóng marayà nino man. —¿At paano pô, bâ ang gawâ ninyó?—ang tanóng ni Juana. —Dapat ng̃â pô ninyóng tularan ang guinágawâ co. Sa halimbawà: ipalagáy pô ninyóng nagcamít acó ng̃ isáng taóng mg̃a indulgencia: itinatalâ co sa aking cuaderno at aking sinasabi:—"Maluwalhating Amáng Poong Santo Domingo, pakitingnán pô ninyó cung sa Purgatorio'y may nagcacailang̃an ng̃ isáng taóng ganáp na waláng labis culang cahi't isáng áraw."—Naglálarô acó ng̃ "cara-y-cruz;" cung lumabás na "cara" ay walâ; mayroon cung lumabás na "cruz." Ng̃ayó'y ipalagáy nating lumabás ng̃ "cruz", pagcágayo'y isinusulat co: "násing̃il na;" ¿lumabás na "cara"? pagcágayó'y iniing̃atan co ang indulgencia, at sa ganitóng paraa'y pinagbubucodbucod co ng̃ tigsasangdaaag taóng itinátalâ cong magalíng. Sayang na sayang at hindî magawâ sa mg̃a indulgencia ang cawang̃is ng̃ guinágawâ sa salapî: ibibigay cong patubuan: macapagliligtas ng̃ lalong maraming mg̃a cálolowa. Maniwálà cayó sa akin, gawín ninyó ang áking guinágawâ. —¡Cung gayó'y lalong magalíng ang áking guinágawâ!—ang sagót ni hermana Sípa. —¿Anó? ¿Lálong magalíng?—ang tanóng ni Rufang nagtátaca.—¡Hindî mangyayari! ¡Sa guinágawâ co'y walâ ng̃ gágaling pa! —¡Makiníg pô cayóng sandalî at paniniwalâan ninyó ang áking sábi, hermana!—ang sagót ni hermana Sípang matabáng ang pananalitâ. —¡Tingnán! ¡tingnán! ¡pakinggán natin!—ang sinabi ng̃ mg̃a ibá. Pagcatapos na macaubó ng̃ boong pagpapahalaga'y nagsalitâ ang matandáng babae ng̃ ganitóng anyô: —Magalíng na totoo ang inyóng pagcatalastas, na cung dasalín ang "Bendita-sea tu Pureza," at ang "Señor-mio Jesu cristo,—Padre dulcísimo-por el gozo," nagcacamit ng̃ sampóng taóng indulgencia sa bawa't letra.. —¡Dálawampo!—¡Hindî!—¡Cúlang!—¡Lima!—ang sabi ng̃ iláng mg̃a voces. —¡Hindî cailang̃an ang lumabis ó cumulang ng̃ isá! Ng̃ayón: pagca nacababasag ang aking isáng alilang lalaki ó isáng alilang babae ng̃ isáng pinggán, váso ó taza, at ibá pa, ipinapupulot co ang lahát ng̃ mg̃a piraso, at sa bawa't isá, cahi't sa lalong caliitliitan, pinapagdárasal co siyá ng̃ "Bendita-sea-tu-Pureza" at ng̃ Señor-mio-Jesu cristo Padre dulcísimo por el gozo", at ipinatútungcol co sa mg̃a cálolowa ang mg̃a indulgenciang kinácamtan co. Nalalaman ng̃ lahát ng̃ taga báhay co ang bagay na itó, táng̃ì lamang na hindî ang mg̃a púsà. —Ng̃uni't ang mg̃a alilang babae ang siyáng nagcácamit ng̃ mg̃a indulgenciang iyán, at hindî cayó, Hermana Sipa—ang itinutol ni Rufa. —At ¿sínong magbabayad ng̃ aking mg̃a taza at ng̃ aking mg̃a pinggan? Natótowa ang mg̃a alilang babae sa gayóng paraang pagbabayad, at acó'y gayón din; silá'y hindî co pinapálò; tinutuctucan co lamang ó kinúcurot ... —¡Gagayahin co!—¡Gayón din ang aking gágawin!—¡At acó man!—ang sabihan ng̃ mg̃a babae. —Datapuwa't ¿cung ang pinggán ay nagcacádalawa ó nagcácatatatlong piraso lamang? ¡Cacauntî ang inyóng cácamtan!—ang ipinaunawà pa ng̃ maulit na si Rufa. —Itulot pô ninyóng ipagtanóng co sa inyó ang isáng pinag-aalinlang̃anan co—ang sinabi ng̃ totoong cakimîan ng̃ bátà pang si Juana.—Cayó pô mg̃a guinoong babae ang nacacaalam na magalíng ng̃ mg̃a bagay na itóng tungcól sa Lang̃it, Purgatorio at Infierno,.... ipinahahayag cong acó'y mangmang. —Sabihin ninyó. —Madalás na aking nakikita sa mg̃a pagsisiyám (novena) at sa mg̃a ibá pang mg̃a libro ang ganitong mg̃a bilin: "Tatlóng amánamin, tatlóng Abáguinoong Maria at tatlóng Gloria patri.." —¿At ng̃ayón?.... —At ng̃ayó'y ibig cong maalaman cung paano ang gágawing pagdarasal: ¿Ó tatlóng Amanaming sunôd-sunód, tatlóng Abaguinoong Mariang sunôd-sunód; ó macaatlóng isáng Amanamin, isáng Abaguinoong María at isáng Gloria Patri? —Gayó ng̃â ang marapat, macaitlóng isáng Amanamin.... —¡Ipatawad ninyó, hermana Sípa!—ang isinalabat ni Rufa: dapat dasaling gaya ng̃ ganitóng paraan: hindî dapat ilahóc ang mg̃a lalaki sa mg̃a babae: ang mg̃a Amanamin ay mg̃a lalaki, mg̃a babae ang mg̃a Abaguinoong María, at ang mg̃a Gloria ang mg̃a anác. —¡Ee! ipatawad ninyó, hermana Rufa; Amanamin, Abaguinoong-María at Glorìa ay catulad ng̃ canin, ulam at patís, isáng súbò sa mg̃a santo ... —¡Nagcácamalî cayó! ¡Tingnán na pô lamang ninyó, cayóng nágdárasal ng̃ paganyán ay hindî nasusunduan cailán man ang inyóng hiníhing̃î! —¡At cayóng nagdárasal ng̃ paganyá'y hindî cayó nacacacuha ng̃ anó man sa inyóng mg̃a pagsisiyám!—ang mulíng isinagót ng̃ matandáng Sípa. —¿Sino?—ang wicà ni Rufang tumindíg—hindî pa nalalaong nawalan acó ng̃ isáng bíic, nagdasál acó cay San Antonio ay aking nakita, at sa catunaya'y naipagbilí co sa halagang magalíng, ¡abá! —¿Siya ng̃a ba? ¡Cayâ palá sinasabi ng̃ inyóng capit-bahay na babaeng inyó raw ipinagbilí ang isang bíic niya! —¿Sino? ¡Ang waláng hiyâ! ¿Acó ba'y gaya ninyó ...? Nacailang̃ang mamaguitnâ ang maestro upang silá'y payapain: sino ma'y walâ ng̃ nacágunitâ ng̃ mg̃a Amanamin, walang pinag-uusapan cung dî mg̃a baboy na lamang. —¡Aba! ¡aba! ¡Huwág cayong mag-away dahil sa isáng bíic lamang! Binibigyan tayo ng̃ mg̃a Santong Casulatan ng̃ halimbáwà; hindî kinagalitan ng̃ mg̃a hereje at ng̃ mg̃a protestante ang ating Pang̃inoong Jesucristo na nagtapon sa tubig ng̃ isáng càwang mg̃a baboy na caniláng pag-aarì, at tayong mg̃a binyagan, at bucod sa roo'y mg̃a hermano ng̃ Santísimo Rosario pa, ¿táyo'y mang̃ag-aaway dahil sa isáng bíic lamang? ¿Anóng sasabihin sa atin ng̃ ating mg̃a capang̃agaw na mg̃a hermano tercero? Hindî nang̃agsi-imîc ang lahat ng̃ mg̃a babae at canilang tinátakhan ang malalím na carunung̃an ng̃ maestro, at caniláng pinang̃ang̃aniban ang masasabi ng̃ mg̃a hermano tercero. Násiyahan ang maestro sa gayóng pagsunód, nagbágo ng̃ anyô ng̃ pananalitâ, at nagpatuloy: —Hindî malalao't ipatatawag tayo ng̃ cura. Kinacailang̃ang sabihin natin sa canya cung sino ang íbig nating magsermon sa tatlong sinabi niyá sa atin cahapon: ó si párì Dámaso, ó si párì Martin ó cung ang coadjutor. Hindî co maalaman cung humírang na ang mg̃a tercero; kinacailang̃ang magpasiyá. —Ang coadjutor—ang ibinulong ni Juanang kimingkimî. —¡Hm! ¡Hindî marunong magsermón ang coadjutor!—ang wíca ni Sipa;—mabuti pa si párì Martin. —¿Si párì Martin?—ang maríing tanong ng̃ isang babae, na anyóng nagpápawaláng halagâ;—siyá'y waláng voces; mabuti si párì Dámaso. —¡Iyán, iyan ng̃â!—ang saysáy ni Rufa.—¡Si párì Dámaso ang tunay na marunong magsermon, catulad siya ng̃ isang comediante; iyan! —¡Datapuwa't hindî natin maunáwà ang canyáng sinasabi!—ang ibinulong ni Juana. —¡Sa pagcá't totoong malalim! ng̃uni't magsermon na lamang siyang magaling.... Nang gayó'y siyáng pagdatíng ni Sisang may sunong na bacol, nag-magandang araw sa mg̃a babae at pumanhíc sa hagdanan. —¡Pumápanhic iyón! ¡pumanhíc namán tàyo!—ang sinabi nilá. Náraramdaman ni Sisang tumítiboc ng̃ bóong lacás ang canyáng púsò, samantalang pumapanhíc siyá sa hagdanan; hindî pa niyá nalalaman cung anó ang canyáng sasabihin sa párì upang mapahupâ ang galit, at cung anó ang mg̃a catuwirang canyáng isasaysay upang maipagsanggaláng ang canyáng anác. Nang umagang iyon, pagsilang ng̃ mg̃a unang sínag ng̃ liwáywáy, nanaog siya sa canyáng halamanan upang putihin ang lalong magagandáng gúlay, na canyáng inilagay sa canyang bacúlang sinapnan ng̃ dáhong ságuing at mg̃a bulaclac. Nang̃uha siyá sa tabíng ilog ng̃ pacô, na talastas niyang naiibigan ng̃ curang cáning ensalada. Nagbihis ng̃ lalong magagalíng niyáng damít, sinunong ang bacol at napasabayang hindî guinising muna ang canyang anác. Nagpapacarahan siyá ng̃ boong cáya upang huwag uming̃ay, untî-unting siyá'y pumanhíc, at nakikinig siya ng̃ mainam at nagbabacâ-sacaling marinig niyá ang isáng voces na kilalá, voces na sariwà voces batà. Ng̃uni't hindî niyá nárinig ang sino man at sino ma'y hindî niyá nasumpungán, caya't napatung̃o siya sa cocínà. Diya'y minasdán niyá ang lahát ng̃ mg̃a súloc; malamíg ang pagcacátanggap sa canyá ng̃ mg̃a alilà at ng̃ mg̃a sacritan. Bahagyâ na siyá sinagot sa báti niyá sa canilá. —¿Saan co mailálagay ang mg̃a gúlay na itó?—ang itinanóng na hindî nagpakita ng̃ hinanakit. —¡Diyán..! sa alin mang lugar.—ang sagot ng̃ "cocinero", na bahagyá na sinulyáp ang mg̃a gúlay na iyón, na ang canyáng guinágawa ang siyáng totoong pinakikialaman: siya'y naghihimulmol ng̃ isáng capón. Isinalansáng mahusay ni Sisa sa ibabaw ng̃ mesa ang mg̃a talòng, ang mg̃a "amargoso", ang mg̃a patola, ang zarzalida at ang mg̃a múrang múrang mg̃a talbós ng̃ pacô. Pagcatápos ay inilagáy ang mg̃a bulaclác sa ibabaw, ng̃umitî ng̃ bahagyâ at tumanóng sa isáng alílà, na sa tingín niya'y lalong magalíng causapin cay sa cocinero. —¿Maaarì bang macausap co ang párì? —May sakít—ang sagót na marahan ng̃ alílà. —At ¿si Crispin? Nalalaman pô bâ ninyo cung na sa sacristía. Tiningnán siyá ng̃ alílang nagtátaca. —¿Si Crispin?—ang tanóng na pinapagcunót ang mg̃a kílay.—¿Walâ ba sa inyóng bahay? ¿Ibig ba ninyóng itangguí? —Nasabáhay si Basilio, ng̃uni't nátira rito si Crispin—ang itinútol ni Sisa;—ibig co siyáng makita.... —¡Abá!—anáng alílà;—nátira ng̃â rito; ng̃uni't pagcatapos ... pagcatapos ay nagtanan, pagcapagnacaw ng̃ maraming bagay. Pinaparoon acó ng̃ cura sa cuartel pagca umagang umaga ng̃ayón, upang ipagbigáy sabi sa Guardia Civil. Marahil silá'y naparoon na sa inyóng bahay upang hanapin ang mg̃a bátà. ¡Tinacpán ni Sisa ang mg̃a taing̃a, binucsán ang bibíg, ng̃uni't nawalang cabuluhán ang paggaláw ng̃ canyáng mg̃a lábì: waláng lumabás na anó mang tíni! —¡Tingnán na ng̃â ninyó ang inyóng mg̃a anác!—ang idinugtóng ng̃ cocinero. ¡Napagkikilalang cayó'y mápagtapat na asawa; nagsilabás ang mg̃a anác na gaya rin ng̃ caniláng amá! ¡At mag-ing̃at cayó't ang maliit ay lálampas pa sa amá! Nanambitan si Sisa ng̃ boong capaitan, at nagpacáupô sa isáng bangcô. —¡Howág cayóng manáng̃is dito!—ang isinigáw sa canyá ng̃ cocinero:—¿hindî ba ninyó alám na may sakít ang párì? Doon cayó manang̃is sa lansang̃an. Nanaog sa hagdanan ang abang babaeng halos ipinagtutulacan, samantalang nagbubulungbulung̃an ang mg̃a "manang" at pinagbabalacbalac nilá ang tungcól sa sakit ng̃ cura. Tinacpán ng̃ panyô ng̃ culang pálad na iná ang canyáng mukhâ at piniguil ang pag-iyác. Pagdatíng niyá sa dâan, sa pag-aalinlang̃a'y nagpalíng̃aplíng̃ap sa magcabicabilà; pagcatapos, tîla mandin may pinacsâ na siyáng gágawin, cayá't matulin siyáng lumayô. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Nagdurusang mga Kaluluwa
- Mga Kaluluwang Nagdurusa