Noli Me Tangere/Kabanata 17
←Kabanata 16: Sisa ←Paliwanag |
Kabanata 17: Basilio Paliwanag |
Kabanata 18: Mga Kaluluwang Naghihirap→ Paliwanag→ |
Teksto
Basilio |
Basilio Bahagyâ pa lamang nacapapasoc si Basiliong guiguirayguiray, nagpatínghulóg sa mg̃a bísig ng̃ canyáng iná. Isáng dî masábing panglalamíg ang siyáng bumálot cay Sisa ng̃ makita niyáng nag-íisang dumatíng si Basilio. Nagbantáng magsalitâ ay hindî lumabás ang canyáng voces; iníbig niyáng yacápin ang canyáng anác ay nawal-án siyá ng̃ lacás; hindî namán mangyaring umiyác siyá. Ng̃uni't ng̃ makita niyá ang dugóng pumapalígò sa noo ng̃ bata'y siyá'y nacasigáw niyáng tínig na wári'y nagpapakilala ng̃ pagcalagót ng̃ isáng bagtìng ng̃ púsò. —¡Mg̃a anác co! —¡Howág pô cayông mag-ala ala ng̃ anó man, nánay!—ang isinagót ni Basilio;—nátira pô sa convento pô si Crispin. —¿Sa convento? ¿nátira sa convento? ¿Buháy? Itining̃alâ ng̃ bátà sa canyáng iná ang canyáng mg̃a matá. —¡Ah!—ang isinigaw, na anó pa't ang lubháng malaking pighati'y naguing lubháng malaking catowâan. Si Sisa'y umiyác, niyácap ang canyáng anác at pinuspós ng̃ halíc ang may dugóng nôo. —¡Buháy si Crispin! Iniwan mo siyá sa convento ... at ¿bákit may súgat ca, anác co? ¿Nahúlog ca bâ? At siniyasat siyá ng̃ boong pag-iíng̃at. —Ng̃ dalhín pô si Crispin ng̃ sacristan mayor ay sinábi sa áking hindî raw acó macaaalis cung dî sa icasampóng horas, at sa pagcá't malálim na ang gabí, acó'y nagtánan. Sa baya'y sinigawán acó ng̃ mg̃a sundalo ng̃ "Quien vive," nagtatacbó acó, bumaríl silá at nahilahisan ng̃ isáng bála ang áking nóo. Natatacot acóng mahuli at papagpupunásin acó ng̃ cuartel, na abóy ng̃ pálò, na gaya ng̃ guinawâ cay Pablo, na hanggá ng̃ayó'y may sakít. —¡Dios co! ¡Dios co!—ang ibinulóng ng̃ ináng kiníkilig—¡Siyá'y iyóng iniligtas! At sacâ idinugtóng, samantalang, humahanap ng̃ panaling damit, túbig, súcà, at balahibong maliliit ng̃ tagác: —¡Isáng dálì pa at nápatay ca sana nilá, pinatáy sana nilá ang aking anác! ¡Hindî guinúgunitâ ng̃ mg̃a guardia civil ang mg̃a iná! —Ang sasabihin ninyó'y nahulog acó sa isáng cáhoy; huwág pô sánang maalaman nino mang acó'y pinaghágad. —¿Bákit bâ nátira si Crispin?—ang itinanóng ni Sisa pagcatapos magawâ ang paggamot sa anác. Minasdán ni Basiliong isáng sandalî ang canyáng iná, niyácap niyá itó at sacâ, untiunting sinaysáy ang úcol sa dalawáng onza, gayón ma'y hindî niyá sinabi ang mg̃a pagpapahirap na guinagawà sa canyáng capatíd. Pinapaghálò ng̃ mag-iná ang caniláng mg̃a lúhà. —¡Ang mabaít cong si Crispin! ¡pagbintang̃án ang mabaít cong si Crispin! ¡Dahiláng tayó'y dukhâ, at ang mg̃a dukháng gáya natin ay dapat magtiís ng̃ lahát!—ang ibinulòng ni Sisa, na tinitingnan ng̃ mg̃a matáng punô ng̃ lúhà ang tinghóy na nauubusan ng̃ lang̃ís. Nanatiling malaónlaón ding hindî silá nag-imican. —¿Naghapunan ca na bâ?—¿Hindî? May cánin at may tuyóng lawláw. —Walâ acóng "ganang" cumain; túbig, túbig lámang ang íbig co. —¡Oo!—ang isinagót ng̃ iná ng̃ boong lungcót;—nalalaman co ng̃ hindî mo ibig ang tuyóng lawláw; hinandâan catá ng̃ ibáng bágay; ng̃uni't naparíto ang iyòng tátay, ¡caawaawang anác co! —¿Naparito ang tátay?—ang itinanòng ni Basilio, at hindî kinucusa'y siniyasat ang mukhâ at ang mg̃a camáy ng̃ canyang iná. Nacapagsikíp sa púsò ni Sisa ang tanóng ng̃ canyáng anác, na pagdaca'y canyáng napag-abót ang cadahilanan, cayá't nagdumalíng idinugtóng: —Naparito at ipinagtanóng cayó ng̃ mainam, ibig niyáng cayó'y makita; siya'y gutóm na gutóm. Sinabing cung cayó raw ay nananatili sa pagpapacabaít ay mulî siyáng makikisama sa átin. —¡Ah!—ang isinalabat ni Basilio, at sa samâ, ng̃ canyáng lóob ay ining̃iwî ang canyáng mg̃a labî. —¡Anác co!—ang ipínagwícà ni Sisa. —¡Ipatáwad pô ninyó, nánay!—ang mulíng isinagót na matigás ang anyô—¿Hindî bâ cayâ lálong magalíng na táyong tatlò na lámang, cayó, si Crispin at acó?—Ng̃uni't cayó po'y umíiyac; ipalagáy ninyóng walâ acóng sinabing anó man. Nagbuntóng-hining̃á si Sisa. Sinarhán ni Sisa ang dampâ at tinabunan ng̃ abó ang caunting bága sa calán at ng̃ huwág mapugnáw, túlad sa guinagawâ ng̃ táo sa mg̃a damdámin ng̃ cálolowa; tacpán ang mg̃a damdaming iyán ng̃ abó ng̃ búhay na tinatawag na pag-wawalang-bahálâ, at ng̃ huwág mapugnáw sa pakikipanayám sa aráw-áraw sa áting mg̃a capowâ. Ibinulóng ni Basilio ang canyáng mg̃a dasál, at nahigâ sa tabí ng̃ canyáng iná na nananalang̃in ng̃ paluhód. Nacacaramdam ng̃ ínit at lamíg; pinagpilitang pumíkit at ang iniisip niyá'y ang canyáng capatîd na bunsô, na nag-aacalang tumulog sana ng̃ gabíng iyón sa sinapupunan ng̃ canyáng iná, at ng̃ayó'y marahil umíiyac at nang̃ang̃atal ng̃ tácot sa isáng súloc ng̃ convento. Umaaling̃awng̃aw sa canyáng mg̃a taíng̃a ang mg̃a sigáw na iyón, túlad sa pagcárinig niyá ng̃ siyá'y dóroon pa sa campanario; datapuwa't pinasimulâang pinalábò ang canyáng ísip ng̃ pagód na naturaleza at nanáog sa canyáng mg̃a matá ang "espíritu", ng̃ panaguimpán. Nakita niyá ang isáng cuartong tulugán, at doo'y may dalawáng candílang may níng̃as. Pinakíkinggán ng̃ curang madilím ang pagmumukhâ at may hawac na yantóc ang sinasabi sa ibáng wicà ng̃ sacrístan mayor, na cakilakilabot ang mg̃a kílos. Nang̃áng̃atal si Crispin, at paling̃apling̃ap ang matáng tumatang̃is sa magcabicabilâ, na párang may hinahanap na táo, ó isáng tagúan. Hinaráp siyá ng̃ cura at tinatanong siyáng malakí ang gálit at humaguinît ang yantóc. Ang bata'y tumacbó at nagtagò sa licuran ng̃ sacristan; ng̃uni't siyá'y tinangnán nitó at inihandâ ang canyáng catawán sa sumusubong gálit ng̃ cura; ang caawaawang báta'y nagpupumiglás, nagsísicad, sumísigaw, nagpápatinghigâ, gumugulong, tumitindíg, tumatacas, nadudulas, nasusubasob at sinásangga ng̃ mg̃a camáy ang mg̃a hampás na sa pagca't nasusugatan ay bigláng itinatagò at umaatung̃al. Nakikita ni Basiliong namimilipit si Crispin, iniháhampas ang úlo sa tabláng yapacán; nakikita niyá at canyáng náririnig na humáhaguinit ang yantóc! Sa lakíng pagng̃ang̃alit ng̃ canyáng bunsóng capatíd ay nagtindíg; sirâ ang isip sa dî maulatang pagcacahirap ay dinaluhong ang canyáng mg̃a verdugo, at kinagat ang cura sa camáy. Sumigáw ang cura't binitiwan ang yantóc; humawac ang sacristan mayor ng̃ isáng bastón at pinálò sa úlo si Crispin, natimbuang ang bátà sa pagcatulíg; ng̃ makita ng̃ curang siyá'y may sugat ay pinagtatadyacán si Crispin; ng̃uni't itô'y hindî na nagsásanggalang, hindî na sumísigaw: gumugulong sa tabláng parang isáng bagay na hindî nacacaramdam at nag-iiwan ng̃ bacas na basâ ... Ang voces ni Sisa ang siyáng sa canyá'y gumísing. —¿Anó ang nangyayari sa iyo? ¿Bakit ca umíiyac? —¡Nanag-ínip acó!... ¡Dios!—ang mariíng sábi ni Basilio at humílig na basâ ng̃ páwis. Panag-ínip iyón; sabihin pô ninyóng panag-ínip lámang, nánay, iyón; panag-ínip lámang! —¿Anó ang napang-ínip mo? —Hindî sumagót ang bátà. Naupô upang magpáhid ng̃ lúhà at ng̃ páwis. Madilím sa loob ng̃ dampâ. —¡Isáng panag-ínip! ¡isáng panag-ínip!—ang inuulit-úlit ni Basilio sa marahang pananalitâ. —¡Sabihin mo sa akin cung anó ang iyóng pinanag-ínip; hindî acó mácatulog!—ang sinábi ng̃ iná ng̃ mulíng mahigâ ang canyáng anác. —Ang napanag-ínip co, nánay,—ani Basilio ng̃ maráhan—camí raw ay namumulot ng̃ úhay sa isáng tubigang totoong maraming bulaclác, ang mg̃a babae'y may mg̃a daláng bacol na punô ng̃ mg̃a úhay ... ang mg̃a lalaki'y may mg̃a dalá ring bácol na punô ng̃ úhay ... at ang mg̃a bátang lalaki'y gayón din ... ¡Hindî co na natatandâan, nánay; hindî co na natatandâan, nánay, ang mg̃a ibá! Hindî na nagpílit ng̃ pagtatanóng si Sisa; hindî niyá pinápansin ang mg̃a panag-ínip. —Nánay, may naisip acó ng̃ayóng gabíng itó,—ani Basilio pagcaraan ng̃ iláng sandalíng hindî pag-imíc. —¿Anó ang naisip mo?—ang itinanóng niyá. Palibhasa'y mapagpacababà si Sisa sa lahát ng̃ bágay, siyá'y nagpapacababà patí sa canyáng mg̃a anác; sa acálà niyá mabuti pa ang caniláng pag-iísip cay sa canyá. —¡Hindî co na ibig na magsacristan! —¿Bákit? —Pakinggán pô ninyó, nánay, ang aking náisip. Dumatíng pô ritong galing sa España ang anác na lalaki ng̃ nasirang si Don Rafael, na inaacalà cong casingbaít din ng̃ canyáng amá. Ang mabuti pô, nánay, cúnin na ninyó búcas si Crispin, sing̃ilín ninyó ang aking sueldo at sabihin ninyóng hindî na acó magsasacristan. Paggalíng co'y pagdaca'y makikipagkita acó cay Don Crisóstomo, at ipakikiusap co sa canyáng acó'y tanggapíng tagapagpastól ng̃ mg̃a vaca ó ng̃ mg̃a calabaw; malakí na namán acó. Macapag-aaral si Crispin sa báhay ni matandáng Tasio, na hindî namamalò at mabaít, cahit ayaw maniwálà ang cura. ¿Maaarì pa bang tayo'y mapapaghírap pa ng̃ higuít sa calagayan natin? Maniwalà, pô cayó, nánay, mabaít ang matandâ; macáilang nakita co siyá sa simbahan, pagcâ síno ma'y walâ roon; nalúluhod at nananalang̃in, maniwalà pô cayó. Nalalaman na pô ninyó, nánay, hindî na acó magsasacristan: bahagyâ na ang pinakikinabang ¡at ang pinakikinabang pa'y naoowî lámang sa kinamumulta! Gayón din ang idináraing ng̃ lahát. Magpapastol acó, at cung aking alagaang magalíng ang ipagcacatiwalà sa akin, acó'y calúlugdan ng̃ may-arì; at marahil ay ipabáyang ating gatásan ang isáng vaca, at ng̃ macainom tayo ng̃ gátas; íbig na íbig ni Crispin ang gátas. ¡Síno ang nacacaalam! marahil bigyán pa pô cayó ng̃ isáng malíit na "guyà," cung makita nilá ang magalíng cong pagtupád; aalagaan nátin ang guya at áting patatabaíng gáya ng̃ áting inahíng manóc. Mang̃ung̃uha acó ng̃ mg̃a bung̃ang cáhoy sa gúbat, at ipagbíbili co sa báyang casama ng̃ mg̃a gúlay sa ating halamanan, at sa ganito'y magcacasalapî táyo. Maglalagay acó ng̃ mg̃a sílò at ng̃ mg̃a balatíc at ng̃ macahuli ng̃ mg̃a ibon at mg̃a alamíd, mang̃ing̃isdâ acó sa ílog at pagcâ acó'y malakí na'y mang̃ang̃áso namán acó. Macapang̃ang̃ahoy namán acó upang maipagbilí ó maialay sa may-árì ng̃ mg̃a vaca, at sa ganyá'y matótowâ sa atin. Pagcâ macapag-aararo na acó'y aking ipakikiusap na acó'y pagcatiwalâan ng̃ capirasong lúpà at ng̃ áking matamnan ng̃ tubó ó mais, at ng̃ hindî pô cayó manahî hanggang hating gabí. Magcacaroon táyo ng̃ damít na bágong úcol sa bawa't fiesta, cacain táyo ng̃ carne at malalakíng isdâ. Samantala'y mamumuhay acóng may calayâan, magkikita táyo sa aráw-áraw at magsasalosalo táyo sa pagcain. At yamang sinasabi ni matandáng Tasiong matalas daw totóo ang úlo ni Crispin, ipadalá natin siyá sa Maynílà at ng̃ mag-aral; siyá'y paggugugulan ng̃ búng̃a ng̃ aking pawis; ¿hindî ba, nánay? —¿Anó ang aking wiwicain cung dî oo?—ang isinagót ni Sisa niyacap ang canyáng anác. Nahiwatigan ni Sisang hindî na ibinibilang ng̃ anác sa hináharap na panahón, ang canyáng amá, at itó ang nagpatulò ng̃ mg̃a lúhà niyá sa pagtang̃is na dî umíimic. Nagpatuloy si Basilio ng̃ pagsasaysay ng̃ canyáng mg̃a binabantá sa hináharap na panahón, tagláy iyang ganáp na pag-asa ng̃ cabataang waláng nakikita cung dî ang hinahang̃ad. Walang sinasabi si Sisa cung dî "oo" sa lahát, sa canyáng acala'y ang lahát ay magalíng. Untiunting nanaog ang pagcáhimbing sa pagál na mg̃a bubông ng̃ matá ng̃ bátà, at ng̃ayo'y binucsán ng̃ Ole-Lukoie, na sinasabi ni Anderson, at isinucob sa ibabaw niyá ang magandáng payong na puspós ng̃ masasayáng pintura. Ang acálà niyá'y siya'y pastol ng̃ casama ng̃ canyáng bunsóng capatíd; nang̃ung̃uha silá ng̃ bayabas, ng̃ alpáy at ng̃ ibá pang mg̃a paroparó sa calicsihán; pumapasoc silá sa mg̃a yung̃íb at nakikita niláng numiningning ang mg̃a pader; naliligò silà sa mg̃a bucál, at ang mg̃a buháng̃in ay alabóc na guintô at ang mg̃a bato'y túlad sa mg̃a bató ng̃ corona ng̃ Vírgen. Silá'y inaawitan ng̃ mg̃a maliliit na isdâ at nang̃agtatawanan; iniyuyucayoc sa canila ng̃ mg̃a cahoy ang canilang mg̃a sang̃ang humihitic sa mg̃a salapî at sa mg̃a búng̃a. Nakita niya ng̃ matapos ang isang campanang nacabitin sa isang cahoy, at isang mahabang lubid upang tugtuguin: sa lubid ay may nacataling isang vaca, na may isang púgad sa guitnâ ng̃ dalawang sung̃ay, at si Crispin ay nasa loob ng̃ campanà at iba pa. At nagpatuloy sa gayóng pananaguinip. Ng̃uni't ang inang hindî gaya niyang musmós at hindî nagtatacbó sa loob ng̃ isang horas ay hindî tumutulog. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Si Basilio