Kasalukuyan Paunang Salita
Ang sabing Noli Me Tangere ay wikang Latin. Mga wika sa Ebanghelyo ni San Lukas. Ang kahulugan sa wikang Tagalog ay Huwag akong salangin nino man. Tinatawag din namang Noli Me Tangere ang masamang bukol na nakamamatay na Kanser kung pamagatan ng mga pantas na mangagamot.
Sa hangad na ang mga librong NOLI ME TANGERE at EL FILIBUSTERISMO, na kinatha ng Dr. Jose Rizal ay maunawa at malasapang magaling ng katagalugan, ang mga doo'y sinasabing nagpapakilala ng tunay nating kalayaan at ng dapat nating gawiin, at nakapagpapaalab, naman ng ningas ng ating puso sa pag-ibig sa kinamulatang lupa, minatapat kong ipalimbag ang isinawikang Tagalog na mga librong yaon, sa dahilang sa bilang na sampung milyong (sampung libong libo) Pilipino, humigit kumulang, ay walang dalawampung libo ang tunay na nakatatalos ng wikang Kastila na ginamit sa mga kinathang yaon.
Kung pakinabangan ng aking mga kalahi itong wagas kong adhika, walang kahulilip na tuwa ang aking tatamuhin, sapagkat kahit babahagya'y nakapaglingkod ako sa Inang-Bayan.
Maynila, unang araw ng Hunyo ng taong isang libo siyam na raan at siyam.
Saturnina Rizal ni Hidalgo, o NENENG RIZAL.
|
Orihinal Paunang Salita
Ang sabing Noli me Tangere ay wikang latin. Mg̃a wika sa Evangelio ni San Lúcas. Ang cahulugán sa wikang tagalog ay Huwag acong salang̃in nino man. Tinatawag din namáng Noli me Tangere ang masamang bukol na nacamamatay na Cancer cung pamagatán ng̃ mg̃a pantás na mangagamot.
Sa hang̃ad na ang mg̃a librong NOLI ME TANGERE at FILIBUSTERISMO, na kinatha ng̃ Dr. Jose Rizal ay maunáwa at málasapang magaling ng̃ catagalugan, ang mg̃a doo'y sinasabing nagpapakilala ng̃ tunay nating calayaan at ng̃ dapat nating gawiin, at nacapagpapaálab, namán ng̃ ning̃as ng̃ ating puso sa pag-ibig sa kinamulatang lupa, minatapat cong ipalimbag ang isinawikang tagalog na mg̃a librong yaon, sa dahilang sa bilang na sampòng millong (sampong libong libo) filipino, humiguit cumulang, ay walang dalawampong libo ang tunay na nacatatalos ng̃ wicang castila na guinamit sa mg̃a kinathang yaón.
Cung pakinabang̃an ng̃ aking mg̃a calahi itong wagás cong adhica, walang cahulilip na towa ang aking tatamuhin, sa pagca't cahit babahagya'y nacapaglicod acó sa Inang-Bayan.
Maynila, unang araw ng̃ Junio ng̃ taong isang libo siyam na raan at siyam.
Saturnina Rizal ni Hidalgo, ó NENENG RIZAL.
|