Noli Me Tangere/Kabanata 9
←Kabanata 8: Mga Alaala ←Paliwanag |
Kabanata 9: Mga Bagay-bagay sa Paligid Paliwanag |
Kabanata 10: Bayan ng San Diego→ Paliwanag→ |
Teksto
Mga Bagay-bagay sa Paligid |
Manga Caugalian ng Bayang Ito Hindî nagcámalî si Ibarra; nalululan ng̃a si "victoriang" iyón si parì Dámaso at tumutung̃o sa báhay na canyáng bágong caíiwan. —¿Saan bâ cayó paroroon?—ang tanóng ng̃ fraile cay María Clara at cay tía Isabel, na mang̃agsisisacay na sa isáng cocheng may mg̃a pamuting pílac, at tinatampîtampì ni párì Dámaso ang mg̃a pisng̃í ni María Clara, sa guitnâ ng̃ canyang mg̃a caguluhan ng̃ ísip. —Cucunin co sa beaterio ang aking mg̃a bagaybagay roon—ang sagót ni María Clara. ¡Aháaá! ¡ahá! tingnán natin cung sino ang mananalo sa amin, tingnan natin!—ang ipinagbububulóng na hindî nápapansin ang sinasabi, na anó pa't nagtacá, ang dalawang babae. Tinúng̃o ang hagdanan at nanhíc doon si párì Dámasong nacatung̃ó ang úlot't madálang-dalang ang hacbáng. ¡Marahil siya'y magsésermon at canyáng isinasaulo ang canyáng ipang̃ang̃aral!—aní tía Isabel;—sacáy na María at tatanghalíin tayo ng̃ pagdatíng. Hindî namin masábi cung magsesermón ng̃â ó hindî; datapuwa't inaacala naming mg̃a dakílang bagay ang mg̃a pinag-íisip-ísip niyá, sa pagcá't hindî man lamang naiabot niyá, ang canyáng camáy cay capitang Tiago, cayá't napilitang yumucód pa itó ng̃ cauntî upáng hagcán ang camáy na iyón. —¡Santiago!—ang únang sinabi niyá—may pag-uusapan tayong mahahalagang bagay; tayo na sa iyong oficina. Maligalig ang lóob ni Capitang Tiago, hindî nacaimíc ng̃uni't sumunód sa napacalakíng sacerdote, at sinarhán ang pintô pagcapásóc nilá. Samantalang nagsasalitaan silá ng̃ líhim, siyasatin nátin cung anó ang kinaratnan ni Fr. Sybila. Walâ sa canyang convento ang pantás na dominico; maagang maaga, pagcapagmisa, siyá'y napatung̃o sa convento ng̃ canyáng capisanang na sa macapasoc ng̃ pintuan ni Isabel Segunda, ó ni Magallanes, alinsunod sa naghaharing familia, sa Madrid. Hindî niya pinansin ang masaráp na amóy-chocolate, at gayón ding dî niya ininó íng̃ay ng̃ mg̃a cajón at ang salapìng náriring̃ig mulâ, sa Procuración, at bahagyâ ng̃ sumagót sa mapitagan at maguíliw na batì ng̃ uldóg na procurador, nanhíc si Fr. Sybila, tinahac ang ilang mg̃a "corredor" at tumuctóc ng̃ butó ng̃ mg̃a dalírì sa isáng pintûan. —¡Tulóy!—anang isáng voces na wari'y dumaraing. —¡Pagaling̃in nawâ cayó ng̃ Dios sa inyóng sakít!—ang siyáng batì ng̃ batang dominico pagpasoc. Nacaupo sa isáng malaking sillón ang isáng matandáng párì, culubót at gá namúmutlâ na ang balát ng̃ mukhâ, cawang̃is ng̃ isá riyán sa mg̃a santong ipinintá ni Rivera. Nang̃lálalalim ang mg̃a matáng napuputung̃an ng̃ lubháng málalagong kilay, na palibhasa'y láguing nacacunót ay nacapagdáragdag ng̃ ningníng ng̃ paghíhing̃alô ng̃ canyang mg̃a matá. Nabábagbag ang lóob na pinagmasdán siyá ni párì Sibilang nacahalukipkíp ang mg̃a camáy sa ilalim ng̃ cagalanggalang na escapulario ni Santo Domingo. Inilung̃ayng̃ay pagcatapos ang úlo, hindî umíimic at wari'y naghíhintay. —¡Ah!—ang buntóng hining̃á ng̃ maysakít—inihahatol sa akin, Hernando; na akin daw ipahíwà! ¡Ipahiwà sa tandâ co ng̃ itó! ¡Itóng lupaíng ito! ¡Ang cagulatgulat na lupaíng itó! ¡Muhang ulirán ca sa nangyayari sa akin, Hernando! Dahándáhang itinàas ni Fr. Sybila ang canyáng mg̃a matá at itinitig sa mukhà ng̃ may sakít: —At ¿anó pô ang inyóng minagaling?—ang itinanóng. —¡Mamatáy! ¡Ay! ¿May nálalabi pa bagá sa aking ibáng bágay? Malábis na totoo ang aking ipinaghihirap; datapuwa't.... pinapaghirap co namán ang marami.... ¡nagbabayad-útang lamang acó! At icáw, ¿cumustá ca? ¿anó ang sadyâ mo?, —Naparíto pô acó't sasabihin co sa inyó ang ipinagcatiwalang bílin sa akin. —¡Ah! ¿at anó ang bagay na iyón? —¡Psh!—sumagót na may samâ ang loob, umupô at ilining̃ón ang mukhâ, sa ibáng panig,—mg̃a cabulastigan ang sinabi sa atin; ang binatang si Ibarra'y isang matalínong bagongtao; tila mandín hindì halíng; ng̃uni't sa acálà co'y isáng mabaít na bagongtao. —¿Sa acálà mo? —¡Nagpasimulâ cagabí ang caniláng pagcacáalit! —¡Nagpasimulâ na! ¿at bákit? Sinaysay ni Fr. Sibyla, sa maiclíng pananalitâ, ang nangyari cay párì Dámaso at cay Crisóstomo Ibarra. —Bucód sa rito—ang idinugtóng na pangwacás—mag-aasawa ang binatà sa anác na babae ni Capitang Tiago, na nag-aral sa colegio ng̃ ating mg̃a capatid na babae; siyá'y mayaman at dî ng̃a niyá iibiguing magcaroon ng̃ mg̃a caaway upang siyá'y mawal-án ng̃ caligayahán at cayamanan. Itinang̃ô ng̃ may sakít ang canyang úlo, sa pagpapakìlalang siyá'y sang-áyon. —Siyâ ng̃â, gayón din ang áking acálà ... Sa pamamag-itan ng̃ gayóng babae at isáng bianáng lalaking gayón, maguiguing atin ang canyáng catawá't cálolowa. At cung hindî ¡lálong magalíng cung siya'y magpakitang kaaway natin! Minamasdáng nagtátaca ni Fr. Sibyla ang matandâ. —Unawàing sa icagagaling ng̃ ating Santong Capisanan—ang idinugtóng na naghihirap ng̃ paghing̃á.—Minámagaling co pa ang makilaban sa átin, cay sa mg̃a halíng na pagpupuri at paimbabáw na panghihinuyò ng̃ mg̃a caibigan.... tunay at silá'y may mg̃a bayad. —¿Inaacalà pô bâ ninyóng gayón? Tiningnán siyá ng̃ boong lungcót ng̃ matandâ. —¡Tandaân mong magalíng!—ang isinagót na nagcácangpapagál—Manacatilî ang ating capangyarihan samantalang sa capangyarihang iya'y nananalig. Cung táyo'y labánan, ang sasabihin ng̃ Gobierno'y: "Nilalabanan silá, sa pagca't ang mg̃a fraile'y isáng hadláng sa calayaan ng̃ mg̃a filipino; at sa pagca't gayo'y papanatilihin natin ang mg̃a fraile." —At ¿cung silá'y pakinggán? Manacânacang ang Gobierno'y.... —¡Hindî silá pakíkingan! —Gayón man, cung sa udyóc ng̃ casakimá'y nasáin ng̃ Gobiernong maowî sa canyá ang ating inaani ... cung magcaroon ng̃ isáng pang̃ahás at walang gúlat na.... —Cung magcágayo'y ¡sa abâ niyá! Capuwâ hindî umimíc. —Bucód sa roón—ang ipinatúloy ng̃ may sákít—kinacailang̃an nating tayó'y labánan, táyo'y pucáwin: nagpapakilala sa atin ang mg̃a labanáng ito ng̃ cung saan naroon ang ating cahinaan, at ang gayó'y nacapagpapagalíng sa atin. Nacararayà sa átin at nacapágpapahimbing ang malábis na mg̃a pagpúri: datapowa't sa lábás ay nacapagpapapang̃it ng̃ ating anyô, at sa araw na mahúlog táyo sa capang̃itang anyô, táyo'y mapapahamac, na gáya ng̃ pagcapahamac natin sa Europa. Hindî na papasoc ang salapí sa ating mg̃a simbahan; sino ma'y walâ ng̃ bíbili ng̃ mg̃a escapulario, ng̃ mg̃a correa at ng̃ anó man, at pagcâ hindî na tayo mayaman, hindî na natin mapapapanalig ang mg̃a budhî. —¡Psh! Mananatili rin sa atin ang ating mg̃a "hacienda," ang ating mg̃a báhay! —¡Mawáwala sa ating lahát, na gaya ng̃ pagcawalâ sa átin sa Europa! At ang lálong masamá'y nagpapagal táyo at ng̃ táyo'y mangguípuspós. Sa halimbáwà: iyáng nápacalabis na pagsusumakit na dagdagan sa taóntaón, ayon sa ating maibigan, ang halagá ng̃ buwís ng̃ ating mg̃a lúpà, ang pagsusumakit na iyáng aking sinalansáng sa lahát ng̃ mg̃a malalaking pulong natin; ¡ang pagsusumakit na iyán ang siyáng macapapahamac sa atin! Napipilitan ang "indiong" bumilí sa ibang daco ng̃ mg̃a lúpang casíng galíng din ng̃ ating mg̃a lupà ó lálò pang magalíng. Nang̃ang̃anib acóng bacâ táyo'y nagpapasimulâ na ng̃ pagbabâ: "Quos vult perdere Jupiter dementat prius."[o 1] Dahil dito'y huwág ng̃â nating dagdagán ang ating bigát; ang báya'y nagbububulóng na. Mabúti ang inisip mo: pabayâan natin ang ibáng makikipaghusay doón ng̃ canícanilang sagutin; papanatilihin natin ang sa ati'y pagpipitagang nálalabi, at sa pagcá't hindî malalao't makíkiharáp táyo sa Dios, linísin nátin ang ating mg̃a cama'y ... ¡Maawà nawâ sa áting mg̃a kahinàan ang Dios ng̃ mg̃a pagcahabág! —Sa macatuwíd ay inaaacalà pó bâ ninyóng ang buwís ay ... —¡Howág na tayong mag-úsap ng̃ tungcól sa salapî!—ang isinalabat ng̃ may sakít na masamâ ang lóob.—Sinasabi mong ipinang̃acò ng̃ teniente cay párì Dámaso..? —Opo, amá—ang sagot ni párì Sibylang gá ng̃umíng̃itî na. Ng̃uni't nakita co caninang umága ang teniente, at sinábi sa áking dináramdam daw niyá ang lahat ng̃ nangyári cagabí, na umímbulog daw sa canyáng úlo ang Jerez, at sa acálà niya'y gayón din ang nangyári cay párì Dámaso.—At ang pang̃aco?—ang tanóng cong pabirô.—Padre cura ang isinagót:—marunong pô acóng tumupád ng̃ áking wicâ, pagcâ sa pagtupád na iya'y hindî co dinurung̃isan ang aking capurihán; cailan ma'y dî co naguing ugálì ang magcanulô canino man, at dàhil dito'y teniente acó hanggá ng̃ayón. —Ng̃ macapagsalitaan silá ng̃ mg̃a ibá't ibáng bágay na waláng cabuluhán, nagpaalam sì Fr. Sibyla. Hindî ng̃a namán naparoón ang teniente sa Malacanyáng; ng̃unit naalaman din ng̃ Capitan General ang nangyari. Nang nakikipagsalitaan siyá sa canyáng mg̃a ayudante tungcól sa mg̃a pagbangguít na sa canya'y guinágawá ng̃ mg̃a páhayagan sa Maynilà, sa ilalim ng̃ mg̃a pamagat na mg̃a "cometa"[o 2] at iba pang mg̃a napakikita sa lang̃it, sinabí sa canyá ng̃ isá sa mg̃a ayudanteng iyón ang pakikipagcagalit ni párì Dámaso, na pinalubhâ pa ang cabigatán ng̃ mg̃a pananalitâ, bagá man pinakinis ng̃ cauntî ang mg̃a bigcás ng̃ sabi. —Síno ang sa iyo'y nagsábi—ang tanong ng̃ Capitán General na ng̃uming̃itî. —Naring̃ig co pô cay Laruja, na siyáng nagbabalità caninang umága sa pásulatan ng̃ pámahayagan. Mulíng ng̃umitî ang Capitan General at idinagdág: —¡Hindî nacasásakit ang babae't fraile! Ibig cong manahimic sa nátitirang panahón ng̃ pagtirá co sa lupáng itó, at aayaw na acóng makipag-alít sa mg̃a lalaking gumagamit ng̃ sáya. At lálong lálò na ng̃ayóng áking natalastás na pinaglalaruan lamang ng̃ provincial ang aking mg̃a útos; hining̃i cong pinacaparusa ang paglilipat sa ibáng bayan ng̃ fraileng iyán; at siyá ng̃a namán, siya'y inilipat, ng̃uni't doon siya inilagay sa lalong magaling na báyan: ¡frailadas![o 3] na sinásabi natin sa España. Ng̃uni't humintô ng̃ pagng̃itì ang Capitan General ng̃ nagíisa na. —¡Ah! ¡cung hindî sána nápacatang̃á ang báyang ito'y pasusucuin co ang aking mg̃a cagalanggalang na iyán!—ang ipinagbuntóng hining̃á.—Datapuwa't carapatdapat ang báwa't báyan sa kinasasapitan niyá; gawin nátin ang inuugalì ng̃ lahát. Samantala'y natápos si Capitang Tiago ng̃ pakikipulong cay pári Dámaso, ó sa lalong magalíng na sabi, ang pakikipulong ni párì Dámaso cay Capitang Tiago. —¡Ng̃ayo'y napagsabihan na catá!—ang sabi ng̃ franciscano ng̃ magpaalam. Naílágan sana ang lahát ng̃ itó, cung nagtanóngtanóng ca múna sa akin, cung dî ca sana nagsinung̃aling ng̃ icáw ay tinatátanong co. ¡Pagsicapan mong howag ca nang gumawâ ng̃ mg̃a cahaling̃án, at manálig ca sa canyáng ináama! Lumibot ng̃ macaalawa ó macaatló sa salas si Capitang Tiagong nag-iísip-isip at nagbúbuntóng hining̃á; di caguinsaguinsa'y párang may naisip siyáng magalíng, tumacbó sa pánalang̃inan at pinatáy ang mg̃a candílà at ang lámparang canyáng pinasindihán upang siyáng macapagligtás cay Ibarra. —May panahón pa, sa pagca't totoong malayò ang linálacbay—ang ibinulóng. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Mga Suliranin Tungkol sa Bayan
- Mga Bagay-bagay Ukol sa Bayan
- Mga Bagay-bagay sa Bayan
- Mga Bagay-bagay ng Bayan
- Iba't Ibang Pangyayari
- Iba't Ibang mga Pangyayari
Baybayin
Talababaan
|
|