Noli Me Tangere/Kabanata 64
←Kabanata 63: Nochebuena ←Paliwanag |
Kabanata 64: Katapusan Paliwanag |
Mga may-akda→ |
Teksto
Katapusan |
Pangwacas na Bahagui Sa pagcá't buhay pa ang marami sa mg̃a taong sinaysay namin ang caniláng mg̃a guinawâ sa casulatang itó, at sa pagca namán nang̃awalâ na sa ating mg̃a matá ang mg̃a ibá sa mg̃a taong iyón, hindi ng̃â mangyayaring malagyán namin ng̃ tunay na pangwacás na bahagui ang aclát na itó. Sa icagagaling ng̃ tao'y papatayin namin ng̃ boong galac ang lahát ng̃ mg̃a taong sinaysáy namin dito, na aming sisimulan cay parì Salví at wáwacasan namin cay doña Victorina, datapuwa't hindi mangyayari ... ¡mg̃a buháy silá! yamang hindi camí cung di ang lupaíng itó rin lamang ang siyáng sa canilá'y magpapacain.... Mulà ng̃ pumasoc sa convento si María Clara'y iniwan ni parì Dámaso ang bayang dating canyáng kinalalagyan at sa Maynilà na siya tumitira, na gaya rin namán ni parì Salví, na samantalang naghíhintay ng̃ catungculang pagca Obispo ó Arzobispo'y manacánacang nagsesermon sa simbahan ng̃ Santa Clara, at sa convento nitó, ng̃ Santa Clara sa macatuwid, siyá'y gumaganap ng̃ isáng mataas na catungculan. Hindi pa maraming buwan ang nacararaan ay tumanggáp si parì Dámaso ng̃ utos ng̃ cagalanggalang na parì Provincial upáng ganapín ang pagcucura sa isáng malayong lalawigan. Ayon sa sábiha'y nápacalaki ang canyáng tinamóng samâ ng̃ loob sa bagay na iyón, caya ng̃a't kinabucasa'y násumpung̃ang patáy siya sa canyáng tinutulugan. Ang sabi ng̃ ibá'y namatáy sa apoplegia, anáng ibá'y sa bang̃ung̃ot, ng̃uni't pinaram ng̃ médico ang pag-aalinlang̃an, sinaysáy niyáng biglâ raw namatáy. Alin man sa mg̃a bumabasa sa ami'y hindi makikilala ng̃ayón cung caniláng makita si capitang Tiago. Iláng linggó pa muna bago magmonja si María Clara'y nangyari sa canyá ang isáng malakíng panglulupaypay ng̃ calooban, na anó pa't nagpasimulâ siyá ng̃ pamamayat at naguing totoong malungcutin, mapaglininglining at culang tiwalà, tulad sa canyáng naguing caibigang si capitang Tinong. Nang másara na ang mg̃a pintuan ng̃ convento ng̃ Santa Clara'y caracaracang ipinag-utos sa canyáng nahahapis ng̃ di anó lamang na pinsang si tía Isabel, na tipunin at cunin ang lahat ng̃ bagay na naguing pag-aarì ng̃ canyáng anác at ng̃ canyáng nasirang asawa, at siyá'y pumaroon sa Malabón ó sa San Diego, sa pagcá't sa haharaping panahó'y ibig niyáng mamahay na mag-isá. Nagsákit ng̃ catacottacot sa liampó at sa pagsasabong, at nagpasimulâ ng̃ paghitít ng̃ opio. Hindi na na pa sa sa Antipulo at hindi na rin nagpapamisâ; ikinatutuwang totoo ng̃ canyáng matandáng babaeng capang̃agáw, na si doña Patrocinio, ang canyáng pagdiriwang, sa pamamag-itan ng̃ paghilíc samantalang siyá'y nakikinig ng̃ mg̃a sermón. Cung manacânaca'y maglacádlacád cayó, cung dacong hapon, sa únang daan ng̃ Santo Cristo, makikita ninyóng nacaupô sa tindahan ng̃ isáng insíc ang isáng maliit na tao, nanínilaw, payát, hucót, malalalim ang mg̃a mata at anyóng nag-áantoc, culay marumi ang mg̃a labi at ang mg̃a cucó at tumíting̃in sa tao ng̃ wari'y hindi nakikita. Pagdatíng ng̃ gabí'y makikita ninyó siyáng tumindíg ng̃ boong hirap, at nanúnungcod na pinatutung̃uhan ang isáng makipot na daan, pumapasoc sa isáng maliit na bahay na marumí at sa ibabaw ng̃ pintô nitó'y nababasa ang malalakíng letrang mapupula: FUMADERO PUBLICO DE ANFION. Itó'y yaóng totoong cabalitaang si capitang Tiago, na ng̃ayó'y lubós ng̃ nacalimutan ng̃ lahát, na anó pa't patí ng̃ sacristán mayor ay hindi na siyá naaalaala. Idinagdag ni doña Victorina sa canyáng mg̃a culót na buhóc na postizo at sa canyáng pag-aandaandalusahan, pakikiwang̃is bagá sa mg̃a tagá Andalucía sa pagsasalitâ, ang bagong caugaliang siyá ang nang̃ang̃asiwà sa pagpapalacad ng̃ mg̃a cabayo ng̃ coche, at pinipilit niyáng si don Tiburcio'y huwag cumílos. Sa pagcá't maraming nangyayaring capahamacan dahil sa cahinaan na ng̃ canyáng mg̃a matá, ng̃ayó'y gumagamit siyá ng̃ «quevedo» (salamin sa mg̃a matáng isinisipit sa ilóng ang pinacatangcáy) na nagbibigay sa canyá ng̃ anyóng naguing cabalitaan. Hindi na muling natawag ang doctor upang gumamót cang̃ino man, napapanood siyá ng̃ mg̃a alilang waláng ng̃ipin sa maraming araw ng̃ isáng linggó, bagay, na alinsunod sa talastás na ng̃ mg̃a bumabasa'y masamáng tandâ. Ang tang̃ing tagapagtanggól ng̃ culang palad na itó, na si Linares, ay malaon ng̃ nagpapahing̃alay sa Pacò, sa pagcá't pinatáy siyá ng̃ pag-iilaguín at ng̃ masasamáng guinágawâ sa canyá ng̃ canyáng hipag. Napasa España ang nagdiwang na alférez, na ang catungcula'y teniente na may gradong comandante, at iniwan ang canyáng mairog na asawa sa canyáng barong franela, na hindi mapagsiyasat cung anó na ang culay. Nang makita ng̃ cahabaghabag na Ariadna ang pagcápabayà sa canyá, namintacasi ring gaya ng̃ anác na babae ni Minos cay Baco at sa pakikipacatoto sa tabaco, na anó pa't nang̃ing̃inom at humihitít ng̃ boong alab ng̃ loob, na hindi na lamang ang mg̃a nagdádalaga ang sa canyá'y natatacot, cung di namán ang mg̃a matatandang babae't ang mg̃a batà. Marahil mg̃a buhay pa ang ating mg̃a cakilala sa San Diego, sacali't hindi silá nang̃amatáy sa pagputóc ng̃ vapor «Lipa» na nagpaparoo't parito sa lalawigan. Sa pagcá't sino ma'y waláng nang̃asiwà upang maalaman cung sinosino ang mg̃a caawâawang namatáy sa gayóng capahamacán; at cung canicanino ang mg̃a hìta at mg̃a camáy na sumabog sa pulô ng̃ Convalecencia at sa mg̃a pampáng ng̃ ilog, lubós na hindi nalalaman namin cung napasama ó hindi sa nang̃amatáy na iyón ang alin man sa mg̃a cakilala ng̃ mg̃a mambabasa sa amin. Natutuwà na camí at gayon din ang gobierno at ang mg̃a pámahayagan ng̃ panahóng iyón, sa pagcacalám na ang iisaisang fraileng nacasacáy sa vapor ay nacaligtás, at walâ na camíng hinihing̃ing ibá pa. Ang pang̃ulo sa amin ay ang buhay ng̃ banál na mg̃a sacerdote, na papanatilihin nawà ng̃ Dios ang caniláng paghaharì sa Filipinas sa icagagaling ng̃ aming mg̃a caluluwa.[o 1] Tungcól cay María Clara'y walà ng̃ naguíng balitang anó pa man, liban na lamang sa anaki'y siyá'y iniing̃atan ng̃ libing̃an sa canyáng sinapupunan. Ipinagtanóng naming macailan siyá sa iláng taong may malalaking capangyarihan sa santo convento ng̃ Santa Clara, ng̃uni't sino ma'y waláng nag-ibig magsabi sa amin ng̃ isá man lamang salità, cahi't ang mg̃a masalitang madasaling tumátanggap ng̃ bantóg na fritada ng̃ atáy ng̃ inahíng manóc, at ng̃ salsa na lalò pang cabalitaang tinatawag na «salsa ng̃ mg̃a monja», na guinágawâ ng̃ matalinong taga-paglutong babae ng̃ mg̃a Virgen ng̃ Pang̃inoóng Dios. Gayón man: Isáng gabí ng̃ Septiembreng umaatung̃al ang bagyó at hináhampas ng̃ canyáng calakilakihang mg̃a pacpác ang mg̃a bahay sa Maynilà; dumáragundong ang mg̃a culóg sa tuwing sandalî, waláng humpáy halos ang pagtatangláw ng̃ mg̃a lintíc at kidlát sa mg̃a iniwáwasac ng̃ buhawi at naglulubog sa mg̃a namamayan sa caguicláguicláng tacot. Napapanood sa liwanag ng̃ kidlát ó ng̃ lintíc na nagpapakilwágkilwág, na tulad sa áhas, ang paglipád ng̃ isáng panig ng̃ bubung̃an ó ng̃ isáng bintana na dalá ng̃ hang̃in, ang pagcáguibâ ng̃ bahay na cakilakilabot ang lagapacan: waláng isáng coche at waláng isáng taong lumalacad sa mg̃a daan. Pagca náriring̃ig sa malayò ang paós na ugong ng̃ culóg na inuulit ng̃ macasangdaan ng̃ aling̃awng̃aw, cung magcágayo'y nariring̃ig ang pagbubuntóng-hininga ng̃ hang̃ing umiipoipo sa ulán, na siyáng gumágawâ ng̃ ulit-ulit na tric-trac sa mg̃a nacasarang dahon ng̃ bintanang capís. Dalawang guardia ang sumisilong sa isáng bagong guinagawang bahay sa malapit sa convento: isáng sundalo't isáng distinguido. —¿Anó ang atang guinágawâ rito?—ang sabi ng̃ sundalo;—sino ma'y waláng lumalacad sa daan ... dapat tayong pumaroon sa isáng bahay; tumatahan ang babae co sa daang Arzobispo. —Malayolayô rin buhat dito hanggáng doon at mababasâ tayo,—ang sagót ng̃ distinguido. —¿Anó ba ang cabuluhan noon, huwág lamang patayín tayo ng̃ lintíc? —¡Bah! huwág cang mag-alaala; dapat magcaroon ang mg̃a monja ng̃ isáng «pararayo» upang silá'y máligtas. —¿Siyá ng̃a ba?—anáng sundalo,—ng̃uni't anóng cabuluhan ng̃ pararayo'y ng̃itng̃it ng̃ dilím ang gabí? At tuming̃alâ upang macakita sa cadiliman: ng̃ sandaling iyó'y cumináng ang isáng kidlát na inulit at pagdaca'y sinundán ng̃ malacas at calaguimlaguim na culóg. —¡Nacú! ¡Susmariosep!—ang bigláng sinabi ng̃ sundalo, na nagcucruz at tulóy hinihila ang canyáng casama;—¡umalís tayo rito! —¿Anó ang nangyayari sa iyó? —¡Tayo na, umalís tayo rito!—ang inúlit ng̃ sundalo na nagtataguctucan ang ng̃ipin sa tacot. —¿Anó ang nakita mo? —¡Isáng fantasma!—ang ibinulóng na nang̃áng̃atal ang boong catawán. —¿Isáng fantasma? —¡Sa ibabaw ng̃ bubung̃an ... marahil siyá ang monja na naglíligpit ng̃ mg̃a bága sa boong gabi! Tuming̃alâ ang distinguido at ibig niyáng makita. —¡Jesús!—ang bigláng sinabi at siyá nama'y nagcruz. Siyá ng̃â namán, sa makináng na ilaw ng̃ kidlát ay canyáng nakita ang isáng anyóng taong nacatindíg, halos sa palupo ng̃ bahay, nacataas sa lang̃it ang mukhà't ang mg̃a kamáy, na para manding humíhing̃î sa canyá ng̃ awa. ¡Mg̃a lintíc at culóg ang itinútugón ng̃ lang̃it! Nang macatapos ang ugong ng̃ culóg ay náring̃ig ang isáng mapangláw na daíng. —¡Hindi gawâ ng̃ hang̃in ang daing na iyán, iyá'y sa fantasma!—ang ibinulóng ng̃ sundalo, na siyáng canyáng pinacatugón sa guinawang sa canyá'y pagpindót ng̃ canyáng casama. —¡Ay! ¡ay!—ang naglulumampas na daíng sa hang̃in at nang̃ing̃ibabaw sa ing̃ay ng̃ ulán: hindi matacpán ng̃ mg̃a haguinít ng̃ hang̃in ang matamís at cahabaghabag na tinig na iyóng puspós ng̃ capighatîan. Mulíng cumináng ang isáng kidlát na nacasisilaw ang tindí. —¡Hindi, hindi fantasma!—ang bigláng sinabi ng̃ distinguido;—mulí pang nakita co siyá; casinggandá ng̃ Virgen ... ¡Umalís na tayo rito't magbigáy álam tayo! Hindi na hinintay ng̃ sundalong ulitin pa ang pagyacag sa canyá't nang̃agsialís ang dalawá. ¿Sino cayâ ang humihibic sa calaguitnaan ng̃ gabí, na hindi inaalintana ang malacás na hang̃in, ang ulán at bagyó? ¿sino cayà ang matatacuting virgeng esposa ni Jesucristo, na nakikilaban sa nang̃agng̃ang̃alit na bagyó, tubig, lintíc at culóg at hinirang pa namán ang cagulatgulat na gabí at ang may calayaang lang̃it, upang itaghóy mulà sa isáng mapang̃anib na cataasan ang canyáng mg̃a daing sa Dios? ¿Linisan cayà ng̃ Dios ang canyáng templo at aayaw ng̃ dingguín ang mg̃a hibíc sa canyá? ¿Bacâ cayà hindi macalampás sa bubung̃án ng̃ convento ang mg̃a mithî ng̃ cáluluwa at ng̃ macapailánglang hanggáng sa trono ng̃ lubháng Mahabaguin? Humihip ng̃ boong galit ang bagyó halos sa magdamág; hindi sumicat ang isá man lamang bituin sa boong gabí; nagpatuloy ang waláng pagcasiyahan sa hirap na mg̃a ¡ay! na nacacahalo ng̃ mg̃a buntóng hining̃á ng̃ hang̃ing malacás, datapwa't nasunduan niyáng bing̃í ang Naturaleza't ang mg̃a tao; nagpuyát palibhasa ang Dios ay hindi siyá náriring̃ig. Kinabucasan, ng̃ mapaspás na sa lang̃it ang maiitim na mg̃a alapaap ay mulíng sumicat ang araw sa guitnâ ng̃ nadalisay na himpapawíd, humintô sa pintuan ng̃ convento ng̃ Santa Clara ang isáng coche at doo'y nanaog ang isáng lalaki, na napakilalang siyá'y kinacatawan ng̃ may capangyarihan at hining̃ing siyá'y pakipag-usapin sa abadesa at sa lahát ng̃ mg̃a monja. Ang sabi'y may humaráp na isáng monjang basáng basá at punít-punít ang suot na hábito, tumatang̃is at isinumbóng ang cakilakilabot na mg̃a cagagawan at hining̃ing siyá'y tangkilikin ng̃ tao laban sa mg̃a catampalasanan ng̃ pagbabanalbanalan. Ang sábihan din namá'y totoong cagandagandahan ang monjang iyon, na may mg̃a matáng ang cagandaha't catamisa'y walâ pang nakikitang macacawang̃is. Hindi siya inampón ng̃ kinacatawan ng̃ may capangyarihan, nakipagsalitaan itó sa abadesa at iniwan ang monjang iyón at hindi pinakinggán ang canyáng mg̃a samò at mg̃a luhà. Napanood ng̃ monjang sinarhan ang pintô pagcalabás ng̃ tao, na gaya marahil ng̃ panonood, ng̃ hinatulang magdusa, ng̃ pagsasará sa canyá ng̃ pintuan ng̃ lang̃it, sacasacali't dumating ang araw na maguiguing casíng bang̃ís at mawawalán ng̃ damdamin ang lang̃it na gaya ng̃ mg̃a tao. Ulól daw ang monjang iyón ang sabi ng̃ abadesa. Hindi marahil nalalaman ng̃ taong iyóng sa Maynilà'y may isáng hospicio na pinag-aalagaan sa mg̃a nasisira ang isip; ó bacà cayà namán ipinalálagay niyáng ang convento ng̃ mg̃a monja'y isáng ampunan ng̃ mg̃a ulól na babae, bagá man hinahacang may catatagáng camangmang̃an ang taong iyóng upáng macapagpasiya cung sirà ó hindi ang pag-iisip ng̃ isáng tao. Sinasabi rin namáng baligtád ang ipinasiya ng̃ general J. ng̃ canyáng mabalitaan ang nangyaring iyón; tinangcâ niyáng tangkilikin ang ulól na babae caya't hining̃î niyá itó. Ng̃unit ng̃ayó'y waláng humaráp na sino mang dalagang cagandagandahang waláng umampón, at hindi itinulot ng̃ abadesang dalawin at tingnán ang convento, at sa ganitó'y tumutol siyá sa pang̃alan ng̃ Religión at ng̃ mg̃a Santong Cautusán sa Convento. Hindi na mulíng napagsalitaanan pa ang nangyaring iyón, at gayón din ang tungcól sa cahabaghabag na si María Clara. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ang Katapusan
- Huling Kabanata
- Epilogo
Baybayin
Talababaan
|
|