Noli Me Tangere/Kabanata 55
←Kabanata 54: (Pagbubunyag) ←Paliwanag |
Kabanata 55: Malaking Sakuna Paliwanag |
Kabanata 56: Sabi-sabi at Kuro-kuro→ Paliwanag→ |
Teksto
Malaking Sakuna |
Ang Capahamacan Nang̃aghahapunan doon sa comedor (cacanán) ni Capitan Tiago, si Linares at si tía Isabel; naríng̃ig mulá sa salas ang calampagan ng̃ mg̃a pinggán at ng̃ mg̃a cubierto. Sinabi ni María Clarang aayaw na siyáng cumain, at naupô sa piano na ang casama'y ang masayáng si Sinang, na bumúbulong sa canyáng mg̃a taing̃a ng̃ mg̃a talinghagang salitâ, samantalang balisáng nagpaparoo't parito sa salas si pari Salvi. Hindi sa dahiláng hindi nagdáramdam ng̃ gutom ang bagong galing sa sakit, hindî; cayâ gayó'y hinihintay ang pagdating ng̃ isang tao, at sinamantala ang sandaling hindi niyá macacaharap ang canyáng Argos (sa macatuwid baga'y ang hindi naglílicat ng̃ pagbabantay sa canyá saán man): ang oras ng̃ paghahapunan ni Linares. —Makikita mo cung hindi matitira ang fantasmang iyán hanggáng sa á las ocho,—ang ibinulóng ni Sinang, na itinuturo ang cura; dapat siyáng pumarito pagca á las ocho. Gaya rin siyá ni Linares na umiibig. Pinagmasdán ni María Clara ng̃ boong panghihilacbót ang canyáng catotong babae. Hindi nápagmasdan nitó ang gayóng bagay, caya't nagpatuloy ang catacottacot na masaling̃atà: —¡Ah! nalalaman co na cung bakit aayaw umalis cahi't pagpasaring̃an co: ¡aayaw magcagugol sa pag-iilaw ng̃ convento! ¿nalaman mo na? Mulâ ng̃ magcasakít icaw, mulíng pinatáy ang dalawáng lámparang dating pinasísindihán ... Datapuwa't ¡tingnán mo cung anó ang guinagawang anyó sa mg̃a matá, at cung paano ang pagmumukhà! Tinugtóg ng̃ sandalíng iyón ng̃ relós sa bahay ang á las ocho. Nang̃atal ang cura at naupô sa isáng suloc. —¡Darating na!—ani Sinang at kinurót si María Clara;—¿náriring̃ig mo ba? Tumugtóg ang campanà sa simbahan ng̃ á las ocho at tumindig ang lahát upáng mang̃agdasál; namunò si pari Salvi ng̃ mahina't nang̃áng̃atal na tinig; datapuwa't palibhasa'y may canícanyang iniisip ang bawa't isá, sino ma'y waláng pumansín ng̃ bagay na iyón. Bahagyá pa lamang natatapos ang dasál ay dumatíng si Ibarra. May tagláy na luksâ ang binatà, hindi lamang sa pananamít, cung di naman sa mukhá, caya pagcakita sa canyá ni María Clara'y tumindig at humacbáng ng̃ isá upáng siyá'y tanung̃in cung napapaano, ng̃uni't sa sandali ring iyó'y naring̃íg ang isáng pútucan ng̃ mg̃a baríl. Tumiguil si Ibarra, umiinog ang canyáng mg̃a matá, siyá'y naumíd. Nagtagò sa licód ng̃ isáng haligui ang cura. Bago na namáng mg̃a putucan, bagong mg̃a ugong ang náriring̃ig sa dacong convento, na sinusundan ng̃ mg̃a hiyawan at tacbuhan. Nang̃agsipasoc ng̃ panacbó si capitan Tiago, si tía Isabel at si Linares at nang̃agsisigawan ng̃ ¡tulisán! ¡tulisán! Casunod nilá si Andeng na iniwawasiwas ang isáng duruan at tumacbó't naparoon sa tabí ng̃ canyáng capatíd sa suso. Nanicluhód si tía Isabel at umiiyac at dinárasal ang kyrie eleyson; dalá ni capitán Tiagong namúmutlá't nang̃áng̃atal sa isáng tenedor ang atáy ng̃ isáng inahíng manóc at inihahaying tumatang̃is sa Virgen sa Antipolo; punongpunô ang bibig ni Linares at nacasandata ng̃ isáng cuchara; nang̃agyacap si Sinang at si María Clara; ang tang̃ing hindi nananatili sa hindi pagkilos ay si Crisóstomo, na hindi maisaysáy ang canyáng pamumutlá. Nagpapatuloy ang sigawá't ang mg̃a hampasan, nang̃agsásara ng̃ mg̃a bintanà ng̃ boong ing̃ay, nariring̃ig ang tunóg ng̃ mg̃a pito, manacanaca'y isáng putóc ng̃ baríl. —¡Christe eleyson! Santiago, ¡nagáganap na ang hulà ... sarhán mo ang mg̃a bintana!—ang hibíc ni tía Isabel. —¡Limampóng bombang malalakí at dalawáng misa de gracia!—ang tugón namán ni capitán Tiago;—¡Ora pro nobis! Untiunting nananag-uli ang cakilakilabot na catahimican ... Náring̃ig ang tinig ng̃ alférez na sumísigaw at tumatacbo: —¡Padre cura! ¡Padre Salvi! ¡Hali cayó! —¡Miserere! ¡Humihing̃i ng̃ confesión ang alférez!—ang sigáw ni tía Isabel. —¿May sugat ba ang alférez?—ang sa cawacasa'y itinanóng ni Linares; ¡ah! At ng̃ayó'y canyáng nahiwatigang hindi pa palá nang̃úng̃uyá ang na sa canyáng bibig. —¡Padre cura, halí cayó! ¡Walâ nang sucat icatacot!—ang ipinatuloy na sigáw ng̃ alférez. Sa cawacasa'y minagalíng ni fray Salving namúmutlâ, na lumabás sa canyáng pinagtataguan at manaog sa hagdanan. —¡Pinatáy ng̃ mg̃a tulisán ang alférez! ¡María, Sinang, pasá cuarto cayó, trangcahán ninyóng magalíng ang pintô! ¡Kyrie eleyson! Napasa hagdanan namán si Ibarra, bagá man sinasabi sa canyá ni tía Isabel: —¡Huwág cang lumabás at hindi ca nacapang̃ung̃umpisal, huwág cang lumabás! Ang mabait na matandang babaeng itó'y caibigang matalic ng̃ una ng̃ canyáng iná. Datapuwa't nilisan ni Ibarra ang bahay; sa pakiramdám niyá'y umiinog na lahát sa canyáng paliguid, na nawáwalâ ang canyáng tinutungtung̃an. Humahaguing ang canyáng taing̃a, bumibigát ang canyáng mg̃a bintî at cacaibá cung ilacad; naghahalihaliling nagdaraan sa canyang paning̃ín ang mg̃a alon ng̃ dugô, liwanag at carilimán. Bagá man totoóng maliwanag ang sicat ng̃ buwán sa lang̃it, natitisod ang binatà sa mg̃a bató't mg̃a cahoy na na sa daang mapanglaw at waláng cataotao. Sa malapit sa cuartel ay nacakita siyá ng̃ mg̃a sundalong nacalagáy sa dulo ng̃ fusil ang bayoneta, na nang̃agsasalitaan ng̃ masimbuyó, caya't nacaraan siyá na hindi napansín. Nariring̃ig sa tribunal ang mg̃a dagoc, mg̃a sigáw, mg̃a daíng, mg̃a tung̃ayaw; nang̃ing̃ibabaw at nagtatagumpay sa lahát ang tinig ng̃ alférez. —¡Sa pang̃áw! ¡Lagyán ng̃ esposas ang mg̃a camay! ¡Dalawáng putóc agád sa cumilos! ¡Sargento, magtatág cayó ng̃ bantáy! ¡Waláng magpapasial ng̃ayón, cahi't Dios! ¡Huwág cayóng matutulog, capitán! Nagtumulin ng̃ pagpatung̃o sa canyáng bahay si Ibarra; hinihintay siyá ng̃ canyáng mg̃a alila na malakí ang balisa. —¡Siyahan ninyó ang lalong pinacamagalíng na cabayo at cayó'y matulog!—ang sa canilá'y sinabi. Pumasoc sa canyáng gabinete, at nag-acalang magdalidaling ihandá ang isáng maleta. Binucsán ang isáng cajang bacal, kinuha ang canyáng mg̃a hiyas, kinuha ang lahát ng̃ salaping doroon at ípinasoc sa isáng supot. Kinuha ang canyáng mg̃a hiyas, kinuha sa pagcasabit ang isáng larawan ni María Clara, at pagcatapos na macapagsandata ng̃ isáng sundang at dalawáng revolver ay tinung̃o ang isáng armario na kinálalagyan ng̃ canyáng mg̃a casangcapan. Nang sandaling iyó'y tatlóng calabóg na malalacás ang tumunóg sa pintô. —¿Sino iyán?—ang itinanóng ni Ibarra ng̃ tinig na malungcót. —¡Bucsán ninyó sa ng̃alan ng̃ harì, bucsan ninyò agád ó iguiguibà namin ang pintô!—ang sagót sa wicàng castilà ng̃ isáng tinig na mahigpit ang pag-uutos. Tuming̃in sa bintana si Ibarra; nagningning ang canyáng mg̃a matá at ikinasá ang canyáng revolver; datapuwa't nagbagong isipan, binitiwan ang mg̃a sandata at siyá rin ang nagbucás ng̃ nang̃agdarating̃an na ang mg̃a utusán. Pagdaca'y hinuli siyá ng̃ tatlóng guardia. —¡Parakip po cayó sa ng̃alan ng̃ Hari!—anáng sargento. —¿Bakit? —Doon na sasabihin sa inyó, bawal sa amin ang sabihin. Nagdilidiling sandali ang binatà, at sa pagcá't aayaw siyá marahil na makita ang canyáng mg̃a paghahandâ sa pagtacas, dinampót ang sombrero't nagsalitâ: —¡Sumasailalim po acó ng̃ inyóng capangyarihan! Inaacala cong sa sandalíng oras lamang. —Cung nang̃ang̃aco cayóng hindi tatacas, hindi po namin cayó gagapusin; ipinagcacaloob po sa inyó ng̃ alférez ang biyayang itó; ng̃uni't cung cayó'y tumacas.... Sumama si Ibarra, at iniwan ang canyáng mg̃a alilang nang̃alálaguim. Samatala'y ¿anó na ang nangyari cay Elías? Nang canyáng lisanin ang bahay ni Crisóstomo, warì'y sirá ang isip na tumátacbong hindi nalalaman ang pinatung̃uhan. Tinahac ang mg̃a capatagan, dumating sa isáng gubat na totoong malakí ang pagcaguiyaguis; tinatacasan ang cabayanan, tinatacasan ang liwanag, nacaliligalig sa canya ang buwan, pumasoc siyá sa talinghagáng lilim ng̃ mg̃a cahoy. Nang naroroon na'y cung minsa'y tumitiguil, cung minsa'y lumalacad sa mg̃a di kilalang landás, cumacapit sa punò ng̃ malalaking cahoy, nababayakid sa mg̃a dawag, tumátanaw sa dacong bayan, na sa dacong paanan niyá'y naliligo sa liwanag ng̃ buwan, nacalatag sa capatagan, nacahilig sa mg̃a pampang̃in ng̃ dagat. Nang̃agliliparan ang mg̃a ibong nang̃apupucaw sa caniláng pagtulog; nang̃agpapalipatlipat sa sa isá't isáng sang̃á, nang̃aghuhunihan ng̃ matataos na tinig at tinititigan siyá ng̃ mabibilog na mg̃a matá ng̃ nang̃aglalakihang mg̃a panikî, mg̃a kuwago at mg̃a sábucot. Hindi silá tinitingnan at hindi man lamang silá náriring̃ig ni Elias. Ang acalà niyá siyá'y sinúsundan ng̃ mg̃a napupuot na anino ng̃ canyáng mg̃a magulang na nang̃amatay na; nakikita sa bawa't sang̃á ang calaguímlaguím na buslóng kinálalagyan ng̃ naliligò ng̃ dugóng ulo ni Bálat, ayon sa pagcasabi sa canyá ng̃ canyáng amá; warì natatalisod niyá mandín sa punò ng̃ bawa't cahoy ang matandáng babaeng patáy; tila mandin nakikinikinita niyá sa dilim na papawidpawid ang bung̃ô at mg̃a butó ng̃ nunò niyáng lalaking imbi ... at ang mg̃a butóng itó ng̃ matandáng babae at saca ang ulong iyó'y sinisigawan siyá: ¡duwág!, ¡duwág! Linisan ni Elías ang bundóc, tumacas at lumusong sa dacong dagat, sa pasigang nilacad niyá ng̃ boong balisa; ng̃uni't doon sa malayò, sa guitná ng̃ tubig, doon sa ipinaiilanglang mandin ng̃ liwanag ng̃ buwan ang isáng ulap, anaki'y nakita niyáng napaimbulog at pumapawidpawid ang isáng anino, ang anino ng̃ canyàng capatíd na babaeng basá ng̃ dugô ang dibdib, lugáy ang buhók at inilílipad ng̃ hang̃in. Nanicluhód sa buhang̃in si Elías. —¡Patí ba namán icaw!—ang ibinulóng na iniunat ang mg̃a bisig. Datapuwâ, nacatitig sa ulap ay dahandahang tumindíg, sumulong at tumubóg sa tubig, na wari mandin siyá'y may sinúsundan. Lumalacad siyá sa malaláy na palusóng na iyóng gawá ng̃ wawà; malayò na siyá sa tabi, dumarating na sa canyáng bayawáng ang tubig ay siyá'y sumusulong din, sumusulong na tila niwawaláng diwà ng̃ isáng mapanhalinang espiritu. Dumárating na sa canyáng dibdib ang tubig ...; ng̃uni't umaling̃awng̃aw ang putucan ng̃ mg̃a baril, nawalá ang aninong malicmatà at ang binatà'y nataohan. Salamat sa catahimican ng̃ gabí at sa lalong malakíng capaikpicán ng̃ mahinhing hang̃in ay dumarating na magaling at malinaw na malinaw hanggáng sa canyá ang ugong ng̃ mg̃a putucan. Humintô siyá, nagdilidili, nahiwatigan niyáng siyá palá'y sumasatubig; payapà ang dagatan at natatanaw pa niyá ang mg̃a ilaw sa dampâ ng̃ mg̃a mang̃ing̃isdâ. Nagbalic siyá sa pampáng at napatung̃o sa bayan, ¿anó ang dahil? Siyá ma'y hindi niyá nalalaman. Tila mandin walang tao ang bayan; saráng lahát ang mg̃a bahay, sampóng mg̃a hayop, ang mg̃a ásong caraniwang tumatahol cung gabí, pawang nang̃agtagò sa tacot. Nacararagdag ng̃ lungcot at pag-iisá ang anyóng pilac na liwanag ng̃ buwan. Sa pang̃ang̃anib niyáng bacâ canyáng macasalubong ang mg̃a guardia civil, siya'y nagpasuotsuot sa mg̃a halamanan at mg̃a pananím, at anaki'y canyáng naaninagnagan ang dalawáng may anyóng tao; datapuwa't canyáng ipinatuloy ang lacad, at, pagcalucsó niyá sa mg̃a bacod at sa mg̃a pader, dumating siyáng pagál na pagál sa hirap na canyáng mg̃a pinagdaanan, sa isáng dulo ng̃ bayan, at tinung̃o niyá ang bahay ni Crisóstomo. Na sa pintuan ang mg̃a alila't caniláng pinag-uusapan at caniláng dináramdam ang pagcacapiit sa caniláng pang̃inoon. Nang matantô na ni Elías ang nangyari siyá'y lumayô, lumiguíd siyá sa bahay, nilucsó ang pader na bacod, inakyat ang bintanà at pumasoc sa gabinete, at nakita niyáng nagnining̃as pa ang iniwang candila ni Ibarra. Nakita ni Elías ang mg̃a papel at ang mg̃a libró at ang mg̃a suputang kinasisidlan ng̃ salapî at mg̃a hiyas. Pinag ugnáy-ugnáy sa canyáng dilidili ang doo'y nangyari, at ng̃ mapagmasdan niyá ang gayóng caraming mg̃a papel na macapapahamac, inacala niyáng iligpít, ihaguís sa bintanà at ibaón. Sumung̃aw siyá sa halamanan, at sa liwanag ng̃ buwá'y canyáng natanawan ang dalawáng guardia civil, na may casamang isáng «auxiliante» (isáng utusán bagá ng̃ justicia): nagkikintaban ang mg̃a bayoneta at ang mg̃a capacete. Nang magcagayo'y minagalíng niyáng gawín agad ang isáng munacalà: ibinuntón sa guitnâ ng̃ gabinete ang mg̃a damít at ang mg̃a papel, ibinuhos sa ibabaw ang isáng lámpara ng̃ petróleo at sacâ sinindihán. Ibinigkís na nagdudumalî sa bayawáng ang mg̃a sandata, nakita ang larawan ni María Clara, nag-alinlang̃an ... itinagò sa isá sa mg̃a suputan, dinalá ang mg̃a suputang itó at tumalón sa bintanà. Panahón na ng̃à; iguiníguibâ na ng̃ mg̃a guardia civil ang pintuan. —¡Pabayaan ninyó camíng pumanhic upáng aming cunin ang mg̃a papel ng̃ inyóng pang̃inoon!—anáng directorcillo. —¿May dalá ba cayóng pahintulot? Cung wala'y hindi cayó macapapanhic,—ang sabi ng̃ isáng matandáng lalaki. Ng̃uni't pinatabi siyá ng̃ mg̃a guardia civil sa cacuculata, pumanhíc silá sa hagdán ...; datapuwa't isáng macapal na asó ang siyáng pumúpunô sa bahay, at pagcálalaking mg̃a dilà ng̃ apóy ang siyáng nang̃agsilabás sa salas at dinidilàan ang mg̃a pintó't bintanà. —¡Sunog! ¡Sunog! ¡Apóy!—ang ipinagsigawan ng̃ lahát. Humandulong ang lahát upáng mailigtás ng̃ bawa't isá ang macacaya, ng̃uni't dumating ang apóy sa maliit na laboratorio at pumutóc ang mg̃a naroroong bagay na madadalíng mag-alab. Napilitang umurong ang mg̃a guardia civil, hinaharang̃an silá ng̃ sunog, na umuung̃al at niwáwalis ang bawa't maraanan. Nawaláng cabuluháng cumuha ng̃ tubig sa balón; sumísigaw ang lahát, ang lahát ay nagpapaguibíc, datapuwa't silá'y nálalayô sa lahát. Narating na ng̃ apóy ang mg̃a ibáng cabahayán at napaiilanglang sa lang̃it, casabay ang pagpaimbulóg ng̃ malalakíng nagpapainog-inog na asó. Nalilipos na ng̃ apóy ang boong bahay, lumálacás ang hang̃ing nasasalab; mulâ sa malayo'y nang̃agsisirating ang iláng mg̃a tagá bukid, nguni't dumárating silá roo't upáng mapanood lamang nilá ang cagulatgulat na sigâ, ang wacás ng̃ matandáng bahay, na pinagpitagang mahabang panahón ng̃ apóy, tubig at hang̃in. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ang Pagkapahamak
- Ang Pagkakagulo
- Ang Kaguluhan
- Kaguluhan