Noli Me Tangere/Kabanata 54
←Kabanata 53: Makikilala sa Umaga ang Isang Magandang Araw ←Paliwanag |
Kabanata 54: (Pagbubunyag) Paliwanag |
Kabanata 55: Malaking Sakuna→ Paliwanag→ |
Teksto
(Pagbubunyag) |
Ipinagbibigay álam ng̃ campana ang oras ng̃ pagdarasal sa hapon; tumitiguil ang lahát pagcáring̃ig ng̃ taguinting ng̃ pagtawag ng̃ religión, iniiwan ang caniláng guinágawa't nang̃agpupugay: inihíhintó ng̃ magsasacáng nanggagaling sa bukid ang canyáng pag-awit, pinatitiguil ang mahinahong lacad ng̃ calabáw na canyáng sinásakyan, at nagdarasal; nagcucruz ang mg̃a babae sa guitnâ ng̃ daan at pinagágalaw na magalíng ang caniláng mg̃a labì't ng̃ sino ma'y huwag mag-alinlang̃ang sa caniláng silá'y mapamintakasi; inihihintô ng̃ lalaki ang pag-ámac sa canyáng manóc at dinárasal ang Angelus upáng sang-ayunan siyá ng̃ capalaran; nang̃agdárasal ng̃ malacás sa mg̃a bahay ... nalúlugnaw, nawáwalâ ang lahát ng̃ ing̃ay na hindi ang sa Abá Guinoong Maria. Gayón ma'y nagtutumulin sa paglacad sa daan ang curang nacasombrero, na anó pa't pinapagcacasala ang maraming mg̃a matatandáng babae, ¡at lalo ng̃ nacapagcacasala! na ang tinutungo niyá'y ang bahay ng̃ alférez. Inacala ng̃ mg̃a matatandáng babaeng panahón nang dapat niláng itíguil ang pagpapakibót ng̃ caniláng mg̃a labi upáng silá'y macahalic sa camáy ng̃ cura; datapuwa't hindî silá pinansín ni pari Salví; hindi siyá nagtamóng lugód ng̃ayóng ilagáy ang canyáng mabut-óng camáy sa ibabaw ng̃ ilóng ng̃ babaeng cristiana, upáng buhat diyá'y padaus-using maimis (ayon sa nahiwatigan ni doña Consolación) sa dibdíb ng̃ magandáng batang dalaga, na yumúyucod sa paghing̃î ng̃ bendición. ¡Marahil totoong mahalagáng bagay ng̃â ang nacaliligalig sa canyáng panimdím upáng malimutan ng̃ ganyán ang canyáng sariling cagaling̃an at ang cagaling̃an ng̃ Iglesia! Totoong dalidali ng̃ang siyá'y nanhíc sa hagdanan at tumawag ng̃ boong pagdudumalî sa pintô ng̃ bahay ng̃ alférez, na humaráp na nacacunót ang mg̃a kilay, na sinusundan ng̃ canyáng cabiac (ng̃ canyang asawa), na ng̃umíng̃iting parang tagá infierno. —¡Ah, padre cura! makikipagkita sana acó sa inyó ng̃ayón, ang cambíng na lalaki po ninyó'y.... —May sadyà acóng totoong mahalagá.... —Hindí co maitutulot na palagui ng̃ iwasac niyá ang bacod ... ¡papuputucan co siyá cung magbalic! —¡Iyá'y sacali't buháy pa cayó hanggáng bucas!—anáng cura na humihing̃al at patung̃o sa salas. —¿Anó? ¿inaacala po ba ninyóng mapapatay acó niyáng taotaohang pipitong buwan pa lamang ng̃ ipang̃anac? ¡Lúlusayin co siyá sa isáng sicad lamang! Umudlót si pari Salvi at hindi kinucusa'y itinung̃ó ang paning̃ín sa paá ng̃ alférez. —¿At sino po ba ang inyóng sinasabi?—ang itinanóng na nang̃áng̃atal —¿Sino ang sasabihin co cung di iyáng nápacahalíng, na hinamon acóng camí raw ay magpatayan sa pamamag-itan ng̃ revolver, na ang layo'y sandaang hacbáng? —¡Ah!—huming̃á ang cura, at saca idinugtóng:—Naparito acó't may sasabihin sa inyóng isáng bagay na totoóng madalian. —¡Huwág na pó cayóng magsabi sa akin ng̃ ganyáng mg̃a bagay! ¡Marahil iyá'y catulad ng̃ sa dalawáng batà! Cung di lamang naguíng lang̃ís ang pang-ilaw at hindi sana nápacarumí ang globo, nakita disín ng̃ alférez ang pamumutlâ ng̃ cura. —¡Ang ating pag-uusapan ng̃ayó'y ang mahalagáng bagay na nauucol sa buhay ng̃ calahatan!—ang mulíng sinabi ng̃ cura ng̃ marahan. —¡Mahalagáng bagay!—ang inulit ng̃ alférez na namutlà; ¿magalíng po bang magpatamà ang binatang iyán?... —Hindi siyá ang aking sinasabi. —Cung gayó'y ¿sino? Itinurò ng̃ cura ang pintô, na sinarhán ng̃ alférez alinsunod sa canyáng kinaugalian, sa pamamag-itan ng̃ isáng sicad. Ipinalálagay ng̃ alférez na waláng cabuluhán ang mg̃a camay, at wala ng̃ang mawáwalâ sa canyáng anó man cung maalis ang canyang dalawang camáy. Isáng tung̃ayaw at isáng atung̃al ang siyáng naguíng casagutan buhat sa labás. —¡Hayop! ¡biniyác mo ang aking noó!—ang isinigáw ng̃ asawa niyá. —¡Ng̃ayó'y iluwal na pô ninyó!—ang sinabi sa cura ng̃ boong capanatagán ng̃ loob. Tinitigan ng̃ cura ang alférez ng̃ malaon; pagcatapos ay tumanóng niyáng tinig na pahumál at nacayayamot na caugalian ng̃ nang̃agsesermon: —¿Nakita pô ba ninyó cung paano ang aking pagparito, patacbó? —¡Redios! ¡ang boong isip co'y nagbubululós pô cayó! —Cung gayó'y tingnán ninyó,—ang sinabi ng̃ cura na hindi pinansín ang cagaspang̃an ng̃ asal ng̃ alférez;—pagca nagcuculang acó ng̃ ganyán sa aking catungculan, maniwala cayó't may mabibigát na mg̃a cadahilanan. —¿At anó pa pô?—ang itinanóng ng̃ causap na itinátadyac ang paá sa tinútungtung̃an. —¡Huminahon cayó! —Cung gayó'y ¿anó't cayó'y nagmámadali ng̃ mainam sa pagparito? Lumapit sa canyá ang cura't tumanong ng̃ matalinghagà: —¿Walà ... pô ... ba ... cayóng ... nababalitaang ... anó ... man? Pinakibít ng̃ alférez ang canyáng mg̃a balicat. —¿Pinagtitibay pô ba ninyóng wala cayóng natátalastas na anóng anó man? —¿Ibig pô ba ninyóng ipaunawa sa akin ang nauucol cay Elías na cagabí'y itinagò ng̃ inyóng sacristan mayor?—ang itinanóng. —Hindi, hindi co sinasabi ng̃ayón ang mg̃a cathacathàng iyan,—ang sagót ng̃ curang nagpakita na ng̃ pagcayamot;—ang ibig cong sabihin ng̃ayó'y ang isáng malakíng pang̃anib. —¡P ...! ¡cung gayó'y magsalitâ cayó ng̃ maliwanag! —¡Abá!—ang madalang na sinabi ng̃ fraile na may anyóng pagpapawaláng halaga;—ng̃ayó'y muli pa ninyóng makikita ang cahalagahan naming mg̃a fraile; catimbáng ng̃ isáng regimiento ang catapustapusang uldóg; caya't ang cura'y ... At ibinabâ ang tinig at sinabi ng̃ matalinghagang pananalitâ: —¡Nacatuclas acó ng̃ isáng malaking acalang pangguguló! Lumucsó ang alférez at tinititigan ang fraile sa malakíng gulat. —Isáng cakilakilabot at mabuting pagcacahandang munacalang tacsíl na pangguguló, na sasambulat ng̃ayón ding gabí. —¡Ng̃ayón ding gabi!—ang bigláng sinabi ng̃ alférez, na dinaluhong ang cura; at tinacbó ang canyáng revolver at sable na nacasabit sa pader. —¿Sino ang aking daracpin?, ¿sino ang aking daracpin?—ang sigáw. —¡Huminahon po cayó, may panahón pa, salamat sa aking pagdadalidaling guinawa; hanggáng sa á las ocho.... —¡Babarilín co siláng lahát! —¡Makiníg po cayó! Lumapit sa akin ng̃ayóng hapon ang isáng babae, na hindi co dapat sabihin ang pang̃alan (sa pagcá't isang lihim ng̃ confesió) at ipinahayag sa aking lahát. Sasalacayin nilá't cucunin ang cuartel, pagca á las ocho, na hindi magpapamalay, lolooban ang convento, dáracpin nilá ang falúa at pápatayin tayong lahát na mg̃a castila. Tulíg na tulíg ang alférez. —Waláng sinabi sa akin ang babae cung di itó lamang,—ang idinugtóng ng̃ cura. —¿Walâ ng̃ ibáng sinabi? ¡cung gayó'y daracpin co siyá! —Hindi co mapababayaan: ang hucuman ng̃ pang̃ung̃umpisal ay siyáng luclucan ng̃ Dios na mahabaguin. —¡Waláng Dios at waláng mahabaguing macapagliligtas! ¡huhulihin co ang babaeng iyán! —Sinisirà po ninyó ang inyóng isip. Ang marapat pô ninyóng gawin ay humandá; lihim ninyóng papagsandatahin ang inyóng mg̃a sundalo, at ilagáy ninyó silá sa magalíng na mapagbabacayan; padalhan pô ninyó acó ng̃ apat na guardia sa convento, at ipaunawâ ninyó ang mangyayari sa mg̃a taga falúa. —¡Walâ rito ang falúa! Hihing̃î acó ng̃ saclolo sa ibáng mg̃a sección! —Huwág, sa pagca't cung gayó'y caniláng maiino, at hindi nila ipatutuloy ang caniláng bantâ. Ang lalong magalíng ay máhuli nating buháy silá at sacâ natin pasigawin, sa macatuwíd bagá'y cayó ang magpapasigaw sa canilá; hindi acó dapat makialám sa bagay na itó, sa pagcá't acó'y sacerdote. ¡Dilidilihin ninyó! sa mangyayaring itó'y macatutuclas cayó ng̃ mg̃a cruz at mg̃a estrella; ang tang̃ing hiníhing̃i co'y papagtibayin lamang na acó ang siyáng sa inyó'y nagsabi't ng̃ macapaghandà. —¡Papagtitibayin, padre, papagtitibayin, at hindi malayong sa inyó'y mapaputong ang isáng mitr!—ang sagót ng̃ alférez na nagágalac, at tinitingnan ang mg̃a mangás ng̃ canyáng suut na damít. —Ipaasahan cong magpápadala cayó sa akin ng̃ apat na guardia na ibá ang pananamit, ¿eh? Samantalang nangyayari ang mg̃a bagay na itó'y nagtátatacbo ang isáng tao sa daang patung̃ó sa bahay ni Crisóstomo at dalidaling pumapanhic sa hagdanan. —¿Nariyan ba ang guinoo?—ang tanóng ng̃ tinig ni Elías sa alilà. —Na sa canyáng gabinete at may guinagawâ. Sa nais ni Ibarrang malibáng ang canyáng pagcainíp sa paghihintay ng̃ oras na macapagpapaliwanagan cay María Clara'y gumagawa sa canyáng laboratorio. —¡Ah! cayó pô palá, ¿Elías?—ang bigláng sinabi;—cayó ang sumasaaking isip, nalimutan co cahapong itanóng sa inyó ang pang̃alan niyóng castilàng may bahay na kinatitirahan ng̃ inyóng nunòng lalaki. —Hindi pô nauucol sa akin, guinoo.... —Pagmasdán po ninyó,—ang ipinagpatuloy ni Ibarra, na hindi nahihiwatigan ang pagcabalisa ng̃ binata, at inilapit sa ning̃as ang isáng caputol na cawayan; nacatuclas acó ng̃ isáng dakilang bagay; hindi nasusunog ang cawayang itó. —Hindi pô ang cawayan ang dapat nating ling̃unín ng̃ayón; ang dapat ninyóng gawín ng̃ayó'y iligpit ang inyóng mg̃a papel at cayó'y tumacas sa loob ng̃ isáng minuto. Pinagmasdán ni Ibarra si Elías na nagtatacá, at ng̃ makita sa canyáng pagmumukhâ ang anyóng hindi nag aaglahî, canyáng nábitiwan ang bagay na hawac. —Sunuguin pô ninyó ang lahát na macapapahamac sa inyó at sa loob ng̃ isang oras ay lumagáy cayó sa isáng lugar na lalong panatag. —At ¿bakit? —Inyó pong sunuguin ang lahat ng̃ papel na inyóng sinulat ó ang isinulat sa inyó; ang lalong waláng cahuluga'y caniláng masasapantahang masamâ ... —Ng̃uni't ¿bakit? —¿Bakit? sa pagcá't bago cong natuclasan ang isáng munacalang pangguguló na cayó ang ipinalálagay na may cagagawán at ng̃ cayó'y ipahamac. —¿Isáng munacalang pangguguló? at ¿sino ang may cagagawán? —Hindi co nangyaring nasiyasat cung sino ang may cagagawán; bagong capakikipagsalitaan co lamang sa isá sa mg̃a culang palad na sa bagay na iyá'y pinagbayaran, na hindi co nangyaring naakit na huwag gumawa ng̃ gayón. —At iyán, ¿hindi pô ba sinabi sa inyó cung sino ang sa canyá'y nagbayad? —Sinabi pô, at pinapang̃aco acóng aking pacaing̃atan ang lihim, sinabi sa aking cayó raw pô. —¡Dios co!—ang biglang sinabi ni Ibarra, at siyá'y nagulomihanan. —¡Guinoo, huwág pô cayóng mag-alinlang̃an, huwag nating sayang̃in ang panahón, pagcá't marahil matuloy ng̃ayóng gabí rin ang munacalang pangguguló! Tila mandin hindi siyá nariring̃ig ni Ibarrang nacadilat ng̃ mainam at naca capit sa ulo ang mg̃a camáy. —Hindi mangyayaring mapahinto ang caniláng gagawin,—ang ipinagpatuloy. ni Elías,—wala ng̃ magagawa ng̃ acó'y dumatíng, hindi co kilalá ang canilang mg̃a pinuno ... ¡lumigtás po cayó, guinoo, magpacabuhay cayó, sa icagagaling ng̃ inyóng bayan! —¿Saán acó tatacas? ¡Hiníhintay aco ng̃ayóng gabi!—ang bigláng sinabi ni Ibarra na si María Clara ang iniisip. —¡Sa alin mang bayan, sa Maynila, sa bahay ng̃ sino mang punong may capangyarihan, ng̃uni't sa ibáng lugar, ng̃ hindi nilá masabing cayó ang namumunò sa pangguguló! —¿At cung acó rin ang magcanulo ng̃ munacalang pangguguló? —¡Cayó ang magcacanulo?—ang bigláng sinabi ni Elías, na siyá'y tinititigan at nilalayuan ng̃ pauróng; malalagay po cayóng tacsíl at duwag sa mg̃a matá ng̃ mg̃a mangguguló, at mahinà ang loob sa mg̃a matá ng̃ mg̃a ibá; wiwicaíng inumang̃an ninyó silá ng̃ isáng silo at ng̃ cayó'y magtamo ng̃ carapatán, mawiwicang ... —Datapuwa't ¿anó ang dapat cong gawín? —Sinabi co na sa inyó: pugnawín ang lahát ninyóng mg̃a papel na nauucol sa inyóng buhay, at tumacas at maghintáy ng̃ mg̃a mangyayari.... —¿At si María Clara?—ang sigáw ng̃ binatà;—¡hindi, mamatáy na muna acó! Pinilípit ni Elías ang sariling camáy at nagsabi: —¡Cung gayó'y inyóng ilagan man lamang ang dagoc, maghandâ cayó sa pananagót cung cayó'y isumbóng na nilá!!! Luming̃ap sa paliguid niyá si Ibarrang ang anyó'y natútulig. —Cung gayó'y tulung̃an pô ninyó aco; diyán sa mg̃a carpetang iyá'y may mg̃a sulat acó ng̃ aking familia; piliin ninyó ang sa aking amá na siyáng macapapahamac sa akin marahil. Basahin po ninyó ang mg̃a firma. At ang binata'y tulíg, hibáng, ay binubucsá't sinasarhan ang mg̃a cajón, nagliligpit ng̃ mg̃a papel, dalidaling binabasa ang mg̃a sulat, pinupunit ang mg̃a ibá, ang mg̃a ibá namá'y itinatagò, dumárampot ng̃ mg̃a aclát, binubucsan ang mg̃a dahon at ibá pa. Gayón din ang guinágawâ ni Elías, bagá man hindi totoóng natútulig, ng̃uni't gayón din ang pagdadalidali; datapuwa't humintô, nangdilat, pinapagbiling-bilíng ang papel na hawac at tumanóng na nang̃áng̃atal ang tinig: —¿Nakikilala pô ba ng̃ inyóng familia si don Pedro Eibarramendia? —¡Mangyari pa bagá!—ang isinagót ni Ibarra, na nagbúbucas ng̃ isáng cajón at kinucuha roon ang isáng buntóng mg̃a papel; ¡siyá ang aking nunò sa tuhod! —¿Inyó po bang nunò sa tuhod si don Pedro Eibarramendia?—ang mulíng itinanóng ni Elías, na namúmutla't siráng sirâ ang mukhâ. —Opô,—ang isinagót ni Ibarra, na nalílibang; pinaiclî namin ang apellido sa pagcá't napacahabà. —¿Siyá pô ba'y vascongado?—ang inulit ni Elías at lumapit sa canya. —Vascongado, ng̃uni't ¿ano po ang nangyayari sa inyó?—ang itinanóng na nangguíguilalas. Itinicom ni Elías ang canyang mg̃a daliri, idiniin sa canyáng noó at tinitigan si Crisóstomo, na umudlót ng̃ canyáng mabasa ang anyó ng̃ mukhâ ni Elías. —¡Nalalaman pô ba ninyó cung sino si don Pedro Eibarramendia?—ang itinanong na nangguiguitil.—¡Si don Pedro Eibarramendia'y yaóng imbíng nagparatang sa aking nunòng lalaki at may cagagawan ng̃ lahát ng̃ mg̃a sacunáng nangyari sa amin! Tiningnán siyá ni Crisóstomong nanglúlumo, datapuwa't ipinagpag ni Elías ang canyáng bisig, at sinabi sa canyá ng̃ isáng mapait na tinig na doo'y umaatung̃al ang nagbabagang galit. —¡Masdán ninyó acóng magaling, masdan ninyó acó cung acó'y naghirap, at cayó'y buháy, sumisinta cayo, cayó'y may cayamanan, bahay, kinaalang-alang̃anan! ¡nabubuhay cayó!... ¡cayó'y nabubuhay! At hibáng na tinung̃o ang ilang mg̃a sandatang típon, ng̃uni't bahagyâ pa lamang nacahugot ng̃ dalawáng sundang ay cusang binitiwan, at tiningnang wari'y sirâ ang isip si Ibarra, na nananatiling hindi cumikilos. —¡Aba!—¿anó ang aking gagawin?—ang ibinulóng, at saca tumacas at iniwan ang bahay na iyón. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Walang pamagat
- Ang Pagbubunyag
- Lahat ng Lihim ay Nabubunyag
- Lahat ng Lihim ay Nabubunyag, Walang Hindi Nagkakamit ng Parusa
- Lahat ng Lihim ay Nabubunyag at Walang Di Nagkakamit ng Parusa
- Walang Lihim na Hindi Nabubunyag