Noli Me Tangere/Kabanata 20
←Kabanata 19: Mga Kapalaran ng Isang Guro ←Paliwanag |
Kabanata 20: Ang Pulong sa Tribunal Paliwanag |
Kabanata 21: Kuwento ng Isang Ina→ Paliwanag→ |
Teksto
Ang Pulong sa Tribunal |
Ang Pulong sa Tribunal Yaó'y isang salas na may labíngdalawá ó labíng-limáng metro ang hábà may waló ó sampóng metro ang lúang. Ang mg̃a pader ng̃ salas na iyó'y pinaputî ng̃ pintáng ápog at punóng-punô ng̃ mg̃a dibujong úling ang iguinúhit na humiguít cumúlang ang capang̃itan, humiguít cumúlang ang casalaulàan, na may mg̃a cahalong paunawang súlat upang mapag-unáwang magalíng ang mg̃a cahulugán noón. Namamasdan sa isáng suloc na nacasandál ng̃ mahúsay na pagcacahanay ang may sampóng mg̃a lúmang fusil na batóng pingkian ang pangpaputóc na cahálò ng̃ sableng cálawang̃in, mg̃a espadin at mg̃a talibóng: yaón ang mg̃a sandata ng̃ mg̃a "cuadrillero." Sa isáng dúlo ng̃ salas na napapapamutihan ng̃ maruruming mg̃a "cortinang" pulá, natatagò ang larawan ng̃ hári, na nacasábit sa pader, nacapatong sa isáng tarímang cáhoy ang isáng lúmang sillóng nacabucá ang canyáng wasác na mg̃a brazo; sa harapa'y may isáng malakíng mesang cáhoy na narurung̃isan ng̃ tinta na may mg̃a úkit na mg̃a salitâ at mg̃a únang letra ng̃ pang̃alan cawang̃is ng̃ marami sa mg̃a mesa sa mg̃a tindahan ng̃ álac at cerveza sa Alemania, na caraniwang paroonan ng̃ mg̃a estudiante. Mang̃a siráng banccô at silla ang siyáng nacahúhusto ng̃ mg̃a casangcapan. Itó ang salas na pinagpupulung̃an ng̃ tribunal, ng̃ mg̃a pagpapahirap at ibá pa. Dito nagsasalitaan ng̃ayón ang mg̃a púno ng̃ báyan at ng̃ mg̃a nayon: hindî nakikihálò ang pangcát ng̃ mg̃a matatanda sa pangcát ng̃ mg̃a báta, at hindî nang̃agcacasundò ang isá't isá; silá ang mg̃a kinácatawan ng̃ partido conservador at ng̃ partido liberal, ang naguiguing catangîa'y totoong napapacalabis sa mg̃a bayan ang caniláng mg̃a pagtatalotalo. —¡Nacacapagcúlang-tiwálà sa ákin ang asal ng̃ gobernadorcillo!—ani Don Filipong púno ng̃ partido liberal sa canyáng mg̃a catoto; may dáti siyáng talagang pacay siya totoong ipinagpahuli niya ang pagtutuos ng̃ bálac na gúgugulin. Unawàin ninyóng labing-isáng araw na lamang ang sa áti'y nátitira. —At ¡nátira siya sa convento upang makipagsalitaan sa curang may sakit!—ipinaalaala ng̃ ísa sa mg̃a batà. —¡Hindî cailang̃an!—ang sinábi namán ng̃ isá;—ang lahát, ay naihandâ na natin. Huwág bâ lamang magcaroon ng̃ lálong maráming "voto" ang bálac ng̃ mg̃a matatandá.... —¡Hindî co inaacalang magcaroon!—ani Don Filipo;—acó ang magháharap ng̃ bálac ng̃ mg̃a matatandâ.... —¿Bakit? ¿anó ang sábi pô ninyó?—ang sa canyá'y mg̃a tanóng ng̃ mg̃a nakikinig sa canyáng páwang nang̃agtátaca. —Ang sinasabi co'y cung acó ang únang magsasalita'y áking iháharap ang bálac ng̃ ating mg̃a caáway. —At ¿ang bálac natin? —Cayó pô namán ang magháharap ng̃ bálac natin—ang sagót ng̃ tenienteng ng̃uming̃iti, na ang pinagsasabiha'y isáng bátang cabeza de barangay;—magsasalità pô cayó, pagcâ aco'y natálo na. —¡Hindî pô namin mawatasan ang inyóng caisipán!—ang sábi sa canyá ng̃ mg̃a causap, na minámasdan siyáng puspos ng̃ pag-aalinláng̃an. —¡Pakinggan ninyó!—ang marahang sinabi ni Don Filipo sa dalawá ó sa tatlóng nakikinig sa canyá—Nacausap co canínang úmaga si matandáng Tasio. —At ¿anó? —Sinabi sa akin ng̃ matandà: "Kinapopootan pô cayó ng̃ inyóng mg̃a caaway ng̃ higuit sa pagcapóot sa inyóng mg̃a caisipán. ¿Ibig bagá ninyóng howag mangyári ang isáng bágay? Cung gayó'y cayó ang humicayat na gawín ang bágay na iyán, at cáhi't ang bágay na iyá'y pakikinabang̃ang higuít cay sa isáng "mitra" ay ipagtatacwilan. Cung cayó'y matálo na, inyóng ipasábi ang inyóng linalayon sa lalong cababababaan sa lahát ninyóng mg̃a casamahán, at sasang-ayunan ang inyóng láyong iyón ng̃ inyóng mg̃a caaway, sa hang̃ád niláng cayó'y hiyâin." Datapuwa't inyó sánang ing̃átan ang líhim cong itó. —Ng̃uni't.... —Cayâ ng̃a acó ang siyáng magsasalitâ upang gawín ang panucálà ng̃ ating mg̃a caáway, na anó pa't pacalalabisin co ang pang̃ang̃atuwíran hanggang sa catawá-tawá. ¡Howág cayóng maing̃ay! Narito na si Guinoong Ibarra at ang maestro sa escuela. Bumáti ang dalawáng binátà sa isá't isáng pulutóng; ng̃uni't hindî nakialám sa mg̃a salitâan. Hindî naláo't pumásoc ang gobernadorcillong malungcót ang pagmumukhâ: siyá rin ang nakita nátin cahapong may daláng isáng arrobang candilà. Humintô ang mg̃a aling̃awng̃áw pagpásoc niyá; bawá't isa'y naupô at untiunting naghárì ang catahimícan. Naupô ang gobernadorcillo sa sillóng nacalagáy sa ibabâ ng̃ larawan ng̃ harì, macaapat ó macálimang umubó, hinaplós ang úlo at ang mukhâ, inilagáy ang síco sa ibabaw ng̃ mesa, inalís, mulíng umubó at gayón ang paúlit-ulit na guinawâ. —¡Mg̃a guinoó!—ang sinábi sa cawacasang nanglulupaypay ang voces:—nang̃ahás acóng anyayáhan co cayong lahát sa pagpupulong na itó ... ¡ejem!... ¡ejem!... gágawin natin ang fiesta ng̃ ating pintacasing si San Diego sa ica 12 nitong buwán.... ¡ejem!... ¡ejem!... ng̃ayo'y ica 2 tayo ¡ejem!... ¡ejem!... At dito'y inubó siyá ng̃ mahabà at tuyô na siyang pumíguil ng̃ canyáng pagsasalitâ. Nang magcagayo'y tumindíg sa bangcô ng̃ mg̃a matatandâ ang isáng táong may anyong makísig, na may mg̃a apat na pong taón ang gúlang. Siya ang mayamang si capitang Basilio, caaway ng̃ nasírang si Don Rafael, isáng taong nagsasabing umanó'y mulâ ng̃ mamatay si Santo Tomás de Aquino, ang mundo'y hindî sumusulong ng̃ cahi't iisang hacbang, at mulâ ng̃ canyáng íwan ang San Juan de Letrán, nagpasimulâ ang Sangcataóhan ng̃ pag-udlót. —Itúlot pô ng̃ mg̃a camahalan ninyóng magsaysay acó tungcól sa isáng bágay na totoong mahalagá—anyá. Acó ang náunang nagsalitâ, bagá man lálong may carapatáng mang̃áuna sa ákin ang mg̃a caumpóc dito, ng̃uni't acó ang únang nagsalitâ, sa pagca't sa acalà co'y sa mg̃a ganitóng bágay, ang magpasimulà ng̃ pananalita'y hindî ang cahuluga'y siyáng nang̃ung̃una, at gayón ding hindî ang cábuntutan ang cahulugán ng̃ cahulihulihang magsaysáy. Bucód sa rito'y ang mg̃a bágay na sasabihin co'y lubháng napacamahalagá upang maipagpaubáyà ó sabihin cayâ sa cahulihulihan; itó ang dáhil at íbig co sánang magpáuna ng̃ pananalitâ, at ng̃ máibigay ang dápat na cauculán. Itulot ng̃â ninyóng acó ang máunang magsalitâ sa púlong na itóng kinakikitaan co ng̃ mg̃a nalílimping totoóng mg̃a litáw na mg̃a táo, gáya na ng̃a ng̃ guinoong casalucuyang capitan, ng̃ capitan pasado, ng̃ caibigan cong táng̃ing si Don Valenting capitan pasado, ang aking caibigan sa camusmusáng si Don Julio, ang ating bantóg na capitan ng̃ mg̃a cuadrillerong si Don Melchor, at marami pang mg̃a caguinoohang dî co na sasabihi't ng̃ huwág acóng humábà, na nakikita ng̃ inyóng mg̃a camahalang pawang caharap natin ng̃ayón ípinamanhic co pô sa inyóng mg̃a camahalan ipahintulot na acó'y macapagsalitâ bago magsalitâ ang ibáng síno man ¿Magtátamo cayâ acó ng̃ capalarang pahinuhod ang capulung̃an sa áking mapacumbabang capamanhican? At sacâ yumucod ang mananalumpátì ng̃ bóong paggálang at ga ng̃uming̃itî na. —¡Macapagsasalitâ na cayó, sa pagcá't cayó'y pinakíkinggan námìn ng̃ boong pagmimithî!—ang sinábi ng̃ mg̃a binang̃uít na mg̃a caibigan, at iba pang mg̃a táong nang̃agpápalagay na siya'y dakílang mananalumpatî: nang̃ag-úubo ng̃ bóong ligaya ang mg̃a matatandâ at caniláng pinagpípisil ang dalawáng camáy. Pagcatápos na macapagpáhid ng̃ páwis si capitán Basilio ng̃ canyáng panyóng sutlâ, ay nagpatúloy ng̃ pananalitâ: Yamang lubháng nápacaganda ang inyong calooban at mapagbigay lugod sa ating abáng cataohan, sa pagcacaloob sa aking acó ang macapagsalitáng máuna sa sino mang náririto, sasamantalahin co ang capahintulutang itóng sa aki'y ipinagcaloob ng̃ bóong cagandáhan ng̃ pusó at aco'y magsasalitâ. Iniisip ng̃ aking isip na aco'y sumasaguitnâ ng̃ cagalanggalang na Senado romano, "senatus populusque romanus", na sinasabi nátin niyóng mg̃a caayaayang panahóng sa caculang̃ang pálad ng̃ Sangcataóha'y hindî na magbábalic, at aking híhing̃in sa "Patres Conscripti", ang sasabihin marahil ng̃ pantás na si Ciceron, cung siyá ang málagay sa catayuan co ng̃ayón; hihíng̃in co, sapagca't capós táyo sa panahón, at ang panaho'y guintô, áyon sa sábi ni Salomón na sa mahalagang pinag uusapan ng̃ayo'y sabíhing maliwanag, maiclí at walang ligóy-lígoy ng̃ báwa't isá ang canyang panucalà. Sinabi co na. At tagláy ang bóong pagcalugód sa canyáng sariling cataóhan at sa magaling na pakikinig sa canyá ng̃ nang̃aroroon, naupô ang mananalumpatî, datapuwa't canyáng tiningnán múna si Ibarra at anyóng nagpapakilala siya ng̃ canyáng cataásan, at canyáng tiningnán din namán ang canyáng mg̃a caibigan, na pára mandíng sa canilá'y canyáng sinasabi: ¡Há! ¿Mabuti ba ang áking pagcacásalitâ? ¡há! Inilarawan namán ng̃ canyáng mg̃a caibigan sa caniláng mg̃a matá ang dalawáng pagting̃íng iyón, sa caniláng pagsulyáp sa mg̃a bátang guinóo, na ibig niláng patayín sa caingguitán. —Ng̃ayó'y macapagsasalitâ na ang bawa't may ibig, na ... ¡ejem!—ang sinabi ng̃ gobernadorcillo, na hindî natápos ang sinásalitâ, mulíng siyá'y inihít ng̃ ubó at ng̃ mg̃a pagbubuntóng hining̃á. Ayon sa hindî pag-imíc na námamasid, sino ma'y áyaw na siyá'y tawagguin "patres conscripti", síno ma'y waláng tumítindíg: ng̃ magcagayó'y sinamantala ni Don Filipo ang nangyayari at huming̃íng pahintúlot na macapagsalitâ. Nang̃agkindátan at nang̃aghudyátan ng̃ macahulugán ang mg̃a conservador. —¡Iháharap co, mg̃a guinóo, ang áking panucalang gugugulin sa fiesta! ani don Filipo. —¡Hindî námin masasang-ayunan!—ang sagót ng̃ isáng natutuyong matandáng conservador na hindî mapaclihán ng̃ anó man. —¡Lában sa panucalang iyán ang áming voto!—ang sábihan ng̃ ibáng mg̃a caaway. —¡Mg̃a guinoo!—ani Don Filipong pinipiguil ang pagtáwa;—hindî co pa sinasabi ang panucalang dalá rito naming mg̃a "bátà". "Lubós" ang aming pagása na siyáng mamagaling̃ín ng̃ "lahat" cay sa pinapanucálà ó mapapanucálà ng̃ áming mg̃a catálo. Ang palálong pasimuláng itó ang siyáng nacapuspós ng̃ gálit sa caloóban ng̃ mg̃a conservador, na nagsisipanumpâ sa caniláng sariling caniláng gagawín ang catacottacot na pagsalangsáng. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Don Filipo: —Tatlong libo't limandáang piso ang inaacálà náting gugúlin. Mangyayaríng macagawâ ng̃a táyo, sa pamamag-itan ng̃ salapíng ito ng̃ isang fiestang macahihiguit ng̃ di anó lamang sa caningning̃an sa lahát ng̃ hanggá ng̃ayó'y napanood dito sa ating lalawigan at sa mg̃a lalawigang carátig man. —¡Hmjn!—ang pinagsabihan ng̃ mg̃a hindî naniniwálà; gumugugol ang bayang A. ng̃ limáng libo, ang bayang B. nama'y ápat na libo—¡Hmjn! ¡cahambugán! —¡Pakinggán ninyó acó, mg̃a guinoo, at cayô'y maniniwálà. Aking iniaakit sa inyóng tayo'y magtayô ng̃ isáng malakíng teatro sa guitnâ ng̃ plaza, na maghalagáng isáng dáa't limampóng píso! —¡Hindî cásiya ang isáng dáa't limampô, kinacailang̃ang gumugol ng̃ isáng dáa't anim na pô!—ang itinutol ng̃ isáng matigás ang úlong conservador. —¡Itític pô ninyó, guinoong director, ang dalawang daang pisong iniuucol sa teatro!—ani Don Filipo.—Iniaanyaya cong makipagcayárì sa comedia sa Tundó upang magpalabás sa pitóng gabíng sunod sunod. Pitóng palabás na tigdadalawang daang píso bawa't gabí, ang cabooa'y isáng libo at ápat na ráang píso: ¡isulat pô ninyó, guinoong director, isáng libo't ápat na raang píso! Nang̃agting̃inan ang matatandá't ang mg̃a bátà sa pangguiguilalás; ang mg̃a nacatatalos lamang ng̃ líhim ang hindî nang̃agsikílos. Iniaanyaya co rin namáng magcaroon tayo ng̃ maraming totoong mg̃a paputóc; huwág ng̃a táyong gumamit ng̃ malilíit na "luces" at ng̃ mg̃a malilíit na "ruedang" kinalúlugdan lamang ng̃ mg̃a musmós at ng̃ mg̃a dalága, huwag táyong gumamit ng̃ lahat ng̃ itó. Malalakíng mg̃a bomba at sadyáng malalakíng mg̃a cohatón ang ibig natin. Iniaanyaya co ng̃a sa inyó ang pagcacagugol sa dalawang daang malalakíng bomba na tigalawang píso báwa't isá at dalawang daang cohatong gayón din ang halagá. Ipagawà natin sa mg̃a castillero sa Malabón. —¡Hmjn!—ang isinalábat ng̃ isáng matandâ:—hindî nacacagulat sa ákin at hindî rin nacabibing̃i ang isáng bombang tigalawang piso; kinacailang̃ang maguíng tigatlóng piso. —¡Isulat pô ninyó ang isáng libong pisong gugugulin sa dalawang daang bomba at dalawáng daang coletón! Hindî na nacatiís ang mg̃a conservador; nang̃agtindigan ang ilan at nang̃agsalitaan ng̃ bucód. —Bucód pa sa roon, upang makita ng̃ ating mg̃a capit-bayang tayo'y mg̃a taong walang hinayang at nagcacanlalabis sa atin ang salapî—ang ipinagpatuloy ni Don Filipo, na itinaas ang voces at matúling sinulyap ang pulutóng ng̃ mg̃a matatandâ,—aking iniaanyaya: una, apat na "hermano mayor" sa dalawáng áraw na fiesta, at icalawa, ang itápon sa dagatan sa aráw áraw ang dalawáng dáang inahíng manóc na pinirito, isang daang capóng "rellenado" at limampóng lechón, gáya ng̃ guinagawà ni Sila, sa panahón ni Ciestón, na bágong casasabi pa lámang ni capitang Basilìo. —¡Siya ng̃â, gáya ni Sila!—ang iculit ni capitang Basilio, na na totowâ ng̃ pagcábangguit sa canyá. Lumálaki ng̃ lumálaki ang pagtatacá. —Sa pagca't marámi ang dádalong mayayaman at bawa't isa'y may daláng libolíbong piso, at sacâ ang caniláng lalong magalíng na sagabung̃in, at ang "liampó" at mg̃a baraja, ini anyaya co sa iyó na tayo'y magpasabong ng̃ labínglimáng áraw, at magbigay calayaang mabucsan ang lahát ng̃ mg̃a bahay ng̃ sugalan.... Ng̃uni't nang̃agtindíg ang mg̃a cabatáan at siya'y sinalabát: ang boóng acálà nilá'y nasirá ang ísip ng̃ teniente mayor. Nang̃agtatalotalo ng̃ mainam ang mg̃a matatandâ. —At sa cawacasan, ng̃ huwág mapabayaan ang mg̃a caligayahan ng̃ cálolowa.... Natacpáng lubos ang canyáng voces ng̃ mg̃a bulongbulung̃an at ng̃ mg̃a sigawang sumiból sa lahat ng̃ súloc ng̃ sálas: yao'y naguing isáng caguluhan na lámang. —¡Hindî!—ang isinígaw ng̃ isang matálic na conservador;—ayaw cong maipang̃alaratac niyang siya ang nacagawa ng̃ fiesta, ayaw. Pabayaan, pabayaan ninyong aco'y macapagsalitâ. —¡Dináyà táyo ni Don Filipo!—ang sinásalitâ naman ng̃ mg̃a liberal. Bovoto cami ng̃ laban sa canya! ¡Cumampí siya sa matatandâ! ¡Bomoto tayo ng̃ laban sa canya! Ang gobernadorcillo, na higuít ang panglulupaypay sa cailan man; walang guinawa cahi't anó upang manag úli ang catiwasayan: naghíhintay na sila ang cusang tumiwasay. Huming̃íng pahintulot ang capitan ng̃ mg̃a cuadrillero upang magsalíta; pinagcalooban siya, datapuwa't hindî binucsan ang bibig, at mulíng naupóng nakikimî at puspós cahihiyan. Ang cabutiha'y nagtindîg si capitang Valenting siyang pinacamalamíg ang loob sa lahat ng̃ mg̃a conservador, at nagsalitâ. Hindi camí macasang-ayon sa palagáy na munacalà ng̃ teniente mayor, sa pagca't sa ganang amin ay napaca labis naman. Ang gayóng mapacaraming mg̃a bomba at ang gayong napaca raming gabi ng̃ pagpapalabas ng̃ comedia'y ang macacaibig lamang ay ang isang batang gaya ng̃ teniente mayor, na macapagpúpuyat ng̃ maraming gabí at macapakíkinig ng̃ maraming putóc na dî mabíbing̃i. Itinanóng co ang pasiya ng̃ mg̃a taong matalino at nagcacaisa ang lahat sa hindî pagsan-ayon sa panucalâ ni Don Felipo. ¿Hindí bâ ganito, mg̃a guinóo? —¡Tunay ng̃a! ¡tunay ng̃a! ang sabay sabay na pinagcaisahang sagót ng̃ mg̃a bata't matandâ. Nang̃alulugod ang mg̃a bata sa pakikiníg sa gayóng pananalitâ ng̃ isang matandâ. —¡Anó ang ating gagawín sa apat na mg̃a hermano mayor!—ang ipinatúloy ng̃ matandâ.—¿Anó ang cahulugan niyóng mg̃a inahíng manóc, mg̃a capón at mg̃a lechóng itatapon sa dagatan? ¡Cahambugan! ang sasabihin ng̃ mg̃a calapit-bayan natin, at pagcatapos ay magsásalat tayo sa pagcain sa loob ng̃ calahating taón. ¿Anó't makikiwang̃is táyo cay Sila ó sa mg̃a romano man? ¿Tayo ba'y inanyayahan minsan man lámang sa canilang mg̃a fiesta? Acó sa gannang akin, lamang, caílan ma'y hindî pa acó nacatatanggap ng̃ anó mang canílang líham na pang-anyaya, ¡gayóng aco'y matanda na! —Ang mg̃a romano'y tumahan sa Roma. Kinalalagyan ng̃ papa!—ang marahang sa canya'y ibinulóng ni capitáng Basilio. —¡Ng̃ayon co napagkilala!—ang sinabi ng̃ matandang hindî nagulomihanan. Marahil guinawa ang canilang fiesta cung "vigilia" at ipinatatapon ng̃ papa ang pagcain at ng̃ howag magcasala. Ng̃uni't sa paano mang bágay, hindî mangyayaring masang-ayunan ang inyong panucalang fiesta, sa pagca't isáng caulúlan! Napilitan si Don Filipong iurong ang canyáng panucálà; dahil sa totoong sinásalansang. Ang mg̃a lalong matatalic na mg̃a conservador sa caniláng caaway, hindî nang̃agdamdam ng̃ anó mang pag-aalap-ap ng̃ makita niláng tumindig ang isáng bátang cabeza de barangay at huming̃íng pahintúlot na macapagsalitâ. —Ipinamámanhic co sa inyóng mg̃a camahalang ipagpaumanhíng bagá ma't bátà acó'y mang̃ahás magsalitâ sa haráp ng̃ lubháng maráming táong totóong cagalanggalang dáhil sa canilang gúlang at dáhil namán sa catalinuhan at carunúng̃ang magpasiyá ng̃ tapát sa lahát ng̃ bagay, ng̃uni't sa pagca't ang caayaayang mananalumpatìng si capitang Basilio'y nag-aanyayang saysayin dito ng̃ lahát ang canicanilang mg̃a panucálà, maguíng pinacacalásag ng̃ aking cauntîan ang canyáng mahalagang pananalitâ. Tumátang̃ô, sa pagcalugod, ang mg̃a conservador. —¡Magalíng magsalitâ ang bátang itó!—¡Siya'y mápagpacumbabá!—¡Caguiláguilalás cung mang̃atuwíran!—ang sabihan ng̃ isa't isá. —¡Sayang at hindî marunong cumíyang magalíng!—ang pasiyá ni capitan Basilio.—Ng̃uni't nangyayari itó dahil sa hindî siya nag-aral cay Cicerón, at sacâ totoong bátà pa. —Hindî cayâ isinásaysay co sa inyó ang isáng palatuntunan ó panucálà,—ang ipinatuloy na salitâ ng̃ bátang cabeza,—ay hindî dahil sa ang isip co'y inyóng mámagaling̃in ó inyó cayáng sasang-ayunan: ang aking hang̃ad, casabáy ng̃ aking mulî pang pang̃ang̃ayupápà sa calooban ng̃ lahát, ay patotohanan sa mg̃a matatandang sa tuwî na'y sang-ayon ang aming isípan sa caniláng ísip, sa pagcá't áming ináangkin ang lahát ng̃ mg̃a adhicáng isinaysay ng̃ boong caningning̃án ni capitang Basilio. —¡Mabuting pananalitâ! ¡mabuting pananalitâ!—ang sabihanan ng̃ mg̃a pinauunlacáng mg̃a conservador. Hinuhudyatán ni capitang Basilio ang bátà upáng sa canyá'y sabihin cung paano ang marapat na paggaláw ng̃ bísig at cung paano ang acmâ ng̃ páa. Ang gobernadorcillo ang tang̃ing nananatili sa hindî pagpansín, nalílibang ó may ibáng iniisip: nahihiwatigan ang dalawang bagay na itó sa canyá. Nagpatuloy ang bátà ng̃ pagsasaysay, na nalalao'y lalong sumásaya ang pananalitâ: —Náoowî, mg̃a guinóo, ang aking panucála sa sumusunod: mag-ísip ng̃ mg̃a bagong pánooring hindî caraniwan at laguing nakikita natin sa aráw-áraw, at pagsicápang huwág umalís díto sa báyan ang salapîng nalicom, at huwág gugúlin sa waláng cabuluháng mg̃a pólvora, cung hindî gamítin sa ano mang bagay na pakinabang̃an ng̃ lahat. —¡Iyán ng̃â! ¡iyán ng̃â!—ang isináng-áyong salitâ ng̃ mg̃a bátà; iyáng ang ibig ng̃a namin—totoong magalíng—ang idinugtóng ng̃ mg̃a matatandâ. —¿Anó ang máhihitâ nátìn sa isáng linggóng comediang hiníhing̃î ng̃ teniente mayor? ¿Anó ang matututuhan natin sa mg̃a hárì sa Bohemia at Granada, na nang̃ag-uutos na putlín ang úlo ng̃ canilang mg̃a anác na babae, ó cung dìlì caya'y ikinacarga sa isáng cañón ang mg̃a anác na babaeng iyán at bágo naguiguing trono ang cañón? Tayo'y hindî mg̃a hárì, hindî tayo mg̃a tampalasang táong-párang, walâ namán táyong mg̃a cañón, at cung sila'y ating paráhan ay bibitayin táyo sa Bágongbayan. ¿Anó bagá ang princesang iyáng nakikihalobílo sa mg̃a paghahámoc, namamahagui ng̃ tagâ at úlós, nakikipag-away sa mg̃a principe at naglilibot na nang̃ag-íisa sa mg̃a bundóc at parang, na cawang̃is ng̃ nang̃atitigbalang? Kinalulugdan natin, ayon sa ating caugalian, ang catamisan at ang pagcamasintahin ng̃ babae, at mang̃ang̃anib tayong tumáng̃an sa mg̃a camáy ng̃ isáng biníbining narurung̃isan ng̃ dugô, cahi't na ang dugong ito'y sa isáng moro ó gigante; bagá man ang dugóng itó'y sa pinawawal-an nating halagá, palibhasa'y ipinalálagay náting imbí ang lalaking nagbubuhat ng̃ camá'y sa isáng babae, cahi't siya'y príncipe, alférez, ó tagabúkid na waláng pinag-aralan. ¿Hindî cayâ libolibong magalíng na ang palabasin natin ay ang laráwan ng̃ ating sariling mg̃a caugalîan, upang mabágo nátin ang ating masasamang mg̃a pinagcaratihan at mg̃a lihís na hílig at purihin ang magagandang gawâ at caugalian? —¡Iyan ng̃â! ¡iyan ng̃â!—ang inúlit ng̃ canyáng mg̃a cacampí. —¡Sumasacatuwíran!—ang ibinulóng na nang̃agdidilidili ang iláng matatandâ. —¡Hindî co naisip cailán man ang bágay na iyán!—ang ibinulóng ni capitang Basilio. —Datapuwa't ¿paano ang paggawâ ninyó niyán?—ang itinutol sa canyá ng̃ isáng mahirap sumang-ayon. —¡Magaang na magaang!—ang sagót ng̃ bátà. Dalá co rito ang dalawang comedia, na marahil pasisiyahang totoong masasangayunan at catowatowa ng̃ mg̃a cagalanggalang na matatandang dito'y nalilimpî, palibhasa'y lubós ang pagcatalós nilá sa bawa't magandá at kilalá namán ng̃ lahát ang caniláng catalinuhan. Ang pagmagát ng̃ isá'y Ang pag-hahalal ng̃ Gobernadorcillo, ito'y isáng comediang patupatuloy ang pananalitâ, nababahagui sa limang pangcat, cathâ ng̃ isá sa mg̃a náriritong caharáp. At ang isa'y may siyam na bahagui, úcol sa dálawáng gabi, isang talinghagang "drama" na ang pamimintás ang tucoy, sinulat ng̃ isá sa lalong magalíng na poeta dito sa lalawigan at Mariang Makiling ang pamagát. Nang áming mámasdang naluluatan ang pagpupulong ng̃ nauucol sa paghahandâ ng̃ fiesta, at sa pang̃ang̃anib naming bacâ culang̃in ng̃ panahón, líhim na humánap camí ng̃ aming mg̃a "actor" at pinapag-aral namin silá ng̃ canicanilang "papel". Inaasahan naming sucat na ang isáng linggóng pagsasánay upang silá'y macaganáp ng̃ magalíng sa canicanilang ilálabas. Itó, mg̃a guinoo, bucód sa bágo, pakikinabang̃an at sang-ayon sa mahúsay na caisipán at may malakíng cagaling̃ang hindî malakí ang magugugol: hindî natin cailang̃an ang pananamit: magagamit natin ang ating suot na caraniwan sa pamumuhay. —¡Acó ang gugugol sa teatro!—ang isigaw na malaking tawa ni capitang Basilio. —¡Sacali't may lumalábas na mg̃a cuadrillero, akíng ipahihiram ang aking mg̃a nasásacop—ang sabi namán ng̃ capitán ng̃ mg̃a cuadrillero. —At acó ... at acó ... cung nagcacailang̃an ng̃ isáng matandâ ... ang sinabing hindî magcatutó ng̃ isá, at naghuhumiyád ng̃ pagmamakisíg. —¡Sang-áyon camí! ¡sang-áyon cami!—ang sigawan ng̃ marami. Namúmutlâ ang teniente mayor: napunô ng̃ mg̃a lúhà ang canyáng mg̃a matá. —¡Siyá'y tumatang̃is sa pagng̃ingitng̃it!—ang inísip ng̃ mahigpít na conservador, at sumigaw: —¡Sang-áyon camí, sang-áyon camí, at hindî cailang̃ang pagmatuwiranan pa! At sa canyáng galác sa canyáng pagcapanghigantí at sa lubós na pagcatálo ng̃ canyáng caáway, pinasimulán ng̃ lalákíng iyón ang pagpapaunlác sa panucálà ng̃ bátà. Nagpatuloy itó ng̃ pananalitâ: —Magagamit ang ikalimáng bahagui ng̃ salapíng nalilicom sa pamamahagui ng̃ iláng gantíng pálà, sa halimbáwà, sa lalong mabuting batang nag-aral sa escuela, sa lálong mabúting pastól, magsasacá, máng̃ing̃isdâ, at ibá pa. Macapagtatatag tayo ng̃ isáng unahán ng̃ patacbuhan ng̃ mg̃a bangcâ sa ílog at sa dagatan, patacbuhan ng̃ mg̃a cabayo; magtayô ng̃ mg̃a "palosebo" at mag-anyô ng̃ mg̃a laróng mangyayaring makísama ang tagabukid natin. Sumasang-áyon na acó, álang-álang sa totoóng pinagcaugalian na, ang tayo'y magcaroon ng̃ mg̃a paputóc: marikit at catuwá-tuwang panoorín ang mg̃a "rueda" at mg̃a "castillo", ng̃uni't inaacalà cung hindî natin cailang̃an ang mg̃a bombang panucalà ng̃ teniente mayor. Casucatan na, sa pagbibigay casayahan sa fiesta, ang dalawáng bandang música, at sa ganya'y maiilagan natin iyang mg̃a pag-aaway at pagcacagalít, na ang kinahihinatna'y ang mg̃a caawa-awang músicong naparirito't ng̃ bigyang galác ang ating mg̃a pagpifiesta, sa pamamag-itan ng̃ canilang pagpapagal, naguiguing tunay na mg̃a sasabung̃ing manóc, na nang̃agsisiowî, pacatapos, na masamâ, ang sa canila'y pagcacabayad, masamâ ang pagcacapacain, bugbóg ang catawán at sugatán pa cung macabihirà. Mapasisimulâan ang pagpapagawâ ng̃ isang maliit na bahay na magamit na escuelahan, sa pamamag-itan ng̃ lalabis na salapî, sa pagca't hindî ng̃a natin hihintaying ang Dios ay manaog at siyang gumawâ ng̃ escuelahang iyán: capanglaw-panglaw ng̃ang bagay, na samantalang tayo'y may isáng sabung̃áng pang̃ulo sa lakí at gandá, ang mg̃a batâ natin ay nang̃ag-aáral halos doón sa alagaan ng̃ mg̃a cabayo ng̃ cura. Sa maiclíng salita'y narito ang panucalâ: ang pagpapainam nito'y siyáng pagcacapaguran. Maaliw na bulungbulung̃an ang siyáng sumilang sa salas; halos ang lahát ay sumasang-ayon sa bátà: iilan lamang ang bumúbulong: —¡Mg̃a bágong bagay! ¡mg̃a bágong bagay! ¡Sa ating mg̃a kinabataa'y!... —¡Ating sang-ayúnan na muna ng̃ayón iyán!—ang sabihan ng̃ mg̃a ibá;—áting hiyâin iyón. At caniláng itinutúrò ang teniente mayor. Nang manumbalic ang catahimican, ang lahát ay sumang-ayon na. Cúlang na lamang ang pasiya ng̃ gobernadorcillo. Ito'y nagpapawis, hindî mápacali, hináhaplos ang noo at sa cawacasa'y nasabi ng̃ pautal-utal, na nacatung̃ó: —¡Acó ma'y sang-ayon din!... ng̃uni't ¡ejem! Hindî umíimic ang boong tribunal ng̃ pakikiníg sa canyá. —¿Ng̃uni't?—ang tanóng ni capitang Basilio. —¡Totoong sang-ayon acó!—ang inulit ng̃ gobernadorcillo;—sa macatuwid baga'y ... hindî acó sang-ayon ... ang sinasabi co'y sang-ayon acó; ng̃uni't ... At kinuscos ang mg̃a matá ng̃ camaoo. —Ng̃uni't ang cura,—ang ipinagpatuloy ng̃ cúlang pálad—ibáng bágay ang íbig ng̃ párì cura. —¿Nagcacagugol bâ ang cura sa fiesta ó tayo ang nagcacagugol? ¿Nagbigáy bâ siyá ng̃ isáng cuarta man lamang?—ang sigaw ng̃ isáng voces na nanunuot sa taing̃a. Tuming̃ín ang lahát sa dacong pinanggagaling̃an ng̃ mg̃a tanóng na iyón: si filósofo Tasio ang nároroon. Hindî cumikilos ang teniente mayor at nacatitig sa gobernadorcillo. —¿At anó ang íbig ng̃ cura?—ang itinanong ni capitang Basilio. —¡Abá! ang íbig ng̃ cura'y ... anim na procesión, tatlóng sermón, tatlóng malalaking misa ... at cung may lumabis na salapî, comediang Tundó at cantá sa mg̃a pag-itan. —¡Ayaw namáng camí ng̃ lahát ng̃ iyán!—ang sinábi ng̃ mg̃a bátà at ng̃ iláng matandâ. —¡Siyáng ibig ng̃ párí cura!—ang inulit ng̃ gobernadorcillo.—Aking ipinang̃acò sa curang magaganap ang canyang calooban. —Cung gayó'y ¿bakin inanyayahan pa ninyóng cami magpúlong? —¡Inanyayahan co cayó't ... ng̃ sa inyo'y áking sabihin ang gayóng bágay! —At ¿bákit hindî ninyó sinábi sa pagsisimulâ pa ng̃ salitaan? —Ibig co sánang sabihin, mg̃a guinóo, ng̃uni't nagsalita si capitáng Basilio'y ¡hindî na acó nagcapanahón ...! ¡kinacailang̃ang sumunód sa curá! —¡Kinacailang̃ang sumunód tayó sa canyá!—ang inúlit ng̃ iláng matatandâ. —¡Kinacailang̃ang sumunod, sa pagca't cung hindî, tayo'y ibibilanggong lahát ng̃ alcalde!—ang idinugtóng ng̃ boóng capanglawan ng̃ ibá, namáng matatandâ. —¡Cung gayo'y sumunód, cayó at cayó na lámang ang gumawa ng̃ fiesta!—ang ipinagsigawan ng̃ mg̃a báta—¡iniuurong namin ang aming mg̃a ambág! —¡Nasing̃íl ng̃ lahat!—ang sinabi ng̃ gobernadorcillo. Lumapit si Don Filipo sa gobernadorcillo at saca sinabi niya rito ng̃ boóng capaítan. —Inihándog co sa pagcaamís ang pag-ibig co sa aking sarilí upang magtagumpay lamang ang magandang caisipan; cayô namá'y inihayin ninyó sa pagcaapí ang inyóng camahalan upáng manálo ang masamáng panucála, at inyóng iniwasác ang lahát. Samantala'y—isinasabi namán ni Ibarra sa maestro ng̃ escuela: —¿May-ibig bâ cayóng ipagbilin sa pang̃úlong báyan ng̃ lalawigan? Paroroon acó ng̃ayón din. —¿Mayroon pô bâ cayóng pakikialaman doón? —¡Mayroon pô táyong pakikialaman doón!—ang talinghagang sagót ni Ibarra. —Sa daa'y sinasabi ng̃ matandang filósofo cay Don Filipong sinusumpa ang sarilíng pálad. —¡Tayo ang may casalanan! ¡Hindî cayó tumutol ng̃ cayo'y bigyán nila ng̃ aliping sa inyo'y magpúnò, at aking nalimutan ang bagay na ito, sa aking cahaling̃an! |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Pulong sa Tribunal
- Pulong ng Bayan