Florante at Laura/Kabanata 9

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Paghahambing sa Dalawang Ama
Paliwanag
Sa Harap ng Panganib
(Paliwanag)

Pagtatagumpay ng Bagong Marte
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

'di pa natatapos itong pangungusap,
may dalawang leong hangos ng paglakad;
siya'y tinutungo't pagsil-in ang hangad,
ngunit nangatigil pagdating sa harap.

Nangaawa mandi't nawalan ng bangis
sa abang sisil-ing larawan ng sakit;
nangakatingala't parang nakikinig
sa 'di lumilikat na tinangis-tangis.

Anong loob kaya nitong nagagapos,
ngayong nasa harap ng dalawang hayop,
na ang balang ngipi't kuko'y naghahandog?
Isang kamatayang kakila-kilabot![1]

'di ko na masabi't luha ko'y nanatak[2],
nauumid yaring dilang nangungusap;
puso ko'y nanlambot sa malaking habag,
sa kaawa-awang kinubkob ng hirap.

Sinong 'di mahapis na may karamdaman
sa lagay ng gapos na kalumbay-lumbay;
lipos ng pighati saka tinutunghan,
sa laman at buto niya ang hihimay!

Katiwala na nga itong tigib-sakit
na ang buhay niya'y tuntong na sa guhit;
nilagnat ang puso't nasira ang boses,
'di na mawatasan halos itong hibik.

"Paalam, Albanyang pinamamayanan
ng kasam-a't lupit, bangis, kaliluhan,
akong tanggulan[3] mo'y mang pinatay,
sa iyo'y malaki ang panghihinayang."[4]

"Sa loob mo nawa'y huwag mamilantik
ang panirang talim ng katalong kalis,
magkaespada kang para nang binitbit
niring kinuta mong kanang matangkilik[5]."

"Kinasuklaman mo ang ipinangako —
sa iyo'y gugulin niniyak[6] kong dugo;
at inibig mo pang hayop ang magbubo
sa kung itanggol ka'y maubos tumulo."

"Pagkabata ko na'y walang inadhika
kundi paglilingkod sa iyo't kalinga;
'di makailan kang babal-ing masira,
ang mga kamay ko'y siyang tumimawa."

"Dustang kamatayan ang bihis mong bayad:
dapuwa't sa iyo'y magpapasalamat,
kung pakamahali't huwag ipahamak
ang tinatangisang giliw na nagsukab."

"Yaong aking Laurang hindi mapapaknit
ng kamatayan man sa tapat kong dibdib
paalam, Bayan[7] ko, paalam na ibig[8],
magdarayang[9] sintang 'di manaw[10] sa isip!"

"Bayang walang loob, sintang alibugha,
Adolfong malupit, Laurang magdaraya,
magdiwang na ngayo't manulos sa tuwa
at masusunod na sa akin ang nasa."

"Nasa harap ko na ang lalong marawal,
mabangis na lubhang lahing kamatayan;
malulubos na nga ang iyong kasam-an,
gayundin ang aking kaalipustaan."

"Sa abang-aba ko! Diyata, o Laura ...
mamatay ako'y hindi mo na sinta!
Ito ang mapait sa lahat ng dusa;
sa'kin ay sino ang mag-aalaala!"

"Diyata't ang aking pagkapanganyaya[11],
'di mo tatapunan ng kamunting luha!
Kung yaring buhay ko'y mahimbing sa wala,
'di babahagian ng munting gunita!"

"Guniguning ito'y lubhang makamandag,
agos na, lha ko't puso'y maagnas;
tulo kaluluwa't sa mata'y pumulas,
kayo aking dugo'y mag-unahang matak[12]."

"Nang matumbasan ko ng luha, ang sakit
nitong pagkalimot ng tunay kong ibig,
huwag yaring buhay ang siyang itangis
kundi ang pagsintang lubos na naamis."

Orihinal

Dîpa natatapos itóng pan͠gun͠gusap
may dalauang Leóng han͠gós ng paglacad,
siya,i, tinuton͠go,t, pagsil-in ang han͠gad;
n͠guni,t, nan͠ga tiguil pag datíng sa haráp.

Nan͠ga-auâ mandi,t, naualán n͠g ban͠gis
sa abáng sisil-ing larauan ng sáquit,
nan͠ga-catingala,t, parang naquinyig
sa dî lumilicat na tin͠gistan͠gis.

¡Anóng loob cayâ nitóng nagagapus,
n͠gayóng na sa haráp ang dalauáng hayóp,
na ang balang n͠gipí,t, cucó,i, naghahandóg
isang camatayang caquila-quilabot!

Dî co na masabi,t, lúhà co,i, nanatác,
na-uumid yaring dilang nan͠gun͠gusap,
pusò co,i, nanglalambot sa malaquing habág
sa ca-aua-auang quinucob ng hirap.

¡Sinong dî mahapis na may caramdaman
sa lagay ng gapús na calumbay-lumbay,
lipus n͠g pighati sacá tinutunghán,
sa lamán at butó niya, ang hihimáy!

Catiualâ na n͠gâ itóng tiguib sáquit
na ang búhay niya,i, tungtóng na sa guhit,
linagnát ang pusò,t, nasirâ ang voses,
dína mauatasan halos itóng hibic.

"Paalam Albaniang pinamamayanan
n͠g casama,t, lupit, han͠gis caliluhan,
acóng tangulan mo,i, cusa mang pinatay,
sa iyó,i, malaquí ang panghihinayang.

Sa loob mo naua,i, houag mamilantic
ang panirang talím n͠g catalong caliz;
magcá espada cang para ng binitbit
niyaring quinuta mong canang matang-quilic.

Quinasuclamán mo ang ipinan͠gacò
sa iyó,i, gugulin niniyac cong dugò
at inibig mopang hayop ang mag bubò,
sa cong itangól ca,i, maubos tumúlo.

Pagcabatà cona,i, ualáng inadhicà
cundî pag-lilincod sa iyó,t, calin͠gà
¿dî maca-iláng cang babaling masirá
ang mga camáy co,i, siyang tumimauà?

Dustáng camatayan ang bihis mong bayad;
dapoua,t, sa iyo,i, mag papasalamat,
cong pacamahali,t, houag ipahamac
ang tinatan͠gisang guiliu na nagsucáb.

Yaóng aquing Laurang hindi mapapacnít
n͠g camatayan man sa tapát cong dibdib;
¡ipa-alam bayan co, pa-alam na ibig,
magdarayang sintang di manao sa ísip!

Bayang ualáng loob, sintáng alibughâ,
Adolfong malapit, Laurang magdarayâ,
magdiuang na n͠gayo,t, manulos sa touâ,
at masusunod na sa aquin ang násà.

Na sa harap co na ang lalong maraual,
mabin͠gís na lubháng lahing camatayan
malulubos nan͠ga ang inyóng casamán,
gayon din ang aquing aalipustaán.

¡Sa abáng-abá co! diatâ ó Laura
mamamatáy aco,i, hindî mo na sintá!
itó ang mapait sa lahat nang dusa,
¡Sa quin ay sino ang mag-aala-ala!

Diyata,t, ang aquing pagca-panganyáya
dî mo tatapunang ng camunting lúhà,
cong yaring búhay co,i, mahimbíng sa ualà
dî babahaguinan n͠g munting gunitâ!

Guni-guning itó,i, lubháng macamandág
ágos na lúhà co,t, púsò co,i, ma-agnás,
túlò caloloua,t, sa mata,i, pumulàs,
cayóaquing dugo,i, mag-unahang matác.

Nang matumbasan co ang lúhà, ang sáquit
nitóng pagcalimot n͠g tunay cong ibig;
houag yaring buháy ang siyang itan͠gis
cundî ang pagsintang lubós na na-amis.

Talababaan

  1. Ang saknong na ito at ang mga dalawang sumusunod na saknong ay galing mismo kay Francisco Balagtas, ang may-akda ng awit. Nagpapakita itong siya mismo ay naaawa sa kasalukuyang kalagayan ng nakagapos.
  2. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "pumapatak". Parehong salita ay mula sa pandiwang patak.
  3. Ito ang tungkulin ni Florante sa Albanya; bilang tanggulan nito.
  4. Ang kinakausap dito ni Florante ang Albanya nang parang sa tao. Ganito rin ang kalagayan sa mga sumusunod na saknong.
  5. Si Florante ang itinutukoy.
  6. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "iniiyak". Parehong salita ay mula sa pandiwang iyak.
  7. Ang itinutukoy dito ni Florante ay ang Albanya.
  8. Ang itinutukoy dito ni Florante ay si Laura.
  9. Ito ang makalumang bersyon ng mandarayang ngunit ito ay ginagamit pa rin sa ilang wikaing Tagalog.
  10. Ito ang makatang uri ng pumanaw.
  11. sa kamatayan
  12. Ito ang makatang uri ng pumatak.