Florante at Laura/Kabanata 8

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pagdating ng Moro sa Gubat
Paliwanag
Paghahambing sa Dalawang Ama
(Paliwanag)

Sa Harap ng Panganib
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

Gerero'y[1] namangha nang ito'y marinig
pinagbaling-baling sa gubat ang titig;
nang walang makit'ay hinintay umulit,
'di naman nalao'y nagbagong humibik.

Ang bayaning Moro'y lalo nang namaang,
"Sino'ng nananaghoy sa ganitong ilang?"
lumapit sa dakong pinanggagalingan
ng buntung-hininga't pinakimatyagan.

Inabutan niya'y ang ganitong hibik[2]:
"Ay, mapagkandiling amang iniibig!
Bakit ang buhay mo'y naunang napatid,
ako'y inulila sa gitna ng sakit?"[3]

"Kung sa gunita ko'y pagkuru-kuruin
ang pagkahulog mo sa kamay ng taksil,
parang nakikita ang iyong narating ...
parusang marahas na kalagim-lagim."

"At alin ang hirap na 'di ikakapit
sa iyo ng Konde Adolfong malupit?
Ikaw ang salamin sa Reyno ng bait,
pagbubutunan ka ng malaking galit."

"Katawan mo ama'y parang namamalas
ngayon ng bunso mong lugami sa hirap;
pinipisan-pisan at iwinawalat
ng pawa ring lilo't berdugo ng sukab."

"Ang nagkahiwalay na laman mo't buto,
kamay at katawang nalayo sa ulo,
ipinaghagisan niyong mga lilo
at walang maawang maglibing ng tao."

"Sampu ng lingkod mo't mga kaibigan,
kung kampi sa lilo'y iyo nang kaaway;
ang 'di nagsaiyo'y natatakot namang
bangkay mo't ibao't maparurusahan."

"Hanggang dito ama'y aking naririnig,
nang ang iyong ulo'y itapat sa kalis;
ang panambitan mo't dalangin sa Langit[4],
na ako'y maligtas sa kukong malupit."

"Ninanasa mo pang ako'y matabunan,
ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan[5],
nang huwag mahulog sa panirang kamay
ng Konde Adolfong higit sa halimaw."

"Pananalangin mo'y 'di pa nagaganap,
sa liig mo'y biglang nahulog ang tabak;
nasnaw sa bibig mong huling pangungusap
ang "Adiyos, bunso"'t buhay mo'y lumipas."

"Ay, amang ama ko! Kung magunam-gunam —
madla mong pag-irog at pagpapalayaw[6],
ipinapalaso ng kapighatian
luha niring pusong sa mata'y nunukal[7]."

"Walang ikalawang ama ka sa lupa
sa anak ng kandong sa pag-aaruga;
ang munting hapis kong sumungaw sa mukha,
sa habag mo'y agad nanalong[8] ang luha."

"Ang lahat ng tuwa'y natapos sa akin,
sampu niring buhay ay naging hilahil;
ama ko'y hindi na malaong hihintin
ako't sa payapang baya[9]'y yayakapin."[10]

Sandaling tumigil itong nananangis
binigyang-panahong luha'y tumagistis
niyong naaawang Morong nakikinig ...
sa habag ay halos magputok ang dibdib.

Tinutop ang puso at saka nagsaysay,
"Kailan," aniya, "luha ko'y bubukal
ng habag kay ama at panghihinayang
para ng panaghoy ng nananambitan?"[11]

"Sa sintang inagaw ang itinatangis,
dahilan ng aking luhang nagbabatis;
yao'y nananaghoy dahil sa pag-ibig
sa amang namatay na mapagtangkilik."

"Kung ang walang patid na ibinabaha
ng mga mata ko'y sa hinayang mula —
sa mga palayaw ni ama't aruga[12]
malaking palad ko't matamis na luha."

"Ngunit ang nananahang maralitang tubig ...
sa mukha't dibdib ko'y laging dumidilig,
kay ama nga galing dapuwa't sa bangis,
hindi sa andukha at pagtatangkilik."

"Ang matatawag kong palayaw sa akin
ng ama ko'y itong ako'y pagliluhin,
agawan ng sinta't panasa-nasaing
lumubog sa dusa't buhay ko'y makitil."

"May para kong anak na napanganyaya,
ang layaw sa ama'y dusa't pawang luha,
hindi nakalasap kahit munting tuwa
sa masintang inang pagdaka'y nawala!"

Napahinto rito't narinig na muli
ang panambitan niyong natatali,
na ang wika'y "Laurang aliw niring budhi,
paalam ang abang kandong ng pighati."

"Lumagi ka nawa sa kaligayahan,
sa harap ng 'di mo esposong katipan;
at huwag mong datnin yaring kinaratnan,
ng kasing nilimot at pinagliluhan."[13]

"Kung nagbangis ka ma't nagsukab sa akin,
mahal ka ring lubha dini sa panimdim;
at kung mangyayari, hanggang sa malibing,
ang mga buto ko, kita'y sisintahin."

Orihinal

Guerrero,i, namanghâ nang ito,i, marin͠gig,
pinabaling-baling sa gúbat ang titig,
nang ualang maquita,i, hinintay umulit,
dî namán nala,i, nag bagong humibíc.

Ang bayaning moro,i, lalò nang namaáng
"sinong nananaghóy sa ganitóng iláng?"
lumapit sa dacong pinan͠gagalingan
nang buntóng hinin͠ga,t, pinaquimatyagán.

Inabutan niya,i, ang ganitóng hibic
¡ay mapagcandiling Amáng ini-ibig!
¿baquit ang búhay mo,i, na unang napatid,
aco,i, inolila sa guitnâ nang sáquit?

Cong sa gunitâ co,i, pagcuru-curuin
ang pagcahulog mo sa camay nang tacsíl,
parang naquiquita ang iyóng naratíng
parusang marahás na calaguim-laguim.

At alin ang hirap na dî icacapit
sa iyó nang Duque Adolfong malupit
icao ang salamín sa Reino nang bait
pagbubuntuhang ca nang malaquing gálit.

Catao-an mo Amai,i, parang namamalas
n͠gayón nang bunsô mong iugami sa hirap
pinipisang-pisang at iniuaualat
nang pauâ ring lilong verdugo nang sucáb.

Ang nagcahiualay na lamán mo,t, butó,
camay at catao-áng nálayô sa úlo,
ipinag-haguisan niyaóng mga lilo
at ualang maauang maglibing na tauo.

Sampo nang lincód mo,t, m͠ga cai-bigan
cong campi sa lilo,i, iyo nang ca-auay,
ang dî nagsi-ayo,i, natatacot naman
bangcay mo,i, ibaó,t, mapaparusahan.

Hangan dito ama,i, aquing naririn͠gig,
nang ang iyóng úlo,i, tapát sa caliz
ang panambitan mo,t, dalan͠gin sa Lan͠git
na aco,i, maligtás sa cucóng malupít.

Ninanásà mo pang acó,i, matabunan
n͠g bangcay sa guitnâ n͠g pagpapatayan,
nang houag mahúlog sa panirang camay
ng Conde Adolfong higuit sa halimao.

Pananalan͠gin mo,i, dî pa nagaganáp
sa li-ig mo,i, bigláng nahulog ang tabác
naanáo sa bibig mong hulíng pan͠gun͠gusap,
ang "adios bunso,t," búhay mo,i, lumipas.

¡Ay amang amá co! cong magunam-gunam
madlâ mong pag irog at pagpapalayao
ipinapalaso n͠g capighatian
luhà niyaring púsòng sa mata,i, nunucál.

Ualáng icalauáng amá ca sa lupà
sa anác na candóng ng pag-aarugâ
ang munting hápis cong sumungao sa muc-hâ,
sa habág mo,i, agad nanálong ang lúhâ.

Ang lahat ng toua,i, natapos sa aquin,
sampô niyaring búhay ay naguing hilahil,
amá co,i, hindî na malaong hihintín
aco,i, sa payapang baya,i, yayacapin.

Sandaling tumiguil itóng nananangis,
binig-yáng panahón lúha,i, tumaguistís
niyaóng na aauang morong naquiquinyig,
sa habág ay halos mag putóc ang dîbdib.

Tinutóp ang púsò at saca nag say-say
'cailan a iya lúha co,i, bubucál
n͠g habág cay amá at panghihinayang
para ng panaghóy ng nananambitan?

Sa sintáng inagao ang itinatan͠gis,
dahilán n͠g aquing lúhang nagbabatis
yaó,i, nananaghóy dahil sa pag-ibig
sa amang namatáy na mapagtang-quilic.

Cun ang ualang patid na ibinabahá.
n͠g m͠ga mata ko,i, sa hinayang mulà
sa m͠ga palayao ni amá,t, arugà
malaquíng pálad co,t, matamís na luhà.

N͠guni,t, ang nanaháng maralitang túbig
sa muc-hâ,t, dibdib cong laguing dumidilig
cay amá n͠ga galing dapoua,t, sa ban͠gís
hindî sa anduca, at pagtatang-quilic.

Ang matatauag cong palayo sa aquin
n͠g amá co,i, tóng acó,i, pagliluhin,
agauan n͠g sintá,t, panasa-nasaing
lumubóg sa dusa,t, búhay co,i, maquitil.

¡May para cong anác na napanganyayá
ang layao sa amá,i, dusa,t, pauang lúhà
hindi nacalasáp kahit munting touà
sa masintang ináng pagdaca,i, naualà!

Napahintô rito,t, narin͠gig na mulî
ang pananambitan niyaóng natatalî,
na ang uica,i, "Laurang aliu niyaring budhî
pa-alam ang abáng candóng n͠g paghati.

Lumaguì ca naua sa caligayahan
sa haráp n͠g dîmo esposong catipán,
at houag mong datnín yaring quinaratnán
n͠g casign linimot, at pinagliluhan.

Cong nagban͠gis cama,t, nagsucáb sa aquin,
mahal ca rin lubha dini sa panimdím,
at cong mangyayari hangáng sa malibíng
ang m͠ga butó co quita,i, sisintahín.

Talababaan

  1. Si Aladin ang itinutukoy.
  2. na mula kay Florante. Totoo ito pati sa mga sumusunod na saknong.
  3. Ang kinakausap dito ni Florante hanggang sa pagtigil ng pagsasalita niya ay ang kanyang amang Duke Briseo.
  4. Itinutukoy ang Diyos ng kristiyanismo.
  5. Itinutukoy nito ang mga digmaang kinabakahan ni Florante.
  6. Ang paggamit ng salitang ito at ng iba pang mga salitang nagmula sa palayaw sa buong kabanatang ito ay sa kahulugan nitong "pagpapalaki sa layaw", hindi sa "pagbabansag".
  7. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "bumubukal". Parehong salita ay mula sa pandiwang bukal.
  8. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "kumakalong". Parehong salita ay mula sa pandiwang kalong.
  9. Ang itinutukoy dito ay ang langit na kanyang kakapalagian kapag siya ay patay na.
  10. Dito nagtapos ang pagnanaghoy ni Florante.
  11. Ito at ang mga sumusunod na saknong ay mula sa Morong Aladin.
  12. Ito ay pagsabat ni Florante
  13. Ang kinakausap dito ni Aladin pati na rin sa huling saknong ay si Flerida.