Florante at Laura/Kabanata 10

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Sa Harap ng Panganib
Paliwanag
Pagtatagumpay ng Bagong Marte
(Paliwanag)

Habag sa Moro
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
gerero'y hindi na napigil ang habag;
tinunton ang boses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbukas ng landas.

Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik,
sa dagok ng lubhang matalas sa kalis;
Moro'y 'di tumugo't hanggang 'di nasapit
ang binubukalan ng maraming tangis.

Anyong pantay-mata ang lagak ng araw
niyong pagkatungo sa kalulunuran;[1]
siyang pagkatalos sa kinalalagyan
nitong nagagapos na kahambal-hambal.

Nang malapit siya't abutin ng sulyap
ang sa pagkatali'y linigid[2] ng hirap,
nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas,
katawan at puso'y nagapos ng habag.

Malaong natigil na 'di nakakibo
hininga'y hinabol at biglang lumayo;
matutulog disin sa habag ang dugo,
kundangang nagbangis leong nangagtayo.

Naakay ng gutom at gawing manila,
nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
handa na ang ngipi't kukong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iwa.

Tanang balahibo'y pinapangalisag,
nanindig ang buntot na nakagugulat;
sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
Puryang nagngangalit ang siyang katulad.

Nagtaas ng kamay at nangakaakma
sa katawang gapos ng kukong panira;
nang darakmain na'y siyang pagsagasa
niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.

Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin na sa Serp'yente Piton;
walang bigong kilos na 'di nababaon
ang lubhang bayaning tabak na pamutol.

Kung ipamilantik ang kanang pamatay[3]
at saka isalag ang pang-adyang kamay[4],
maliliksing leon ay nangalilinlang,
kaya 'di nalao'y nangagumong bangkay.

Nang magtagumpay na ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop,
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ang loob.

Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
dugo'y nang matingnang nunukal[5] sa gitgit;
sa pagkalag niyang maliksi't nainip
sa siga-sigalot na madlang bilibid.

Kaya ang ginawa'y inagapayanan,
katawang malatang parang bangkay,
at minsang pinatid[6] ng espadang tangan,
walang awang lubid na lubhang matibay.

Umupo't kinalong na naghihimutok,
katawang sa dusa hininga'y natulog;
hinaplos ang mukha't dibdib ay tinutop,
nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.

Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay,
ng kaniyang kalong na kalumbay-lumbay,
nininilay niya at pinagtatakhan
ang dikit[7] ng kiyas at kinasapitan.

Namamangha naman ang magandang kiyas,
kasing-isa't ayon sa bayaning tikas;
mawiwiwli disin ang iminamalas
na mata, kundangan sa malaking habag.

Gulung-gulong lubha ang kanyang loob,
ngunit napayapa nang anyong kumilos
itong abang kandong na kalunos-lunos,
nagising ang buhay na nakakatulog.

Orihinal

Sa tinaghoy-taghóy na casindac-sindác,
guerrero,i, hindî na napiguil ang habág,
tinuntón ang voses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbucás n͠g landás.

Dauag na masinsi,i, naglagui-laguitic
sa dágoc n͠g lubháng matalas na cáliz,
moro,i, dî tumugot hangang dî nasapit
ang binubucalán ng maraming tan͠gis.

Anyóng pantay-matá ang lagay n͠g arao
niyóng pagcatun͠go sa calulunuran
siyang pagcataos sa quinalalag-yan
nitóng nagagapus na cahambalhambál.

Nang malapit siya,t, abutin ng suliáp
ang sa pagcatali,i, liniguid n͠g hirap,
naualán n͠g diua,t, lúha,i, lumagaslás,
catao-án at púso,i, nagapus ng habág.

Malaong natiguil na dî nacaquibô
hinin͠ga,i, hinabol na ibig lumayò,
matutulog disin sa habág ang dugô,
cundan͠gan nagbangís Leong nan͠gag-tayô.

Na-acay n͠g gútom at gauing manilâ,
ang-ulî sa ganid at naualâng aua,
handâ na ang n͠gipi,t, cucong bagong hasa
at pagsasabayán ang gapós n͠g iuâ.

Tanang balahibo,i, pinapan͠galisag,
nanindig ang buntót na nacagugulat
sa ban͠gis n͠g anyô at n͠ginasáb-n͠gasáb,
Furiang nag n͠gan͠galit ang siyang catulad.

Nag taás ang camáy, at nanga caamâ
sa cato-ang gapá ang cucóng pangsirâ,
nang daracmain na,i, siyang pagsagásâ
niyaóng bagong Marteng lumitao sa lúpâ.

Inusig n͠g tagâ ang dalauang León,
si Apolo mandin sa Serpiente Piton,
ualang bigóng quilós na dî nababaón
ang lubháng bayaning tabác na pamutol.

Cong ipamilantíc ang canang pamatáy,
at sacá isalág ang pang-adyáng camáy,
malilicsing León ay nanga lilinláng
cayâ dî nalao,i, nan͠ga-gumong bangcay.

Nang magtagumpay na ang guerrerong bantóg
sa nan͠ga-calabang maban͠gis na hayop,
lúha,i, tumutulong quinalag ang gápus
ng ca-aua-auang iniuan ang loob.

Halos nabibihay sa habág ang dibdib
dugó,i, ng matingnang nunucal sa guitguít,
sa pagcalág niyang malicsí,i, nainíp
sa siga-sigalót na madláng bilibid.

Cayâ ang guinaua,i, inagapayanan
catauang malatáng parang bagong bangcáy
at minsang pinatid n͠g espadang tan͠gan
ualang auang lubid na lubháng matibay.

Umupo,t, quinalong na naghihimutoc,
catauan sa dusa hinin͠ga,i, natulog,
hinaplus ang muc-ha,t, dibdib ay tinutóp,
násà ng gueerro,i, pagsauláng loob.

Doon sa pagtitig sa pagcálun͠gay-n͠gay
n͠g caniyang cálong na calumbay-lumbay,
nininilay niya, at pinagtatao-hán
ang diquit n͠g quias at quinasapitan.

Namamanghâ namán ang magandang quias
casing-isa,t, ayon sa bayaning ticas,
mauiuili disin ang iminamamalas,
na matá, cundan͠gan sa malaquíng habág.

Gulong-gulóng lubha ang caniyang loob,
n͠guni,t, napayapà n͠g anyong cumilos
itóng abáng candong ng calunos-lunos
nagusing ang búhay na nacacátulog.

Talababaan

  1. Itinutukoy nito ang paglubog ng araw, nagpapahiwatig din ng kasalukuyang oras sa mundo ng Florante at Laura.
  2. Ito ay katumbas ng "niligid" sa ilang mga wikain ng Tagalog. Parehong salita ay mula sa pandiwang ligid.
  3. Itinutukoy nito ang sibat ni Alading hawak niya sa kanyang kanang kamay.
  4. Itinutukoy nito ang kalasag ni Alading hawak niya sa kaliwang kamay.
  5. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "bumubukal". Parehong salita ay mula sa pandiwang bukal.
  6. ang lubid na gumagapos kay Florante
  7. Ginagamit ang "dikit" sa pagpapahulugang "ganda", hindi bilang katayuan ng pagiging malapit sa isa at isa.