|
Kasalukuyan
"Anupa't sa bangis ng dusang bumugso,
minamasarap kong mutok[1] yaring puso;
at nang ang kamandag na nakapupuno,
saumamang dumaloy sa agos ng dugo."[2]
"May dalawang buwang hindi nakatikim
ako ng linamnam ng payapa't aliw;
ikalawang sulat ni ama'y dumating,
sampu ng sasakyang sumundo sa akin."
"Saad sa kalatas ay biglang lumulan
at ako'y umuwi sa Albanyang bayan;
sa aking maestro[3] nang nagpaalam,
aniya'y Florante, bilin ko'y tandaan."
"Huwag malilingat at pag-ingatan mo
ang higanting handa ng Konde Adolfo;
pailag-ilagang parang basilisko,
sukat na ang titig ng mata'y sa iyo."
"Kung ang isalubong sa iyong pagdating
ay masayang mukha't may pakitang-giliw,
lalong pag-ingata't kaaway na malihim,
siyang isaisip na kakabakahin."
"Dapuwa't huwag kang magpahalata,
tarok mo ang lalim ng kaniyang nasa;
ang sasadatahi'y lihim na ihanda,
nang may ipagtanggol sa araw ng digma."
"Sa mawika ito, luha'y bumalisbis
at ako'y niyakap na pinakahigpit;
huling tagubilin: bunso'y katitiis
at hinihinta ka ng maraming sakit."
"At mumulan mo na ang pakikilaban
sa mundong bayaning punong kaliluhan'
hindi na natapos at sa kalumbayan,
pinigil ang dila niyang nagsasaysay."
"Nagkabitiw kaming malumbay kapwa,
tanang kaesk'wela mata'y lumuluha;
si Menandro'y labis ang pagdaralita,
palibhasa'y tapat na kapuwa bata."
"Sa pagkakalapat ng balikat namin,
ng mutyang katoto'y 'di bumitiw-bitiw
hanggang tinulutang sumama sa akin
ng aming maestrong kaniyang amain."
"Yaong paalama'y anupa't natapos
at pagsasaliwan ng madlang himutok;
at sa kaingaya'y gulo ng adiyos,
ang buntung-hininga ay nakikisagot."
"Magpahanggang daong ay nagsipatnubay
ang aking maestro't kasamang iiwan;
humihip ang hangi't agad nahiwalay
sa pasig[4] Atenas ang aming sasakyan."
"Bininit sa busog ang siyang katulad
ng tulin ng aming daong sa paglalayag,
kaya 'di nalaon paa ko'y yumapak
sa dalampasigan ng Albanyang S'yudad[5]."
"Pag-ahon ko'y agad nagtuloy sa kinta,
'di humihiwalay ang katotong sinta;
paghalik sa kamay ng poon kong ama,
lumala ang sakit nang dahil kay ina."
"Nagdurugong muli ang sugat ng puso,
humigit sa una ang dusang bumubugso;
mawikang kasunod ng luhang tumulo;
"Ay, ama!" kasabay ng bating "Ay, bunso!"."
"Anupa't ang aming buhay na mag-ama,
nayapos ng bangis ng sing-isang dusa;
kami ay dinatnang nagkakayakap pa
niyong embahador ng bayang Krotona."
|
Orihinal
Anopa,t, sa bangís ng dusang bumugsò
minamasaráp cong mutóc yaring púsò
at ng ang camandág na nacapupunò
sumamang dumaloy sa ágos ng dugò.
May dalauáng buang hindî nacatiquím
acó ng linamnám ng payapa,t, aliu,
icalauang súlat ni ama,i, dumatíng
sampo ng sasakiang sumundo sa aquín.
Saád sa calatas ay bigláng lumulan
at acó,i, omoui sa Albaniang bayan
sa aquing Maestro ng napaaálam
aniya,i, "Florante bilin co,i, tandaan.
Houag malilin͠gat, at pag ingatan mo
ang higantíng handâ ng Conde Adolfo
pailág-ilágang parang baselisco
súcat na ang titig na matáy sa iyó.
Cun ang isalubong sa iyóng pagdating,
ay masayáng muc-ha,t, may paquitang giliu,
lalong paingata,t, caauay na lihim
siyang isa-isip na cacabacahin.
Dapoua,t, houag cang magpapahalatá
taróc mo ang lalim n͠g caniyang násà
ang sasandatahi,i, lihim na ihandâ,
n͠g may ipagtangol sa arao ng digmâ.
Sa mauica itó lúha,i, bumalisbís,
at acó,i, niyacap na pinacahigpít,
hulíng tagubilin "bunsó,i, catiti-is
at hinhintay ca ng maraming sáquit.
At mumul-án mona ang paquiquilaban
sa mundóng bayaning púnong caliluhan"
hindî na natapus, at sa calumbayan
piniguil ang dilà niyang pagsasaysáy.
Nagca-bitiu caming malunbáy capouá
tanáng ca-escuela mata,i, lumuluhà
si Minandro,i, labis ang pagdarálitâ
palibhasa,i, tapát na capouà batà.
Sa pagca-calapat n͠g balicat namin
ang mut-yáng catoto,i, di bumitiu-bitiu
hangang tinulutang sumama sa aquin
ng aming maestrong caniyang amaín.
Yaóng pa-alama,i, anopa,t, natapos
sa pagsasaliuan n͠g madláng himutóc,
at sa cain͠gaya,t, guló n͠g adios
ang buntóng hinin͠gá ay naquiquisagót.
Mag pahangang daóng ay nagsipatnubay
ang aquing maestro,t, casamang iiuan;
homihip ang han͠gi,t, agád nahiualáy
sa pasig Atenas ang aming sasaquián.
Bininit sa búsog ang siyang catulad
n͠g túlin n͠g aming daóng sa paglayag,
cayá dî nalaon paá co,i, yumapac
sa dalampasigan ng Albaniang Ciudad.
Pag-ahon co,i, agád nagtuloy sa Quinta,
dî humihiualay ang catotong sintá;
pag-halíc sa camáy n͠g poong cong Amá.
lumala ang sáquit n͠g dahil cay Iná.
Nagdurugong mulî ang sugat n͠g púsò
humiguít sa una ang dusang bumugsò,
nauicang casunód n͠g lúhang tumulò
¡ay Amáng! casabay n͠g báting ¡ay bunso!
Anopa,t, ang aming búhay na mag amá
nayapus n͠g bangís n͠g sing-isang dusa,
cami ay dinatnáng nagcacayacap pa
niyaóng Embajador n͠g bayang Crotona.
|