|
Kasalukuyan
"Saka inilabas namin[1] ang trahedya
ng dalawang apo ng tunay na ina,
at mga kapatid ng nag-iwing amang
anak at esposo ng Reyna Yokasta."
"Papel ni Eteokles ang naging tungkol ko
at si Polinise nama'y kay Adolfo;
isang kaesk'wela'y siyang nag-Adrasto
at ang nagYokasta'y bunying si Menandro."
"Ano'y nang mumulang ang unang batalya
ay ang aming papel ang magkababata,
nang dapat sabihing ako'y kumilala't
siya'y kapatid kong kay Edipong bunga."
"Nanlisik ang mata't ang ipinagsaysay
ay hindi ang ditsong nasa orihinal,
kundi ang winika'y "Ikaw[2] na umagaw
ng kapurihan ko'y dapat kang mamatay!"
"Hinandulong ako, sabay nitong wika,[3]
ng patalim niyang pamatay na handa,
dangan nakaiwas ako'y nabulagta
sa tatlong mariing binitiwang taga."
"Ako'y napahiga sa inilag-ilag,
sa sinabayang bigla ng tagang malakas;
(salamat sa iyo, o Menandrong liyag,
kundi sa liksi mo, buhay ko'y nautas!)[4]"
"Nasalag ang dagok na kamatayan ko,
lumipag ang tangang kalis ni Adolfo;
siyang pagpagitna ng aming maestro
at nawalandiwa kasama't katoto."
"Anupa't natapos yaong katuwaan
sa pangingilabot at kapighatian;
si Adolfo'y 'di naman nabukasan
noon di'y nahatid sa Albanyang bayan."
"Naging santaon pa ako sa Atenas,
hinintay ang loob ng ama kong liyag;
sa aba ko't noo'y tumanggap ng sulat
na ang balang letra'y iwang may kamandag."
"(Gunamgunam na 'di napagod humapis,
'di ka naianod ng luhang mabilis;
iyong ginugulo ang bait ko't isip
at 'di mo payagang payapa ang dibdib!)"
"(Kamandag kang lagak niyong kamatayan
sa sintang ina ko'y 'di nagpakundangan;
sinasariwa mo ang sugat na lalang
ng aking tinanggap na palasong liham!)"
"(Tutulungan kita ngayong magpalala
ng hapdi sa pusong 'di ko maapula;
namatay si ina. Ay! Laking dalita
ito sa buhay ko ang unang umiwa.)"
"Patay na dinampot sa aking pagbasa
niyong letrang titik ng bikig na pluma;
(diyata, ama ko, at nakasulat ka
ng pamatid-buhay sa anak na sinta!)"
"May dalawang oras na 'di nakamalay
ng pagkatao ko't ng kinalalagyan;
dangan sa kalinga ng kasamang tanan
ay 'di mo na ako nakasalitaan."
"Nang mahimasmasa'y narito ang sakit,
dalawa kong mata'y naging parang batis;
at ang "Ay, ay, inay!" kung kaya mapatid
ay nakalimutan ang paghingang gipit."
"Sa panahong yao'y ang buo kong damdam
ay nanaw[5] na sa akin ang sandaigdigan;
nag-iisa ako sa gitna ng lumbay,
ang kinakabaka'y sarili kong buhay."
"Hinamak ng aking pighating mabangis
ang sa maestro kong pang-aliw na boses;
ni ang luhang tulong ng samang may hapis
ay 'di nakaawas sa pasan kong sakit."
"Baras ng matuwid ay nilapastangan
ng lubhang marahas na kapighatian;
at sa isang titig ng palalong lumbay,
diwa'y lumulipad, niring katiisan."
|
Orihinal
Sacâ ilinabás namin ang tragedia
nang dalauang apó nang túnay na iná,
at man͠ga capatid nang nag-iuing amáng
anác at esposo nang Reina Yocasta.
Papel ni Eteocles ang naguíng tungcól co,
at si Polinice nama,i, cay Adolfo,
isang ca-escuela,i, siyang nag Adrasto,
at ang nag Yocasta,i, bunying si Minandro.
Ano,i, nang mumulán ang unang batalia,
ay ang aming papel ang magca-cabaca,
nang dapat sabihing aco,i, comilala,t,
siya,i, capatid cong cay Edipong bún͠ga.
Nang-lisic ang matá,t, ang ipinagsaysáy,
ay hindî ang dichong na sa original
cundî ang uica,i, "icao na umagao
nang capurihán co,i, dapat cang mamatáy"
Hinandulóng acó, sabáy nitóng uicá,
nang patalím niyang pamatáy na handá,
dan͠gan naca-iuas aco,i, nabulagtá
sa tatlóng mari-ing binitiuang tagá.
Aco,i, napahiga sa inilag-ilag,
sinabayáng biglâ nang tagáng malacas,
¡salamat sa iyó ó Minandrong liyag,
cundî ang licsi mo búhay co,i, na-utás!
Nasalag ang dágoc na camatayan co,
lumipád ang tangang cáliz ni Adolfo
siyang pag-paguitnâ nang aming maestro,
at naualáng-diuang casama,t, catoto.
Anopa,t, natapus yaóng catoua-án
sa pan͠gin͠gilabot, at capighatian;
si Adolfo,i, dîna naman nabúcasan,
noón di,i, nahatid sa Albaniang bayan.
Naguing sangtaón pa acó sa Atenas
hinintay ang loob nang amá cong liyag,
¡sa abá co,t,! noo,i, tumangap nang sulat,
na ang balang letra,i, iuang may camandág.
¡Gunam-gunam na dî napagod humapis
dî ca na-ianod nang lúhang mabilís,
iyóng guinuguló ang bait co,t, ísip
at dimo payagang payapà ang dibdib!
¡Camandág cang lagac niyaong camatayan
sa sintang Iná co,i, di nagpacundangan,
sinasariua mo ang súgat na laláng
nang aquing tinagáp na palasóng liham!
Tutulun͠gang quitá n͠gayóng magpalalâ
nang hapdî sa púsong di co ma-apulà,
namatáy si Iná ay laquing dálitâ
itó sa búhay co ang unang umiuà.
Patáy na dinampó sa aquing pagbasa
niyóng letrang titic ng biguing na pluma
¡diyata Amá co at nacasulat ca
n͠g pamatíd búhay sa anác na sintá!
May dalauang oras na dî nacamalay
n͠g pagca-tauo co,t, n͠g quinalalag-yán,
dan͠gan sa calin͠ga n͠g casamang tanán
ay dî mo na acó na casalitaan.
Nang mahimasmasa,i, narito ang sáquit,
dalauá cong matá,i, naguing parang bátis,
ang ¡ay! ¡ay! Ina,i,! cong cayâ mapatíd
ay nacalimutan ang paghin͠gáng guipít.
Sa panahóng yaó,i, ang boó cong damdám
ay nanao sa aquin ang sangdaigdigan,
ang-iisá acó sa guitnâ ng lumbay
ang quinacabaca,i, sarili cong búhay.
Hinamac ng aquing pighatíng mabangís
ang sa Maestro cong pang-aliu na voses,
ni ang lúhang túlong ng samang may hapis,
ay di naca-auás sa pasán cong sáquit.
Baras ng matouid ay linapastangan
ng lubháng marahás na capighatian,
at sa isang titig ng palalong lumbáy
diua,i, lumilipád niyaring cati-isan.
|