Florante at Laura/Kabanata 15

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Laki sa Layaw
Paliwanag
Hiram na Bait
(Paliwanag)

Pamatid-Buhay
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

"May sambuwan halos na 'di nakakain,
luha sa mata ko[1]'y 'di mapigil-pigil,
ngunit 'di napayapa sa laging pag-aliw
ng bunying maestrong[2] may kupkop sa akin."

"Ang dinatnan doong madlang nag-aaral
kaparis kong bata't kabaguntauhan,
isa'y si Adolfong aking kababayan,
anak niyong Konde Silenong marangal."

"Ang kaniyang tao'y labis ng dalawa
sa dala kong edad na lalabing-isa;
siyang pinupoon ng buong esk'wela,
marunong sa lahat na magkakasama."

"Mahinhin ang asal na hindi magaso
at kung lumakad pa'y palaging patungo,
mabining mangusap at walang katalo,
lapastangin ma'y hindi nabubuyo."

"Anupa't sa bait ay siyang huwaran
ng nagkakatipong nagsisipag-aral;
sa gawa at wika'y 'di mahuhulihan
ng munting panira sa magandang asal."

"Ni ang katalasan ng aming maestro
at pagkabihasa sa lakad ng mundo
ay hindi natarok ang lalim at tungo
ng pusong malihim nitong si Adolfo."

"Akong pagkabata'y ang kinamulatan
kay ama'y ang bait na 'di paimbabaw,
yaong namumunga sa kaligayahan,
nanakay[3] sa pusong suyui't igalang."

"Sa pinagtatakhan ng buong esk'wela
bait ni Adolfong ipinapakita,
'di ko malasapan ang haing ligaya
ng magandang asal ng ama ko't ina."

"Puso ko'y ninilag[4] na siya'y giliwin,
aywan nga kung bakit at naririmarim;
si Adolfo nama'y gayundin sa akin,
nararamdaman ko kahit lubhang lihim."

"Araw ay natakbo at ang kabataan
sa pag-aaral ko sa aki'y nananaw[5];
bait ko'y luminis at ang karunungan,
ang bulag kong isip ay kusang dinamtan."

"Natarok ang lalim ng pilosopiya,
aking natutuhan ang astrolohiya,
natantong malinis ang kataka-taka
at mayamang dunong ng matematika."

"Sa loob ng anim na taong lumakad
itong tatlong dunong ay aking nayakap;
tanang kasama ko'y nagsisipanggilas,
sampu ng maestrong tuwa'y dili hamak."

"Ang pagkatuto ko'y anaki himala,
sampu ni Adolfo'y naiwan sa gitna,
maingay na lamang tagapamalita,
sa buong Atenas ay gumagala."

"Kaya nga at ako ang naging hantungan,
tungo ng salita ng tao sa bayan;
mula bata't hanggang katanda-tandaan
ay nakatalastas ng aking pangalan."

"Dito na nahubdan ang kababayan ko
ng hiram na bait na binalat-kayo;
kahinhinang-asal na pakitantao,
nakilalang hindi bukal kay Adolfo."

"Natanto ng lahat na kaya nanamit
niyong kabaitang 'di taglay sa dibdib
ay nang maragdag pa sa talas ng isip
itong kapurihang mahinhi't mabait."

"Ang lihim na ito'y kaya nahalata,
dumating ang araw ng pagkakatuwa;
kaming nag-aaral baguntao't bata,
sari-saring laro ang minunakala."

"Minulan ang gali[6] sa pagsasayawan,
ayon sa musika't awit na saliwan;
larong buno't arnis na kinakitaan
ng kani-kaniyang liksi't karunungan."

Orihinal

May sangbouan halos na dî nacacain,
lúhà sa matá co,i, dî mapiguil-piguil;
n͠guni,t, napayapà sa laguing pag-aliu
n͠g bunying maestrong may cupcup sa quin.

Sa dinatnán doong nad-láng nag-aaral
caparis cong bata,t, cabaguntauhan,
isa,i, si Adolfong aquing cababayan,
anác niyaóng Condeng Silenong maran͠gal.

Ang caniyang taó,i, labis n͠g dalauá
sa dalá cong edad na lalabing-isá,
siyang pinopoón n͠g boong escuela,
marunong sa lahát na magcacasama.

Mahinhín ang asal na hindî magasó
at cong lumacad pa,i, palaguing patungó,
mabining man͠gúsap at ualáng catalo
lapastan͠ganin ma,i, hindi nabubuyó.

Ano pa,t, sa bait ay siyang huaran
n͠g nagcacatipong nagsisipag-aral,
sa gauâ at uica,i, dî mahuhulihan
n͠g munting panirà sa magandang asal.

Ni ang catalasan n͠g aming maestro
at pagca-bihasa sa lacad n͠g mundó,
ay hindî nataróc ang lihim at tungo
ng púsong malihim nitong si Adolfo.

Acóng pagcabata,i, ang quinamulatan
cay amá,i, ang bait na dî páimbabáo,
yaong namumunga n͠g caligayahan,
nanacay sa púsong suyui,t, igalang.

Sa pinagtatac-hán n͠g bong escuela,
bait ni Adolfong ipinaquiquita,
dîco malasapán ang haing ligaya
n͠g magandang asal n͠g amá co,t, iá.

Púso co,i, ninilag na siya,i, guiliuin,
ayauan cun baquit at naririmarim,
si Adolfo nama,i, gayon din sa aquin,
nararamdamán co cahit lubháng lihim.

Arao ay natacbó, at ang cabata-an
sa pag-aaral co sa qui,i, nananao,
bait co,i, luminis at ang carunungan
ang bulág cong ísip ay cúsang dinamtán.

Nataróc ang lalim n͠g filosfía,
aquing natutuhan ang astrología,
natantóng malinis ang catacá-tacá
at mayamang dunong n͠g matemática.

Sa loob n͠g anim na taóng lumacad
itóng tatlóng dunong ay aquing nayacap
tanáng casama co,i, nagsi-pangilalás
sampô n͠g maestrong toua,i, dili hamac.

Ang pagcatutu co,i, anaqui himalâ,
sampô ni Adolfo,i, naiuan sa guitnâ,
maingay na lamang taga pamalità,
sa boong Atenas, ay gumálà-galá.

Cayâ n͠gâ at acó ang naguing hantun͠gan
tungo ng salita n͠g tauo sa bayan,
muláng báta,t, hangang catanda-tandaan,
ay nacatalastás n͠g aquing pan͠galan.

Dito na nahubdán ang cababayan co
n͠g hirám na bait na binalat-cayô,
cahinhinang ásal na paquitang tauo
naquilalang hindî bucal cay Adolfo.

Matantô n͠g lahát na cayâ nanamit
niyaóng caba-itang di taglay sa dibdib,
ay nang maragdag pa sa tálas nang isip
itóng capuriháng mahinhi,t, mabait.

Ang lihim na itó,i, caya nahalatà,
dumating ang arao nang pagca-catoua,
caming nag aaral bagong tauo,t, batà
sari-saring laro ang minunacala.

Minulán ang galí sa pagsasayauan
ayon sa música,t, auit na saliuan,
laróng bunó,t, arnés na quinaquitaan
nang cani-caniyang licsi,t, carunungan.

Talababaan

  1. Si Florante ang nagsasalita at itinutukoy.
  2. Si Antenor ang itinutukoy.
  3. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "umaakay". Parehong salita ay mula sa pandiwang akay.
  4. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "umiilag". Parehong salita ay mula sa pandiwang ilag.
  5. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "pumapanaw". Parehong salita ay mula sa pandiwang panaw.
  6. Ipinaikling "ugali" upang tumugma sa 12 pantig ng bawat taludtod.