Florante at Laura/Kabanata 18

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Bilin Ko'y Tandaan
Paliwanag
Dakilang Pagpapasakit
(Paliwanag)

Kagandahang Makalangit
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

"Nakapanggaling na sa palasyo real
at ipinagsabi sa hari ang pakay;
dala'y isang sulat sa ama[1] kong[2] hirang,
titik ng monarkang kaniyang biyanan."

"Humihinging tulong at nasa pangamba,
ang Krotonang Reyno'y kubkob ng kabaka;
ang puno ng hukbo'y balita ng sigla —
Heneral Osmalic na bayani ng Persya."

"Ayon sa balita'y pangalawa ito
ng prinsipe niyang bantog sa sangmundo —
Alading kilabot ng mga gerero,
iyong kababayang hinahangaan ko."

Dito napangiti ang Morong kausap,
sa nagsasalita'y tumugong banayad;
aniya'y "Bihirang balita'y magtapat,
kung magtotoo ma'y marami ang dagdag."[3]

"At saka madalas ilala ng tapang
ay ang guniguning takot ng kalaban;
ang isang gererong palaring magdiwang,
mababalita na at pangingilagan."

"Kung sa katapanga'y bantog si Aladin,
may buhay rin namang sukat na makitil;
iyong matatantong kasimpantay mo rin
sa kasam-ang palad at dalang hilahil."

Sagot ni Florante: "Huwag ding maparis
ang gererong bantog sa palad kong amis;
at sa kaaway ma'y 'di ko ninanais
ang laki ng dusang aking napagsapit."[4]

"Matanto ni ama ang gayong sakuna —
sa Krotonang Baya'y may balang sumira,
ako'y isinama't humarap na bigla
sa Haring Linceong may gayak ng digma."

"Kami ay bago pang nanakyat[5] sa hagdan
ng palasyong batbat ng hiyas at yaman
ay sumalubong na ang haring marangal,
niyakap si ama't ako'y kinamayan."

"Ang wika'y "O Duke, ang kiyas na ito
ang siyang kamukha ng bunying gerero;
aking napangarap na sabi sa iyo,
magiging haligi ng setro ko't reyno."[6]."

""Sino ito'y saan nanggaling na siyudad[7]?"[8]
Ang sagot ni ama ay "Bugtong kong anak
na inihahandog sa mahal mong yapak,
ibilang sa isang basalyo't alagad."[9]."

"Namangha ang hari at niyakap ako.
"Mabuting panahon itong pagdating mo;
ikaw ang heneral ng hukbong dadalo
sa Bayang Krotonang kinubkob ng Moro."[10]"

"Patotohanan mong hindi iba't ikaw
ang napangarap kong gererong matapang
na maglalathala sa sansinukuban
ng kapurihan ko at kapangyarihan."

"Iyong kautangan paroong mag-adya,
nuno[11] mo ang hari sa Bayang Krotona;
dugo kang mataas at dapat kumita
ng sariling dangal at bunyi sa giyera."

"Sapagkat matuwid ang sa haring saysay,
umayon si ama, kahit mapait man,
na agad masubo sa pagpapatayan
ang kabataan ko't 'di kabihasaan."[12]

"Ako'y walang sagot na naipahayag
kundi haring poo't nagdapa sa yakap;
nang aking hahagkan ang mahal na baks,
kusang itinindig at muling niyakap."

Orihinal

Nacapangaling na sa Palacio Real,
at ipinagsábi sa Harì ang pacay
dalá,i, isang súlat sa Amá cong hirang
titic ng Monarcang caniyang bianan.

Humihin͠ging túlong, at na sa pan͠gambá
ang Crotonang Reino,i, cubcób n͠g cabaca,
ang púnò n͠g hocbo,i, balita n͠g siglá
General Osmalic na bayani ng Persa.

Ayon sa balita,i, pan͠galauá itó
ng Principe niyang bantóg sa sangmundó
Aladíng quilabot n͠g m͠ga guerrero
iyóng cababayang hinahan͠ga-ang co.

Dito napangití ang morong ca-usap
sa nagsasalita,i, tumugóng banayad
aniya,i, bihirang balita,i, magtapát
cong magcatotoó ma,i, marami ang dagdág.

At sacá madalás ilalâ n͠g tapang,
ay ang guniguning tacot n͠g calaban,
ang isang guerrerong palaring magdiuang
mababalita na at pan͠gin͠gila͠gan.

Cong sa catapan͠ga,i, bantóg si Aladín
may búhay rin namáng súcat na maquitíl;
iyóng matatantóng casimpantáy morin
sa casamáng pálad at daláng hilahil.

Sagót ni Florante, houag ding maparis
ang guerrerong bantóg sa pálad cong amis
at sa ca-auay ma,i, di co ninanais
ang lahí ng dúsang aquing napagsapit.

Matantô ni Amá ang gayóng sacunà
sa Crotonang baya,i, may balang sumirà
acó,i, isinama,t, humaráp na biglá
sa haring Linceong may gayac n͠g digmá.

Camí ay bago pang nanaquiát sa hagdán
n͠g Palaciong batbát n͠g hiyas at yaman,
ay sumalúbong na ang Haring marangál,
niyacap si Amá,t, acó,i, quinamayán.

Ang uica,i, ó Duque, ang quiás na itó
ang siyang camuc-há n͠g bunying guerrero,
aquing napan͠garap na sabi sa iyó,
maguiguing haligui n͠g Cetro co,t, Reino.

¿Sino ito,t, saán nangaling na Ciudad?
ang sagót ni Amá "ay bugtóng cong anác
na inihahandóg sa mahal mong yápac
ibilang sa isang vasallo,t, alagád."

Namanghâ ang harî at niyacap acó,
"mabuting panahón itóng pagdatíng mo,
icao ang general nang hocbóng dadaló
sa bayang Crotonang quinubcób nang moro.

Patotohanan mong hindî ibá,t, icao,
ang napan͠garap cong guerrerong matapang,
na naglalathalá sa sangsinucuban
nang capurihán co at capangyarihan.

Iyóng cautan͠gan paroong mag-adia,
nunò mo ang Hari sa bayang Crotona;
dugò cang mataás, ay dapat cumita
nang sariling dan͠gál, at bunyí sa guerra."

Sa pagca,t, matouid ang sa Haring saysáy,
umayon si amá cahi,t, mapaít man,
nang agád masubò sa pagpapatayan
ang ca battan co,t, di cabihasahan.

Acó,i, ualang sagót, na na-ipahayag
cundî "Haring poo,t," nagdapâ sa yapac,
nang aquing hahagcán ang mahal na bacás,
cúsang itinindíg at mulíng niyacap.

Talababaan

  1. Ang Duke Briseo ang itinutukoy.
  2. Si Florante ang nagsasalaysay at ang itinutukoy.
  3. Si Aladin na ang nagsasalita rito.
  4. Dito at hanggang sa huling saknong, si Florante na ang nagsasalita muli.
  5. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "umaakyat". Parehong salita ay mula sa pandiwang akyat.
  6. Ang Haring Linceo ang nagsalita sa saknong na ito.
  7. Ginagamit ang "siyudad" sa pagpapahulugang "bayan"/"bansa", hindi bilang isang lungsod.
  8. Ang Haring Linceo ang nagtatanong.
  9. Ang Duke Briseo ang sumasagot.
  10. Ang Haring Linceo muli ang nagsasalita rito hanggang sa susunod na dalawang saknong.
  11. Ginagamit ang "nuno" sa pagpapahulugang "pinanggalingang kamag-anak", hindi bilang isang tauhan ng mitolohiyang Pilipino.
  12. Si Florante na muli ang nagsasalita rito hanggang sa huling saknong.