Pumunta sa nilalaman

Tagalog/Pangngalan

Mula Wikibooks
(Tinuro mula sa Pantangi)

Ang mga pangngalan ay mga pangalan, o pasalitang simbolo, na ang tinutukoy ay tao, hayop, bagay, pook, pangyayari, atbp.

Klasipikasyon o Uri ng mga Pangngalan

[baguhin]

Ang mga pangngalan ay maaaring iuri ayon sa dalawang klasipikasyon - pansemantika at pangkayarian.

Pansemantika

[baguhin]

Ang ibig sabihin ng semantika ay ang lohikal na koneksyon ng isang salita sa isang konsepto, tulad ng isang nahahawakang bagay o isang makataong damdamin. Mayroon dalawang paraan upang iuri ang mga pangngalan sa ilalim nito - ayon sa diwang panlahatan o sa pagkatahas nito.

Ayon sa diwang panlahatan, maaari nating iuri ang mga pangngalan bilang pambalana o pantangi. Ang pangngalan ay pambalana kung ito ay tumutukoy sa isang pangkalahatan na diwa ngunit hindi tiyak ang pagkakakilanlan nito. Sa kabilang banda, ito ay pantangi kung ito ay tumutukoy ito sa isang tanging tao, bagay, hayop, atbp. Lahat ng mga pangngalang pantangi ay palaging isinusulat nang malaki ang unang titik nito. Sa kabilang banda, ang mga pambalana naman ay palaging isinusulat nang maliit ang unang titik maliban kung ito ay nasa unahan ng isang pangungusap.

Example
Example
Halimbawa:
pambalana: tao, halaman, wika, ilog, gulong; pantangi: Tess, Jordan, Mongol, Junjun, Kuting


Ayon sa pagkatahas nito, maaari nating iuri ang mga pangngalan bilang tahas o basal. Ang pangngalan ay tahas kung ito ay tumutukoy sa mga bagay na materyal, lalo na kung ito ay nahahawakan o nakikita. Sa kabilang banda, ito ay basal kung ito ay tumutukoy sa mga bagay na katangian, 'di nakikita, o imahinasyon lamang ng utak ng tao. Ang mga pangngalang tahas naman ay maaari pang iuri sa dalawang klase kung palansak ito o hindi. Ito ay palansak kung tumutukoy ito sa isang pangkat ng iisang uri ng tao o bagay. Ito naman ay 'di-palansak kung tumutukoy ito sa bagay na isa-isa lamang.

Example
Example
Halimbawa:
tahas (palansak): lahi, tumpok, buwig, sako, kaban; tahas ('di-palansak): bola, bahay, kompyuter, lapis, lupa; basal: pagmamahal, kapayapaan, diskarte, ganda, tiwala


Pangkayarian

[baguhin]

Ang ibig sabihin ng kayarian sa kontekstong ito ay ang hitsura ng salita ayon sa mga titik nito at ang piraso nito, tulad ng mga panlapi. Maaaring iuri ang mga pangngalan sa apat na uring pangkayarian - payak, maylapi, inuulit, at tambalan.

Ang pangngalan ay payak kung ito ay isang salitang-ugat lamang. Walang nakakabit na mga panlapi, tambal, o inuulit na salita rito. Sa kabilang banda, ang pangngalan ay maylapi o hinango kung binubuo ito ng isang panlapi at isang salitang-ugat.

Example
Example
Halimbawa:
payak: paa, gulay, puno, unan, kama; maylapi: kabataan, katauhan, tag-ulan, kagandahan, tag-init


Ang pangngalan ay inuulit kung parte o kabuuan ng salitang-ugat nito ay inuulit upang magawa ang pangngalan. Ito ay maaari pang iuri sa dalawa depende kung ito ay inuulit ng kabuuan o hindi. Ito ay 'di-ganap o parsyal kung bahagi lamang ng salitang ugat ang inuulit. Sa kabilang banda, ito ay ganap kung ang buong salitang-ugat na ang inuulit. May mga pangngalang mukhang inuulit dahil may likas itong inuulit na kayarian, tulad ng paruparo at bulaklak, ngunit sila ay mga payak na pangngalan.

Example
Example
Halimbawa:
inuulit ('di-ganap): bali-balita, kani-kanila, pagtuturo; inuulit (ganap): kuru-kuro, tira-tira, halo-halo


Ang pangngalan ay tambalan kung ito ay nagawa mula sa dalawang salitang-ugat, na may magkaibang kahulugan, na pinagsama gamit maaari ang gitling (-). Halos tulad ng mga inuulit na pangngalan, maaari rin itong iuri sa dalawa depende kung ang kahulugan ng nagawang pangngalan ay hango sa kahulugan ng dalawang salitang pinagsama o hindi. Ito ay isang malatambalan o 'di-ganap kung ang kahulugan ng nagawang pangngalan ay hango sa kahulugan ng dalawang salitang bumubuo nito. Madalas ay mayroon lamang naburang pang-ukol na pinalitan lamang ng gitling. Sa kabilang banda, ganap ito kung tuluyang nagbago na ang kahulugan ng nagawang pangngalan mula sa mga dalawang pinagtambal na salita.

Example
Example
Halimbawa:
tambalan ('di-ganap): silid-aklatan, kisap-mata, bantay-salakay; tambalan (ganap): bahaghari, hampaslupa, matanglawin


Kakanyahan ng Pangngalan

[baguhin]

Ang mga pangngalan, maliban sa maari silang iuri sa iba't ibang klasipikasyon, ay may kanya-kanya ring kakanyahan o katangian. Ang mahalagang aralin sa ngayon ay ang kasarian at ang kaukulan nito.

Kasarian

[baguhin]

Ang mga pangngalan ay maaaring iuri ayon sa pagkakaroon nito ng kasarian, at ayon sa uri ng kasarian kung mayroon.

Ang pangngalan ay may kasarian kung ito ay tumutukoy sa isang tao o hayop. Ang iba pang mga bagay, tulad ng lugar, pook, atbp., ay walang kasarian.

Example
Example
Halimbawa:
may kasarian: aso, Joan, Carlos; walang kasarian: suklay, buhay, Luneta


Ang pangngalan na may kasarian ay maaari pang iuri ayon sa tatlo. Ito ay lalaki kung tuwiran itong tumutukoy sa lalaki habang babae ito kung tumutukoy naman sa babae. May mga pangngalan na natural na lalaki o babae dahil ito ay mga katawagan sa mga tao na inilaan para lamang sa isang kasarian. Sa kabilang banda, mayroon ding mga pangngalan na 'di-tiyak ang kasarian, lalo na kung ito ay isang pangngalang pambalana.

Example
Example
Halimbawa:
lalaki: Lance, kuya, tandang; babae: Rea, ate, ina; 'di-tiyak: manok, guro, direktor


Maaaring palitan ang kasarian ng mga salitang hiram mula sa Kastila mula babae o lalaki at pabalik sa pamamagitan ng pagpapalit ng dulong a ng o. Ngunit hindi kinakailangang malaman ang kasarian ng isang pangngalan sa wikang Tagalog upang malaman kung anong pandiwa o pantukoy ang gagamitin

Kaukulan

[baguhin]

Ito ay palagyo kapag ang pangngalan ay ginamit bilang:

a. Paksa ng Pangungusap

   Si Erika ay madalas na pumupunta sa palengke.

b. Panaguring Pangngalan (Kaganapang pansimuno) - laging pinangungunahan ng pangawing na "ay"

   Ang paborito naming guro ay si Bb. Santos.

c. Pangngalang Pantawag - Nasa kaukulang palagyo ang pangngalan kung ito ang tinutukoy o tinatwag sa pangungusap.

   Iva, pwede bang tumahimik!

d. Pamuno ng paksa - Ipinapaliwanang o nililinaw ng pamuno ng paksa ang pangngalang nasa unhan nito. Ang kaukulan ng pamuno sa paksa ay iyon din sa pangngalang tinutukoy.

   Si Dr. Kho, ang doktor, ay kinakausap ko.

e. Pamuno sa kaganapang pansimuno. Nililinaw ng pamuno ang kaganapang pansimuno.

   Ang guro na namatay sa kanser ay si Lelita, ang tiya ko.

Ito ay kapag ginagamit ang pangngalan bilang layon ng pandiwa o pang-ukol.

Halimbawa:
Ang eroplano ay lumilipad nang pataas. (Iayon ng pandiwa)
Itinago ni Manuel ang pera sa aparador (Iayon ng pang-ukol)

Ito ay kapag may inaaring anuman ang pangngalan.

Halimbawa:
Ipinakuha ni Danny ang kanyang sapatos.

Mga Panlaping Makangalan

[baguhin]

Sa wikang Tagalog, maaaring gumawa ng bagong pangngalan mula sa isang salitang-ugat o pangngalan sa pamamagitan ng paglapi ng mga angkop na mga salita. halimbawa:

 -an -han 

1. lugar na pinaglalagyan ng mga bagay na marami na tinutukoy ng salitang-ugat

  • aklatan, basurahan, bigasan

2. lugar na katatagpuan ng bagay na marami na tinutukoy ng salitang-ugat

  • batuhan, damuhan,

3. gamit o bagay na ginagamit para sa kahuluhang isinasaad ng salitang-ugat

  • sabitan, orasan, pintuan
 -in -hin 

1.bagay na karaniwang ginagamit para sa isang kilos na sinasaad ng salitang-ugat

  • inumin, babasahin, papantalunin

2.relasyong tulad o papalayo sa isinasaad ng salitang-ugat

  • kinakapatid, tiyahin, amain

3. bagay na tumanggap ng kilos na isinasaad ng salitang-ugat

  • inihaw, sinampalok, piniga
 -ka- -an 

1.tambingang relasyon

  • kabiruan, kasulatan, kahingahan

2.kabasalan ng diwang taglay ng salitang-ugat

  • kadakilaan, kabaitan, kasakiman

3.pangkat ng pangngalan na insinasaad ng salitang-ugat

  • kabikulan, kalupaan, kabisayaan
 -mag-

1.dalawang pangngalan, o grupo nito, ay may relasyong isinasaad ng salitang-ugat

  • mag-ina, mag-ama, magkasintahan
-mang-

2.tao na ang gawain ay ang kilos na isinasaad ng salitang-ugat

  • mangingisda, manggagantso, manggangaral
 -pa- 

1.bagay para matupad o maisakatuparan ang diwang isinasaad ng salitang-ugat

  • pataba, pakain, patalastas

2.bagay na iniutos o ipinagawa sa ibang tao

  • palaba, pasabi, pasintabi
-pa- -an 

1.lugar na ganapan ng kilos na pinapahayag ng salitang-ugat

  • paaralan, pagamutan, paradahan

2.kilos na tambingan at maramihan

  • paalaman, patamaan, paraanan