Noli Me Tangere/Kabanata 6
←Kabanata 5: Isang Bituin sa Gabing Madilim ←Paliwanag |
Kabanata 6: Si Kapitan Tiago Paliwanag |
Kabanata 7: Suyuan sa Isang Asotea→ Paliwanag→ |
Teksto
Si Kapitan Tiago |
Capitang Tiago
Samantalang natutulog ó nag-aagahan ang ating mg̃a guinoo'y si Capitang Tiago ang ating pag-usapan. Cailán ma'y hindî tayo naguíng panauhín niyá, walâ ng̃a tayong catuwiran ó catungculang siyá'y pawaláng halagá at huwág siyáng pansinín, cahi't sa mahalagáng capanahunan. Palibhasa'y pandác, maliwanag ang culay, bilóg ang catawán, at ang mukhâ, salamat sa saganang tabâ, na alinsunod sa mg̃a nalúlugod sa canyá'y galing daw sa lang̃it, at anáng mg̃a caaway niyá'y galing daw sa mg̃a dukhâ, siyá'y mukháng bátà cay sa tunay niyáng gulang: sino ma'y maniniwalang tatatlompo't limang taón lamang siyá. Táong banál ang laguing anyô ng̃ canyáng pagmumukhâ ng̃ panahóng nangyayari ang sinasaysay namin. Ang báo ng̃ canyáng úlong bilóg, maliit at nalalaganapan ng̃ buhóc na casing itím ng̃ luyong, mahabà sa dacong harapán at totoong maiclî sa licuran; hindî nagbabago cailán man ng̃ anyô ang canyáng mg̃a matang malilíit man ay dî singkít na gaya ng̃ sa insíc, mahayap na hindî sapát ang canyáng ilóng, at cung hindî sana pumang̃it ang canyáng bibíg, dahil sa napacalabís na pagmamascada niyá at pagng̃àng̃à, na sinisimpan ang sapá sa isáng pisng̃í, na siyáng nacasisirà ng̃ pagcacatimbang ng̃ tabas ng̃ mukhâ, masasabi naming totoong magalíng ang canyáng paniniwalà at pagpapasampalatayáng siyá'y magandáng lalaki. Gayón mang napapacalabis ang canyáng pananabaco't pagng̃àng̃à ay nananatiling mapuputî ang canyáng mg̃a sariling ng̃ipin, at ang dalawang ipinahirám sa canyá ng̃ dentista, sa halagáng tiglalabing dalawang piso ang bawa't isá. Ipinalalagay na siyá'y isá sa mg̃a lalong mg̃a mayayamang "propietario"[o 1] sa Binundóc, at isá sa lalong mg̃a pang̃ulong "hacendero"[o 2], dahil sa canyáng mg̃a lúpà sa Capampang̃an at sa Laguna ng̃ Bay, lalonglalò na sa bayan ng̃ San Diego, na doo'y itinataas taón taón ang buwis ng̃ lúpà. Ang San Diego ang lalong naiibigan niyáng báyan, dahil sa caligaligayang mg̃a páliguan doon, sa balitang sabung̃án, ó sa mg̃a hindî niyá nalilimot na canyáng naaalaala: doo'y nátitira siyá ng̃ dalawáng buwán sa bawa't isáng taón, ang cadalian. Maraming mg̃a báhay si Capitang Tiago sa Santo Cristo, sa daang Anloague at sa Rosario. Siyá't isáng insíc ang may hawác ng̃ "contrata" ng̃ opio at hindî ng̃a cailang̃ang sabíhing silá'y nang̃agtutubò ng̃ lubháng malakí. Siyá ang nagpapacain sa mg̃a bilanggô sa Bilibid at nagpapádala ng̃ damó sa maraming mg̃a pang̃ulong báhay sa Maynilà; dapat unawâing sa pamamag-itan ng̃ "contrata." Casundô niyá ang lahát ng̃ mg̃a pinunò, matalinò, magalíng makibagay at may pagcapang̃ahás, pagcâ nauucol sa pagsasamantalá ng̃ mg̃a pagcâ iláng ng̃ ibá; siyá ang tang̃ing pinang̃ang̃anibang capang̃agáw ng̃ isáng nagng̃ang̃alang Perez, tungcól sa mg̃a "arriendo" at mg̃a "subasta" ng̃ mg̃a sagutin ó pang̃ang̃atungculang sa towi na'y ipinagcacatiwálâ ng̃ Gobierno ng̃ Filipinas sa mg̃a camáy ng̃ mg̃a "particular"[o 3]. Cayâ ng̃a't ng̃ panahóng nangyayari ang mg̃a bagay na itó, si Capitang Tiago'y isáng taong sumasaligaya; ang ligaya bagáng macacamtan sa mg̃a lupaíng iyón ng̃ isáng táong maliit ang báo ng̃ úlo: siyá'y mayaman, casundô ng̃ Dios, ng̃ Gobierno at ng̃ mg̃a táo. Na siyá'y casundô ng̃ Dios, itó'y isáng bagay na hindî mapag-aalinlang̃anan: halos masasabing marapat sampalatayanan: waláng cadahilanan upang mácagalit ng̃ mabaít na Dios, pagcâ magalíng ang calagayan sa lúpà, pagcâ sa Dios ay hindî nakikipag-abot-usap cailán man, at cailán ma'y hindî nagpapautang sa Dios ng̃ salapî. Cailán ma'y hindî nakipag-usap sa Dios, sa pamamag-itan ng̃ mg̃a pananalang̃in, cahi't siyá'y na sa lalong malalakíng mg̃a pagcaguipít; siyá'y mayaman at ang canyáng salapî ang sa canyá'y humahalili sa pananalang̃in. Sa mg̃a misa at sa mg̃a "rogativa'y" lumaláng ang Dios ng̃ mg̃a macapangyarihan at mg̃a palalong mg̃a sacerdote. Lumaláng ang Dios, sa canyáng waláng hanggáng cabaitan, ng̃ mg̃a dukhâ, sa iguiguinhawa ng̃ mg̃a mayayaman, mg̃a dukháng sa halagáng piso'y macapagdarasal ng̃ cahi't labing anim na mg̃a misterio at macababasa ng̃ lahát ng̃ mg̃a santong libro, hanggáng sa "Biblia hebráica" cung daragdagan ang bayad. Cung dahil sa isáng malakíng caguipita'y manacánacáng kinacailang̃an ang mg̃a saclolo ng̃ calang̃itan at waláng makita agád cahi't isáng candilang pulá ng̃ insíc, cung magcagayo'y nakikiusap na siyá sa mg̃a santo at sa mg̃a santang canyáng pintacasi, at ipinang̃ang̃acò sa canilá ang maraming bagay upang silá'y mapilitan at lubós mapapaniwalaang tunay na magalíng ang canyáng mg̃a hang̃ád. Datapuwa't ang totoong lálò niyáng pinang̃ang̃acuan at guináganapan ng̃ mg̃a pang̃acò ay ang Virgen sa Antipolong Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje; sapagcá't sa iláng may caliliitang mg̃a santo'y hindî ng̃a lubháng gumáganap at hindî rin totoong nag-uugaling mahál ang táong iyón; ang cadalasa'y pagcâ kinamtán na niyá ang pinipita'y hindî na muling nágugunítà ang mg̃a santong iyón; tunay ng̃a't hindî na namán silá mulíng liniligalig niyá, at cung sacali't napapanaho'y talastás ni Capitáng Tiagong sa calendario'y maraming mg̃a santong waláng guinágawâ sa lang̃it marahil. Bucód sa roo'y sinasapantáhà niyáng malakí ang capangyariha't lacás ng̃ Virgen de Antipolo cay sa mg̃a ibáng Virgeng may dalá mang bastóng pilac, ó mg̃a Niño Jesús na hubó't hubád ó may pananamít, ó mg̃a escapulario, mg̃a cuintás ó pamigkís na cuero ("correa"): marahil ang pinagmumulaàn nitó'y ang pagcâ hindi mápalabirô ang Guinoong Babaeng iyón, mápagmahal sa canyáng pang̃alan, caaway ng̃ "fotografía"[o 4], ayon sa sacristán mayor sa Antipolo, at sacâ, pagca siya'y nagagalit daw ay nang̃íng̃itim na cawang̃is ng̃ luyong, at nanggagaling namán sa ang ibáng mg̃a Virgen ay may calambután ang púsò at mapagpaumanhin: talastás ng̃ may mg̃a táong iniibig pa ang isáng haring "absoluto"[o 5] cay sa isáng haring "constitucional"[o 6], cung hindî náriyan si Luis Catorce[o 7] at si Luis Diez y Seis[o 8], si Felipe Segundo[o 9] at si Amadeo Primero[o 10]. Sa cadahilanan ding itó marahil cayâ may nakikitang mg̃a insíc na di binyagan at sampóng mg̃a castilang lumalacad ng̃ paluhód sa balitang sambahan; at ang hindî lamang napag-uusísà pa'y ang cung bakit nang̃agtatanan ang mg̃a curang dalá ang salapî ng̃ casindácsindác na Larawan, napasa sa América at pagdatíng doo'y napacácasal. Ang pintuang iyán ng̃ salas, na natátacpan ng̃ isáng tabing na sutlâ ay siyáng daang patung̃ó sa isáng maliit na capilla ó pánalang̃inang dî dapat mawalâ sa alin mang báhay ng̃ filipino: naririyan ang mg̃a "dios lar"[o 11] ni capitan Tiago, at sinasabi naming mg̃a "dios lar," sa pagca't lalong minamágaling ng̃ guinoong ito ang "politeismo"[o 12] cay sa "monoteismo"[o 13] na cailan ma'y hindî niyá naabót ng̃ pag-iisip. Doo'y may napapanood na mg̃a larawan ng̃ "Sacra Familia"[o 14] na pawang garing mulâ, sa ulo hangang dibdib, at gayon din ang mg̃a dacong dulo ng̃ mg̃a camáy at paa, cristal ang mg̃a matá, mahahabà ang mg̃a pilíc matá at culót at culay guintô ang mg̃a buhóc, magagandáng yárì ng̃ escultura sa Santa Cruz. Mg̃a cuadrong pintado ng̃ óleo ng̃ mg̃a artistang taga Pácò at taga Ermita, na ang naroroo'y ang mg̃a pagpapasakít sa mg̃a santo, ang mg̃a himalâ ng̃ Vírgen at iba pa; si Santa Lucíang nacatitig sa lang̃it, at hawác ang ísáng pinggáng kinalalagyan ng̃ dalawá pang matáng may mg̃a pilìc-matá at may mg̃a kílay, na catulad ng̃ napapanood na nacapintá sa "triángulo" ng̃ Trinidad ó sa mg̃a "sarcófago egipcio"[o 15]; si San Pascual Baylon, San Antonio de Padua, na may hábitong guingón at pinagmámasdang tumatang̃is ang isáng Niño Jesús, na may damit Capitan General, may tricornio[o 16], may sable at may mg̃a botang tulad sa sayáw ng̃ mg̃a musmós na batà sa Madrid: sa ganáng cay Capitan Tiago, ang cahulugan ng̃ gayóng anyó'y cahi't idagdág ng̃ Dios sa canyáng capangyarihan ang capangyarihan ng̃ isáng Capitang General sa Filipinas, ay paglalaruan din siyá ng̃ mg̃a franciscano, na catulad ng̃ paglalarò sa isáng "muñeca" ó larauang taotauhan. Napapanood din doon ang isáng San Antonio Abad, na may isáng baboy sa tabí, at ang ísip ng̃ carapatdapat na Capitan, ang baboy na iyó'y macapaghihimalâng gaya rin ni San Antonio, at sa ganitóng cadahilana'y hindî siyá, nang̃ang̃ahás tumawag sa hayop na iyón ng̃ "baboy" cung dî "alágà ng̃ santo señor San Antonio;" isáng San Francisco de Asís na may pitông pacpác at may hábitong culay café, na nacapatong sa ibabaw ng̃ isáng San Vicente, na walâ cung dî dádalawang pacpac, ng̃uni't may dalá namáng isáng cornetín; isáng San Pedro Mártir na biyác ang ulo, at tang̃an ng̃ isáng dî binyagang nacaluhod ang isâng talibóng ng̃ tulisán, na na sa tabi ng̃ isáng San Pedro na pinuputol ang taing̃a ng̃ isáng moro, na marahil ay si Malco, na nang̃ang̃atlabi at napapahindîc sa sakít, samantalang tumatalaoc at namamayagpag ang sasabung̃ing nacatuntong sa isáng haliguing "dórico"[o 17], at sa bagay na ito'y inaacalà ni Capitang Tiago, na nacararating sa paguiguîng santo ang tumagâ at gayon din ang mátagà. ¿Sino ang macabibilang sa hucbóng iyón ng̃ mg̃a larawan at macapagsasaysay ng̃ mg̃a canicanyáng túng̃o't mg̃a cagaling̃ang doo'y natitipon?!Hindî ng̃a magcacasiyang masabi sa isáng capítulo lamang! Gayón ma'y sasabihin din namin ang isáng magandang San Miguel, na cahoy na dinorado at pinintahán, halos isáng metro ang táas: nang̃ang̃atábì ang arcángel, nanglilisic ang mg̃a mata, cunót ang noo at culay rosa ang mg̃a pisng̃í; nacasuot sa caliwáng camay ang isáng calasag griego, at iniyayambâ ng̃ canan ang isang kris joloano, at handang sumugat sa namimintacasi ó sa lumapit sa canyá, ayon sa nahihiwatigan sa canyáng acmâ at pagting̃íng hindî ang tung̃o'y sa demoniong may buntót at may mg̃a sung̃ay na ikinacagat ang canyáng mg̃a pang̃il sa bintíng dalaga ng̃ arcángel. Hindî lumalapit sa canyá cailán man si Capitang Tiago, sa tacot na bacâ maghimalâ. ¿Mamacailán bagáng gumaláw na parang buháy ang hindî lamang iisáng larawan, cahi't anóng pagcapang̃itpang̃it ang pagcacágawang gaya ng̃ mg̃a nanggagaling sa mg̃a carpintería sa Paete, at ng̃ mang̃ahiyâ at magcamít caparusahán ang mg̃a macasalanang hindî nananampalataya? Casabiháng may isáng Cristo raw sa España, na nang siyá'y tawaguing sacsí ng̃ mg̃a nang̃acò sa pagsinta, siyá'y sumang-ayo't nagpatotoo, sa pamamag-itan ng̃ minsang pagtang̃ô ng̃ úlo sa haráp ng̃ hucóm; may isáng Cristo namáng tinanggál sa pagcapácò ang canang camáy upang yacapin si Santa Lutgarda; at ¿anó? hindî ba nababasa ni Capitang Tiago sa isáng maliit na librong hindî pa nalalaong inilalathalà, tungcol sa isáng pagsesermong guinawâ sa pamamag-itan ng̃ tinang̃òtang̃ô at kinumpáscumpás ng̃ isáng larawan ni Santo Domingo sa Soriano? Waláng sinabing anó man lamang salitâ ang santo; ng̃uni't naacalà ó inacalà ng̃ sumulat ng̃ librito, na ang sinabi ni Santo Domingo sa canyáng mg̃a tinang̃òtang̃ô at kinumpáscumpás ay ipinagbibigay alâm ang pagcatapos ng̃ santinacpán[o 18] ¿Hindi ba sinasabi namáng malaki ang pamamagà ng̃ isáng pisng̃i cay sa cabilâ ng̃ Virgen de Luta ng̃ bayan ng̃ Lipá at capol ng̃ putic ang mg̃a laylayan ng̃ canyáng pananamít? ¿Hindi bâ itó'y lubós na pagpapatotoong ang mg̃a mahál na larawa'y nagpapasial din namá't hindî man lamang itinataas ang caniláng pananamít, at sinásactan din namán silá ng̃ bagang, na cung magcabihira'y tayo ang dahil? ¿Hindi bâ namasdán ng̃ canyáng sariling matang maliliit ang lahát ng̃ mg̃a Cristo sa sermón ng̃ "Siete Palabra"[o 19] na gumágalaw ang úlo at tumatang̃ong macaitló, na siyáng nacaaakit sa pagtang̃is at sa mg̃a pagsigáw ng̃ lahát ng̃ mg̃a babae at ng̃ mg̃a calolowang mahabaguing talagáng mg̃a taga lang̃it? ¿Anó pa? Napanood din namán naming ipinakikita ng̃ pári sa mg̃a nakíkinig ng̃ sermón sa canyá sa oras ng̃ pagpapanaog sa Cruz cay Cristo ang isáng panyóng punô ng̃ dugô, at camí sana'y tatang̃is na sa malaking pagcaáwà, cung di lamang sinabi sa amin ng̃ sacristan, sa casaliwang palad ng̃ aming cálolowa, na iyón daw ay birò lamang: ang dugóng iyon-anya-ay sa inahíng manóc, na pagdaca'y inihaw at kinain, baga ma't Viernes Santo ... at ang sacristan ay matabâ. Si Capitang Tiago ng̃a, palibhasa'y taong matalinò at banál, ay nag-iing̃at na huwag lumapit sa Krís ni San Miguel.—¡Lumayô tayo sa mg̃a pang̃anib!—ang sinasabi niyá sa canyáng sarili—nalalaman co ng̃ isáng arcángel; ¡ng̃uni't hindî, walâ acong tiwalà! ¡walâ acong tiwalà! Hindî dumaráan ang isáng taóng hindî siyá nakikidaló sa pagpasa Antipolong malaki ang nagugugol, na ang dalá'y isáng orquesta: cung nároroon na'y pinagcacagulan niyá ang dalawá sa lubháng maraming mg̃a misa de graciang guinágawâ sa boong tatlóng siyám, at sa mg̃a ibáng araw na hindî guinágawâ ang pagsisiyám, at nalíligò pagcatapos sa bantóg na "batis" ó bucál, na ayon sa pinasasampalatayana'y naligò roon ang mahál na larawan. Nakikita pa ng̃ mg̃a mapamintacasing táo ang mg̃a bacás ng̃ mg̃a páa at ang hilahis ng̃ buhóc ng̃ Vírgen de la Paz sa matigás na bató, ng̃ pigaín niyá ang mg̃a buhóc na iyón, anó pa't waláng pinagibhan sa alín mang babaeng gumagamit ng̃ lang̃is ng̃ niyóg, at para manding patalím ang canyáng mg̃a buhóc, ó cung dili cayá'y diamante at waláng pinag-ibhán sa may sanlibong tonelada ang bigát. Ibig sana naming ihaplít ng̃ cagulatgulat na larawan ang canyáng mahál na buhóc sa mg̃a matá ng̃ mg̃a táong mapamintacasing itó, at canyáng tuntung̃an ang caniláng dilà ó úlo.—Doón sa tabí rin ng̃ bucál na iyón ay dapat cumain si Capitang Tiago ng̃ inihaw na lechón, dalág na sinigáng sa mg̃a dahon ng̃ alibangbang, at ibá pang mg̃a lutong humiguít cumulang ang saráp. Mahiguíthiguít sa apat na raang piso ang nagugugol sa canyá sa dalawáng misang iyón, datapuwa't maipalálagay na múra, cung pag-iisip-isipin ang capuriháng tinatámo ng̃ Iná ng̃ Dios sa mg̃a ruedang apóy, sa mg̃a cohete, sa mg̃a "berso," at cung babalacbalakin ang pakinabang na kinákamtan sa bóong isáng taón dahil sa mg̃a misang itó. Ng̃uni't hindî lamang sa Antipolo guinagawâ niyá ang canyáng maing̃ay na pamimintacasi. Sa Binundóc, sa Capampang̃an at sa bayan ng̃ San Diego: pagcâ magsasabong ng̃ manóc na may malalakíng pustahan, nagpápadala siyá sa cura ng̃ mg̃a salapíng guintóng úcol sa mg̃a misang sa canyá'y magpapálà, at tulad sa mg̃a romanong nang̃agtátanong muna sa caniláng mg̃a "augur"[o 20] bago makipaghamoc, na pinacacaing magalíng ang caniláng mg̃a sisiw na iguinagalang; pinagtatanung̃an din ni Capitang Tiago ang canyáng sariling mg̃a "augur"; ng̃uni't tagláy ang mg̃a pagbabagong hatol ng̃ mg̃a panahón at ng̃ mg̃a bagong catotohanan. Pinagmámasdan niyá ang ning̃as ng̃ mg̃a candílà, ang úsoc ng̃ incienso, ang voces ng̃ sacerdote at ibá pa, at sa lahát ng̃ bagay pinagsisicapan niyáng mahiwatigan ang canyáng maguiguing palad. Pinaniniwalaang bihirang matalo si Capitáng Tiago sa mg̃a pakikipagpustahan, at ang canyáng manacânacang pagcatalo'y nagmúmulâ sa mg̃a cadahilanang ang nagmisa'y namámalat, cacaunti ang mg̃a ílaw, masebo ang mg̃a "cirio"[o 21], ó napahalò cayâ ang isáng achoy sa mg̃a salapîng ipinagpamisa, at ibá pa: ipinaaninaw sa canyá ng̃ celadon ng̃ isáng Cofradía, na ang gayóng pagcápalihis ng̃ palad ay mg̃a pagtikím lamang sa canyá ng̃ Lang̃it, at ng̃ lalong mapapagtibay siyâ sa canyáng pananampalataya at pimimintacasi. Kinalúlugdan ng̃ mg̃a cura, iguinagalang ng̃ mg̃a sacristán, sinusúyò ng̃ magcacandiláng insíc at ng̃ mg̃a castillero, si Capitang Tiago'y lumiligaya sa religión dito sa lupà, at sinasabi ng̃ mg̃a matataas at banal na mg̃a táong sa lang̃it man daw ay malakí rin ang lacás ng̃ canyáng capangyarihan. Na siyá'y cásundò ng̃ Gobierno, ang baga'y na itó'y hindî dapat pag alinlang̃anan, bagá man tíla mandín may cahirapang itó'y mangyari. Waláng cáyang umísip ng̃ anó mang bagong bagay, nagágalac na sa canyáng casalucuyang pamumuhay, cailán ma'y laguing laang tumalima sa catapustapusang Oficial quinto sa lahát ng̃ mg̃a oficina, maghandóg ng̃ mg̃a hítang jamón, mg̃a capón, mg̃a pavo, mg̃a bung̃ang cáhoy at halamang gáling sa Sunsông sa alin mang panahón ng̃ isáng taón. Cung náriring̃ig niyáng sinasabing masasamâ ang mg̃a tunay na lahing filipino, siyáng hindî nagpapalagay sa sariling dî siyá dalisay na tagalog, nakikipintas siyá at lálò pa manding masamâ ang canyáng guinagawang pagpulà; sacali't ang pinipintasa'y ang mg̃a mestizong insíc ó mestizong castilà, siyá nama'y nakíkipintas, marahil sa pagca't inaacalà na niyáng siyá'y dalisay na "ibero"[o 22]: siyá ang unaunang pumupuri sa lahát ng̃ mg̃a pagpapabuwís, lalo't cung sa licuran nitó'y naáamo'y niyáng may "contrata" ó isáng "arriendo." Lágui ng̃ may handâ siyáng mg̃a orquesta upang bumatì at tumapát sa canino mang mg̃a gobernador, mg̃a alcalde, mg̃a fiscal, at iba pa, sa caniláng mg̃a caarawán ng̃ santong calagyô, caarawán ng̃ capang̃anacan, pang̃ang̃anác ó pagcamatáy ng̃ isáng camag-anac, sa maiclíng salitá'y ang anó mang pagbabagong lacad ng̃ pamumuhay na caraniwan. Nagpápagawâ ng̃ mg̃a tuláng pangpuri sa mg̃a táong sinabi na, ng̃ mg̃a himnong ipinagdíriwang ang "mabait at mairog na Gobernador; matapang at mapagsicap na Alcalde, na pinaghahandaan sa lang̃it ng̃ palma ng̃ mg̃a banál" (ó palmeta) at iba't iba pang mg̃a bagay. Naguíng Gobernadorcillo siyá ng̃ "gremio" ng̃ mg̃a "mestizong sangley", bagá man maraming nagsitutol, sa pagca't hindî siya nilá ipinalálagay na mestizong insic. Sa dalawáng taóng canyáng pang̃ang̃apita'y nacasirà siyá ng̃ sampóng frac, sampóng sombrerong de copa at anim na bastón: ang frac at sombrero de copa'y sa Ayuntamiento, sa Malacanyáng at sa cuartel; ang sombrero de copa at ang frac ay sa sabung̃an, sa pamilihan, sa mg̃a procesión, sa mg̃a tindahan ng̃ mg̃a insíc, at sa ilalim ng̃ sombrero at sa loob ng̃ frac ay si Capitang Tiagong nagpapawis at nag-eesgrima ng̃ bastóng may borlas, na nag uutos, naghuhusay at guinugulo ang lahát, tagláy ang isáng cahang̃ahang̃àng casipagan at isáng pagcamatimtimang lalò pa manding cahang̃ahang̃à. Cayâ ng̃a't ipinalalágay ng̃ mg̃a punong macapangyarihang siyá'y isáng magaling na táo, cagandagandahan ang púso, payápà, mápagpacumbabâ, masunurin, mapagpakitang loob, na hindî bumabasa ng̃ anó mang libro ó periódicong galing sa España, bagá man magalíng mag-wícang castílà; ang ting̃in sa canyá, nilá'y tulad sa pagmamasíd ng̃ isáng abáng estudiante sa gasgás na tacón ng̃ canyáng lumà ng̃ zapato, pakilíng dahil sa anyô ng̃ canyáng paglacad:—Naguiguing catotohanan, sa calagayan niyá, ang casabihán ng̃ mg̃a cristianong "beati pauperis spiritu"[o 23] at ang caraniwang casabiháng "beati possidentes"[o 24], at mangyayaring maipatungcol sa canyá yaóng mg̃a sabing griego na anáng ibá'y malî ang pagcacahulog sa wicang castilà: "¡Gloria á Dios en las alturas y paz á los hombres de buena voluntad"[o 25]! sa pagca't ayon sa makikita natin sa mg̃a susunod dito, hindî casucatáng magcaroon ang táo ng̃ magandáng calooban upang sumapáyapà. Ang mg̃a dî gumagalang sa religió'y ipinalálagay siyáng halíng; ipinalálagay siyá ng̃ mg̃a dukháng waláng awà, tampalasan, mapagsamantala ng̃ cahirapan ng̃ capuwà, at ipinalálagay naman ng̃ mg̃a mabababà sa canyáng siyá'y totoong malabis umalipin at mapagpahirap. At ¿ang mg̃a babae? ¡Ah, ang mg̃a babae! Umaaling̃awng̃aw ng̃ dî cawasà ang mg̃a paratang, na naririnig sa mg̃a mahihirap na mg̃a báhay na pawid, at pinagsasabihang may naririnig daw na mg̃a taghóy, mg̃a hagulhól, na manacànacang may casamang mg̃a uhâ ng̃ isáng bagong caaanác. Hindî lamang íisang dalaga ang itinuturò ng̃ daliring mapagsapantahà ng̃ mg̃a namamayan: malamlám ang matá at looy na ang dibdib ng̃ gayóng dalaga. Ng̃uni't hindî nacabábagabag ng̃ canyáng pagtulog ang lahát ng̃ itó; hindî nacaliligalig ng̃ canyáng catahimican ang sino mang dalaga; isáng matandáng babae ang siyang nacapagpapahirap ng̃ canyáng loob, isáng matandáng babaeng nakikipagtaasan sa canyá ng̃ pamimintacasi na naguíng dapat magtamò sa maraming cura ng̃ lalong malalaking pagpupuri at pagpapaunlác cay sa mg̃a kinamtán niyá ng̃ panahóng siyá'y guinágaling. May banál na pag-uunaháng ikinágagaling ng̃ Iglesia si Capitang Tiago at sacâ ang babaeng baong itóng pagmamanahan ng̃ mg̃a capatíd at ng̃ mg̃a pamangkín, tulad namán sa pag-aagawán ng̃ mg̃a vapor sa Capangpang̃ang pinakikinabang̃an ng̃ mg̃a táong báyan. ¿Naghandóg si Capitang Tiago sa isáng Vírgeng alín man ng̃ isang bastóng pílac na may mg̃a esmeralda at mg̃a topacio? Cung gayó'y pagdaca'y nagpapagawâ namán si Doña Patrocinio sa platerong si Gaudinez ng̃ isáng bastóng guintô na may mg̃a brillante. ¿Na nagtayô si Capitang Tiago ng̃ isáng arcong may dalawáng mukhâ, may balot na damít na pinabintógbintóg, may mg̃a salamín, mg̃a globong cristal, mg̃a lâmpara at mg̃a araña, handóg sa procesión nang naval? Cung gayó'y magpapatayô namán si Doña Patrocinio ng̃ isáng arcong may apat na mukhâ, matáas ng̃ dalawáng vara sa arco ni Capitang Tiago at lalong marami ang mg̃a bítin at ibá pang sarisaring mg̃a pamuti. Pagcâ nagcágayo'y guinagamit namán ni Capitang Tiago ang canyáng lalong nagágawang magalíng, ang bagay na canyáng ikinatatang̃ì: ang mg̃a misang may mg̃a bomba't ibá pang pangpasayáng guinagamitan ng̃ pólvora, at pagnangyari itó'y kinácagat ni Doña Patrocinio ng̃ canyáng mg̃a ng̃idng̃id ang canyáng lábì, sa pagca't palibhasa'y totoong mayamutin ay hindî niyá matiis ang "repique" ng̃ mg̃a campanà, at lalò ng̃ kinalúlupitan niyá ang ugong ng̃ mg̃a putucan. Samantalang si Capitang Tiago'y ng̃umíng̃itì ay nag-iisip naman si Doña Patrocinio ng̃ paggantí, at pinagbabayaran niyá ng̃ salapì ng̃ mg̃a ibá ang lalong magagaling na magsermóng hirang sa limáng mg̃a capisanan ng̃ mg̃a fraile sa Maynilà, ang lalong mg̃a balitang mg̃a canónigo sa Catedral, at sampô ng̃ mg̃a Paulista, at ng̃ mang̃ag sermón sa mg̃a dakilang araw tungcól sa mg̃a saysayin sa Teología[o 26], na lubhang malalalim sa mg̃a macasalanang waláng nalalaman cung dî wicang tindá lamang. Námasid ng̃ mg̃a cacampí ni Capitang Tiago, na si Doña Patrocinio'y nacacatulog samantalang nagsesermon, at sinaságot namán silá ng̃ mg̃a cacampi ni Doña Patrocinio, na ang sermó'y bayád na, at sa ganang canyá'y ang pagbabayad ang siyáng lalong mahalagá. Sa cátapustapusa'y lubós na iguinupò si Capitang Tiago ni Doña Patrocinio, na naghandóg sa isáng simbahan ng̃ tatlóng andas na pilac, na dinorado, na ang bawa't isa'y pinagcagugulan niyá ng̃ mahiguít na tatlóng líbong piso. Hinihintay ni Capitang Tiago na bawa't araw ay titiguil ng̃ paghing̃a ang matandáng babaeng itó, ó matatalo cayâ ang limá ó anim na usapín sa paglilincód lamang sa Dios; ang casamaang palad ay ipinagcásanggalang ang mg̃a usaping iyón ng̃ lalong magagalíng na abogado sa Real Audiencia, at tungcól sa canyáng búhay, waláng sucat na mapanghawacan sa canyá ang sakít, ang cawang̃is niyá'y cawad na patalím, marahil ng̃ may mapanghinularan ang mg̃a cálolowa, at cumacapit dito sa bayan ng̃ luhang gaya ng̃ mahigpit na pagcapit ng̃ galís sa balát ng̃ táo. Umaasa ang mg̃a cacampí ni Doña Patrociniong pagcamatáy nito'y maguiguing "canonizada"[o 27], at si Capitang Tiago ma'y sásamba sa canyá sa mg̃a altar, bagay na sinasang-ayunan ni Capitang Tiago at canyáng ipinang̃ang̃aco, mamatáy lamang agád. Gayón ng̃â ang calagayan ni Capitang Tiago ng̃ panahóng iyón. Tungcól sa panahóng nacaraa'y siyá'y bugtóng na anác ng̃ isáng mag-aasucál sa Malabóng mayaman din namán ang pagcabuhay, ng̃uni't nápacaramot, na anó pa't hindî nagcagugol ng̃ isáng cuarta man lamang sa pagpapaaral sa canyáng anác, caya't naguíng alilâ si Santiaguillo ng̃ isang mabaít na dominico na pinagsicapang iturò ang lahát ng̃ maituturò at nalalaman niyá. Ng̃ magtátamo na si Santiago ng̃ caligayaháng siyá'y tawaguing "lógico", sa macatuwíd bagá'y ng̃ siyá'y mag-aaral na ng̃ "Lógica",[o 28] ang pagcamatáy ng̃ sa canyá'y nagtatangkilíc, na sinundán ng̃ pagcamatáy ng̃ canyáng amá, ang siyáng nagbigáy wacás ng̃ canyáng mg̃a pag-aaral, at ng̃ magcágayo'y napilitang siyáng mang̃asiwà sa paghahanap-buhay. Nag-asawa siyá sa isáng magandáng dalagang taga Santa Cruz, na siyáng tumulong sa canyá sa pagyaman, at siyáng sa canyá'y nagbigáy ng̃ pagcaguinoo. Hindî nagcásiya si Doña Pia Alba sa pamimili ng̃ azúcal, café at tínà: ninais niyáng magtaním at umani, at bumilí ang dalawáng bagong casál ng̃ mg̃a lúpà sa San Diego, at mulâ niyao'y naguíng caibigan na siyá ni párì Dámaso at ni Don Rafael Ibarra, na siyáng lalong mayamang mámumuhunan sa bayan. Naguiguing isáng gawáng dapat sisihin ang malabis niláng pag-susumakit sa pagpaparami ng̃ cayamanan, dahil sa silá'y hindî nagcacaanác, mulâ ng̃ silá'y mácasal na may anim na taón na, at gayón ma'y matuwid, matabâ at timbáng na timbáng ang pang̃ang̃atawán ni Doña Pia. Nawaláng cabuluhán ang canyáng mg̃a pagsisiyám, ó "novenario," ang canyáng pagdalaw sa Virgeng Caysasay sa Taal, sa hatol ng̃ mg̃a mapamintacasi; ang pagbibigay niyá, ng̃ mg̃a limós, ang pagsasayáw niyá sa procesión ng̃ Virgeng Turumbá, sa Pakil, sa guitnâ ng̃ mainit na araw ng̃ Mayo. Nawal-ang cabuluháng lahát, hanggang sa siyá'y hinatulan ni párì Dámasong pumaroon sa Obando, at pagdatíng doo'y sumayáw sa fiesta ni San Pascual Baylón, at huming̃î ng̃ isáng anác. Talastás na nating sa Obando'y may tatlóng nagcacaloob ng̃ mg̃a anác na lalaki at ng̃ mg̃a anác na babae; ang ibiguin: Nuestra Señora de Salambaw, Santa Clara at San Pascual. Salamat sa hatol na ito'y nagdaláng táo si Doña Pía ... ¡ay! tulad sa máng̃ing̃isdáng sinasabi ni Shakespeare sa Macbeth, na tumiguil ng̃ pag-aawít ng̃ siyá'y macasumpong ng̃ isáng cayamanan; pumanaw cay Doña Pia ang catowaan, namangláw ng̃ dî anó lamang at hindî na nakita nino mang ng̃umitî.—¡Talagáng ganyán ang mg̃a naglílihi—ang sinasabi ng̃ lahát, sampô ni Capitang Tiago. Isáng lagnát na dumapò sa canyá pagcapang̃anác (fiebre puerperal) ang siyáng nagbigáy wacás sa canyáng mg̃a calungcutan, na anó pa't naiwan niyáng ulila ang isáng magandáng sanggól na babae, na inanác sa binyág ni Fr. Dámaso rin; at sa pagca't hindî ipinagcaloob ni San Pascual ang batang lalaking sa canyá'y hiníhing̃ì, pinang̃alanan ang sanggól ng̃ Maria Clara, sa pagbibigáy unlác sa Virgen de Salambáw at cay Santa Clara, at pinarusahan ang may dalisay na capuriháng si San Pascual Baylón, sa hindî pagbangguît ng̃ canyáng pang̃alan. Lumakí ang sanggól na babae sa mg̃a pag-aalagà ni tia Isabel, ang matandáng babaeng iyóng tulad sa fraile ang pakikipagcapuwà táo na nakita natin sa pasimulâ nitó. Hindî tagláy ni María Clara ang maliliit na mg̃a matá, ng̃ canyáng amá: gaya rin ng̃ canyáng ináng malalakí ang mg̃a matá, maiitím, nalililiman ng̃ mahahabang mg̃a pilíc-matá, masasayá at caayaaya pagcâ naglálarô; malulungcót, hindî mapagcurò at anyóng naggugunamgunam pagcâ hindî ng̃umíng̃itî. Nang sanggól pa siyá'y culót ang canyáng buhác at halos culay guintô; ang ilóng niyáng magandá ang hayap ay hindî totong matang̃os at hindî namán sapát; ang bibíg ay nagpapaalaala sa maliliit at calugodlugod na bibíg ng̃ canyáng iná, tagláy ang mg̃a catowatowang bíloy sa mg̃a pisng̃î; ang balát niyá'y casíng nipís ng̃ pang-ibabaw na balát ng̃ sibuyas at maputíng culay búlac, anáng mg̃a nahihibáng na mg̃a camag-anac, na caniláng nakikita ang bacás ng̃ pagcâ si Capitang Tiago ang amá, sa maliliit at magandáng pagcacaanyô ng̃ mg̃a taing̃a ni María Clara. Ipinalálagay ni tía Isabél na cayâ may pagca mukháng europeo si María Clara'y dahil sa paglilihí ni Doña Pía; natatandàang madalás nakita niyáng itó'y tumatang̃is sa harapán ni San Antonio, ng̃ mg̃a unang buwán ng̃ canyang pagbubuntís; gayón din ang isipan ng̃ isáng pinsang babae ni Capitang Tiago, ang pinagcacáibhan lamang ay ang paghirang ng̃ santo: sa ganang canyá'y naglihi sa Virgen ó cay San Miguel. Isáng balitang filósofong pinsan ni Capitang Tinong, at nasasaulo ang "Amat" [o 29], hinahanap ang caliwanagan ng̃ gayóng bagay sa ikinapangyayari sa calagayan ng̃ tao ng̃ mg̃a "planeta"[o 30]. Lumakí si María Clarang pinacaiirog ng̃ lahát, sa guitnâ ng̃ mg̃a ng̃iti at pagsinta. Ang mg̃a fraile ma'y linalarô siya pagcâ isinasama sa mg̃a procesióng puti ang pananamit, nalalala sa canyang malagô at culót na buhóc ang mg̃a sampaga at mg̃a azucena, may dalawang maliliit na pacpac na pilac at guintóng nacacabit sa licuran ng̃ canyang pananamít, at may tang̃ang dalawang calapating puting may mg̃a taling cintas na azul. At sacâ siya'y totoong masaya, may mg̃a pananalitang musmós na calugodlugod, na si Capitang Tiago, sa cahibang̃an ng̃ pag-ibig, ay walang guinagawà cung di pacapurihin ang mg̃a santo sa Obando at ihatol sa lahat na sila'y umadhicâ ng̃ magagandang escultura nila. Sa mg̃a lupaing na sa dacong ilaya ng̃ daigdig, pagdating ng̃ batang babae sa labing tatló ó labing apat na taón ay dinaratnan na ng̃ sa panahon, tulad sa buco cung gabi na kinabucasa'y bulaclac na. Sa calagayang iyang pagbabagong anyò, puspós ng̃ mg̃a talinghagà at ng̃ pagcamaramdamin ang puso, pumasoc si Maria Clara, sa pagsunód sa mg̃a hatol ng̃ cura sa Binundóc, sa beaterio ng̃ Santa Catalina[o 31] upang tumanggap sa mg̃a monja ng̃ mg̃a turong banal. Tumatang̃is si Maria Clarang nag-paalam cáy parì Dámaso at sa tang̃ing catotong canyang calaró-larô buhat sa camusmusan, cay Crisôtomo Ibarra, na pagcatapos ay napa sa Europa naman. Doon sa conventong iyóng sacali't nakikipanayam sa mundo'y sa pamamag-itan ng̃ mg̃a rejang lambal, at sa ilalim pa ng̃ pagbabantay ng̃ "Madre-Escucha", natira si María Clarang pitóng taón. Taglay ng̃ bawa't isa ang canicanicalang inaacalang icagagalíng ng̃ sariling pagcabuhay, at sa canilang pagcahiwatig ng̃ hilig ng̃ isa sa isa ng̃ mg̃a batà, pinagcayarîan ni Don Rafael at ni Capitang Tiago, ang pagpapacasal sa canilang mg̃a anac, at sila'y nang̃agtatag ng̃ samahan. Ang pangyayaring itóng guinawâ ng̃ macaraan ang ilang taón buhat ng̃ umalís si Ibarra'y ipinagdiwang ng̃ dalawang pusong na sa magcabilang dúlo ng̃ daigdíg at na sa iba't ibang calagayang totoo. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Si Kapitan Tiyago
Baybayin
Talababaan
|
|