Noli Me Tangere/Kabanata 57
←Kabanata 56: Sabi-sabi at Kuro-kuro ←Paliwanag |
Kabanata 57: Vae Victis! Paliwanag |
Kabanata 58: Isinumpa→ Paliwanag→ |
Teksto
Vae Victis! |
¡Vae Victus!
Nagpaparoo't parito ang mg̃a guardia civil, na nacalálaguim ang anyô sa harap ng̃ tribunal, at pinagbabalàan ng̃ culata ang canilang baril ang pang̃ahás na mg̃a musmós, na tumítiyad ó nang̃agpapasanan upang canilang mátanawan cung anó cayâ ang nang̃aroroon sa dacong loob ng̃ rejas. Hindî na nápapanood sa salas yaóng masayáng anyô ng̃ panahóng pinag-tatalunan ang palatuntunan ng̃ fiesta; ng̃ayó'y malungcót at hindi nacapagbíbigay panatag. Ang mg̃a naroroong mg̃a guardia civil at mg̃a cuadrillero'y bahagyâ ng̃ nagsasalitàan, at sacali't magsalitàan ng̃ ila'y sa tinig na marahan. Nang̃agsisisulat sa papel, sa ibabaw ng̃ mesa, ang directorcillo, dalawang escribiente at iláng mg̃a sundalo; nagpaparoo't parito ang alférez sa magcabicabilang panig, at canyáng manacânacáng tinítingnan ng̃ anyóng mabalasic ang pintuan; na anó pa't hindî hihiguit sa canyáng pagmamalaki si Temistocles sa mg̃a Larô sa Olimpo, pagcatapos ng̃ pagbabaca sa Salamina. Naghihicab sa isáng suloc si doña Consolación, na anó pa't ipinakikita ang canyáng maitim na loob ng̃ bibig at mg̃a ng̃iping pakilwagkilwag; ang paning̃in niya'y tumititig ng̃ malamig at nacapangang̃anib sa napúpuspos ng̃ mg̃a nacapintáng cahalayhalay na mg̃a larawang na sa sa pintuan ng̃ bilangguan. Naipakiusap ng̃ babaeng itó sa canyáng asawa, na lumambót ang loob sa canyáng pagtatagumpáy, na ipaubaya sa canyáng mapanood ang mg̃a pagtanóng na gágawin, at marahil ay ang mg̃a pagpapahirap na kinauugaliang gamitin. Naaamoy ng̃ halimaw ang bangcáy, canyáng inaasam-asám na, at canyáng ikinayáyamot ang calaunan ng̃ pagpapahirap. Laguim na totoó ang gobernadorcillo; ang canyáng sillón, yaóng dakilang sillóng nacalagáy sa ilalim ng̃ larawan ng̃ mahál na harì, waláng gumagamit, at wari'y natutungcol sa ibáng tao. Dumatíng ang curang namúmutla't cunót ang noó, ng̃ malapit ng̃ tumugtóg ang á las nueve. —¡Hindi pô namán nagpahintáy cayóng totoó!—ang sinabi sa canyá ng̃ alférez. —Ibig co pang huwag ng̃ makiharáp,—ang isinagót ni parì Salví ng̃ mahinang pananalitâ, na hindi na pinansín ang anyóng masacláp na sabi ng̃ alférez;—acóy totoong malaguimin. —Sa pagcá't sino ma'y waláng naparirito upáng huwág bayâang waláng nang̃ang̃asiwà, inaacalà cong ang inyóng pakikialam ay ... Nalalaman na pó ninyóng aalis silá ng̃ayóng hapon. —¿Ang binatang si Ibarra at ang teniente mayor?... Itinuro ng̃ alférez ang bilangguan. —Waló ang náriyan,—anyá;—namatáy si Bruno caninang hating gabí, ng̃uni't nacatitic na ang canyáng mg̃a saysáy. Bumati ang cura cay doña Consolación, na ang isinagót ay isáng hicáb at isáng ¡aah! at naupô sa sillóng na sa ilalim ng̃ larawan ng̃ mahál na harì. —Macapagpapasimulà na tayo!—ang mulíng sinabi. —Cunin ninyó ang dalawáng nang̃asasapang̃áw!—ang ipinag-utos ng̃ alférez, na pinagpilitang ang tinig niyá'y mag-anyóng cagulágulatang, at humaráp sa cura at idinugtóng na nagbago ng̃ tinig: —¡Nang̃asúsuot sa pang̃áw na may patláng na dalawáng butas! Ipaliliwanag namin sa mg̃a hindî nacacaalam cung anó ang cagamitáng itó sa pagpapahirap, na ang pang̃áw ay isá sa mg̃a lalong waláng cabuluhán. Humiguít cumulang sa isáng dangcál ang lalayò ng̃ mg̃a butas na pinagsusuutan ng̃ mg̃a paa ng̃ mg̃a pinipiit; cung patlang̃an ng̃ dalawáng butas, may cahirapan ng̃ cauntî lamang ang calagayan ng̃ napipiit, na anó pa't nagdáramdam na tang̃ing bagabag sa mg̃a bucong-bucong at nacabucacà ang dalawáng paa, na nagcaca-layô ng̃ may mahiguit na isáng vara: hindi ng̃â nacamámatay agad-agád, ayon sa mapagcucurong magaang ng̃ sino man. Ang tagatanod bilangguang may casunod na apat na sundalo'y inalis ang talasoc at binucsán ang pintô. Nang̃agsilabás ang isáng amoy na labis ng̃ bahò at isáng hang̃ing malapot at malamig sa macapál na dilim na iyón, casabáy ng̃ pagcáring̃ig ng̃ iláng himutóc at pagtang̃is. Nagsindi ng̃ fósforo ang isáng sundalo, datapuwa't namatáy ang ning̃as sa hang̃ing iyóng nápacabigat at bulóc na bulóc, caya't nang̃apilitang hintayín niláng macapagbagong hang̃in. Sa malamlám na liwanag ng̃ isáng ilaw ay caniláng naaninagnagan ang iláng may mg̃a mukháng tao: mg̃a taong nacayacap sa caniláng mg̃a tuhod at sa pag-itan ng̃ dalawáng tuhod niláng itó'y ikinúcublí ang caniláng ulo, mg̃a nacataób, nang̃acatindíg, nang̃acaharáp sa pader, at ibá pa. Náring̃ig ang isáng pucpóc at pagcalairit, na caacbay ng̃ mg̃a tung̃ayaw; binúbucsan ang pang̃áw. Nacayucód si doña Consolación, nacaunat ang mg̃a casucasuan ng̃ liig, luwâ ang mg̃a matá at nacatitig sa nacasiwang na pintó. Lumabás ang isáng anyóng nacapag-aalap-ap na naguiguitnâ sa dalawáng sundalo; yaó'y si Társilo na capatíd ni Bruno. May mg̃a «esposas» ang mg̃a camáy; ipinamámasid ng̃ canyáng mg̃a wasác wasác na mg̃a damít ang canyáng batibot na mg̃a casucasuan. Tinitigan niyáng waláng pacundang̃an ang asawa ng̃ alférez. Sa licuran ni Társilo'y sumipót ang isáng anyóng cahabaghabág, na tumátaghoy at umiiyac na anaki'y musmós; piláy cung lumacad at may dung̃is na dugô ang salawál. —Iyá'y isáng mapangdayà,—ang inihiwatig ng̃ alférez sa cura; nagbantáng tumacas, ng̃uni't nasugatan siyá sa hità. Ang dalawáng itó ang tang̃ing mg̃a buháy sa canilá. —¿Anó ang pang̃alan mo?—ang itinanóng ng̃ alférez cay Társilo. —Társilo Alasigan. —¿Anó ang ipinang̃acò sa inyó ni don Crisóstomo upáng looban ninyó ang cuartel? —Cailán ma'y hindi nakikipag-usap sa amin si don Crisóstomo. —¡Huwág mong itangguí! Cayâ binantà ninyóng camí ay subukin. —Nagcacamali pô cayó; pinatáy pô ninyó sa capapalò ang aming amá, siyá'y ipinanghihiganti namin, at walâ ng̃ ibá. Hanapin pô ninyó ang inyóng dalawáng casama. Nagtátaca ang alférez na tiningnán ang sargento. —Nang̃aroon silá sa bang̃in, doon silá itinapon namin cahapon, doon silá mabúbuloc. Ng̃ayó'y patayin na ninyó acó, wala na cayóng malalamang anó pa man. Tumahimic at nangguilalás ang lahát. —Sabihin mo sa amin cung sino sino ang iyóng mg̃a ibáng cainalám,—ang ibinantâ ng̃ alférez na iniwawasiwas ang isáng yantóc. Sumung̃aw sa mg̃a labì ng̃ may sala ang isáng ng̃iti ng̃ pagpapawaláng halagá. Nakipag-usap ng̃ sandali sa cura ang alférez, na marahan ang caniláng salitaan; at sacá humaráp sa mg̃a sundalo. —¡Ihatid ninyó siyá sa kinalalagyan ng̃ mg̃a bangcáy!—ang iniutos. Sa isáng suloc ng̃ patio, sa ibabaw ng̃ isáng carretóng lumà, ay nacabuntón ang limáng bangcáy, na halos natátacpan ng̃ capirasong gulanít na baníg na punô ng̃ carumaldumal na mg̃a dumí. Nagpaparoo't parito sa magcabicabilang dulo ang isáng sundalo, na mayá't mayá'y lumúlurâ. —¿Nakikilala mo ba sila?—ang tanóng ng̃ alférez na itinataás ang banig. Hindi sumagót si Társilo; nakita niyá ang bangcáy ng̃ asawa ng̃ ulól na babae na casama ng̃ mg̃a iba; ang bangcáy ng̃ canyáng capatíd na tadtád ng̃ sugat ang catawán, sa cásasacsac ng̃ bayoneta, at ang cay Lucas na may lubid pa sa liig. Lumungcót ang canyáng paning̃in at tila mandín nagpumiglás sa canyáng dibdib ang isáng buntóng hining̃á. —¿Nakikilala mo silá?—ang mulíng sa canyá'y itinanóng nilá. Nanatili sa pagca pipí si Társilo. Isáng haguinít ang siyáng umaling̃awng̃áw sa hang̃in at pumalò ang yantóc sa canyáng licód. Nang̃iníg, nang̃urong ang canyáng mg̃a casucasuan. Inulit-ulit ang pagpalò ng̃ yantóc, ng̃uni't nanatili si Társilo sa pagwawaláng bahalà. —¡Hagupitín siyá ng̃ palò hanggáng sa pisanan ó magsalità!—ang sigáw ng̃ alférez na nagng̃ing̃itng̃it. —¡Magsabi ca na!—ang sinabi sa canyá ng̃ directorcillo;—sa papaano ma'y pápatayin ca rin lamang. Mulíng inihatid siyá sa salas na kinalalagyan ng̃ isáng napipiit, na tumatawag sa mg̃a santo, nang̃ang̃aligkig ang mg̃a ng̃ipin at ang mg̃a paa'y cusang nahuhubog. —¿Nakikilala mo ba iyán?—ang tanóng ni parì Salvi. —¡Ng̃ayón co lamang siyá nakita!—ang sagót ni Társilo, na minámasdan ang isá ng̃ may halong habág. Binigyán siyá ng̃ isáng suntóc at isáng sicad ng̃ alférez. —¡Inyóng igapos siyá sa bangcó! Hindi na inalís sa canyá ang mg̃a «esposas» na nadúdumhan ng̃ dugô, at siyá'y itinali sa isáng bangcóng cahoy. Luming̃ap ang caawaawà sa canyáng paliguid, na anaki'y may hinahanap siyáng anó man, at ng̃ canyáng nakita si doña Consolación, siyá'y humalakhác ng̃ patuyâ. Sa pagtatacá ng̃ mg̃a nanonood ay sinundán nilá ang tinítingnan ng̃ nagagapos, at ang caniláng nakita'y ang guinoong babae, na nang̃ang̃atlabì ng̃ cauntî. —¡Hindi pa acó nacacakita ng̃ ganyáng capang̃ít na babae!—ang biglang sinabi ng̃ malacás ni Társilo, sa guitná ng̃ hindî pag-imíc nino man;—ibig co pang humigâ sa ibabaw ng̃ isáng bangcò, na gaya ng̃ calagayan co ng̃ayón, cay sa humigâ acó sa siping niyá na gaya ng̃ alférez. Namutlâ ang Musa. —Papatayin pô ninyó acó sa palò, guinoong alférez,—ang ipinagpatúloy;—ng̃ayóng gabi ipanghíhiganti aco ng̃ inyóng asawa pagyacap niyá sa inyó. —¡Lagyán ninyó ng̃ pang-al ang bibig!—ang sigáw ng̃ alférez na nahíhibang at nang̃áng̃atal sa galit. Tila mandin waláng ibáng hináhang̃ag si Társilo cung di ang siyá'y magcapang-al, sa pagca't pagcatapos na siyá'y malagyan ng̃ pang-al na iyón, nagsaysáy ang canyáng mg̃a matá ng̃ isáng kisláp ng̃ catuwáan. Sa isáng hudyát ng̃ alférez, pinasimulan ng̃ isáng guardiang may hawac na isáng yantóc, ang canyáng cahapishapis na catungculan, Nang̃urong ang boong catawán ni Társilo; isáng ung̃ol na sacál at mahabà ang siyáng náring̃ig, bagá man napapasalan ang canyáng bibig ng̃ damit; tumung̃ó: napípigtâ ang canyáng damít ng̃ dugô. Tumindig ng̃ boong hirap si parì Salvi, na namúmutlà't sirâ ang paning̃ín, humudyát ng̃ camáy, at linisan ang salas na nang̃áng̃alog ang mg̃a tuhod. Nakita niyá sa daan ang isáng dalagang nacasandál sa pader, matuwíd ang catawán, hindi cumikilos, nakíkinig na lubós, tinítingnan ang álang-álang, nacaunat ang mg̃a nang̃áng̃ayumcom na mg̃a camáy sa lumang muog. Binibilang manding hindi humíhing̃a ang mg̃a hampás na macalabóg, waláng taguintíng at yaóng cahambál-hambál na daing. Siyá ang capatíd na babae ni Társilo. Samantala'y ipinagpapatuloy sa salas ang cagagawang iyón; ang culang palad, sa hindi na macayang bathing hirap, ay napipi at hinintáy na mang̃apagál ang canyáng mg̃a verdugo. Sa cawacasa'y inilawít ang mg̃a bisig ng̃ sundalong humihing̃al; ang alférez, na namúmutlâ sa galit at sa pangguiguilalás, humudyát ng̃ isá upang calaguín ang pinahihirapan. Nang magcágayo'y nagtindíg si doña Consolación at bumulóng ng̃ ilán sa canyáng asawa. Tumang̃ô itó, sa pagpapakilalang canyáng naunawà. —¡Dalhín siyá sa bal-on!—anyá. Natatalastas ng̃ mg̃a filipino cung anó ang cahulugán ng̃ salitáng itó; isinasatagalog nilá sa sabing timbain. Hindi namin maalaman cung sino cayâ ang nacaisip ng̃ ganitóng gawâ. Ang Catotohanang umaahon sa isáng bal-on, marahil ay isáng pagbibigáy cahulugáng nápacamatindíng libác. Sa guitnâ ng̃ patio ng̃ tribunal ay naroroon ang caayaayang pader na na caliliguid sa isáng bal-on; ang pader na yaó'y batóng buháy na magaspáng ang pagcacágawâ. Isáng casangcapang tulad sa pinggáng cawayan (timbalete) ang siyáng doo'y gamit sa pagcuha ng̃ tubig na malapot, marumí at mabahò. Mg̃a papanting̃in, mg̃a dumi at ibá pang masasamáng tubig ang doo'y natitipon, sa pagcá't ang bal-ong yaó'y tulad naman sa bilangguan; doon inihuhulog ang lahat ng̃ pinawawalang halagá ó ipinalalagay na wala nang cabuluhán; casangcapang doo'y mahulog, magpacabutibuti, wala ng̃ halagá. Gayón ma'y hindi tinatabunan cailán man: manacánacang pinahihirapan ang mg̃a bilanggóng hucayi't palaliman ang bal-ong iyón, hindi dahil sa balac na muha ng̃ capakinabang̃án sa parusang iyón, cung dî dahil sa mg̃a cahirapang nangyayari sa gawáng iyón: ang bilanggóng doo'y lumusong ay nacacacuha ng̃ lagnát na ang caraniwa'y ikinamámatay. Pinanonood ni Társilo, na nacatitig, ang mg̃a paghahandâ ng̃ mg̃a sundalo; siyá'y namúmutlâ ng̃ mainam at nang̃áng̃atal ang canyáng mg̃a labì ó bumúbulong ng̃ isáng dalang̃in. Warì'y nawalâ ang pagmamataas niyá sa canyáng di maulatang hirap, ó cung hindi ma'y hindi na totoong masimbuyó. Macailang inilung̃ayng̃áy ang nacalindíg na liig, tumitig sa lupà, sang-ayong magdalità. Dinalá siyá nilá sa pader na nacaliliguid sa bal-on, na sinúsundan ni doña Consolacióng nacang̃itî. Isáng sulyáp, na may tagláy na panaghilì, ang itinapon ng̃ sawíng palad, sa nagcacapatong-patong na mg̃a bangcáy, at isáng buntóng hining̃á ang tumacas sa canyáng dibdib. —¡Magsabi ca na!—ang mulíng sinabi sa canyá ng̃ directorcillo,—sa papaano ma'y bibitayin ca; mamatáy ca man lamang na hindi totoong naghirap ng̃ malakí. —Aalis ca rito upáng mamatáy,—ang sinabi sa canyá ng̃ isáng cuadrillero. Inalisán nilá siyá ng̃ pang-al, at ibinitin siyáng ang tali ay sa mg̃a paa. Dapat siyáng ihugos ng̃ patiwaric at manatiling malaón laón sa ilalim ng̃ tubig, catulad ng̃ guinágawâ sa timbâ, na ang caibhán lamang ay lalong pinalalaon ang tao. Umalis ang alférez upáng humanap ng̃ relós at ng̃ bilang̃in ang mg̃a minuto. Samantala'y nacabitin si Társilo, ipinapawid ng̃ hang̃in ang canyáng mahabang buhóc, nacapikit ng̃ cauntî. —Cung cayó'y mg̃a cristiano, cung may pusò cayó,—ang ipinamanhic ng̃ paanás,—ihugos ninyó acó ng̃ matulin, ó ihugos ninyó sa isáng paraang sumalpóc ang aking ulo sa bató at ng̃ acó'y mamatáy na. Gagantihin cayó ng̃ Dios sa magandáng gawáng ito ... marahil sa ibáng araw ay mangyari sa inyó ang kináhínatnan co. Nagbalíc ang alférez at pinang̃uluhan ang paghuhugos na tang̃an ang relós. —¡Marahan, marahan!—ang sigáw ni doña Consolacióng sinusundan ng̃ matá ang cahabaghabág;—¡mag-ing̃at cayó! Marahang bumábabà ang timbalete; humihilahis si Társilo sa mg̃a batóng nang̃acaumbóc at sa mg̃a mababahong damóng sumisibol sa mg̃a guiswác. Pagca tapos ay hindi na cumilos ang timbalete; binibilang ng̃ alférez ang mg̃a segundo. —¡Itaás!—ang matinding utos, ng̃ macaraan na ang calahating minuto. Ang ing̃ay na mataguintíng at nagcacasaliwsaliw ng̃ mg̃a patac ng̃ tubig na nahuhulog sa ibabaw ng̃ tubig ang siyáng nagbalità ng̃ pagbabalíc ng̃ may sala sa caliwanagan. Ng̃ayón, palibhasa'y lalong mabig-at ang pabató, siyá'y nanhíc ng̃ mabilis. Nanglálaglag ng̃ malaking ing̃ay ang mg̃a batóng natitingcab sa mg̃a tabí ng̃ balón. Natátacpan ang canyáng noo't ang canyáng buhóc ng̃ carumaldumal na pusalì, puspos ng̃ mg̃a sugat at mg̃a galos ang canyáng mukhâ, ang catawa'y basâ at tumutulò, ng̃ siyá'y sumipót sa mg̃a matá ng̃ caramihang hindi umíimic; pinapang̃áng̃aligkig siyá sa guináw ng̃ hang̃in. —¿Ibig mo bang magsaysáy?—ang sa canyá'y caniláng itinanóng. —¡Huwág mong pabayaan ang capatid cong babae!—ang ibinulóng ng̃ caawaawà, na tinititigan ng̃ pagsamò ang isáng cuadrillero. Mulíng cumalairit ang pinggáng cawayan, at mulíng nawalá ang pinahihirapan. Nahihiwatigan ni doña Consolacióng hindî gumágalaw ang tubig. Bumilang ng̃ isáng minuto ang alférez. Nang mulíng ipanhic si Társilo'y nacawing̃î at nang̃ing̃itim ang mukhâ. Tinitigan niyá ang mg̃a naroroon at nanatiling nacadilat ang mg̃a matáng nang̃a múmula sa dugô. —¿Magsasabi ca ba?—ang mulíng itinanóng ng̃ alférez na ang tinig ay nanglúlupaypay. Umilíng si Társilo, at muli na namang inihugos siyá. Untiunting nasásarhan ang mg̃a pilic-matá niyá, ang balingtatáo ng̃ canyáng mg̃a matá'y nananatili sa pagtitig sa lang̃it na pinapawiran ng̃ mapuputíng alapaap; ibinabalì ang liig upáng macapanatili sa panonood ng̃ liwanag ng̃ araw, ng̃uni't pagdaca'y napilitang lumubog sa tubig, at tinacpán ng̃ carumaldumal na tabing na iyón ang canyáng minámasdang daigdíg. Nagdaan ang isáng minuto; namasid ng̃ tumíting̃ing Musa ang malalaking bulubóc ng̃ tubig na napaiibabaw. —¡Nauuhaw!—ang sabing tumatawa. At mulíng tumining ang tubig. Isáng minuto't calahati ang itinagál ng̃ayón, bago humudyát ang alférez. Hindi na nacawing̃i ang mukhá ni Társilo; nasisilip sa nacasiwang na pang̃isáp ang puti ng̃ matá, lumálabas sa bibig ang tubig na pusaling may cahalong cumacayat na dugô; humihihip ang hang̃ing malamíg, ng̃uni't hindi na nang̃ang̃áng̃aligkig ang canyáng catawán. Nang̃agting̃inan ang lahát na waláng imíc, nang̃amumutlâ at pawang nang̃a alaguím. Humudyat ang alférez upáng alisin sa pagcabitin si Társilo at lumayóng naglilininglining; macailang idiniit ni doña Consolación sa nacalilís na mg̃a paa ng̃ bangcáy ang baga ng̃ canyáng tabacô, ng̃uni't hindi cumatál ang catawán at namatáy ang apóy. —¡Nag-inís siyá sa sarili!—ang ibinulóng ng̃ isáng cuadrillero;—masdán ninyó't binaligtád ang canyáng dilà, na anaki pinacsâ niyáng lunukín. Pinagmámasdang nang̃áng̃atal at nagpápawis niyóng isáng bilanggô ang mg̃a guinagawâng iyón; lumiling̃ap na ang camukhá'y ulól sa lahát ng̃ panig. Ipinag-utos ng̃ alférez sa directorcillong tanung̃ín ang bilanggóng iyón. —¡Guinoo, guinoo!—ang hibic;—¡akin pong sasabihin ang lahat ninyóng maibigang sabihin co! —¡Cung gayo'y mabuti! tingnán natin; ¿anó ang pang̃alan mo? —¡Andóng, pô! —¿Bernardo ... Leonardo ... Ricardo ... Eduardo ... Gerardo ... ó anó? —¡Andóng, pô!—ang inulit ng̃ culáng culáng ang isip. —Ilagáy ninyóng Bernardo ó anó man,—ang inihatol ng̃ alférez. —¿Apellido? Tiningnán siyá ng̃ taong iyóng nagugulat. —¿Anó ang pang̃alan mong dagdág sa ng̃alang Andóng? —¡Ah, guinoo! ¡Andóng Culáng-culáng po! Hindi napiguil ang tawa ng̃ nang̃akikinig; patí ang alférez ay tumiguil ng̃ pagpaparoo't parito. —¿Anó ang hanap-buhay mo? —Mánunubà pô ng̃ niyóg, at alila pô ng̃ aking biyanáng babae. —¿Sino ang nag-utos sa inyóng looban ninyó ang cuartel? —¡Walâ pô! —¿Anóng walâ? Huwág cang magsinung̃aling at titimbaín ca! ¿sino ang nag-utos sa inyó? ¡Sabihin mo ang catotohanan! —¡Ang catotohanan pô! —¿Sino? —¡Sino pô! —Itinatanong co sa iyó cung sino ang nag-utos sa inyóng cayó'y mang̃ag-alsá. —¿Alin pô bang alsá? —Iyón, cung cayá ca doroon cagabí sa patio ng̃ cuartel. —¡Ah, guinoo!—ang bigláng sinabi ni Andóng na nagdádalang cahihiyan. —¿Sino ng̃a ang may casalanan ng̃ bagay na iyán? —¡Ang akin pong biyanáng babae! Tawanan at pangguiguilalás ang sumunód sa mg̃a salitáng itó. Humintô ng̃ paglacad ang alférez at tiningnán ng̃ mg̃a matáng hindi galít ang caawaawà, na sa pagcaisip na magaling ang kinalabasan ng̃ canyáng mg̃a sinabi, nagpatuloy ng̃ pananalitáng masayá ang anyô. —¡Siyá ng̃à pô; hindi pô acó pinacacain ng̃ aking biyanáng babae cung di iyóng mg̃a bulóc at walà ng̃ cabuluhán; cagabí, ng̃ acó'y umuwi rito'y sumakít ang aking tiyán, nakita cong na sa malapit ang patio ng̃ cuartel, at aking sinabi sa sarili;—Ng̃ayó'y gabí, hindi ca makikita nino man.—Pumasoc acó ... at ng̃ tumitindig na acó'y umaling̃awng̃áw ang maraming putucan: itinatali co pô ang aking salawal.... Isang hampás ng̃ yantóc ang pumutol ng̃ canyáng pananalitâ. —¡Sa bilangguan!—ang iniutos ng̃ alférez;—¡ihatíd siyá ng̃ayóng hapon sa cabecera! |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Magdusa ang mga Nalupig!
- Ang mga Talunan
- Sa Aba ng mga Nalupig
- Sa Aba ng mga Manlulupig
Baybayin
Talababaan
|
|