Noli Me Tangere/Kabanata 50
←Kabanata 49: Tinig ng mga Inuusig ←Paliwanag |
Kabanata 50: Ugat ni Elias Paliwanag |
Kabanata 51: Mga Palitan at Pagbabago→ Paliwanag→ |
Teksto
Ugat ni Elias |
Ang Mag-anak ni Elias «May anim na pung taón na ng̃ayóng nananahan ang aking nunòng lalaki sa Maynila, at naglílingcod na «tenedor de libros» sa bahay ng̃ isáng mang̃ang̃alacal na castilà. Batang-batà ng̃ panahóng iyon ang aking nunòng lalaki may asawa at may isáng anác na lalaki. Isáng gabi, hindi maalaman cung anó ang dahil, nagalab ang almacen, lumakit ang apóy sa boong bahay at sa ibáng maraming mg̃a calapit. Hindi mabilang ang halagá ng̃ mg̃a natupoc at nawalà, hinanap ang may sála, at isinumbóng ng̃ mang̃ang̃alacal ang aking nunò. Nawaláng cabuluhán ang canyáng pagtutol, at palibhasa'y dukhâ at hindi macapagbayad sa mg̃a balitàng abogado, siya'y hinatulang palùin sa hayág at ilibot sa mg̃a daan sa Maynilà. Hindi pa nalalaong guinagawa pa ang parusang itóng pang-imbí, na tinatawag ng̃ bayang cabayo y vaca, na macalilibong higuit sa camatayan ang casamâan. Ang aking nunò, na tinalicdan ng̃ lahat, liban na lamang sa canyang batà pang asawa, ay iguinapos sa licod ng̃ isáng cabayo, na sinusundan ng̃ caramihang malulupit at pinalò sa bawa't pinagcacacurusan ng̃ dalawáng daan, sa haráp ng̃ mg̃a taong canyang mg̃a capatíd, at sa malapit sa maraming sambahan sa isáng Dios ng̃ capayapàan. Nang mabusóg na ng̃ culang palad, na magpacailan ma'y imbi na't walang capurihán, ang panghihiganti ng̃ mg̃a tao, sa pamamag-itan ng̃ canyang dugô, ng̃ mg̃a pahirap na guinawâ sa canya at ng̃ canyang mg̃a pagsigáw, kinailang̃ang cunin siya sa ibabaw ng̃ cabayo, sapagca't hinimatáy, at maano na sanang namatáy na ng̃â ng̃ pátuluyan! Sa isá riyan sa mg̃a pinacahayop na calupitán, siya'y pinawalán; nawaláng cabuluháng mamanhic sa baháy-baháy, bigyán ng̃ gáwain ó ng̃ limós ang asawa niyang ng̃ panahóng iyo'y buntís, at ng̃ canyang maalagaan ang asawang may sakít at ang cahabaghabag na anác. Sino ang magcacatiwala sa asawa ng̃ isáng lalaking mánununog at inimbí. Napilitan ng̃â ang babaing calacalin ang canyáng catawan!» Nagtindíg si Ibarra sa pagcaupô. «Oh, huwag cayóng mabahalà! ang pang̃ang̃alacal sa catawan niya'y hindi na casiraang puri sa canya at hindi na rin casiraang puri sa canyáng asawa; napugnáw ng̃ lahát ang capurihá't ang cahihiyan. Gumalíng ang lalaki sa canyáng mg̃a súgat at naparito at nagtagong casama ang canyáng asawa't anác na lalaki sa mg̃a cabunducan ng̃ lalawigang itó. Nang̃anac dito ang babae ng̃ isáng latánglatáng sanggol at puspos ng̃ mg̃a sakit, na nagcapalad na mamatáy. Nanahán pa sila ritong may iláng buwán, sacdál ng̃ carukhâan, hiwaláy sa lahát ng̃ tao, kinapopootan at pinang̃ing̃ilagan ng̃ lahát. Nang hindi na matiis ng̃ aking nunò ang gayóng lubháng carukhâan, at palibhasa'y hindi niyá taglay ang catapang̃an ng̃ loob ng̃ canyáng asawa, siyá'y nagpacamatáy, sa waláng casíng laking samâ ng̃ canyáng loob ng̃ makita niyang may sakit at waláng sumaclolo't mag-alaga. Nabulóc ang bangcáy sa matá ng̃ anác na lalaking bahagyâ na lamang macapagalaga sa may sakít na ina, at ang casamâan ng̃ amóy ang siyáng nagcánulo sa justicia. Sinisi ang aking nunong; babae't hinatúlang magdusa, dahil sa canyáng hindi pagbibigay alam; pinaghinalaa't pinaniwalaang siyá ang pumatáy sa canyáng asawa, sapagca't anó ang hindi gagawin ng̃ asawa ng̃ isáng imbí, na pagcatapos ay nagbilí ng̃ canyáng catawan. Cung manumpa'y caniláng sinasabing nanunumpâ ng̃ hindi catotohanan, cung tumang̃is ay sinasabing siya'y nagsisinung̃aling, sinasabing nagwawalang galang cung tumatawag sa Dios. Gayón ma'y lining̃ap din siyá, hinintáy munang siya'y macapang̃anac bago palùin: talos po ninyóng inilalaganap ng̃ mg̃a fraile ang capaniwalaang sa pamamag-itan ng̃ palò lamang mangyayaring makipanayam sa mg̃a «indio»; basahin ninyo ang sabi ni padre Gaspar San Agustin.» «Sa ganitóng cahatulán sa isáng babae, canyáng susumpâin ang araw ng̃ pagsilang sa maliwanag ng̃ canyáng anác, bagay na bucód sa pagpapahaba ng̃ pagpapahirap ay pagsira sa mg̃a damdamin ng̃ isáng iná. Sa casamâang palad maluwalhating nang̃anac ang babae, at sa casamâan ding palad ang sanggól na lalaki ay ipinang̃anac na matabâ. Nang macaraán ang dalawáng buwá'y guinanap ang parusang hatol ng̃ boong catuwâan ng̃ loob ng̃ mg̃a tao, na sa ganitóng paraa'y inaacalà nilang gumaganap ng̃ caniláng catungculan. Sapagca't wala na siyáng catiwasayan sa mg̃a gubat na itó'y tumacas siya't tinung̃o na canyáng dalá ang canyáng dalawáng anác na lalaki, ang caratig na lalawigan, at diyá'y nabuhay siláng tulad sa mg̃a halimaw: nang̃apopoot at kinapopootan. Ang pang̃anay sa dalawáng magcapatíd, na nacatatandà ng̃ maligayang camusmusan niyá, sa guitnâ ng̃ gayóng pagcálakilaking carukhâan, pagdaca'y nagtulisán, pagcacaroon ng̃ lacás. Hindi nalao't ang pang̃alang mabang̃is ni Bálat ay cumalat sa magcabicabilang lalawigan, naging laguím ng̃ mg̃a bayan, sa pagca't sa canyáng panghihiganti'y nagsasabog ng̃ dugô't tinutupoc ang bawa't maraanan. Ang pinacabatà na may catutubòng magaling na pusò'y sumangayon sa canyáng capalaran at caimbihán sa tabí ng̃ canyáng ina; nang̃abubuhay silá sa inihahandóg ng̃ cagubatan, nang̃agdadamit silá ng̃ mg̃a basahang sa canilá'y inihahaguis ng̃ mg̃a nang̃aglálacad; nawalâ na sa babaeng iyón ang canyáng sariling pang̃alan at siyá'y nakikilala lamang sa mg̃a pamagát na delingkente (delincuente, nagcasala), patutot at binugbog; ang lalaking iyó'y nakikilala lamang sa tawag na anác ng̃ canyáng iná, sapagca't sa catamisan ng̃ canyáng asal ay hindi pinaniniwalaang siya'y anác ng̃ manununog at sapagca't ang sino ma'y dapat mag-alinlang̃an sa cabutihan ng̃ ugali ng̃ mg̃a indio. Sa cawacasa'y nahulog ang bantog na si Bálat sa capangyarihan ng̃ justicia, na siyáng sa canyá'y huming̃i ng̃ mahigpit na pagbibigay súlit ng̃ canyáng mg̃a guinawang casalanan, baga man hindi nabalino ang Justiciang iyáng magturo cay Bálat ng̃ cagaling̃an ng̃ isáng umagang hanapin ng̃ batang capatíd ang canyáng iná, na napasagubat upang mang̃uha ng̃ cábuti at hindi pa umuuwi, canyáng nakitang nacatimbuwang sa lupà, sa tabi ng̃ daan, sa lilim ng̃ isáng punò ng̃ búboy, nacatihayâ, tirik ang mg̃a matá, nacatitig, naninigas ang mg̃a daliring nacabaon sa lupa, at sa ibabaw nitó'y may nakikitang mg̃a bahid ng̃ dugô. Naisipan ng̃ binatàng tuming̃alà at sundán ng̃ matá ang tinititigan ng̃ bangcáy, at nakita niyang sa isáng sang̃á'y nacasabit ang isáng buslô at sa loob ng̃ buslô'y ang marugông ulo ng̃ canyang capatid!» —¡Dios co!—ang bigláng sinabi ni Ibarra. —«Ganyán din marahil ang bigláng sinabi ng̃ aking amá,—ang ipinagpatuloy ni Elías ng̃ boong calamigán ng̃ loob.—Pinagputolputol ng̃ mg̃a tao ang manghaharang at inilibíng ang catawán, ng̃uni't ang mg̃a sangcáp ng̃ catawá'y canilang isinabog at ibinitin sa ibá't ibáng mg̃a bayan. Sacali't cayó po'y macapaglacbay isáng araw mula sa Kalamba hanggáng sa Santo Tomás, masusumpung̃an pa po ninyó ang cahoy ng̃ duhat na pinagbitinan at kinabulucán ng̃ isáng hità ng̃ aking amaín; sinumpâ ang cahoy na iyan ng̃ Naturaleza, caya't hindi lumalaki at hindi namumung̃a. Gayón din ang caniláng guinawa sa mg̃a ibáng sangcáp ng̃ catawan, ng̃uni't ang ulo, ang ulo na siyáng pinacamabuting sangcáp ng̃ tao, na siyáng lalong madalíng kilalanin cung cangino, ang ulong iya'y isinabit sa harapán ng̃ dampà ng̃ iná!» Tumung̃ó si Ibarra. —«Naglagalág ang binatang tulad sa isáng sinumpâ»,—ang ipinagpatuloy ni Elías,—naglagalág sa bayán-bayán, sa mg̃a bundóc at mg̃a caparang̃an, at ng̃ inaacalà na niyáng sa canya'y wala nang macacakilala, ay pumasoc siyáng manggagawà sa isáng mayamang tagá Tayabas. Ang canyáng casipagan, ang catamisan ng̃ canyáng asal ang nacahicayat na siya'y caguiliwan ng̃ lahat ng̃ hindi nacatatalós ng̃ unang pamumuhay niyá. Sa catiyagaan niyá sa paggawa at sa pagtitipid, nacatipon siyá ng̃ caunting puhunan, at sapagca't napagdaanan na niyá ang malakíng carukhaan at siya'y bata, nag-acalang magcamít namán ng̃ ligaya. Ang canyáng cagandahang lalaki, ang canyáng cabataan at ang canyáng pagca may cauntíng cáya ang siyáng nang̃acaakit na siyá'y ibiguin ng̃ isáng dalaga sa bayan, ng̃uni't hindi siyá macapang̃ahas na ipakiusap sa mg̃a magulang nitó na sa canya'y ipacasal, sa canyáng pang̃ang̃anib na baca mapagtuntón ang buhay niyá ng̃ una. Datapuwa't naraig silá ng̃ capangyarihan ng̃ sintá, caya't capuwa silá nagculang sa canicaniláng catungculan. Upáng mailigtás ng̃ lalaki ang capurihán ng̃ babae, pinang̃ahasán ang lahat, namanhic siyá sa mg̃a magulang upang sa canyá'y ipacasal ang canyáng caisáng dibdíb, dahil dito'y hinanap ang mg̃a casulatan ng̃ canyáng pagcatao, at ng̃ magcagayo'y napagsiyasat na lahát; palibhasa'y mayaman ang amá ng̃ dalaga, nasundûang pag-usiguin ng̃ mg̃a hucóm ang lalaki, na hindi nag-acala man lamang na magsanggalang, inamin ang lahát ng̃ sumbóng na laban sa canyá, at siya'y nagdusa sa bilanggûan. Nang̃anác ang babae ng̃ isáng sanggól na lalaki at isáng sanggól na babae, na capuwa inalagaan ng̃ lihim, saca pinapaniwala ang mg̃a batàng itóng namatáy na ang caniláng amá, bagay na hindi mahirap gawín, sapagca't caniláng nakita ang pagcamatay ng̃ caniláng iná, ng̃ panahóng silá'y musmós pa, bucod sa hindi nilá naiisip ang pag-uusisa ng̃ canilang pinanggalingan. Palibhasa'y mayaman ang aming nunòng lalaki, totoong maligaya ang aming camusmusán; ang capatíd cong babae't aco'y magcasama camíng nag-aral, nag-iibigan camí niyang pag-iibigang mangyayari lamang sa magcapatíd na cambál na walang ibáng nakikilalang ibáng bagay na pag-ibig. Batang batà pa aco'y nag-aral na sa colegio ng̃ mg̃a jesuita, at nag-aral namán sa Concordia at doon itinirá ang aking capatíd na babae, sa hang̃ad na huwag camíng lubháng magcahiwalay. Nang matapos ang aming caunting pag-aaral, sapagca't wala camíng hinahang̃ad cung di magpasaca ng̃ lupa, umuwi camí sa aming bayan upang aming tanggapín ang aming mána sa aming nunòng lalaki. Malaonlaón ding nanatili camí sa pamumuhay sa caligayahan, ng̃uming̃iti sa amin ang panahóng hinaharáp, marami camíng mg̃a alila, nag-áaning magalíng ang aming mg̃a halamanan at hindi na malalaó't mag-aasawa ang aking capatíd na babae sa isáng binatang canyáng pinacasisintá at siya'y tinutumbasan ng̃ gayón ding pag-ibig. Dahil sa pagcacaalit bagay sa salapi, at dahil namán sa ugali co ng̃ mg̃a panahóng iyóng may pagcamapagmataás, kinasusuklaman acó ng̃ isá cong camag-ánac na malayò, isinurot sa aking isáng araw ang totoóng malabò cong pagsilang sa maliwanag, ang imbí cong pinanggaling̃ang mg̃a magulang. Acala co'y yao'y pawang paratang lamang, caya't hining̃i cong bigyáng liwanag ang gayóng paglaít; muling nabucsán ang libing̃ang kinahihimlayan ng̃ gayóng caraming mg̃a cabulucán, at lumabas ang catotohanan upáng aco'y bigyáng cahihiyán. Nang lalong malubós ang casaliwaáng palad, malaon ng̃ panahóng camí'y may alilang isáng matandang lalaki, na pinagtitiisán ang lahat cong mg̃a cahaling̃ang pita at ayaw camíng iwan cailan man, at nagcacasiyá na lamang tumang̃is at humibik sa guitna ng̃ mg̃a paglibac ng̃ ibáng mg̃a lingcod namin. Hindi co maalaman cung bakit napagsiyasat ng̃ aking camag-anac; datapuwa't ang nangyari'y tinawag ng̃ justicia ang matandang itó, at pinag-utusang sabihin ang catotohanan; ang matandang lalaki paláng aming alila'y siyáng aming amá, na áayaw humiwaláy sa canyáng sintáng mg̃a anác, at ang matandang iyó'y hindi mamacailáng aking pinahirapan. Napugnáw ang aming ligaya, tinalicdán co ang aming cayamanan, nawalan ng̃ pacacasalang casintahan ang capatíd cong babae, camíng magcapatíd at ang aking amá'y iniwan namin ang bayan, upang pumaroon sa alin mang lupaín. Ang pagcaalam na siya'y nacatulong sa aming casaliwaang palad ang nacapagpaicli ng̃ buhay ng̃ matandang lalaki, na siyáng sa aki'y nagpaunawa ng̃ lahat ng̃ casakitsákit na mg̃a nangyari ng̃ mg̃a panahóng nagdaán. Nang̃ulila caming magcapatid. «Tumang̃is ng̃ di sapala ang capatíd co, ng̃uni't sa guitna ng̃ gayóng caraming mg̃a casaliwaang palad na bumugsô sa ibabaw namin, hindi niyá nalimutan ang canyáng sintá. Hindi dumaíng at hindi umimíc ng̃ canyáng nakita ang pagaasawa sa ibáng babae ng̃ canyáng dating catipanan, at aking nakitang untiunting nagkasakít ang aking kapatíd, na hindi co mangyaring mabigyáng alíw. Nawala siyá isáng araw; nawaláng cabuluhán ang sa canya'y aking paghanap sa lahát ng̃ panig, nawaláng cabuluhán ang aking pagtatanóng tungcol sa canyá, hanggáng sa ng̃ macaraan ang anim na buwa'y aking nabalitaang ng̃ mg̃a araw na iyón, ng̃ humupa ang paglaki ng̃ dagatan, ay nasumpung̃an sa pasigan ng̃ Calamba sa guitna ng̃ isáng palayan, ang bangcáy ng̃ isang dalaga, na nalunod ó pinatáy na cusa; ayon sa sabiha'y may isáng sundang na nacatarac sa canyáng dibdib. Ipinalathala sa mg̃a calapit bayan ng̃ mg̃a punò sa bayang iyón, ang gayóng nangyari; sino ma'y waláng humaráp upáng hing̃in ang bangcáy, at wala namáng nawáwalang sino mang dalaga. Ayon sa mg̃a tandáng sinabi sa akin, pagcatapos, sa pananamít, sa mg̃a hiyas, sa cagandahan ng̃ canyáng mukhâ at sa lubháng casaganaan ng̃ canyáng buhók, aking napagkilalang iyón ang aking cahabaghabag na capatíd na babae. Mula niyó'y naglálagalag acó sa mg̃a iba't ibáng lalawigan, manacanaca acóng pinararatang̃an, ng̃uni't hindi co pinápansin ang mg̃a tao at ipinagpapatuloy co ang aking paglácad. Itó ang maclíng casaysayan ng̃ mg̃a nangyari sa akin, at ang casaysayan ng̃ mg̃a paghatol ng̃ mg̃a tao.» Tumiguil ng̃ pananalita si Elías, at ipinatuloy ang pagsagwán. —Naniniwaniwala acóng hindi po cayó nalilihis sa catuwiran—ang ibinulóng ni Crisóstomo, sa inyóng pananalitang dapat pagsicapan ng̃ justicia ang paggawa ng̃ magalíng sa pagtumbás sa magagandang gawa, at gayón din ang pagtuturo sa mg̃a nagcacasalang tao sa paggawa ng̃ masama. Ang nacahahadlang lamang ... ay itó'y hindi mangyayari, isáng hang̃ad na hindi mangyayaring masunduan; sa pagca't saang cucuha ng̃ lubháng maraming salapi, ng̃ lubháng maraming mg̃a bagong cawaní? —¿At anó ang capapacanan ng̃ mg̃a sacerdote, na ipinagtatalacan ang caniláng tungculing maglaganap ng̃ capayapaan at pag-ibig sa capuwa tao? ¿Diyata't lalong ikinararapat ang basain ng̃ tubig ang ulo ng̃ isáng sanggól, pacanin itó ng̃ asín, cay sa pucawin sa marilím na budhi ng̃ isáng masámang tao iyang maningning na ilaw na bigay ng̃ Dios sa bawa't tao upang hanapin ang canyáng cagaling̃an? ¿Diyata't lalong pag-ibig sa capuwa tao ang alacbayán ang isáng may salang bibitayin, cay sa siyá'y alalayan sa paglacad sa mataríc na landás na pagtalicód sa mg̃a pang̃it na caugalian at pagtung̃o sa magagandáng caasalán? ¿Hindi po ba nagcacagugugol sa pagbabayad sa mg̃a tictíc, sa mg̃a verdugo at sa mg̃a guardia civil? Itó po, bucod sa cahalayhalay, pinagcacagugulan din ng̃ salapi. —Caibigan co, cayó ó acó man, cahi't ibiguin nati'y hindi natin masusunduan. —Tunay ng̃a, sacali't tayo'y nag-iisa, wala tayong magágawa; ng̃uni't inyóng ariing sariling inyó ang catuwiran ng̃ bayan, makipanig po cayó sa bayan, pakinggán ninyó ang canyáng cahing̃ian, magbigáy ulirán cayó sa mg̃a ibá, ipakilala ninyó cung anó ang tinatawag na bayang kinaguisnan! —Hindi mangyayari ang cahing̃ian ng̃ bayan; kinacailang̃ang maghintay. —¡Maghintay! ¡maghirap ang cahulugán ng̃ maghintay! —Pagtatawanan acó cung aking hing̃in. —At cung cayó'y alacbayán ng̃ bayan? —¡Hindi mangyayari! hindi co magágawa cailán man ang patnugutan ang caramihang tao upang camtán sa sápilitan ang bagay na hindi inaacala ng̃ pámahalaang capanáhunan ng̃ ibigay, ¡hindi! At cung sa alín mang araw ay makita cong may sandata ang caramihing iyán, aanib acó sa pámahalaan at ng̃ silá'y aking bacahin, sa pagcá't hindi co ipalálagay na aking bayan ang mg̃a mangguguló. Hináhang̃ad co ang canyáng cagaling̃an, caya nagtayô acó ng̃ isáng bahay-paaralan; hinahanap co ang canyáng cagaling̃an sa pamamag-itan ng̃ pagpapaaral, sa mahinahong untiunting pagsulong ng̃ dunong, walang daan cung walang liwanag. —¡Ng̃uni't waláng calayaan namán cung waláng pakikihamoc!—ang sagót ni Elías. —¡Datapuwa't aayaw acó ng̃ calayaang iyán! —Ng̃ayó't cung walang calayaa'y walang liwanag,—ang muling itinutol ng̃ piloto ng̃ maalab na pananalita;—sinabi po ninyóng hindi malaki ang pagcakilala ninyó sa inyóng mg̃a cababayan; naniniwala acó. Hindi po ninyó nakikita ang paghahanda sa pagbabaca, hindi ninyó nakikita ang dilím sa dacong paliguid; nagpasimula ang paghahamoc sa pagmamatuwiran upang magcaroón ng̃ wacás sa paglalabanán sa lupa na maliligò ng̃ dugô; náriring̃ig co ang tinig ng̃ Dios, ¡sa aba ng̃ mag-acalang lumaban sa canya! ¡hindi iniucol sa canila ang pagsulat ng̃ Historia! Nag-ibáng anyô si Elías; nacatindig, nacapugay, may anyóng hindi caraniwan ang mukha niyáng mabayaning liniliwanagan ng̃ buwán. Ipinagpág ang canyáng malagóng buhóc, at nagpatuloy ng̃ pananalita: —¿Hindi po ba ninyó nakikita't gumiguising na ang lahát? Tumagál ng̃ iláng daáng taón ang pagcacatulog, ng̃uni't pumutóc ang lintic isáng araw, at sa paninirà ng̃ lintic ay pumucaw ng̃ buhay; buhat niyó'y ibáng mg̃a hilig ang pinagpápagalan ng̃ mg̃a isip, ang mg̃a hilig na itó na ng̃ayó'y nang̃agcacahiwalay, mang̃agcacalakiplakip isáng araw na ang Dios ang siyáng mamamatnugot. Hindi nagculang ang Dios sa pagsaclólo sa mg̃a ibáng bayan; hindi rin magcuculang ang saclolong iyan sa bayan natin; ang catuwiran niya'y siyang catuwiran ng̃ calayàan! Isang dakilang catahimican ang siyáng sumunód sa ganitóng mg̃a salita. Samantala'y lumálapit ang bangcâ sa pasigan sa hindi naiinong pagsusulong ng̃ mg̃a alon. Si Elías ang naunang sumira ng̃ gayóng hindi pag-iimican. —¿Anó po ang sasabihin co sa mg̃a nag-utos dito sa akin?—ang tanóng, na nagbago ng̃ anyô ng̃ tinig. —Sinabi co na po sa inyó; na dináramdam co ang caniláng calagayan, ng̃uni't silá'y mang̃aghintáy, sa pagca't hindi nagágamot ang mg̃a sakít ng̃ capuwa mg̃a sakít, at sa casaliwaan nating palad ay tayong lahat ay may casalanan. Hindi na muling sumagót si Elías, tumungó, nagpatuloy ng̃ pagsagwán, at ng̃ dumating sa pampáng ay nagpaalam cay Ibarra ng̃ ganitóng sabi: —Pinasasalamatan co po cayó, guinoó, sa inyóng pahihinuhod sa aking pakiusap; hinihing̃i co sa icagagaling ninyóng sa haharaping panahó'y aco'y inyóng limutin at huwag ninyóng kilalanin acó sa anó mang calagayang aco'y inyóng másumpong. At pagcasabi nitó'y mulíng pinalacad ang bangcâ, at sinagwanáng ang tung̃o'y sa isáng gubat sa pasigan. Samantalang guinagawa ang mahabang pagtawid ay nanatili sa hindi pag-imic; tila mandin wala siyáng namamasdan cung di ang libolibong mg̃a diamante na kinucuha't ibinabalic ng̃ canyáng sagwán sa dagatan at doo'y talinghagang nang̃awáwala sa guitna ng̃ mg̃a bugháw na alon. Sa cawacasa'y dumating; lumabás ang isáng tao sa casucalan at lumapit sa canyá. —¿Anó ang sasabihin co sa capitán?—ang tanóng. —Sabihin mong gaganap si Elías ng̃ canyáng pang̃acò, sacali't hindi mamatáy muna,—ang isinagót ng̃ boong calungcutan. —Cung gayó'y ¿cailán ca makikisama sa amin? —Pag-inacala ng̃ inyóng capitáng dumating na ang panahón ng̃ pang̃anib. —Cung gayó'y magaling, ¡paalam! |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Ang mga Kaanak ni Elias
- Mga Kaanak ni Elias
- Ang Ankan ni Elias