Noli Me Tangere/Kabanata 39
←Kabanata 38: Prusisyon ←Paliwanag |
Kabanata 39: Donya Consolacion Paliwanag |
Kabanata 40: Karapatan at Kapangyarihan→ Paliwanag→ |
Teksto
Donya Consolacion |
Si Dona Consolacion ¿Bákit nacasará ang mg̃a bintana ng̃ bahay ng̃ alférez? ¿saan naroroon, sámantalang nagdaraan ang procesión, ang mukháng lalakí't nacabarong francia na Medusa ó Musa ng̃ Guardia Civil? Napagkilala caya ni doña Consolacióng lubhang nacasususot ang canyang noong nababalatayan ng̃ mg̃a malalaking ugât, na wari'y siyang pinagdaraanan, hindî ng̃ dugó, cung di ng̃ suca at apdó; ang malakíng tabacó, carapatdapat na pamuti ng̃ caniyang moradong mg̃a labi, at ang canyang mainguiting titig, na sa canyang pagsang-ayon sa isang magandang udyóc ay hindî niyá inibig na gambalain sa canyang calaguimlaguim na pagsung̃aw, ang mg̃a catuwaan ng̃ caramihang tao. ¡Ay! sa ganáng canya'y nagnawnáw lámang, ng̃ panahón na naghaharí ang caligayahán, ang mg̃a magagandang udiyóc ng̃ budhi. Mapang̃láw ang báhay, sa pagca't nagcacatuwâ ang bayan,—na gaya na ng̃â ng̃ sinasabi ni Sínang; waláng mg̃a faról at mg̃a bandera. Cung dî lámang sa centinela (bantay na sundalo) na nagpapasial sa pintuan, mawiwicang walang táo sa báhay. Isáng malamlám na ílaw ang siyáng lumiliwanag sa waláng cahusáyang salas, at siyáng nagpapang̃anínag sa mg̃a marurumíng capís na kinapítan ng̃ mg̃a báhay-gagambá at dinikitán ng̃ alabóc. Ang ginóong babae, ayon sa canyáng pinagcaratihang huwág gumawâ at cakilakilabot; waláng pamuti ang canyáng buhoc liban na lamang sa isang panyong nacatalì sa canyang úlo, na doo'y pinababayaang macatacas ang mg̃a maninipis at maiicling tungcos ng̃ mg̃a gusamót na buhoc ang bárong franelang asúl, na siyang na sa ibabaw ng̃ isa pang barong marahil ng̃ una'y putî, at isang sáyang cupás, na siyang bumabalót at nagpapahalatâ ng̃ mg̃a payát at lapád na mg̃a hità, na nagcacapatong at ipinag-gagalawan ng̃ mainam. Lumalabas sa canyang bibig ang bugál-bugál na asó, na ibinúbuga ng̃ boong pagcayamot sa alang-alang, na canyang tinitingnan-pagca ibinubucas ang mg̃a mata. Cung napanood sana siya ni don Francisco Cañamaque, marahil ipinalagay na siya'y isang hariharian sa bayan, ó cung dilìcaya'y mangcuculam, at pinamutihan pagca tapos ang caniyang pagcatuclas na iyon ng̃ mg̃a pagwawariwari sa wicang tinda, na siya ang may likhâ upang canyang maguing sariling gamit. Hindi nagsimba ng̃ umagang iyon ang guinoong babae, hindi dahil sa siya'y aayaw, cun di baligtad, ibig sana niyang siya'y pakita sa caramihan at makinig ng̃ sermón, ng̃uni't hindi siya pinahintulutan ng̃ canyang asawa, at ang pagbabawal ay may calakip, na gaya ng̃ kinauugalian, na dalawa ó tatlong lait, mg̃a tung̃ayaw at mg̃a sicad. Napagkikilala ng̃ alférez na totoong catawatawang manamit ang canyang babae, na naaamoy sa canya yaong tinatawag ng̃ madlang "calunya ng̃ mg̃a sundalo," at hindi ng̃a magaling na siya'y ilantad sa mg̃a mata ng̃ mg̃a matataas na tao sa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan, at cahi't sa mg̃a taga ibang bayang doo'y nang̃agsidalo. Datapuwa't hindi gayon ang pinag-iisip ng̃ babae. Talós niyang siya'y maganda, na siya'y may pagca anyong reina at malaki ang cahigtan niya cay María Clara sa cagaling̃ang manamit at gayon din sa karikitan ng̃ caniyang mg̃a damit: si Maria Clara'y nagtatapis, siya'y hindi't naca "saya suelta." Kinailang̃ang sa caniya'y sabihin ng̃ alferez: "ó itatahimic mo ang iyong bibig ó ipadadala cata sa bayan mo sa casisicad!" Hindi ibig ni doña Consolacióng umuwi sa canyang bayan sa casisicad, ng̃uni't umisip siya ng̃ gagawing panghihiganti. Cailan ma'y hindi naguing carapatdapat macaakit sa canino man ng̃ pagpapalagay ng̃ loob ang marilim na pagmumukhâ ng̃ guinoong babaeng ito, cahi't cung siya'y nagpipinta, ng̃ canyáng mukhâ, ng̃uni siya'y totoong nacapagbigay balisa ng̃ umagang iyon, lalong lalo na ng̃ siya'y mapanood na magpabalicbalic ng̃ paglacad sa magcabicabilang dulo ng̃ bahay, na walang imic at wari mandi'y nagbabalacbalac ng̃ isang bagay na cagulatgulat ó macapapahamac: taglay ng̃ canyang paning̃in iyang sinag na ibinubuga ng̃ isang ahas pagca inaacmaang lusayin cung siya'y nahuhuli; ang paning̃ing yao'y malamig, nagninining, tumataos at may caduling̃asan, carumaldumal, malupit. Ang lalong maliit na pagcacahidwa, ang lalong babahagyang hindi sinasadyang alatiit, humuhugot sa canya ng̃ isang salaula at napacaimbing lait na sumasampal sa caluluwa; datapuwa't sino ma'y walang sumasagot: maguiguing isa pang malaking casalanan ang mahinahong pakikiusap. Nagdaan sa gayong calagayan ang maghapon. Palibhasa'y walang ano mang nacahahadlang sa canya—sapagca't piniguing ang canyang asawa,—ang budhi niya'y pinupuno ng̃ guiyaguis: masasabing untiunting pinupuspos ang canyang mg̃a silacbo ng̃ tilamsic at init ng̃ lintic at nang̃agbabalang magsambulat ng̃ isang imbing unos. Nang̃agsisiyucod na lahat sa canyang paliguid, tulad sa mg̃a uhay sa unang hihip ng̃ bagyo: walang nasusunduang hadlang, hindi nacatitisod ng̃ ano mang dulo ó catayugang sucat mapagbuntuhan ng̃ canyang cayamutan; nanghihinuyo at nang̃ang̃ayupapang lahat ang mg̃a sundalo at mg̃a alilà sa paliguidliguid niya. Ipinasara niya ang mg̃a bintana upang huwag niyang maring̃ig ang mg̃a pagcacatuwa sa labas; ipinagbilin sa centinela na huwag papasukin ang sino man. Nagbigkis ng̃ isang panyo sa ulo at ng̃ wari'y ito'y mailagang huwag sumambulat, at pinasindihan ang mg̃a ilaw baga man may sicat pa ang araw. Ayon sa ating nakita na, piniit si Sisa, dahil sa panggugulo sa catiwasayan ng̃ bayan at inihatid sa cuartel. Niyo'y wala roon ang alférez, caya napilitan ang cahabaghabag na babaeng maglamay na magdamag na nacaupo sa isang bangco, na walang diwa ang titig. Nakita siya kinabucasan ng̃ alférez, at sa pagcaibig na siya'y maipang̃ilag sa ano mang casacunaan sa mg̃a araw na iyon ng̃ caguluhan, at sa caayawan namang huwag magcaroon ng̃ ano mang hindi calugodlugod panoorin, ipinagbilin ng̃ alférez sa mg̃a sundalong alagaan si Sisa, caawaang pagpakitaan ng̃ maguiliw na calooban at pacanin. Gayon ang naguing calagayan sa loob ng̃ dalawang araw ng̃ babaeng sira ang pag-iisip. Ng̃ gabing ito, ayawan cung dahil sa calapitan doon ng̃ bahay ni capitang Tiago'y dumating hanggang sa canya ang mapanglaw na canta ni María Clara, ó cung dili caya'y pinucaw ng̃ ibang mg̃a tinig ang pagcaalaala niya ng̃ canyang mg̃a dating canta, sa papaano man ang dahil, pinasimulaan niyang cantahin ang mg̃a "cundiman" nang canyang cabataan. Pinakikinggan siya nang mg̃a sundalo at hindi nang̃agsisiimic: ¡ay! sa canila'y nagpapagunitâ ang mg̃a tinig na iyón ng̃ mg̃a panahong una, yaóng mg̃a gunitâ ng̃ panahóng hindi pa narurung̃isan ang calinisan ng̃ canilang budhî. Narinig din siyá ni doña Consolación sa oras na iyón ng̃ canyáng cainipan, at ng̃ canyáng maalaman cung sino ang cumacanta'y nag-utos: —¡Papanhikin ninyó siyá agad-agad!—ang canyang sinabi pagcaraan ng̃ iláng sandaling canyang pag-iisip-isip. Isang bagay na nacacahuwad ng̃ ng̃iti ang siyang nasnaw sa canyang tuyong mg̃a labi. Ipinanhíc doon si Sisa, na humaráp na dî nagulomihanan, na hindî nagpahalata ng̃ pagtatacá ó tácot: tila mandin wala siyáng nakikitang sino mang guinóong babae. Ito'y nacasugat sa loob ng̃ mapagmataas na Musa, na ang bóong acala'y nacaáakit sa paggalang at pagcagulat ang canyáng calagayan. Umubó ang alfereza, humudyát sa mg̃a sundalong mang̃agsiya-o, kinuha ang látigo ng̃ canyang asawa sa pagca sabit, at nagsalita ng̃ mabang̃is na tinig sa babaeng sira ang isip: —"¡Vamos, magcantar icaw!" Isa sa mg̃a magagandang caugalian ng̃ guinoong babaeng ito ang magpacasumicap na huwag niyang maalaman ang wicang tagalog, ó cung dili ma'y nagpapacunwaring hindî niyá nalalaman ang tagalog na ano pa't sinasadyang magpautal-utal at magpamalimali ng̃ pananalita: sa gayo'y magagawa niyá ang pag-aanyo ng̃ tunay na "orofea", na gaya ng̃ caniyáng caraniwang sabihin. ¡At magaling ng̃a naman ang canyáng guinagawa! sa pagca't cung pinahihirapan niyá ang wicang tagalog, ang wicang castila'y hindi lumiligtas sa gayóng catampalasanan, sa nauucol sa gramática at gayon din sa pang̃ung̃usap. At gayon man'y ¡guinawa ng̃ canyáng asawa, ng̃ mg̃a silla at ng̃ mg̃a zapatos ang boong caya upang siya'y maturuan! Isa sa mg̃a salitang lalong pinagcahirapang totoo niyá, na ano pa't daig ang pagcacahirap ni Champollion sa mg̃a geroglífico, ay ang sabing "Filipinas." Ayon sa sabihanan, kinabucasan ng̃ araw ng̃ sa canila'y pagcacasal, sa pakikipag-usap sa canyang asawa, na ng̃ panahong iyo'y cabo pa lamang, sinabi ni doña Consolacióng "Pilipinas"; inacala ng̃ cabong catungculan niyáng ipakilala ang pagcacamali at turuan, caya ng̃a't canyáng tinuctucan at pinagsabihan:—"Sabihin mong Felipinas, babae, huwag ca sanang hayop. ¿Hindi mo ba nalalamang ganyan ang pang̃alan ng̃ iyong p.bayan dahil sa nanggaling sa Felipe?" Ang babaeng pinapanaguinip ang matimyás na lugód ng̃ pagcabagong casal, inibig sumunod at sinabing; "Felepinas". Inacala ng̃ cabong nacalalapitlapit na, caya dinagdagan ang mg̃a pagtuctoc, at sinigawan—"Datapuwa, babae, hindi mo ba masabi: Felipe? Huwag mong calimutan, talastasin mong ang haring Felipe ... quinto.... Sabihin mong Felipe, at saca mo iragdag ang "nas" na ang cahulugan sa wicang latin ay mg̃a pulo ng̃ mg̃a indio, at masusunduan mo ang pang̃alan ng̃ iyong rep-bayan! Hinihípohipo ni Consolación, na ng̃ panahong iyo'y lavandera, ang búcol ó ang mg̃a búcol ng̃ canyang ulo, at inulit, bagaman nagpapasimula na ang pagcaubos ng̃ canyáng pagtitiis: —"Fe ...lipe, Felipe ...nas, Felipenas, ¿gayón ng̃à ba? Nangguilalás ng̃ di ano lamang ang cabo. ¿Bakit baga't "Felipenas" ang kinalabasan at hindi "Felipinas"? Alin sa dalawa: ó sasabihing "Felipenas" ó dapat sabihing "Felipi"? Minagaling ng̃ cabong huwag ng̃ umimic ng̃ araw na iyón, iniwan ang canyáng asawa at maing̃at na nuhang tanóng sa mg̃a limbag. Dito'y napuspos ng̃ hindi cawasa ang canyáng pagtatacá; kinusót ang canyáng mg̃a matá:—Tingnan nating ... marahan! "Filipinas" ang siyang saysay ng̃ lahát ng̃ mg̃a limbág, cung wicaing isá-isá ang mg̃a letra; ang canyáng asawa at siyá ay cacapuwa wala sa catuwiran. —¿Bakit?—ang ibinubulong,—macapagsisinung̃aling baga ang Historia? ¿Hindi bagá sinasabi sa librong ito, na ang pang̃alang ito'y siyang dito'y ikinapit, alang-alang sa infante na si don Felipe? ¿Bakit caya nagcapaapaano ang pang̃alang ito? Baca caya naman isang indio ang Alonso Saavedrang iyón?... Isinangguni ang canyang mg̃a pag-aalinlang̃an cay sargento Gómez, na ng̃ panahón ng̃ canyáng cabataa'y naghang̃ad na magpari. Hindi man lámang pinapaguingdapat ng̃ sargentong tingnan ang cabo, nagpalabas sa bibig ng̃ isáng cumpol na asó at sinagot siyá ng̃ lalong malaking pagmamayabang: —Ng̃ mg̃a panahóng una'y hindi sinasabing Felipe cung hindi Filipi: tayong mg̃a tao ng̃ayón, palibhasa'y naguiguing "franchute" (nakikigagad ng̃ ugali sa mg̃a francés), hindi natin matiis na magcasunod ang dalawang "i". Caya ng̃a ang taong may pinag-aralan, lalong lalo na sa Madrid, ¿hindi ca ba napaparoon sa Madrid? ang taong may pinag-aralan ang wica co, nagpapasimula na ng̃ pananalita ng̃ ganito: "menistro", "enritación", "embitación", "endino", at iba pa, sa pagca't ito ang tinatawag na pakikisang-ayon, sa casalucuyang lacad ng̃ caugalian. Hindi napaparoon sa Madrid cailan man ang cabo, ito ang cadahilana't hindi niya nalalaman ang cung bakin gayon ang pananalitâ. ¡Pagcalalaking bagay ang natututuhan sa Madrid! —¿Sa macatuwid ng̃ayon ang dapat na pananalita'y?... —Ayon sa pananalita ng̃ una, ¿alam mo na? Ang lupaing ito'y hindi pa pantas, ¡iayon mo sa caugalian ng̃ una: Filipinas!—ang tugón ni Gómez ng̃ boong pagpapawalang halaga. Sacali't masama ang pagcatanto ng̃ cabo sa mg̃a sarisaring wica, ang capalit nama'y magaling siyang asawa: ang bagong canyang napag-aralan ay dapat maalaman naman ng̃ canyang asawa, caya't ipinagpatuloy niya ang pagtuturo. —Consola, ¿ano ang tawag mo sa iyong p—bayan? —¿Ano ang aking itatawag sa canya? alinsunod sa itinuro mo sa akin ¡Felifenas! —¡Haguisin cata ng̃ silla, p-!,—cahapo'y magalinggaling na ang pagsasalita mo ng̃ pang̃alang iyan, sa pagca't naaayon sa bagong caugalian; datapuwa't ng̃ayo'y dapat mong sabihin ng̃ alinsunod sa matandang ugali Feli, hindi pala, ¡Filipinas! —¡Tingnan mo, hindi pa acó luma! ¿ano ba ang pagca isip mo? —¡Hindi cailang̃an! ¡sabihin mong Filipinas! —¡Ayaw aco! Aco'y hindi isang lumang casangcapan ... ¡bahagya pa lamang nacagaganap aco ng̃ tatlompong taón!—ang isinagot na naglilis ng̃ mangas na parang naghahanda sa pakikiaway. —Sabihin mo, napacap—, ó ¡babalabaguin cata ng̃ silla! —Namasdan ni Consolasión ang galaw, nagdilidili at nagsabi ng̃ pautal, na humihing̃a ng̃ malacas: —Feli ...Fele ...File ... ¡Pum! ¡erraes! ang silla ang siyang tumapos sa pananalita. At ang kinawacasan ng̃ pagtuturo'y suntucan, calmusan, mg̃a sampalan. Binuhucan siya ng̃ cabo, tinangnan naman ng̃ babae ang balbas ng̃ lalaki at ang isang bahagui ng̃ catawan—hindi macapang̃agat sa pagca't umuugang lahat ang caniyang mg̃a ng̃ipin,—bumigay ng̃ sigaw ang cabo, binitiwan siya ng̃ babae, huming̃ing tawad sa lalaki, umagos ang dugo, nagcaroon ng̃ isang matang mahiguit ang capulahan cay sa isa, isang barong gulagulanit, lumabas ang maraming mg̃a casangcapan sa canilang pinagtataguan, datapua't ang Filipinas ay hindi lumabas. Mg̃a cawang̃is ng̃ ganitong bagay ang mg̃a nangyari cailan man at canilang mapapag-usapan ang nauucol sa pagsasalità. Binabalac ng̃ cabo ng̃ sakit ng̃ loob, sa caniyang pagcamasid sa pagsulong ng̃ pagcatututo ng̃ pagsasalita ng̃ caniyang asawa, na sa loob ng̃ sampong taó'y hindi na ito macapagsasabi ng̃ ano man. Gayon ng̃a naman ang nangyari. Ng̃ sila'y icasal, nacacawatas pa ang canyang asawa ng̃ wicang tagalog, at nacapagsasalita pa ng̃ wicang castilà upang siya'y mawatasan; ng̃ayon, dito sa panahón ng̃ pangyayari ng̃ aming mg̃a sinasaysay, hindi na siya nacapagsasalità ng̃ ano mang wicà: totoong nawili na siya sa pagsasalita ng̃ pacumpas-cumpas, patang̃o-tang̃ò at pailing-iling na lamang, na ano pa't canyang hinihirang pa naman yaong mg̃a sabing maririin at maiing̃ay, caya ng̃a't linaluan pa niya ng̃ hindi ano lamang ang nagmunacala ng̃ "Volapuk". Nagcapalad ng̃a si Sisa na hindi siya mawatasan. Umunat ng̃ caunti ang cunot ng̃ mg̃a kilay ng̃ alfereza, isang ng̃iti ng̃ catuwaan ang siyang nagbigay saya sa caniyang mukha: hindi na ng̃a mapag-aalinlang̃anang hindi siya marunong ng̃ wicang tagalog, "orofea" na siya. —¡Asistente, sabihin mo sa babaeng ito sa wicang tagalog, na siya'y cumanta! ¡hindi niya aco mawatasan, hindi siya marunong ng̃ castila! Nawatasan ni Sisa ang asistente at kinanta niya ang canción ng̃ Gabi. Pinakinggan ang paunang canta na may halong tawang palibac, ng̃uni't untiunting nawala sa canyang mg̃a labi ang tawa, pinakinggang magaling, at ng̃ malao'y lumungcot at nag anyong nag-iisip ng̃ caunti. Ang tinig, ang cahulugan ng̃ mg̃a tulâ at pati ng̃ canta'y tumatalab sa canya. Nawawatasan niyang magaling: marahil nauuhaw sa ulan ang pusong iyong mabato at tuyò, ayon sa "cundiman", tila baga mandin ay nanaog naman sa ibabaw ng̃ canyang pusò:
—¡Huwag, huwag ca ng̃ cumanta!—ang sigaw ng̃ alfereza, sa ganap na wicang tagalog, at tumindig na malaki ang balisa; ¡huwag ca ng̃ cumanta! ¡nacalalaguim sa akin ang mg̃a tulang iyan! Tumiguil ang ul-ol na babae ng̃ pagcacanta: nagbitiw ang asistente ng̃ isang:—¡Aba! ¡sabe pala tagalog! (marunong pala ng̃ tagalog) at nacatung̃ang̃ang tinitingnan ang guinoong babae na puspos ng̃ pagtataca. Napagkilala nito na ipinagcanulo niya ang sariling catawan; nahiyà at palibhasa'y hindi sa babae ang catutubo niyang damdamin, ang cahihiya'y nauwì sa masilacbong galit at pagtatanim. Itinurò ang pintuan sa hindi marunong mag-ing̃at na asistente, at sa isang sicad ay sinarhan ang pintò, pagcalabas niya. Lumibot na macailan sa silid, na pinipilipit ng̃ nang̃ing̃ilis niyang mg̃a camay ang látigo, tumiguil na bigla sa tapat ng̃ ul-ol na babae, at saca sinabi sa canya sa wicang castilà;—¡Sayaw! Hindi cumilos si Sisa. —¡Sayaw, sayaw!—ang inulit-ulit ng̃ tinig na nacalalaguim. —Tiningnan siya ng̃ ulol na babae ng̃ titig na walang diwa, walang cahulugan; itinaas ng̃ alfereza ang caniyang isang bisig, at ang isa namang bisig pagcatapos, at saca ipinagpag ang dalawang bisig: walâ ring naguing cabuluhan. Hindi nacacawatas si Sisa. Siya'y naglulucsó, naggagalaw, ibig niyang sa gayóng gawa'y gagarin siyá ni Sisa. Naririnig sa dacong malayo ang música ng̃ procesióng tumutugtog ng̃ isáng marchang malungcót at dakila, datapuwa't naglulucso ang guinoong babae ng̃ catacot tacot na ang sinusunod ay ibang compás, ibang música ang tumútunog sa loob ng̃ canyáng budhi. Tinititigan siya ni Sisang hindi gumágalaw; isang wangki sa pagtatacá ang naguhit sa canyáng mg̃a matá, at isáng bahagyáng ng̃iti ang siyáng nagpapagalaw sa canyáng mg̃a putlaing mg̃a labi: kinalulugdan niyá ang sayaw ng̃ guinoong babae. Huminto itó at tila mandin nahihiyâ, iniyaang ang latigo, yaong calaguim laguim na látigong kilalá ng̃ mg̃a magnanacaw at ng̃ mg̃a sundalo, na gawa sa Ulang̃o at pinag-inam ng̃ alferez sa pamamag-itan ng̃ mg̃a cawad na doo'y ipinulupot, at nagsalita: —¡Icaw naman ang nauucol sumayáw ng̃ayon!... ¡sayáw! At pinasimulang paluin ng̃ marahan ang waláng ano mang takip na mg̃a paa ng̃ ul-ol na babae, hanggáng sa magcang̃iwing̃iwi ang pagmumukha nito sa sakít, na anó pa't pinilit niyáng magsanggalang ng̃ mg̃a camáy. —¡Ajá! ¡nagpapasimula ca na!—ang isinigaw na taglay ang catuwaang malupit, at mula sa "lento" (madalang) ay iniuwi sa isang "allegro vivace" (masaya at madalas). Sumigaw ang cahabaghabag na babae ng̃ isang daing sa sakít, at dalidaling itinaas ang paa. —¡Sasayaw ca ba, p-india?—ang sinasabi ng̃ guinoong babae, at tumutunog at humahaguinit ang latigo. Nagpacalugmoc si Sisa sa sahig, tinangnan ng̃ dalawang camay ang mg̃a binti, at tinitigan ang canyang verdugo ng̃ mg̃a matang nacatiric. Dalawang malacas na hagupit ng̃ látigo sa licod ang pilit sa canyang tumindig, at hindi na isáng daing, cung di dalawang atung̃al ang siyang isinigaw ng̃ culang palad na sira ang isip. Nawalat ang canyang manipis na barò, pumutoc ang balat at bumalong ang dugò. Nacapagpapagalac ng̃ mainam sa tigre ang pagcakita ng̃ dugô: nagpasilacbo ng̃ loob ni doña Consolación ang dugo ng̃ canyang pinahihirapan. —¡Sayaw, sayaw, condenada, maldita! ¡Mapacasamà nawà ang inang nang̃anac sa iyo!—ang isinigaw;—¡sayaw ó papatayin cata sa capapalò ng̃ látigo. At ang canyang guinawa'y hinawacan niya ng̃ isang camay ang babaeng ulol, samantalang pinapalo naman niya, ito at ng̃ canyang isang camay, at nagpasimulà siya ng̃ paglukso at pagsayaw. Sa cawacasa'y napagkilala ng̃ ulol na babae ang sa canya'y ibig, caya ng̃a't ipinagpatuloy niya ang paggalaw na walang wasto ng̃ canyang mg̃a bisig. Isang ng̃iti ng̃ ligaya ang siyang nagpacubot sa mg̃a labì ng̃ maestra, ng̃iti ng̃ isang Mefistófeles na babae na nangyaring nacapag-anyo ng̃ isang alagad; ang ng̃iting iyo'y may taglay na pagtatanim, pagpapawalang halaga, paglibak at kalupitan, datapuwa't walang magsasabing yao'y may cahalong halakhac. At sa pagcatigagal ng̃ pagtatamong lugod sa caniyang gawa'y hindi niya naring̃ig ang pagdating ng̃ canyang esposo, hangang sa biglang nabucsan ng̃ malaking ing̃ay ang pinto sa isang tadyac. Sumipot doon ang alférez na namumutla't marilim ang mukhâ; napanood ang doo'y nangyayari at ibinulusoc sa canyang asawa ang isang catacottacot na titig. Ito'y hindi cumilos sa kinalalagyan at nanatiling nacang̃iti ng̃ boong pagcawalang kinahihiyaan. Inilagay ng̃ alférez ng̃ lubos na pagpapacamairuguin ang canyang camay sa balicat ng̃ magsasayaw na caiba sa lahat, at ipinag-utos na tumiguil ng̃ pagsayaw. Huming̃a ang ulol na babae at dahandahang naúpo sa lapag na narurumhan ng̃ canya ring dugò. Nagpatuloy ang catahimican: humihing̃asing ng̃ malacas ang alférez; kinuha ang látigo ng̃ babaeng sa canya'y humihiwatig at tumiting̃in ng̃ mg̃a matang wari'y tumatanong, at saca sa canya'y nagsabi ng̃ tinig na payapa at madalangdalang: —¿Ano ang nangyayari sa iyo? ¡Hindi ca man lamang nagbigay sa akin ng̃ magandang gabi! Hindi sumagot ang alférez, at ang guinawa'y tinawag ang "asistente." —Dalhin mo ang babaeng ito,—anya;—¡pabigyan mo siya cay Marta ng̃ ibang baro at sabihin mo tuloy na gamutin! Pacanin mo siyang magaling at bigyan mo ng̃ isang magaling na higaan ... ¡icaw ang bahala, pagca siya'y inyong pinaglupitan! Bucas ay ihahatid siya sa bahay ni guinoong Ibarra. Pagcatapos ay sinarhang mabuti ang pintuan, inilagay ang talasoc at saca lumapit sa canyang asawa. —¡Naghahanáp icaw na basaguin co ang mukha mo!—ang sa canya'y sinabing nacasuntoc ang mg̃a camay. —¿Ano ang nangyayari sa iyo?—ang tanong ng̃ babae na tumindig at umurong. —¿Ano ang nangyayari sa akin?—ang sigaw ng̃ tinig na cahawig ng̃ culog, casabay ng̃ isang tung̃ayaw, at pagcatapos na maituro sa babae ang isang papel na puspos ng̃ sulat na tila cahig ng̃ manoc, ay nagpatuloy ng̃ pananalita: —¿Hindi mo ba ipinadala ang sulat na ito sa Alcalde, at iyong sinabing pinagbabayaran aco upang aking ipahintulot ang sugal, babaeng p—? ¡Aywan co cung bakit hindi pa kita linûlusay! —¡Tingnan natin! ¡tingnan natin cung macapang̃ang̃ahas ca!—ang sinabi sa canya ng̃ babaeng nagtátawa't siya'y linilibac;—¡ang lulusay sa aki'y isang malaking totoo ang cahigtan ng̃ pagcalalaki sa iyo! Narinig ng̃ alférez: ang gayong alimura, ng̃uni't namasdan niya ang látigo. Dumampot ng̃ isang pinggan sa mg̃a na sa ibabaw ng̃ isang mesa, at ipinukol sa ulo ng̃ asawa: ang babaeng dating bihasa na sa ganitong pakikiaway, agad-agad yumucod, at ang pingga'y sa pader tumama at doon nabasag; gayon din ang kinahangganan ng̃ isang mangcoc at ng̃ isang cuchillo. —¡Duwag!—ang sigaw ng̃ babae,—¡hindi ca macapang̃ahas lumapit! At linurhan ang alférez upang ito'y lalong magng̃itng̃it. Pinagdimlan ang lalaki at umaatung̃al na hinandulong ang babae; ng̃uni't hinaplit nito ng̃ caguilaguilalas na caliksihan ang mukha ng̃ lalaki at saca sumagasang tumacbong tuloytuloy sa canyang silid, at biglang sinarhan ng̃ malacas ang pinto. Hinabol siya ng̃ alférez, na humahagoc sa galit at sa sakit ng̃ palong tinanggap, ng̃uni't walang nasunduan cung di mapahampas sa pintò, bagay na sa canya'y nagpabulalas ng̃ mg̃a tung̃ayaw. —¡Sumpaín nawà ang iyong angcan, babaeng baboy! ¡Bucsán mo, p—p—, bucsan mo, sa pagca't cung hindi'y babasaguin co ang iyong bung̃ô!—ang iniaatung̃al, at kinacalabog ang pinto ng̃ canyang mg̃a suntoc at sicad. Hindi sumasagot si doña Consolación. Nariring̃ig sa dacong loob ang calampagan ng̃ mg̃a silla at mg̃a baul, na anaki mandin nagtatayo ng̃ isang cutà sa pamamag-itan ng̃ mg̃a casangcapang-bahay. Yumayanig ang bahay sa mg̃a sicad at mg̃a tung̃ayaw ng̃ lalaki. —¡Huwag cang pumasoc! ¡huwag cang pumasoc!—ang sabi ng̃ maasim na tinig ng̃ babae; ¡papuputucan co icaw pagca sumung̃aw ca! Tila mandin untiunting pumapayapa ang lalaki, at nagcasiya na lamang siya sa magpalacadlacad ng̃ paroo't parito sa magcabicabilang dulo ng̃ salas, na ang isang halimaw na na sa sa jaula ang catulad. —¡Pasalansang̃an ca't magpalamig icáw ng̃ ulo!—ang patuloy na paglibac ng̃ babae, na tila mandin nacatapos na ng̃ pagtatayo ng̃ caniyang pangsangalang na cutà. —¡Isinusumpa co sa iyo, na pagca kita'y nahaguip, cahi't ang Dios ay hindi ca makikita, salaulang babaeng p—! —¡Oo! masasabi mo na ang ibiguin!... ¡aayaw cang aco'y magsimba! ¡aayaw mo acong bayaang gumanap sa Dios!—ang sabi ng̃ boong capalibhasaang siya lamang ang marunong gumawà. Dinampot ng̃ alférez ang canyang capacete, naghusay ng̃ caunti, at saca umalis na ang hakbang ay malalaki, datapwa't pagcaraan ng̃ ilang sandali'y dahandahang bumalic: siya'y nag-alis ng̃ canyang mg̃a bota. Palibhasa'y bihasang macapanood ang mg̃a alila roon ng̃ mg̃a ganitong pangyayari, caraniwang sila'y inaabot ng̃ yamot, ng̃uni't canilang pinagtakhan ang pag-aalis ng̃ mg̃a bota, bagay na hindi dating guinagawa, caya't nang̃agkindatan ang isa't isa. Naupo ang alférez sa isang silla, sa tabi ng̃ dakilang pinto, at nacapagtiis na maghintay roon ng̃ mahiguit na calahating oras. —¿Tunay bagang umalis ca na ó naririyan ca pa, lalaking cambing?—ang tanong na manacanaca ng̃ tinig, na pinagbabagobago ang lait, ng̃uni't nalalao'y ilinalacas. Sa cawacasa'y untiunting inalis niya ang mg̃a casangcapang ibinunton sa tabi ng̃ pinto: naririnig ng̃ lalaki ang calampag, caya't siya'y ng̃uming̃iti. —¡Asistente! ¿umalis na ba ang pang̃inoon mo?—ang sigaw ni doña Consolación. Sumagot ang asistente sa isang hudyat ng̃ alférez: —Oo po, guinoo, umalis na. Naring̃ig ang masayang tawa ng̃ babae, at saca hinugot ang talasoc ng̃ pinto ... Isang sigaw, ang calabog ng̃ catawang natutumba, mg̃a sumpa, atung̃alan, mg̃a tung̃ayaw, mg̃a hampas, mg̃a tinig na paós ... ¿Sino ang macapagsasaysay ng̃ nangyari sa cariliman ng̃ silid na tulugan? Ang asistente ay napasapanig ng̃ bahay na pinaglulutuan, at nagbigay sa tagapagluto ng̃ isang hudyat na macahulugan. —¡At icaw ang magbabayad!—ang sinabi sa asistente ng̃ tagapagluto. —¿Aco? ¡Cung sacali'y ang bayan ang siyang magbabayad! Itinanong niya sa akin kung umalis na: tunay; ng̃uni't bumalik. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Si Doña Consolacion
- Si Donya Consolacion
- Doña Consolacion