Noli Me Tangere/Kabanata 35
←Kabanata 34: Ang Tanghalian ←Paliwanag |
Kabanata 35: Usap-Usapan Paliwanag |
Kabanata 36: Unang Ulap→ Paliwanag→ |
Teksto
Usap-Usapan |
Mga Salisalitaan Pagdaca'y lumaganap sa bayan ang balita ng̃ nangyaring iyón. Ng̃ bagobago'y ayaw maniwalâ sino man, ng̃uni't sa pang̃ang̃ailang̃ang pahinuhod sa catotohanan, nang̃ag-iinaman ang lahat sa pagsigáw ng̃ pagtatacá. Bawa't isa'y nagbubulaybulay alinsunod sa abót ng̃ cataasan ng̃ canicaniláng calinisan ng̃ budhî. —¡Si párì Dámaso'y namatáy!—ang sabihan ng̃ mg̃a iilán;—ng̃ itindíg nilá siya'y naliligó ang canyáng mukhâ ng̃ dugô at hindî humihing̃à. —¡Magpahing̃alay nawâ siyá sa capayapaan, ng̃uni't waláng guinawâ sa canyá cung dî papagbayarin lamang ng̃ canyáng utang—ang malacás na sabi ng̃ isáng binatà—Wariin ninyóng waláng sucat maipang̃alan sa guinawâ niyá caninang umaga sa convento. —¿Anó ba ang guinawâ? ¿Mulì bang sinuntóc ang coadjutor? —¿Anó ba ang guinawâ? ¡Ating tingnán! ¡Sabihin mo sa amin! —¿Nakita ba ninyó ng̃ umagang itó ang isáng mestizong castílà na lumabás sa dácong sacristía samantalang nagsésermon? —¡Oo! ¡oo ng̃â, siya'y nakita namin! Pinagmasdán siyá ni párì Dámaso. —Ang nangyári'y ... pagcatapos ng̃ sermón, siyá'y ipinatáwag at tinanóng cung anóng dahil sa siyá'y lumabás.—"Hindî pô acó maálam ng̃ wicang tagálog, padre",—ang isinagót.—"¿At bakìt ca nanglibác, na sinabi mong wicang griego iyón?—ang isinigáw sa canyá ni párì Dámaso, at tuloy sinampál siyá. Gumantí ang bináta, nagpanuntóc ang dalawá, hanggáng sa silá'y pinag-awatanan. —¡Cung sa akin mangyari ang gayóng bágay!...—ang ibinulóng ng̃ márahan ng̃ isáng estudiante. Hindî co minamagalíng ang guinawâ ng̃ franciscano,—ang idinugtóng namán ng̃ isá,—sa pagca't hindî dapat ipagpilitan ang Religióng párang isáng parusa ó isáng pahirap; datapuwa't hálos ikinatútuwâ co, sa pagca't nakikilala co ang binátang iyán; siyá'y tagá San Pedro Macatí at maigui siyáng magwicang tagálog. Ng̃ayo'y ibig niyáng siyá'y ipalagáy na bágong gáling sa Rusia, at ipinagmámapuri ang pagpapacunuwaríng hindî niyá nalalaman ang wícà ng̃ canyáng mg̃a magugúlang. —Cung gayó'y ¡linílikhâ silá ng̃ Dios at silá'y nang̃agsusuntucan! —Gayón ma'y dápat táyong tumútol sa cagagawáng iyán,—ang sábing malacás ng̃ isáng estudiante namán;—ang dî pag-imíc ay párang isáng pag-sangáyon, at ang guinawáng iyó'y mangyayaring gawín namán sa alín man sa átin. ¡Nanunumbalic táyo sa mg̃a panahón ni Nerón! —¡Nagcácamalî ca!—ang tútol ng̃ isá;—¡si Nerón ay isáng dakîlang artista, at si párì Dámaso'y isáng casamasamaang magsesermón! Ibá namán ang salisalitaan ng̃ mg̃a táong may catandaan na. Samantalang hiníhintay nilá sa isáng maliit na bahay, na na sa labás ng̃ báyan ang pagdatíng ng̃ Capitán General, itó ang sinasabi ng̃ Gobernadorcillo: —Hindî ng̃â bágay na magaáng sabíhin cung síno ang may catuwíran at cung síno ang walâ, datapuwa't cung nacapagmunimuni sána si guinoong Ibarra.... —¿Cung nagcaroón sána si párì Dámnaso ng̃ calahatî man lámang ng̃ pagmumunimuni ni guinóong Ibarra, ang talagáng ibig pô ninyóng sabihin maráhil?—ang isinalábat ni don Filipo,—Ang casamaa'y nagpalít silá ng̃ catungcúlan: ang bátà ang nag ásal matandâ at ang matandâ ang nag-ásal bátà. —¿At ang sabi pô ninyo'y walâ síno mang dumalô upáng silá'y awatin, liban na lámang sa anác na babáe ni cápitang Tiago?—ang tanóng ni cápitang Martín. ¿Sino man sa mg̃a fraile, cahi't ang Alcalde man lámang? ¡Hm! ¡Lálò pa ng̃ang masama! Hindî co nanasaing aking casapitan ang calagayan ng̃ binatâ. Sino ma'y walang macapagpapatawad sa gayóng sa canyá'y pagcatácot. ¡Lálò pa ng̃ang masama! ¡Hm! —¿Sa acalà cayâ ninyó?—ang tanóng ni cápitang Basilio, na totoong malakí ang hang̃ad na macatalastas. —Umaasa acó,—ani don Felipong nakipagsulyápan cay cápitang Basilio,—na hindî siyá pababayaan ng̃ bayan. Dápat náting alalahanin ang guinawâ ng̃ canyáng mg̃a magugúlang at ang canyáng casalucúyang guinágawâ ng̃ayon. At sacali't hindi umimic ang bayan, dahil sa pagcatacot, ang canyang mg̃a caibiga'y.... —Ng̃uni, mg̃a guinoo,—ang isinalabat ng̃ gobernadorcillo,—ano baga ang ating magagawa? ¿ano ang magagawa ng̃ bayan? Mangyari ang ano mang mangyari'y ang mg̃a fraile ang siyang "lagui" ng̃ na sa catuwiran! —"Lagui" na silang na sa catuwiran, sa pagca't "lagui" ng̃ binibigyang cabuluran natin sila; minsan man lamang ay magbigay tayong catuwiran sa ating sarili, at pagsacagayo'y saca tayo mag-usap! Kinamot ng̃ gobernadorcillo ang canyáng ulo, tuming̃ala sa bubung̃an at saca nagsalita na ang tinig ay masaclap: —¡Ay! ang ínit ng̃ dugo! Tila mandin hindî ninyo nalalaman ang lupaíng kinalagayan natin; hindî ninyo nakikilala ang mg̃a cababayan natin. Ang mg̃a fraile'y mayayaman at nang̃acacaisa; tayo'y nagcacáwasac wasác at mg̃a dukha. ¡Siya ng̃a! ¡ticman ninyong siya'y inyóng ipagmalasakit, at makikita ninyóng cayo'y pababayaan ng̃ ating mg̃a cababayang mag-isa sa mg̃a sagutin! —¡Siyá ng̃a!—ang biglang sinabi ni don Filipo ng̃ boong sacláp,—mangyayari ng̃a ang gayon samantalang ganyan ang pinagiisip, samantalang totoong nagcacahawig ang tacot at ang pagiing̃at. Lalo pang pinapansin ang isáng capahamacáng hindî pa nalalaman cung mangyayari ng̃a, cay sa kinacailang̃ang pagcápacagaling; pagdaca'y dinaramdam ang tácot, sa hindî ang pananalig; bawa't isá'y walang iniisip cung dî ang ganang canya, sino ma'y hindî nag-iisip ng̃ ganang sa mg̃a ibá, caya mahihinà táyong lahát! —Cung gayo'y isípin na muna ninyo ang sa ganáng mg̃a ibá, at bago ninyó isipin ang sa ganáng inyó, at makikita ninyó cung paáno ang pagpapabayang sa inyó'y gagawin. ¿Hindi ba ninyó nalalaman ang casabihang castilà: "na nag-pasimula sa saríling catawán ang mahúsay na pagcacaawang gawâ"? —Ang lálong magalíng na inyóng masasabi—ang sagot na pagalit ng̃ teniente mayor—na nagsisimulá ang mahusay na caruwagan sa malabis na pag-ibig sa sariling catawan, sa nawawacasan sa pagcawala ng̃ cahihiyan! Ng̃ayón di'y ihaharap co sa Alcalde ang pagbibitiw ng̃ aking catungculan; bundat na acó ng̃ paglagay sa cahihiyan, na canino ma'y wala acong nagagawang cagaling̃an. ¡Paalam! Iba naman ang mg̃a panucala ng̃ mg̃a babae. —¡Ay! ang buntóng hining̃a ng̃ isáng babae na ang anyó'y mabait;—¡cailán ma'y ganyán ang mg̃a cabataan! Cung nabubuhay ang canyang mabait na ina'y ¿anong sasabihin? ¡Ay, Dios! Pagca napag-iisip co na maaaring magcaganyan din ang áking anác na laláki, na mainit din namán ang úlo ...¡ay Jesús! halos pinananaghilian co ang canyáng nasirang iná..,¡mamamátay acó sa dalamháti! —Ng̃uni't acó'y hindî ang sagót namán ng̃ isáng babáe,—hindî acó magdadalamháti cung sacali't magcacaganyan din ang áking dalawáng anác na laláki. —¿Anó pô ang sinasabi ninyo, capitana Maria?—ang sabing malacás ng̃ unang babáeng nagsalita, na pinagduduop ang mg̃a camáy. —Ibig cong matuto ang mg̃a anác na nagsasanggaláng ng̃ capurihan ng̃ namatay ng̃ mg̃a magugúlang nilá, capitana Tinay; ¿ano pô ang wiwicain ninyo cung isáng araw na cayo'y bao na márinig ninyóng pinaguupasalaan ang inyóng asawa, at itung̃ó ng̃ inyóng anác sa Antonío ang úlo at huwag umimic? —¡Ipagcacait co sa canyá ang aking bendicion!—ang sabing malacas ng̃ pang̃atlóng babae, na ito'y si hermana Rufa—datapuwa't.... —¡Hindî co maipagcacait ang aking bendición cailan man!—ang isinalabat ng̃ mabait na si capitana Tinay;—hindî dapat sabihin ng̃ isáng iná iyan ...datapuwa't hindî co maalaman ang aking gagawin ... hindî co maalaman ... sa acalà co'y acó'y mamámatay..siyá'y ...¡hindi! ¡Dios co! datapuwa't hindî co na marahil iibiguing muling makita co pa siya ... ¿ng̃uni't cung anó-anó ang mg̃a iniisip ninyó, capitana Maria? —Datapuwa't gayón man,—ang dugtóng ni hermana Rufa,—hindî dapat limuting isang malaking casalanan ang magbuhat ng̃ camáy sa isang taong "sagrado." —¡Lalò ng̃ "sagrado" ang pagmamalasakit sa capurihán ng̃ namatáy na mg̃a magugúlang!—ang itinútol ni capitana Maria.—¡Waláng macapagwáwalang galang sa canilang santong capurihán, cahì man ang Papa, at lalò ng̃ hindî si párì Damaso! —Túnay ng̃a!—ang bulóng ni capitana Tinay, na nagtataca sa carunung̃an ng̃ dalawa;—¿saan ninyó kinucuha ang ganyáng pagcagagaling na mg̃a pang̃ang̃atuwiran? —¿Ng̃uni't ang "excomunión" at ang pagcapacasama?—ang itinutútol namán ng̃ Rufa.—¿Anó ang capacanán ng̃ mg̃a dang̃al at ng̃ capurihan sa búhay na itó cung mapapasasama naman tayo sa cabilang búhay? Dumaraang madali ang lahat ... datapuwa't ang excomunión ... sumirang púri sa isang kinacatawan ni Jesucristo ... ¡iya'y ang Papa lamang ang nacapapapatawad! —¡Ipatatawad ng̃ Dios na nag-uutos na igalang ang ama't ina; hindî siya eexcomulgahin ng̃ Dios! At itó ang sinasabi co sa inyó, na cung pumaroon sa aking bahay ang binatang iyan, siya'y aking patutuluyin at cacausapin; at iibiguin cong siya'y aking maging manúgang, cung mayroon sana acóng anac na babae; ang mabaít na anac ay maguiguing mabaít namang asawa at mabaít na ama; ¡maniwalà cayó, hermana Rufa! —Hindî gayón naman ang aking acala, sabihin na ninyó ang ibig ninyóng sabihin; at cahi man tila mandín cayó ang sumasacatuwiran, ang cura rin ang siyang paniniwalaan co cailan man. Ang unaúna'y ililigtas co múna ang aking caluluwa, ¿anó pô ang sabi ninyó, capitana Tinay? —¡Ah, anó ang ibig ninyóng aking sabihin! Capuwa cayó sumasacatuwiran; sumasacatuwiran ang cura, datapuwa't ¡dapat ding magcaroon ng̃ catuwiran ang Dios! Ayawan co, acó'y isang tang̃a lamang ... Sasabihin co sa aking anac na lalaking huwag ng̃ mag-aral, ang siya cong gagawin! ¡Namamatay daw sa bibitayan ang mg̃a marurunong! ¡María Santisima, ibig pa naman pa sa Europa ng̃ aking anac na lalaki! —¿Anó pô ang inaacala ninyóng gawin? —Sasabihin co sa canyang manatili na lamang siya sa aking tabi, ¿anó't iibiguin pa niyang maragdagan ang canyang dúnong? Búcas macalawa'y mamamatay rin cami, namamatay ang marúnong na gawa rin ng̃ mangmang ... ang kinacailang̃a'y mamúhay ng̃ payapà. At nagbúbuntong hining̃a ang mabait na babae at itiniting̃alá sa lang̃it ang mg̃a matá. —Acó naman,—ang sabi ng̃ bóong cataimtiman ni capitana María,—cung acó ang gaya ninyóng mayaman, pababayaan cong maglacbay—bayan ang aking mg̃a anac; sila'y mg̃a batà, at darating ang araw na sila'y mang̃agcacagulang cacauntì ng̃ panahón ang aking icabubuhay ... magkikita na camí sa cabilang buhay ... dapat magmithi ng̃ lalong mataas na calagayan ang mg̃a anac cay sa calagayang inabot ng̃ canilang mg̃a ama, at wala tayong naituturò sa canila, cung sila'y na sa ating sinapupunan, cung dî ang pagcamusmús. —Ay, cacatuwâ namang totoo ang mg̃a caisipan pala ninyo!—ang bíglang sinabi ni capitana Tinay, na pinagduduop ang mg̃a camay;—¡tila mandin hindî ninyo pinaghirapan ang pang̃ang̃anac sa inyong cambal na mg̃a anac, na lalaki! —Dahilan ng̃â sa sila'y pinaghirapan co ng̃ pang̃ang̃anac, inalagaan at pinapagaral, cahi man camí dukhâ, hindî co íbig na pagcatapos ng̃ lubhang maraming capagalang sa canila'y aking guinúgol, ay waláng cahinatnan sila cung dî maguing calahating tao lamang. —Sa áking palagáy hindî pô ninyó iniibig ang inyóng mg̃a anác ng̃ alinsunod sa ipinag-uutos ng̃ Dios!—ang may cahigpitang sábi ni hermána Rufa. —Ipatáwad pô ninyó, umiibig bawa't iná sa canyáng mg̃a anác ng̃ alinsunod sa canyáng adhicâ; may mg̃a ináng umiibig sa canyáng mg̃a anác at ng̃ caniláng pakinabang̃an, ang ibá nama'y umiibig sa canyáng mg̃a anác dáhil sa pag-ibig nilá sa sarili, at umiibig namán ang ibá sa icagagaling ng̃ canilá ring mg̃a anác. Acó'y nabibilang dito sa mg̃a hulíng sinábi co, ganitó ang itinúrò sa ákin ng̃ áking asáwa. —Hindî totóong nababagay sa átas ng̃ religión, capitana María, ang lahát ninyóng mg̃a iniisip; ¡cayó'y másoc ng̃ pagca hermana sa Santísimo Rosario, cay San Francisco, cay Santa Rita, ó cay Santa Clara!—ang sabi ni hermana Rufa, na ang anyo'y párang nagsesermón. —Hermana Rufa, pagca carapatdapat na acóng maguing capatíd (hermana) ng̃ mg̃a táo, aking sisicaping acó'y maguing capatíd namán ng̃ mg̃a santo!—ang canyáng sagót na ng̃uming̃itî. Upang mabigyáng wacás ang bahaguing itóng nauucol sa mg̃a salisalitaan ng̃ báyan; at ng̃ mapagwarì man lámang ng̃ mg̃a bumabasa cung anó cayâ ang iniisip ng̃ mg̃a waláng málay na mg̃a tagabúkid sa nangyari, pumaroon tayo sa lílim ng̃ tolda ng̃ plaza, at pakinggán nátin, ang mg̃a salitaan ng̃ iláng nang̃ároroon, ang isá sa canila'y cakilala nátin, na dî ibá cung dî ang nananaguinip sa mg̃a doctor sa panggagamot. —Ang lálong dináramdam co'y hindî ná mayayari ang páaralan!—ang sinasabi nitó. —¿Bakit? ¿bakit?—ang tanung̃an ng̃ mg̃a nakíkinig malakí ang pagpipilit na macaálam. —¡Hindî na maguiguing doctor ang áking anác, siya'y maguiguing magcacaritón na lamang! ¡Walâ! ¡Hindî na magcacapáaralan! —¿Sino ang nagsábing hindî na magcacapáaralan?—ang tanóng ng̃ isáng hang̃ál at matabáng tagabúkid, na malalakí ang mg̃a pang̃á at makítid ang báo ng̃ úlo. —¡Aco! ¡Pinang̃alanang "plibastiero" si don Crisóstomo ng̃ mg̃a páring mapuputî! ¡Hindî na magcacapáaralan! —Nagtatanung̃an ang lahát sa pagsusulyapan. Nababago sa canilá ang pang̃alang iyón. —¿At masamâ bâ ang pang̃álang iyán?—ang ipinang̃ahas na itinanóng ng̃ hang̃ál na tagabúkid. —¡Iyan ang lálong masamáng masasabi ng̃ isáng cristiano sa cápuwà niyá! —Masamâ pa bâ iyán sa "tarantado" at sa "saragate"? —¡Ah, cung sána'y ganyán na ng̃â lámang! Hindî mamacailang tináwag acó ng̃ ganyán ay hindi man lámang sumakít ang áking sicmúrà. Datapuwa't marahil namá'y hindi na sasamâ pa sa "indio", na ¡sinasabi ng̃ alférez! Ang nagsabing magcacaroon ng̃ isáng anác na laláking carretonero'y lálo pang nagpakita ng̃ calungcútan; nagcamót namán sa úlo ang isá at nag-íisip isip. —¡Cung gayó'y maráhil catúlad ng̃ "betelapora" na sinasabi ng̃ matandáng babáe ng̃ alférez! Ang masamâ pa sa riya'y ang lumurà sa hostia. —Talastasín mong masamâ pa sa lumurâ sa hostia cung viernes santo, ang isinagót ng̃ bóong cataimtimán. Naaalaala na ninyó ang salitáng "ispichoso", na sucat ng̃ icapit sa isáng táo, upang siya'y dalhín ng̃ mg̃a civil ni Villa Abrillo sa tapunán ó sa bilangguan; unawáin ninyóng lálò pa manding masamâ ang "plibustiero." Ayon sa sábi ng̃ telegrafista at ng̃ directorcillo, cung sabíhin daw ng̃ isáng cristiano, ng̃ isáng cura ó ng̃ isáng castílà, sa isáng cristianong gáya nátin ay nacacawang̃is ng̃ "santusdeus" na may "requimiternam;" sa minsáng tawaguin cang "plibastiero," mangyayari ca ng̃ magcumpisal at magbayad ng̃ iyong mg̃a utang sa pagca't walâ magagawâ cung di ang pabítay ca na lámang. Nalalaman mo na cung dapat macaalam ang directorcillo at ang telegrafista: nakikipag-usap ang isá sa mg̃a cáwad, at marúnong namán ang isá ng̃ castílà at walâ ng̃ gamit cung di ang pluma. Páwang nanglúlumo ang lahát. —¡Pilitin na acóng papagsuutin ng̃ zapatos at huwag acóng painumín sa bóong áking búhay cung di iyán lámang ihì ng̃ cabáyo na cung tawagui'y cerveza, capag napatáwag acó cailáan man ng̃ "pelbistero!"—ang sumpáng sinabí ng̃ tagabúkid, na nacasuntóc ang mg̃a camáy.—¿Sino? ¿Acó, mayamang gáya ni don Crisóstomo, marúnong ng̃ castílang gáya niyá, at nacapagdadali-dali ng̃ pagcaing may cuchillo at cuchara? ¡magtátawa acó cahit sa limáng mg̃a cura! —Tatawaguin cong "palabistero" ang únang civil na aking makitang nagnanacaw ng̃ inahing manóc!... at pagdaca'y magcúcumpisal acó!—ang bulóng na maráhan ng̃ isá sa mg̃a tagabúkid, na pagdáca'y lumayô sa pulutóng. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Mga Usap-usapan
- Ang Usap-usapan
- Mga Pala-palagay
- Mga Bali-balita
- Mga Haka-haka
- Mga Kuro-kuro