Noli Me Tangere/Kabanata 30
←Kabanata 29: Kinaumagahan ←Paliwanag |
Kabanata 30: Sa Loob ng Simbahan Paliwanag |
Kabanata 31: Ang Sermon→ Paliwanag→ |
Teksto
Sa Loob ng Simbahan |
Sa Simbahan Mulâ sa isá hanggang sa cabiláng dúlo'y punô ang camálig na ípinalalagá'y ng̃ mg̃a táong yaó'y bahay ng̃ Lumaláng sa lahát. Nang̃agtutulacán, nagsisicsican, nang̃agdudurugan ang isá't isá, at nang̃agdaraing̃an ang iláng lumálabas at ang maraming nagsisipasoc. Malayò pa'y iniuunat na ang camáy sa pagbabasâ ng̃ mg̃a dalirì ng̃ túbig na bendita, ng̃uni't caguinsaguinsa'y dumárating ang isáng álon ng̃ pagtutulacán at napapalayô ang camay: Nariring̃ig pagca nagcacagayon ang isáng áng̃il, nagmúmura ang isáng babaeng nayapacan, datapuwa't hindî tumitiguil ang pagtutulacán. Ang iláng matandang lalaking naisasawsaw ang mg̃a dalirì sa tubig na iyóng culay pusalí na, palibhasa'y naghúgas ng̃ camáy roon ang boong báyan, bucód pa sa mg̃a taga-ibáng báyang doo'y dumarayo, ipinapahid ang túbig na iyón ng̃ boong pamimintacasi, baga mán sila'y nahihirapan dahil sa casicpán, sa caniláng bátoc, sa puyó, sa noo, sa ilóng, sa babà, sa dibdib at sa púsod, sa caniláng pananalig na sa gayó'y caniláng nabebendita ang mg̃a bahaguing iyón ng̃ catawán, bucód sa hindî silá magcacasakit ng̃ paninigás ng̃ liig, ng̃ sakít ng̃ úlo, ng̃ pagcatuyô, ng̃ hindî pagcatúnaw ng̃ kinacain. Ang mg̃a cabataan, marahil sa sila'y hindî totoong masasactín ó baca cayâ naman hindî silá naniniwala sa mahal na gamót na íyón, bahagyâ na niláng binabasâ ang cáduloduluhan ng̃ caniláng daliri—at ng̃ walang anó mang masabi sa canilá ang mg̃a mapamintacasing tao,—at cunuwa'y canilang ipinapahid sa caniláng noó, na, ang catotohana'y hindî nilá isinasayad. "Marahil ng̃a'y bendita ang túbig na iyán at taglay ang lahát ng̃ mg̃a sinasabi",—ang iniisip marahil ng̃ sino máng dalaga,—"ng̃uni't may isáng culay na" ...! Bahagyâ na macahing̃á roon, mainit at amóy háyop na dalawá ang páa; datapuwa't catumbás ng̃ lahá't ng̃ pagcacahirap na iyón ang magsesermong as sermông yao'y dalawang daa't limampung piso ang bayad ng̃ bayan. Ito ang sinabì ng̃ matandáng Tasio. —¡Dalawang daa't limampung piso ang bayad sa isang sermôn! ¡Isá lamang táo at sa minsan lamang na paggawâ! ¡Ang icatlóng bahagui ng̃ ibinabayad sa mg̃a comediante na mangagpapagal sa loob ng̃ tatlóng gabí!... ¡Tunay ng̃a marahil na cayo'y mayayaman! —¿At bakit namán mawawang̃is ang bagay na iyán sa isáng comedia?—ang isinagót na masamá ang loob ng̃ mapúsoc na maestro ng̃ mg̃a Hermano ng̃ V.O.T.; ¡nacahuhulog ng̃ mg̃a caluluwa sa infierno ang comedia, at nacapapasalang̃it ang sermón! Cung huming̃i siyá ng̃ sanglibo'y babayaran din namin, at kikilalanin pa naming utang na loob ... —¡Cahi ma't comedia, cung sa ganáng akin!—ang isinisigaw naman sa galit ng̃ isá. —¡Naniniwalà acó, palibhasa'y magalíng na totoo ang inyóng pagca unawà sa kinauuculan ng̃ comedia at ng̃ sermón! At yumao ang pusóng, na hindî inalumana ang guinagawâ ng̃ magagaliting maestro na mg̃a paglait at masasamang húlang mangyayari sa daratning búhay ni matandáng Tasio sa hinaharáp na panahón. Samantalang hinihintay ang Alcalde, nágpapawis at naghihicab ang mg̃a tao; iguinagalaw sa hang̃in ang mg̃a paypáy, mg̃a sombrero at mg̃a panyô; nang̃agsisigawan at nang̃ag-iiyacan ang mg̃a batà, bagay nagbíbigay pagál sa mg̃a sacristan na pagpapalabas sa mg̃a batang iyón sa simbahan. Ang gawáng ito'y siyang umaakit sa pagdidilidili ng̃ matalas na caisipan at malumanay na maestro ng̃ Cofradía ng̃ Santisimo Rosario: —"Pabayaan ninyóng lumapit sa akin ang mg̃a báta," anáng áting Pang̃inoong Jesucristo, ng̃uni't dito'y dapat ng̃ unawaing yaó'y ucol lamang "sa mg̃a batang hindî umiiyac." Ganitó ang sinasabi ng̃ isá sa mg̃a matatandang babaeng nanánamít ng̃ guingón, si Hermana Pute bagá, sa isáng babaeng may anim na taón na ang gúlang na canyáng apó, na nacaluhód sa canyáng tabi: —¡Condenada! ¡itahimic mo ang iyóng isip, at macaririnig ca ng̃ isáng sermóng gáya ng̃ sa Viernes Santo! At sacâ pinacacurotcurót, na anó pa't pinucaw ang cabanalan ng̃ batang babae, na ikinibit ang mukhâ, pinahabà ang ng̃úso at pinapagcunót ang mg̃a kílay. Humihimláy ang iláng mg̃a lalaking nacapaningkayád sa tabí ng̃ mg̃a confesionario. Ang acalà ng̃ ating matandang babaeng nagng̃ung̃ung̃uya ng̃ mg̃a dasal at pinatatacbó sa canyáng mg̃a dalírì ang mg̃a butil ng̃ canyáng cuintás, na ang guinágawang pagtang̃ô ng̃ isáng matandáng lalaking malaki ang pag-aantoc, ay talagáng gayón ang lalong magalíng na pagsang-ayon sa mg̃a calooban ng̃ Lang̃it, caya't ang guinawâ niya'y untitunti niyáng guinagád ang gayóng anyô. Na sa isáng sûloc si Ibarra; nacaluhód si María Clara sa malapit sa altar mayor, sa isáng lugar na nagmagandang loob ang curang paalsan ng̃ mg̃a tao sa pamamag-itan ng̃ mg̃a sacristán. Nacaupô si capitang Tiagong nacasúot ng̃ frac sa isá sa mg̃a bangcóng laan sa mg̃a pinunò, dahil sa bagay na itó'y ang isip ng̃ mg̃a insíc na sa canyá'y hindî nacakikilala'y gobernadorcillo rin siyá cayá't hindî nang̃ang̃ahás na sa canyá'y lumapit. Sa cawacasa'y dumating ang Alcalde na casama ang canyáng Estado Mayor, (ang mg̃a guinoong sa canyá'y umaacbay), doon sa sacristía silá nagmulà at siyá'y lumucloc sa isá sa mg̃a maiinam na mg̃a sillóng nacapatong sa ibabaw ng̃ isáng alfombra. Pangdakilà ang casuutan ng̃ Alcalde at sa canyá'y nacalagáy ang banda ni Cárlos III at apat ó limáng mg̃a condecoración (mg̃a saguisag na inilalagáy sa dibdib, tandâ ng̃ sa nagdadala'y pagbibigay unlác ng̃ isáng harì ó ng̃ cataastaasang pûnò sa isáng nación.) Hindî siyá nakikilala ng̃ bayan. —¡Abá!—ang bigláng sinabi ng̃ isáng tagabukid; ¡isáng civil na nacasuot comediante! —¡Tangá!—ang isinagót ng̃ canyáng calapit at siyá'y sinicó;—¡iyán ang principe Villardo na ating nakita cagabí sa teatro! Tumaas ng̃â ang calagayan ng̃ Alcalde sa mg̃a matá ng̃ báyan at siyá'y ipinalagay na encantadong principe, na nácapanalo sa mg̃a gigante. Nagpasimula ang misa. Nagsitidindig ang mg̃a nauupô, ang mg̃a natutulog ay nang̃águisíng dahil sa cacacampanilla at sa matunóg na voces ng̃ mg̃a cantór. Tila totoong natutuwâ si Párì Salví, baga man siyá'y may mukhang walang caibigan, sa pagca't sa canyá'y naglilingcód na diácono at subdiácono ang dalawá pa namáng agustino. Bawa't isá'y nagcantâ, ng̃ dumatíng ang úcol na panahón, baga man humiguit cúmulang na nagdaraan sa ilóng ang caniláng voces at malabò ang pang̃ung̃usap, liban na lamang sa nagmimisa na may pagca nang̃ing̃inig ang voces at hindî mamacáilang nasirà ang tono, na anó pa't malaki ang ipinagtataca ng̃ mg̃a táong sa canyá'y nacakikilala. Gayón ma'y gumágalaw siya ng̃ makinig na anyô at hindî nag-aang-ang; ikinácanta ang "Dominus vobiseum" ng̃ taimtim sa loob, ikinikiling ng̃ caunti ang úlo at tumiting̃ala sa "boveda," (bubung̃an ng̃ simbahan). Sa pagmamasid ng̃ pagtanggáp niyá ng̃ asó ng̃ incienso, masasabing totoo ng̃â ang sabi ni Galeno, na naniniwaláng pumapasoc daw ang úsoc sa bao ng̃ úlo, pagcaraan sa bútas ng̃ ilóng na ang tulóy ay sa salaang but-ó, sa pagca't siya'y lumilindig, iniiling-ay ang úlo sa lícod, pagcatapos ay lumalacad na patung̃ó sa guitnâ ng̃ altar ng̃ lubháng malakíng pagmamakisig at caguilasan, hanggang sa acalain ni capitan Tiagong daig niya sa cagaling̃ang cumíyà ang comedianteng insíc ng̃ gabing nagdaang nacadamít emperador, may pintá ang mukhâ may maliliit na bandera sa licód, ang balbás ay buntót ng̃ cabayo at macapal ang "suclas" ng̃ sapín. —Hindî ng̃â mapag-alinlang̃anan, higuit ang camahalang umanyô ng̃ isáng cura namin cay sa lahat ng̃ mg̃a emperador. Sa cawacasa'y dumating ang pinacananasang sandali na marinig, na si Párì Dámaso. Nang̃agsiupô sa caniláng mg̃a sillón ang tatlóng sacerdote, na ang anyó'y nacapag-bibigáy ulirán sa cahinhinan, ayon sa sasabihin marahil ng̃ may malinis na caloobang "corresponsal;" tinularan silá ng̃ Alcalde at ibá pang mg̃a taong may vara at may bastón; humintô ang música: Pamucaw ang paghaliling iyón ng̃ catahimican sa úgong sa ating matandáng Hermana Pule, na humihilic na, salamat sa música. Túlad cay Segismundo ó gaya ng̃ "cocinero" sa kinathang búhay ni Dornroscheu, ang unang guinawa pagcaguising ay tuctucan ang canyáng apóng babae, na nacatulog din. Ito'y umatung̃al, datapuwa't pagdaca'y nalibang ng̃ makitang nagdaragoc sa dibdib ang isang babae sa lubós na pananalig at sa caalaban ng̃ loob. Pinagsicapan ng̃ lahat na maipacaguinhawa ng̃ anyô; naningcayad ang mg̃a waláng bangcô, umupô sa lupà ó sa caniláng sariling paa ang mg̃a babae. Tináhac ang caramihan ni Párì Dámaso, na pinang̃ung̃unahan ng̃ dalawáng sacristan at sinusundan ng̃ isáng capuwa niya fraileng may daláng isáng malaking cuaderno. Nawala siyá pagpanhíc sa hagdanang palicawlicaw, ng̃uni't pagdaca'y mulíng sumipót ang canyáng mabilog na úlo, pagcatapos ay ang canyáng macacapal na bátoc at sumunod agad-agad ang canyáng catawan. Tuming̃in sa magcabicabila ng̃ boong capanatagan ng̃ loob at uubo-ubó; nakita niya si Ibarra. Ipinahiwatig niya sa isáng tang̃ing kiráp, na hindî calilimutan sa canyáng mg̃a pananalang̃in ang casintahan ni María Clara; tinitigan ng̃ ting̃ing may towa si Párì Sibyla at saca niya sinulyap ng̃ ting̃íng calakip ang pagpapawalang halagá si Párì Manuel Marsing cahapo'y nagsermón. Ng̃ matapos ang ganitóng pagsisiyasat; lining̃on ang casama ng̃ paalimís at sa canyá'y sinabi: "Magpacatalino, capatid!—Binucsan nitó ang cuaderno. Datapuwa't carapatdapat na isaysay sa isáng bahaguing bucód ang sermóng itó. Isáng binatang nag aaral ng̃ panahóng iyón ng̃ taquigrafia at malakíng totoo ang pagcalugód sa mg̃a dakilang mananalumpati ang siyáng umalalay ng̃ pagtititic samantalang nagsasaysay si Párì Dámaso; at salamat sa ganitóng guinawa'y mailalagdâ namin dito ang isáng bahagui ng̃ pang̃ang̃aral tungcól sa religión sa mg̃a lupaing iyón. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |