Noli Me Tangere/Kabanata 3
←Kabanata 2: Crisostomo Ibarra ←Paliwanag |
Kabanata 3: Ang Hapunan Paliwanag |
Kabanata 4: Erehe at Filibustero→ Paliwanag→ |
Teksto
Ang Hapunan
Tila mandin totoong lumiligaya si Padre Sibyla: tahimik na lumalakad at hindi na namamasid sa kanyang nangingilis at manipis na mga labi ang pagpapawalang halaga; hanggang sa marapating makipagusap sa pilay na si doktor De Espadaña, na sumasagot ng putol-putol na pananalita, sapagkat siya'y may pagka-utal. Kagulatgulat ang sama ng loob ng pransiskano, sinisikaran ang mga silyang nakahahadlang sa kanyang nilalakaran, at hanggang sa siniko ang isang kadete. Hindi nagkikikibo ang tenyente; nagsasalitaan ng masaya ang iba at kanilang pinupuri ang kabutiha't kasaganaan ng haying pagkain. Pinakunot ni Doña Victorina, gayon man, ang kanyang ilong; ngunit karaka-raka'y lumingong malaki ang galit, kawangis ng natapakang ahas: mangyari'y natuntungan ng tenyente ang "kola" ng kanyang pananamit. —Datapwat wala po ba, kayong mga mata?—anya. —Mayroon po, ginoong babae, at dalawang lalong magaling kay sa mga mata ninyo; datapwat pinagmamasdan ko po iyang inyong mga kulot ng buhok—ang itinugon ng militar na iyong hindi totoong mapagparaya sa babae, at saka lumayo. Baga man hindi sinasadya'y kapwa tumungo ang dalawang prayle sa duyo o ulunan ng mesa, marahil sapagkat siyang pinagkaratihan nila at nangyari nga ang mahihintay, na tulad sa nangagpapangagaw sa isang katedra[k 2]: pinupuri sa mga pananalita ang mga karapatan at kataasan ng isip ng mga kapangagaw; datapwat pagdaka'y ipinakikilala ang pabaligtad, at nangag-uungol at nangag-uupasala kung hindi sila ang makapagtamo ng kanilang hangad. —Ukol po sa inyo, Padre Damaso! —Ukol po sa inyo, Padre Sibyla! —Kayo ang lalong unang kakilala sa bahay na ito ... konpesor ng nasirang may bahay na babae, ang lalong may gulang, may karapatan at may kapangyarihan.... —Matandang matanda'y hindi pa naman!—ngunit kayo po naman ang kura nitong bayan!—ang sagot na matabang ni Padre Damasong gayon ma'y hindi binibitiwan ang silya. —Sapagkat ipinag-uutos po ninyo'y ako'y sumusunod!—ang iniwakas ni Padre Sibyla. —Ako'y hindi nag-uutos!—ang itinutol ng pransiskano—ako'y hindi nag-uutos! Umuupo na sana si Padre Sibylang hindi pinapansin ang mga pagtutol na iyon, ng makasalubong ng kanyang mga mata ang mga mata ng tenyente. Ang lalong mataas na opisyal sa Pilipinas, ayon sa kaisipan ng mga prayle, ay totoong malaki ang kababaan sa isang uldog na tagapagluto ng pagkain. "Cedant arma togæ"[k 3], ani Ciceron sa Senado; "cedant arma kotae"[k 4] anang mga prayle sa Pilipinas. Datapwat mapitagan si Padre Sibyla, kaya't nagsalita: —Ginoong tenyente, dito'y na sa mundo[k 5] po tayo at wala sa sambahan; nararapat po sa inyo ang umupo rito. Datapwat ayon sa anyo ng kanyang pananalita'y sa kanya rin nauukol ang upuang iyon, kahit na sa mundo. Ang tenyente, dahil yata ng siya'y huwag magpakagambala, o ng huwag siyang umupo sa gitna ng dalawang prayle, sa maikling pananalita'y sinabing ayaw siyang umupo roon. Alin man sa tatlong iyo'y hindi nakaalaala sa may bahay. Nakita ni Ibarrang nanonood ng boong galak at nakangiti sa mga pagpapalamgang iyon sa upuan ang may bahay. —Bakit po, Don Santiago! hindi po ba kayo makikisalo sa amin?—ani Ibarra. Ngunit sa lahat ng mga upuan ay may mga tao na. Hindi kumakain si Luculo[k 6] sa bahay ni Luculo. —Tumahimik po kayo! huwag kayong tumindig!—ani Kapitang Tiago, kasabay ng pagdidiin sa balikat ni Ibarra. Kaya pa naman gumagawa ang pagdiriwang na ito'y sa pagpapasalamat sa mahal na Virgen sa inyong pagdating. Nagpagawa ako ng "tinola" dahil sa inyo't marahil malaon ng hindi ninyo natitikiman. Dinala sa mesa ang isang umaasong malaking "fuente"[k 7]. Pagkatapos maibulong ng dominiko ang "Benedicte"[k 8] na halos wala sino mang natutong sumagot, nagpasimula ng pamamahagi ng laman ng pwenteng iyon. Ngunit ayawan kung sa isang pagkalibang o iba kayang bagay, tumama kay pari Damaso ang isang pinggang sa gitna ng maraming upo at sabaw ay lumalangoy ang isang hubad na liig at isang matigas na pakpak ng inahing manok, samantalang kumakain ang iba ng mga hita at dibdib, lalong lalo na si Ibarra, na nagkapalad mapatama sa kanya ang mga atay, balonbalonan at iba, pang masasarap na lamang loob ng inahing manok. Nakita ng pransiskano ang lahat ng ito, dinurog ang mga upo, humigop ng kaunting sabaw, pinatunog ang kusara sa paglalagay at biglang itinulak ang pingga't inilayo sa kanyang harapan. Nalilibang namang totoo ang dominiko sa pakikipagsalitaan sa binatang mapula ang buhok. —Gaano pong panahong napaalis kayo sa lupaing ito?—ang tanong ni Laruja kay Ibarra. —Pitong taon halos. —Aba! kung gayo'y marahil, nalimutan na ninyo ang lupaing ito? —Baligtad po; baga man ang kinagisnan kong lupa'y tila mandin linilimot na ako, siya'y lagi kong inaalaala. —Ano po ang ibig ninyong sabihin?—ang tanong ng mapulang buhok. —Ibig kong sabihing may isang taon na ngayong hindi ako tumatangap ng ano mang balita tungkol sa bayang ito, hanggang sa ang nakakatulad ko'y ang isang di tagaritong hindi man lamang nalalaman kung kailan at kung paano ang pagkamatay ng kanyang ama. —Ah!—ang biglang sinabi, ng tenyente. —At saan naroon po kayo at hindi kayo tumelegrama?—ang tanong ni Doña Victorina.—Tumelegrama kami sa "Peninsula"[k 9] ng kami'y pakasal. —Ginoong babae; nitong huling dalawang tao'y doroon ako sa dakong ibaba ng Europa, sa Alemania at saka sa Kolonia Rusa. Minagaling ng Doktor De Espadaña, na hangga ngayo'y hindi nangangahas magsalita, ang magsabi nang kaunti: —Na ... na ... nakilala ko sa Espanya ang isang polakong taga, Va ... Varsovia, na ang pangala'y Stadtnitzki, kung hindi masama ang aking pagkatanda; hindi po ba ninyo siya nakikita?—ang tanong na totoong kimi at halos namumula sa kahihiyan. —Marahil po—ang matamis na sagot ni Ibarra—ngunit sa sandaling ito'y hindi ko naaalaala siya. —Aba, hindi siya maaring ma ... mapagkamalan sa iba!—ang idinugtong ng Doktor na lumakas ang loob.—Mapula ang kanyang buhok at totoong masamang mgastila. —Mabubuting mga pagkakakilalanan; ngunit doo'y sa kasaliwaang palad ay hindi ako nagsasalita ng isa man lamang wikang Kastila, liban na lamang sa ilang mga konsulado. —At paano ang inyong ginagawang pamumuhay?—ang tanong ni Doña Victorinang nagtataka. —Ginagamit ko po ang wika ng lupaing aking pinaglalakbayan, ginoong babae. —Marunong po ba naman kayo ng Ingles?—ang tanong ng dominikong natira sa Hongkong at totoong marunong ng "Pidggin-English"[k 10], iyang halu-halong masamang pananalita ng wika ni Shakespeare[k 11] ng anak ng Imperio Celeste[k 12]. —Natira akong isang taon sa Inglaterra, sa kasamahan ng mga taong Ingles lamang ang sinasalita. —At alin ang lupaing lalong naibigan po ninyo sa Europa?—ang tanong ng binatang mapula ang buhok. —Pagkatapos ng Espanya, na siyang pangalawa kong Bayan, alin man sa mga lupain ng may kalayaang Europa. —At kayo pong totoong maraming nalakbay ... sabihin ninyo, ano po ba ang lalong mahalagang bagay na inyong nakita?—ang tanong ni Laruja. Wari'y nag-isip-isip si Ibarra. —Mahalagang bagay, sa anong kaukulan? —Sa halimbawa ... tungkol sa pamumuhay ng mga bayan ... sa buhay ng pakikipanayam, ang lakad ng pamamahala ng bayan, ang ukol sa relihiyon, ang sa kalahatan, ang katas, ang kabuuan.... Malaong nagdidilidili si Ibarra. —Ang katotohanan, bagay na ipanggilalas sa mga bayang iyan, kung ibubukod ang sariling pagmamalaki ng bawat isa sa kanyang nasyon.... Bago ko paroonan ang isang lupain, pinagsisikapan kong matalos ang kanyang historia, ang kanyang Exodo[k 13] kung mangyayaring masabi ko ito, at pagkatapos ang nasusunduan ko'y ang dapat mangyari: nakikita kong ang iginiginhawa o ipinaghihirap ng isang baya'y nagmumula sa kanyang mga kalayaan o mga kadiliman ng isip, at yamang gayo'y nanggagaling sa mga pagpapakahirap ng mga namamayan sa ikagagaling ng kalahatan, o ang sa kanilang mga magugulang na pagka walang ibang iniibig at pinagsusumakitan kung di ang sariling kaginhawahan. —At wala ka na bagang nakita kung di iyan lamang?—ang itinanong na nagtatawa ng palibak ng pransiskano, na mula ng pasimulaan ang paghapon ay hindi nagsasalita ng ano man, marahil sapagkat siya'y nalilibang sa pagkain; hindi karapat-dapat na iwaldas mo ang iyong kayamanan upang wala kang maalaman kung di ang babahagyang bagay na iyan! Sino mang musmos sa eskwelaha'y nalalaman iyan! Napatingin na lamang sa kanya si Ibarra't hindi maalaman kung ano ang sasabihin; ang mga iba'y nangagtitinginan sa pagkataka at nanganganib na magkaroon ng kaguluhan.—Nagtatapos na ang paghapon, ang "kagalangan po ninyo'y busog na"—ang isasagot sana ng binata; ngunit nagpigil at ang sinabi na lamang ay ang sumusunod: —Mga ginoo; huwag kayong magtataka ng pagsasalitang kasambahay sa akin ng aming dating kura; ganyan ang pagpapalagay niya sa akin ng ako'y musmos pa, sapagkat sa kanya'y para ring hindi nagdaraan ang mga taon; datapwat kinikilala kong utang na loob, sapagkat nagpapaalaala sa aking lubos niyong mga araw na madalas pumaparoon sa aming bahay ang "kanyang kagalangan", at kanyang pinauunlakan ang pakikisalo sa pagkain sa mesa ng aking ama. Sinulyap ng dominiko ang pransiskano na nangangatal. Nagpatuloy ng pananalita si Ibarra at nagtindig: —Itulot ninyo sa aking ako'y umalis na, sapagkat palibhasa'y bago akong dating at dahil sa bukas din ay ako'y aalis, marami pang totoong gagawin akong mga bagay-bagay. Natapos na ang pinacamahalaga ng paghapon, kaunti lamang kung ako'y uminom ng alak at bahagya na tumitikim ako ng mga likor. Mga ginoo, matungkol nawa ang lahat sa Espanya at Pilipinas! At ininom ang isang kopitang alak na hanggang sa sandaling iyo'y hindi sinasalang. Tinularan siya ng Teniente, ngunit hindi nagsasabi ng ano man. —Huwag po kayong umalis!—ang ibinulong sa kanya, ni Kapitang Tiago.—Darating na si Maria Clara: sinundo siya ni Isabel. Paririto ang sa bayang bagong kura, na santong tunay. —Paririto ako bukas bago ako umalis. Ngayo'y may gagawin akong mahalagang pagdalaw. At yumao. Samantala'y nagluluwal ng sama ng loob ang pransiskano. —Nakita na ninyo?—ang sinasabi niya sa binatang mapula ang buhok na ipinagkukukumpas ang kutsilyo ng himagas. Iya'y sa pagmamataas! Hindi nila maipagpaumanhing sila'y mapagwikaan ng kura! Ang akala nila'y mga taong may kahulugan na! Iyan ang masamang nakukuha ng pagpapadala sa Europa ng mga bata! Dapat ipagbawal iyan ng gobyerno. —At ang tenyente?—ani Doña Victorinang nakikikampi sa pransiskano—sa boong gabing ito'y hindi inalis ang pagkukunot ng pag-itan ng kanyang mga kilay; magaling at tayo'y iniwan! Matanda na'y tenyente pa hangga ngayon! Hindi malimutan ng ginoong babae ang pagkakabanggit sa mga kulot ng kanyang buhok at ang pagkakayapak sa "enkanyonado" ng kanyang mga "enagwa." Nang gabing yao'y kasama ng mga iba't ibang bagay na isinusulat ng binatang mapula ang buhok sa kanyang librong "Estudios Coloniales," ang sumusunod: "Kung ano't makahihilahil sa kasayahan ng isang piging ang isang liig at isang pakpak sa pinggan ng tinola." At kasama ng mga iba't ibang paunawa ang mga ganito:—"Ang taong lalong walang kabuluhan sa Pilipinas sa isang hapunan o kasayahan ay ang nagpapahapon o nagpapapista: makapagpapasimula sa pagpapalayas sa may bahay at mananatili ang lahat sa boong kapanatagan."—"Sa mga kalagayan ngayon ng mga bagay bagay, halos ay isang kagalingang sa kanila'y gagawin ang huwag paalisin sa kanilang lupain ang mga Pilipino, at huwag man lamang turuan silang bumasa".... |
Ang Hapunan
Tila mandîn totoong lumiligaya si Fr. Sibyla: tahimic na lumalacad at hindî na námamasid sa canyáng nang̃ing̃ilis at manipís na mg̃a labì ang pagpapawaláng halagá; hanggáng sa marapating makipagusap sa pilay na si doctor De Espadaña, na sumásagot ng̃ putól-putól na pananalitâ, sa pagcát siya'y may pagcá utál. Cagulatgulat ang samâ ng̃ loob ng̃ franciscano, sinisicaran ang mg̃a sillang nacahahadláng sa canyáng nilalacaran, at hanggáng sa sinicó ang isáng cadete. Hindî nagkikikibô ang teniente; nagsasalitaán ng̃ masayá ang ibá at caniláng pinupuri ang cabutiha't casaganàan ng̃ haying pagcain. Pinacunot ni Doña Victorina, gayón man, ang canyáng ilóng; ng̃uni't caracaraca'y luming̃óng malakí ang gálit, cawang̃is ng̃ natapacang ahas: mangyari'y natuntung̃an ng̃ teniente ang "cola" ng̃ canyáng pananamít. —Datapuwa't ¿walâ pô bâ, cayóng mg̃a matá?—anyá. —Mayroon pô, guinoong babae, at dalawáng lalóng magalíng cay sa mg̃a matá ninyó; datapowa't pinagmámasdan co pô iyang inyóng mg̃a culót ng̃ buhóc—ang itinugón ng̃ militar na iyong hindî totoong mápagparayâ sa babae, at sacâ lumayô. Bagá man hindî sinasadya'y capuwâ tumung̃o ang dalawáng fraile sa dúyo ó ulunán ng̃ mesa, marahil sa pagca't siyáng pinagcaratihan nilá at nangyari ng̃â ang mahíhintay, na tulad sa nang̃agpapang̃agaw sa isáng cátedra[o 2]: pinupuri sa mg̃a pananalitâ ang mg̃a carapatán at cataásan ng̃ ísip ng̃ mg̃a capang̃agáw; datapua't pagdaca'y ipinakikilala ang pabaligtad, at nang̃ag-úung̃ol at nang̃ag-uupasalà cung hindî silá ang macapagtamó ng̃ caniláng hang̃ád. —¡Ucol pô sa inyó, Fr. Dámaso! —¡Ucol pô sa inyó, Fr. Sibyla! —Cayo ang lalong unang cakilala sa bahay na itó ... confesor ng̃ nasirang may bahay na babae, ang lalong may gulang, may carapatán at may capangyarihan.... —¡Matandáng matanda'y hindî pa naman!—ng̃uni't cayo pô naman ang cura nitong bayan!—ang sagót na matabang ni Fr. Dámasong gayón ma'y hindî binibitiwan ang silla. —¡Sa pagca't ipinag-uutos pô ninyó'y acó'y sumusunod!—ang iniwacás ni Fr. Sibyla. —¡Aco'y hindî nag-uutos!—ang itinutol ng̃ franciscano—¡aco'y hindî nag-uutos! Umuupô na sana si Fr. Sibylang hindî pinápansin ang mg̃a pagtutol na iyón, ng̃ macasalubong ng̃ canyang mg̃a matá ang mg̃a matá ng̃ teniente. Ang lalong mataas na oficial sa Filipinas, ayon sa caisipán ng̃ mg̃a fraile, ay totoong malakí ang cababaan sa isáng uldog na tagapaglútò ng̃ pagcain. "Cedant arma togæ"[o 3], ani Cicerón sa Senado; "cedant arma cotae"[o 4] anang mg̃a fraile sa Filipinas. Datapuwa't mapitagan si Fr. Sibyla, caya't nagsalitâ: —Guinoong teniente, dito'y na sa mundo[o 5] po tayo at walâ sa sambahan; nararapat po sa inyo ang umupô rito. Datapuwa't ayon sa anyô ng̃ canyang pananalita'y sa canya rin nauucol ang upuang iyón, cahi't na sa mundo. Ang teniente, dahil yatà ng̃ siya'y howag magpacagambalà, ó ng̃ huwag siyang umupô sa guitnâ ng̃ dalawáng fraile, sa maiclíng pananalita'y sinabing áyaw siyang umupô roon. Alín man sa tatlóng iyo'y hindî nacaalaala sa may bahay. Nakita ni Ibarrang nanonood ng̃ boong galác at nacang̃itî sa mg̃a pagpapalamang̃ang iyón sa upuan ang may bahay. —¡Bakit pô, Don Santiago! ¿hindi pô bâ cayó makikisalo sa amin?—ani Ibarra. Ng̃uni't sa lahat ng̃ mg̃a upuan ay may mg̃a tao na. Hindî cumacain si Lúculo[o 6] sa bahay ni Lúculo. —¡Tumahimic pô cayó! howag cayóng tumindîg!—ani Capitang Tiago, casabay ng̃ pagdidíin sa balicat ni Ibarra. Cayâ pa namán gumágawâ ang pagdiriwáng na ito'y sa pagpapasalamat sa mahál na Vírgen sa inyóng pagdatíng. Nagpagawâ acó ng̃ "tinola" dahil sa inyó't marahil malaon ng̃ hindî ninyó nátiticiman. Dinalá sa mesa ang isáng umáasong malaking "fuente"[o 7]. Pagcatapos maibulóng ng̃ dominico ang "Benedícte"[o 8] na halos walâ sino mang natutong sumagot, nagpasimulâ ng̃ pamamahagui ng̃ laman ng̃ fuenteng iyon. Ng̃uni't ayawan cung sa isáng pagcalibáng ó iba cayáng bagay, tumamà cay párì Dámaso ang isáng pinggang sa guitnâ ng̃ maraming úpo at sabáw ay lumálang̃oy ang isáng hubád na líig at isáng matigás na pacpác ng̃ inahíng manóc, samantalang cumacain ang ibá ng̃ mg̃a hità at dibdíb, lalong lalò na si Ibarra, na nagcapalad mapatamà sa canyá ang mg̃a atáy, balonbalonan at ibá, pang masasaráp na lamáng loob ng̃ inahíng manóc. Nakita ng̃ franciscano ang lahát ng̃ itó, dinurog ang mg̃a úpo, humigop ng̃ cauntíng sabáw, pinatunóg ang cuchara sa paglalagáy at bigláng itinulac ang pingga't inilayô sa canyáng harapán. Nalílibang namáng totoo ang dominico sa pakikipagsalitàan sa binatang mapulá ang buhóc. —¿Gaano pong panahóng nápaalis cayó sa lupaíng ito?—ang tanóng ni Laruja cay Ibarra. —Pitóng taón halos. —!Aba! ¿cung gayó'y marahil, nalimutan na ninyó ang lupaíng ito? —Baligtád pô; bagá man ang kinaguisnan cong lupa'y tila mandin linilimot na acó, siyá'y laguì cong inaalaala. —¿Anó po ang íbig ninyóng sabihin?—ang tanóng ng̃ mapuláng buhóc. —Ibig cong sabíhing may isang taón na ng̃ayóng hindî aco tumátangap ng̃ ano mang balità tungcol sa bayang itó, hanggang sa ang nacacatulad co'y ang isang dî tagaritong hindî man lamang nalalaman cung cailan at cung paano ang pagcamatay ng̃ canyang ama. —¡Ah!—ang biglang sinabi, ng̃ teniente. —At ¿saan naroon pô cayo at hindî cayo tumelegrama?—ang tanong ni Doña Victorina.—Tumelegrama cami sa "Peñinsula"[o 9] ng̃ cami'y pacasal. —Guinoong babae; nitong huling dalawang tao'y doroon aco sa dacong ibabâ ng̃ Europa, sa Alemania at sacâ sa Colonia rusa. Minagaling ng̃ Doctor De Espadaña, na hanggá ng̃ayo'y hindî nang̃ang̃ahás magsalitâ, ang magsabi ng̃ cauntî: —Na ... na ... nakilala co sa España ang isang polacong tagá, Va ... Varsovia, na ang pang̃ala'y Stadtnitzki, cung hindî masamâ ang aking pagcatandâ; ¿hindî pô bâ ninyó siya nakikita?—ang tanong na totoong kimî at halos namumula sa cahihiyan. —Marahil pô—ang matamís na sagót ni Ibarra—ng̃uni't sa sandalîng itó'y hindî ko naaalaala siyá. —¡Aba, hindî siyá maaring ma ... mapagcamal-an sa iba!—ang idinugtóng ng̃ Doctor na lumacás ang loob.—Mapulá ang canyáng buhóc at totoong masamáng mang̃astílà. —Mabubuting mg̃a pagcacakilalanan; ng̃uni't doo'y sa casaliwàang palad ay hindî aco nagsasalitâ ng̃ isa man lamang wicang castílà, liban na lamang sa ilang mg̃a consulado. —At ¿paano ang inyóng guinágawang pamumuhay?—ang tanong ni Doña Victorinang nagtátaca. —Guinagamit co pô ang wícà ng̃ lupaíng aking pinaglálacbayán, guinoong babae. —¿Marunong po bâ naman cayo ng̃ inglés?—ang tanong ng̃ dominicong natira sa Hongkong at totoong marunong ng̃ "Pidggin-English"[o 10], iyang halo-halong masamáng pananalitâ ng̃ wicà ni Shakespeare[o 11] ng̃ anác ng̃ Imperio Celeste[o 12]. —Natira acóng isang taón sa Inglaterra, sa casamahán ng̃ mg̃a táong inglés lamang ang sinásalitâ. —At ¿alín ang lupaíng lalong naibigan pô ninyó sa Europa?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc. —Pagcatapos ng̃ España, na siyang pang̃alawá cong Báyan, alín man sa mg̃a lupaín ng̃ may calayâang Europa. —At cayó pong totoong maraming nalacbáy ... sabihin ninyó, ¿anó pô bâ ang lalong mahalagáng bagay na inyong nakita?—ang tanóng ni Laruja. Wari'y nag-isíp-ísíp si Ibarra. —Mahalagáng bagay, ¿sa anóng cauculán? —Sa halimbawà ... tungcól sa pamumuhay ng̃ mg̃a báyan ... sa búhay ng̃ pakikipanayám, ang lácad ng̃ pamamahalà ng̃ báyan, ang úcol sa religión, ang sa calahatán, ang catás, ang cabooan.... Malaong nagdidilidili si Ibarra. —Ang catotohanan, bágay na ipangguilalás sa mg̃a báyang iyan, cung ibubucod ang sariling pagmamalakí ng̃ bawa't isá sa canyáng nación.... Bago co paroonan ang isáng lupain, pinagsisicapan cong matalós ang canyáng historia, ang canyáng Exodo[o 13] cung mangyayaring masabi co itó, at pagcatapos ang nasusunduan co'y ang dapat mangyari: nakikita cong ang iguiniguinhawa ó ipinaghihirap ng̃ isáng baya'y nagmúmulâ sa canyáng mg̃a calayâan ó mg̃a cadilimán ng̃ isip, at yamang gayó'y nanggagaling sa mg̃a pagpapacahirap ng̃ mg̃a namamayan sa icágagalíng ng̃ calahatán, ó ang sa canilang mg̃a magugulang na pagca walang ibáng iniibig at pinagsusumakitan cung dî ang sariling caguinhawahan. —At ¿walâ ca na bagáng nakita cung dî iyán lámang?—ang itinanóng na nagtátawa ng̃ palibác ng̃ franciscano, na mulâ ng̃ pasimulàan ang paghapon ay hindî nagsásalita ng̃ anó man, marahil sa pagcá't siya'y nalilibang sa pagcain; hindî carapatdapat na iwaldás mo ang iyong cayamanan upang walâ cang maalaman cung dî ang bábahagyang bagay na iyán! ¡Sino mang musmós sa escuelaha'y nalalaman iyán! Nápating̃ín na lamang sa canyá si Ibarra't hindî maalaman cung anô ang sasabihin; ang mg̃a iba'y nang̃agtiting̃inan sa pagkatacá at nang̃ang̃anib na magcaroon ng̃ caguluhan.—Nagtátapos na ang paghapon, ang "cagalang̃án pô ninyo'y busóg na"—ang isásagot sana ng̃ binatà; ng̃uni't nagpiguil at ang sinabi na lamang ay ang sumúsunod: —Mg̃a guinoo; huwág cayóng magtátaca ng̃ pagsasalitang casambaháy sa akin ng̃ aming dating cura; ganyán ang pagpapalagáy niyá sa akin ng̃ acó'y musmós pa, sa pagcá't sa canyá'y para ring hindî nagdaraan ang mg̃a taón; datapowa't kinikilala cong utang na loob, sa pagcá't nagpapaalaala sa aking lubós niyóng mg̃a áraw na madalás pumaparoon sa aming báhay ang "canyáng cagalang̃án", at canyáng pinaúunlacan ang pakikisalo sa pagcain sa mesa ng̃ aking amá. Sinulyáp ng̃ dominico ang franciscano na nang̃ang̃atal. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra at nagtindíg: —Itulot ninyó sa aking acó'y umalís na, sa pagcá't palibhasa'y bago acóng datíng at dahil sa búcas din ay aco'y áalis, marami pang totoong gágawín acóng mg̃a bágay-bágay. Natapos na ang pinacamahalagá ng̃ paghapon, cauntî lamang cung aco'y uminóm ng̃ alac at bahagyâ na tumítikim acó ng̃ mg̃a licor. ¡Mg̃a guinoo, mátungcol nawâ ang lahát sa España at Filipinas! At ininóm ang isáng copitang alac na hanggáng sa sandalíng iyó'y hindî sinásalang. Tinularan siyá ng̃ Teniente, ng̃uni't hindî nagsasabi ng̃ anó man. —¡Howág pô cayóng umalís!—ang ibinulóng sa canyá, ni Capitang Tiago.—Dárating na si María Clara: sinundô siyá ni Isabel. Paririto ang sa báyang bágong cura, na santong tunay. —¡Paririto acó búcas bago acó umalís. Ng̃ayo'y may gágawin acóng mahalagáng pagdalaw. At yumao. Samantala'y nagluluwal ng̃ samâ ng̃ loob ang franciscano. —¿Nakita na ninyó?—ang sinasabi niyá sa binatang mapulá ang buhóc na ipinagcucucumpas ang cuchillo ng̃ himagas. ¡Iyá'y sa pagmamataas! ¡Hindî nilá maipagpaumanhíng silá'y mapagwicaan ng̃ cura! ¡Ang acalà nilá'y mg̃a taong may cahulugán na! ¡Iyán ang masamáng nacucuha ng̃ pagpapadalá sa Europa ng̃ mg̃a bátà! Dapat ipagbawal iyán ng̃ gobierno. —At ¿ang teniente?—ani Doña Victorinang nakikicampí sa franciscano—¡sa boong gabíng ito'y hindî inalís ang pagcucunót ng̃ pag-itan ng̃ canyáng mg̃a kilay; magalíng at tayo'y iniwan! ¡Matandâ na'y teniente pa hanggá ng̃ayón! Hindî malimutan ng̃ guinoong babae ang pagcacabangguít sa mg̃a culót ng̃ canyáng buhóc at ang pagcacayapac sa "encañonado" ng̃ canyáng mg̃a "enagua." Ng̃ gabíng yaó'y casama ng̃ mg̃a ibá't ibáng bagay na isinusulat ng̃ binatang mapulá ang buhóc sa canyáng librong "Estudios Coloniales," ang sumúsunod: "Cung anó't macahihilahil sa casayahan ng̃ isáng piguíng ang isáng liig at isáng pacpác sa pinggán ng̃ tinola." At casama ng̃ mg̃a iba't ibáng paunáwà ang mg̃a ganitó:—"Ang taong lalong waláng cabuluhán sa Filipinas sa isáng hapunan ó casayahan ay ang nagpapahapon ó nagpapafiesta: macapagpapasimulâ sa pagpapalayas sa may bahay at mananatili ang lahát sa boong capanatagán."—"Sa mg̃a calagayan ng̃ayón ng̃ mg̃a bagay bagay, halos ay isáng cagaling̃ang sa canilá'y gágawin ang huwág paalisín sa caniláng lupaín ang mg̃a filipino, at huwág man lamang turúan siláng bumasa".... |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Sa Hapunan
Baybayin
Talababaan
|
|