Noli Me Tangere/Kabanata 27
←Kabanata 26: Ang Bisperas ng Pista ←Paliwanag |
Kabanata 27: Sa Takipsilim Paliwanag |
Kabanata 28: Mga Liham→ Paliwanag→ |
Teksto
Sa Takipsilim |
Sa Pagtatakipsilim Gumawâ rin namán ng̃ malaking handâ sa báhay ni capitang Tiago. Nakikilala natin ang may báhay; ang canyáng hilig sa caparang̃alanan, at dápat na hiyaín ng̃ canyáng capalaluang pagca tagá Maynila, sa caríkitan ng̃ piguing, ang mg̃a tagalalawigan. May isá pang cadahilanang sa canya'y pumipilit na pagsicapan niyáng siya'y macapang̃ibabaw na lubos sa mg̃a ibá: casáma niyá ang canyáng anác na si María Clara at sacâ naroroon ang canyáng mamanugang̃in, caya't waláng pinag uusapan ang mg̃a tao cung dî siyá lámang. At siyá ng̃a namán: hinandugan ang canyáng mamanugang̃in ng̃ isá sa lálong mg̃a dalubasang pámahayagan sa Maynilà ng̃ isáng "artículo" (casulatan) sa canyáng únang mukhâ, na ang pamagát (ng̃ artículong iyón) ay "¡Siya'y inyong tularan!" pinuspos siya ng̃ mg̃a pang̃aral at inaalayan siyá ng̃ iláng mg̃a papuri. Tinawag siyáng "marilag na binata at mayamang mamumuhunan;" pagcatapos ng̃ dalawáng renglon ay sinabing siya'y "tang̃ing mapagcaawang-gawâ"; sa sumúsunod na párrafo'y ikinápit namán sa canyá ang saysay na: "alagad ni Minervang naparoon sa Ináng Bayan upang bumátì sa wagás na lúpà ng̃ mg̃a arte at mg̃a carunung̃an" at sa dácong ibabà pa'y "ang español filipino" at iba't ibá pa. Nag-aalab ang loob ni capitang Tiago sa magandang pakikipag-unahán sa gawáng magaling, at canyáng iniísip na bacá magalíng na canyáng pagcagugulan ang pagtatayô namán ng̃ isáng convento. Nang mg̃a nagdaáng áraw ay dumatíng sa báhay na tinatahanan ni María Clara at ni tía Isabel ang maraming caja ng̃ mg̃a cacánin at mg̃a inumíng gáling Europa, mg̃a salaming pagcálalaki, mg̃a cuadro at ang piano ng̃ dalaga. Dumatíng si capitang Tiago ng̃ áraw rin ng̃ vispera: paghalíc sa canyá ng̃ camáy ng̃ canyang anác na babae, hinandugán niyá itó ng̃ isáng magandang relicariong guintô na may mg̃a brillante at mg̃a esmeralda, na ang lamá'y isáng tatal ng̃ bangca ni San Pedro, sa dacong inup-án ng̃ ating Pang̃inoong Jesucristo ng̃ panahón ng̃ pang̃ing̃isda. Walâ ng̃ lalalò pa sa galing ng̃ pagkikita ng̃ bibiananin at ng̃ mamanugang̃in; cauculán ng̃ang silá'y mag-úsap ng̃ nauucol sa escuelahan. Ang ibig ni capitang Tiago'y tawaguing "Escuela ni San Francisco." —Maniwalà cayó sa ákin,—ang sabi ni capitang Basilio,—¡isáng magalíng na pintacasi si San Francisco! Wala cayong pakikinabang̃in cung tatawaguin ninyong "Escuela ng̃ Instrucciôn Primaria". ¿Sino pô si Instrucción Primaria? Dumating ang iláng mg̃a caibigang babáe ni María Clara at caniláng inanyayahan itong magpasial. —Ng̃uni't bumalic ca agád,—aní capitang Basilio sa canyáng anác na babáe na sa canyá'y humihing̃ing pahintulot;—nalalaman mo ng̃ sasalo sa átin sa paghápon si parì Dámasong bágong carárating. At canyáng lining̃on si Ibarrang nag-anyóng may iniísip, at idinugtóng: —Cayó po namán ay sumalo ng̃ paghápon sa amin; magiisa cayó sa inyóng báhay. —Malakíng totóo po ang áking pagca ibig, datapwa't dápat pong sumaaking bahay acó't bacá sacáling may dumating na mg̃a "visita,"—ang isinagót ng̃ binatang nagcacang-uútal, at iniiwasan ang títig ni María Clara. —Dalhín po ninyó rito ang inyóng mg̃a caibigan, ang itinútol ng̃ boóng capanatagán ni capitang Tiago;—May sagánang pagcain sa áking bahay.... Bucód sa roó'y ibig cong cayó at si párì Dámaso'y magcáwatasan.... —¡Magcacaroon na pô ng̃ panahón sa bágay na iyán!—ang isinagót ni Ibarrang ng̃uming̃iti ng̃ sapilitang pagng̃itî, at humandáng samáhan ang mg̃a dalaga. Nanaog silá sa hagdanan. Nangguiguitnâ si María Clara cay Victoria at cay Iday, sumusunod sa licuran si tía Isabel. Nagwawahi ang tao sa udyóc ng̃ paggálang, at ng̃ sila'y mabigyáng daan. Puspós ng̃ catacatacang cagandahan si María Clara: napáwi ang canyáng pamumutlâ, at cung nananatiling tila may iniísip ang canyáng mg̃a mata, ang canyáng bibig namán ay warì'y waláng ibang nakikilala cung hindî ang ng̃itî. Tagláy iyáng cagandahan ng̃ loob ng̃ isáng lumiligayang dalaga, siya'y bumabatì sa canyáng mg̃a dating cakilala mulâ pasa camusmusan, at ng̃ayo'y nagsisipangguilalás sa canyáng mapálad na cabatâan. Sa cúlang pang labíng limáng áraw ay nanag-úlì sa canyá yaóng lubós na pagpapalagay ng̃ loob, yaóng catabiláng musmos na tila mandin nagulayláy sa guitnâ ng̃ makikipot na tahanang nalilibot ng̃ pader sa beaterio; masasabing kinikilala ng̃ paroparó ang lahat ng̃ mg̃a bulaclac pagcaalís niya sa canyáng bahay-uod; nagcasiya sa canyá ang lumipád na sumandali at magpainit sa mg̃a doradong sínag ng̃ áraw upang mawalâ ang catigasan ng̃ mg̃a casucasuan ng̃ bágong nagcacapacpác. Cumikisláp ang bágong búhay sa boong cataohan ng̃ dalaga: pawang magaling at maganda ang canyang ting̃in sa lahát; isinasaysay ang canyáng pagsintá sa pamamag-itan niyang calugodlugód na asal ng̃ isáng virgeng palibhasa'y waláng namamasdán cung dî mg̃a budhîng dalísay, hindî nakikilala cung anó ang dáhil ng̃ mg̃a paghihiyahiyâan. Gayón man, pagca siya'y inaalayan ng̃ masasayáng mg̃a aglahi'y tinatácpan niya ang canyáng mukhâ ng̃ abanico; datapuwa't pagca nagcacagayó'y ng̃uming̃itî ang canyáng mg̃a matá at lumalaganap sa canyáng boong cataohan ang bahagyang kilabot. Pinasimulaang lagyán ng̃ mg̃a ílaw ang mg̃a pang̃ulong báhay, at sa mg̃a daang pinagdaraanan ng̃ mg̃a música ay sinisìndihan ang mg̃a ílaw ng̃ mg̃a arañang cawayan at cahoy na inihuwad sa mg̃a araña ng̃ simbahan. Natatanaw buhat sa daan, sa mg̃a bintanang bucás, ang hindî naglilicat na pagpaparoo't parito ng̃ mg̃a tao sa mg̃a bahay, sa guitnâ ng̃ caliwanagan ng̃ mg̃a ílaw at halimuyac ng̃ mg̃a bulaclac, sa caayaayang tínig ng̃ piano, arpa ú orquesta. Nang̃aglalacaran sa mg̃a daan ang mg̃a insíc, mg̃a castila, mg̃a filipinong may suot europeo ó suot tagalog. Nang̃agcacahalòhalò sa paglacad, na nang̃agcacasicuhan at nang̃agtutulacán ang mg̃a alilang lalaking may dalang carne ó mg̃a inahíng manóc, mg̃a estudianteng nacaputî ang pananamit, mg̃a lalaki't mg̃a babae, na nang̃agsisipang̃anib na sila'y matahac ng̃ mg̃a coche at mg̃a calesa, na cahit sumisigaw ng̃ "tabì" ang mg̃a cochero'y nahihirapan din silang macapaghawì ng̃ daan. Bumati sa ating mg̃a cakilala, ng̃ na sa tapát silá ng̃ báhay ni capitang Basilio, ang iláng mg̃a kinabataan, at inaayayahang pumanhic muna sa báhay. Ang masayáng voces ni Sinang, na tumatacbóng papanaog sa hagdanan, ang siyáng nagbigay wacás sa mg̃a pagdadahilan upang huwag pumanhic. —Pumanhíc muna cayóng sandalî upang aco'y macasama sa inyó,—ang sinasabi niya. Nababagot acó sa pakikipanayam sa gayóng caraming hindî co mg̃a cakilalang walang pinag-uusapan cung di mg̃a sasabung̃in at mg̃a baraja. Nang̃agsipanhic silá. Punongpuno ang salas ng̃ mg̃a tao. Nang̃agpauna ang ilán upang bumati cay Ibarra, na kilala, ang pang̃alan ng̃ lahat; canilang pinagmamasdan ng̃ boong pagcahang̃a ang cagandahan ni María Clara, at nang̃agbubulungbulung̃an ang ilang mg̃a matatandang babae, samantalang ng̃umang̃ang̃à: ¡mukhang vírgen!" Napilitan silá roong uminóm ng̃ chocolate. Naguing matalic na caibigan at taga pagsanggalang ni Ibarra si capitang Basilio, mula ng̃ araw na sila'y maglibang sa caparang̃an. Naalaman niya, sa pamamag-itan ng̃ telegramang inihandóg sa canyang anac na babaeng si Sinang, na natatalos ni Ibarra ang canyang pananalo sa usapin, ayon sa hatol ng̃ hucom, at dahil dito'y sa pagca't aayaw siyang pagahis sa cagandahan ng̃ loob, canyang ipinakiusap na pawalang cabuluhan ang pinagcayarian ng̃ sila'y maglarò ng̃ ajedrez. Datapwa't sa pagca't aayaw pumayag si Ibarra sa gayóng bagay, ipinakiusap naman ni capitang Basiliong ang salaping dapat na ibayad sa mg̃a costas ay gamitin sa pagbabayad ng̃ isang maestro sa gagawing escuela ng̃ bayan. Dahil sa gayóng nangyayari, guinagamit ni capitang Basilio ang canyang mainam na mg̃a pananalita, at ng̃ huwag ng̃ ipagpatuloy ng̃ ibang mg̃a causapin ang canilang mg̃a cacaibang adhica, at sa canila'y sinasabi: —¡Maniwala cayó sa akin: sa mg̃a usapín ang nananalo'y siyang nahuhubdan! Datapwa't wala siyang mapahinuhod na sino man, baga man canyang sinasambit ang mg̃a romano. Ng̃ macatapos ng̃ macainom ng̃ chocolate, napilitan ang ating mg̃a cabataang pakingan ang pianong tinutugtog ng̃ organista ng̃ bayan. Pagca siya'y pinakikinggan co sa Simbahan ani Sinang, nacacaibig acong magsayaw; ng̃ayong piano ang canyang tinutugtóg ang naiisipan co nama'y magdasal. Dahil dito'y sasama acó sa inyó. —¿Ibig pô ba nínyóng pumarito sa amin ng̃ayóng gabí?—ang inianás ni capitang Basilio sa taing̃a ni Ibarra ng̃ itó'y magpaalam na—maglalagáy si parì Dámaso ng̃ isáng maliit na bang̃câ. Ng̃umitî si Ibarra at sumagót ng̃ isáng tang̃ô ng̃ úlo, na mangyayaring ang maguing cahuluga'y pagsang-ayon, at mangyayari namang hindî pagsang-ayon. —Sino ba iyan?—ang tanóng ni María Clara cay Victoria, na itinurò sa isáng mabilís na sulyáp ang isáng binatang sa canilá'y sumusunod. —Iyan ... iya'y isáng pinsan co,—ang isinagót na halos nagugulumihanan. —¿At ang isá? Iya'y hindî co pinsan.—ang dalidaling isinagót ni Sinang;—iyá'y isáng anác ng̃ aking tía. Nagdaan silá sa harapán ng̃ conventong tahanan ng̃ cura, na ang catotohanan ay hindî sahól sa mg̃a ibáng lugar sa casayahan. Hindî napiguilan ni Sinang ang isáng sigaw ng̃ pangguiguilalás ng̃ canyáng makitang may mg̃a ílaw ang mg̃a lámpara, mg̃a lámparang ang mg̃a anyó'y sa caunaunahan pa, na hindî pinababayaan cailan man ni párì Salving siyang pag-ilawan at ng̃ huwag magcagugol sa petróleo. May nang̃ariring na mg̃a sigawan at malalacás na halakhacan, napapanood na ang mg̃a fraile'y lumalacad ng̃ mahinà, at iguinagalaw ang úlo ng̃ ayon sa compás, at malakíng tabaco ang napapamuti sa mg̃a lábì. Pinagsisicapan ng̃ hindî páring sa canila'y nakikipanayam, na caniláng gagarin ang lahát ng̃ guinágawà ng̃ mg̃a mababait na fraile. Ayon sa mg̃a damit europeong caniláng casuutan, marahil sila'y mg̃a cawanì (empleado) ng̃ gobierno ó mg̃a punong lalawigan. Natanawan ni María Clara ang mabilog na pang̃ang̃atawán ni parì Dámaso sa tabí ng̃ makisig na tindíg ni parì Sibyla. Hindî cumikilos sa canyáng kinalalagyán ang matalinghaga at mapanglawing si parì Salví. —¡Nalulungcot!—ang ipinahiwatig ni Sinang;—canyáng pinag-iisip-isip ang canyáng magugugol sa gayóng caraming mg̃a panauhín. Ng̃uni't makikita rin ninyóng hindî siyá ang magbabayad cung hindî ang mg̃a sacristán. Sa tuwituwi na'y cumacain ang canyáng mg̃a panauhin sa ibáng lugar. —¡Sinang!—ang ipinagwicâ sa canyá ni Victoria. —Totoóng aco'y galít sa canyá mulâ ng̃ iwasac ang "Rueda de la Fortuna," hindî na acó mang̃ung̃umpisal sa canyá. Natang̃î sa lahát ng̃ mg̃a bahay ang isáng waláng cailaw-ilaw, at hindî man lamang bucás ang mg̃a bintana; ang bahay na iyón ang sa alférez. Nagtacá sa bágay na itó si María Clara. —¡Ang asuang! ¡ang Musa ng̃ Guardia Civil, ang wicà ng̃à ng̃ matandáng lalaki!—ang bigláng sinabi ng̃ catacot tacot na si Sinang.—¿Anó ang ipakikialam niyá sa ating mg̃a catuwaan? ¡Marahil ay nagng̃ang̃alit! Pabayaan mong dumating ang cólera at makikita mong siya'y mag-aanyaya. —Cailán ma'y kinasusutan co siyá, at lalonglalo na ng̃ guluhin ang ating pagcacatuwa sa pamamag-itan ng̃ canyáng mg̃a guardía civil. Cung Arzobispo lamang aco'y ipacacasal co ang babaeng iyán cay parì Salvi.... ¡makikita mo cung anó ang caniláng maguiguing mg̃a anác! Sucat bang ipahuli ang caawaawang piloto, na sumugbá sa tubig macapagbigay loob lamang.... Hindî niyá natapos ang sinasabi; sa suloc ng̃ plaza na pinagcacantahan ng̃ isáng bulág na lalakî, na isáng guitarra ang catono, ng̃ casaysayang ucol sa mg̃a isdà, may isáng hindî caraniwang napapanood. Yayó'y isáng lalaking ang nacapatong sa úlo'y isáng malapad na salacót na dáhon ng̃ bulí, at dukhang totoo ang pananamít. Ang suut niya'y isáng gulagulanit na levita at salawal na maluang, na cawang̃is ng̃ salawal ng̃ mg̃a insic, na punít sa ibá't ibáng lugar. Carukharukhaang mg̃a panyapác ang nacasuut sa canyáng mg̃a paa. Sumasadilím ang canyáng mukhâ dahil sa canyáng salacót; ng̃uni't manacanacang nagmumulâ sa cadilimáng iyón ang dalawang kisláp, na pagdaca'y napapawi. Siya'y matangcád, at napagkikikilalang siya'y bátà pa, dahil sa canyáng mg̃a galáw. Inilalagáy sa lúpà ang ísang baculan, at pagcatapos ay lumalayo't nagsasalitâ ng̃ mg̃a cacaibang tínig na hindì mawatasan; nananatiling nacatindíg, lubós ang pagcalayô sa mg̃a ibá, na anaki'y siya at ang caramihang tao'y talagáng nang̃agpapang̃ilagan ang isá't isá. Pagcacagayo'y nang̃agsisilapit ang iláng mg̃a babae sa canyáng baculan at inilalagáy doon ang mg̃a bung̃ang cáhoy, isdâ, bigás at ibá pa. Pagcâ walâ ng̃ lumalapit na sino man, nang̃agsisilabás sa mg̃a cadilimang iyón ang ibáng mg̃a tínig na lalong malulungccót, ng̃uni't hindî na totoong nacalulunos, napasasalamat marahil; dinarampot ang canyang baculan at sacâ lumalayô upang ulitin ang gayón ding gawâ sa ibáng lugar naman. Nagunitâ ni María Clara sa gayóng nakita ang isáng sacunâ, at pinagsumakitang itanóng cung anó anó nangyayari sa cacaibáng táong iyón. —Iyan ang sanlázarohin,—ang isinagót ni Iday.—May apat na taón na ng̃ayóng kinapitan siyá ng̃ sakit na iyan: ang wicà ng̃ ibá'y dahil sa pag-aalagà, sa canyáng iná, at anáng ibá namá'y dahil sa pagcapiit niya sa malamíg na bilangguan. Siya'y doon tumatahan sa cabukiran, sa malapit na sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc; hindî siya nakikipag-abot-usap canino man, nang̃agsisilayóng lahát sa canyá sa tacot na bacá mahawahan. ¡Cung makita mo sana ang canyang dampâ! Iyón ang dampâ ni Guiríng-guiríng: ang hang̃in, ang ulán at ang araw ay pawang pumapasoc at lumalabas na catulad ng̃ carayom sa damít. Ipinagbawal sa canyáng humipò ng̃ anó mang bagay na pag-aari ng̃ sino mang tao. Nahulog isáng áraw sa sang̃há ang isáng batà; hindî naman malalim ang sang̃há, datapuwa't nagcátaong siya'y dumaraan doon, ang guinawâ niya'y tinulung̃an niya ang batà sa pag-ahon doon. Napagtantô ng̃ amá ng̃ batà ang nangyaring iyón, pagsacdal sa gobernadorcillo, at ipinapalò siya nito ng̃ anim sa guitnà ng̃ daan at sacâ ipinasunog pagcatapos ang yantóc. ¡Cakilakilabot iyón! Tumatacbó sa pagtacas ang sanlazarohin, hinahabol siya ng̃ tagapalo at sinisigawan siya ng̃ gobernadorcillo: "¡Mag-aral ca! mabuti pang malunod na ng̃a ang isang tao, huwag lamang magcasakit na gaya ng̃ sakit mo." —¡Tunay ng̃â!—ang ibinulóng ni María Clara. At hindî nalalaman ang canyang guinagawa'y dalidaling lumapit sa baculan ng̃ cúlang palad, at inilagay roon ang relicario na bago pa lamang cahahandóg sa canya ng̃ canyang ama. —¿Anó ang guinawâ mo?—ang sa canyá'y itinanóng ng̃ canyáng mg̃a caibigang babae. —¡Walâ acóng ibang sucat máibigay!—ang isinagót, at canyáng inilihim sa pamamag-itan ng̃ isáng tawa ang luhà ng̃ canyáng mg̃a matá. —¿At anó ang canyáng gágawin sa iyong relicario?—ang sa canyá'y sinabi ni Victoria.—Binigyán siyá isáng araw ng̃ salapî. Ng̃uni't ang guinawâ ng̃ sanlazarohin ay inilayô sa canyá ang salapíng iyón sa pamamag-itan ng̃ isáng patpat: ¿anó ang gágawin niyá sa salapî sa gayóng walâ sino mang tumangáp ng̃ anó mang bágay na gáling sa canyá? ¡Cung macacain sana ang relicario! Tiningnán ni María Clara ng̃ boong pananaghilì ang mg̃a babaeng nagbibilí ng̃ mg̃a cacanín, at ikinibít ang mg̃a balicat. Ng̃uni't lumápit ang sanlazarohín sa baculan, kinuha ang hiyás na cumináng sa canyáng mg̃a camáy, lumuhód, hinagcán ang hiyás na iyón, at saca nagpugay at bago isinubsób ang canyáng noó sa alabóc ng̃ bacás ng̃ dalaga. Ikinublí ni María Clara ang canyáng mukhâ sa canyáng abanico at dinalá ang panyô sa canyáng mg̃a matá. Samantala'y lamapit ang isáng babae sa culang palad na anaki'y nagdárasal. Lugáy at gusamót ang canyáng mahabang buhóc, at sa liwanag ng̃ ilaw ng̃ mg̃a faról ay napanood ang payát at namumutlâ ng̃ mainam na pagmumukhâ ng̃ ul-ol na si Sisa. Ng̃ maramdaman ng̃ sanlazarohin ang paghipò sa canyá, nagpacasigawsigaw, at tumindíg sa isáng lucsó. Ng̃uni't humawac sa canyáng bísig ang ul-ol na babae, sa guitnâ ng̃ malakíng pang̃ing̃ilábot ng̃ tao, at itó ang canyáng sinabi: —¡Magdasál tayo! ¡magdasál tayo! ¡Ng̃ayón ang caarawan ng̃ mg̃a patáy! Ang mg̃a ilaw na iyá'y siyáng mg̃a búhay ng̃ mg̃a tao; ¡ipagdasál natin ang aking mg̃a anác na lalaki! —¡Ilayô ninyó ang babaeng iyán, papaglayuin ninyó silá! sa pagca't mahahawa ang ul-ol na babae!—ang sigawan ng̃ caramihang tao, datapwa't waláng mang̃ahás na lumapit sino man. —¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón sa campanario? ¡Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Basiliong nananaog sa pamamag-itan ng̃ isáng lúbid! ¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón na convento? Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Crispín, ng̃uni't hindî co silá paroroonan sa pagca't may sakit ang cura at siya'y maraming mg̃a onza, at ang mg̃a onza'y nang̃awawalâ. ¡Magdasal tayo at ating ipatungcol sa caluluwá ng̃ cura! Dinadalhán co siyá ng̃ amargoso at zazalidas; punongpunô ang aking halamanan ng̃ mg̃a bulaclac at dating may dalawa acong anác na lalaki. ¡Dati acóng may halamanan, nag-aalagà aco mg̃a bulaclac at dating may dalawá acóng anác na lalaki! At binitawan ang sanlazarohin at lumayóng cumacantá: —¡Dáting may halamanan aco't mg̃a bulaclác, aco'y dating may mg̃a anác na lalaki, halamanan at mg̃a bulaclác! —¿Anó na ba ang nagawâ mong magaling sa cahabághabág na babaeng iyán?—ang tanóng ni María Clara cay Ibarra. —¡Walâ pa! siya'y nawala ng̃ mg̃a araw na itó sa bayan at hindi nangyaring siya'y masumpung̃an!—ang isinagót ng̃ binatang nagdadaláng cahihiyan—Bucod sa roo'y totoong marami ang aking guinawâ, ng̃uni't huwág ca sanang mahapis; ipinang̃acò sa akin ng̃ curang tutulung̃an niyá acó, tulóy ipinagtagubilin niyá sa akin ang malaking pag-iing̃at at paglilihim sa pagca't tila mandin isang cagagawán ng̃ guardia civil ¡Totoong ipinagmamalasakit ng̃ cura ang babaeng iyán! —¿Hindî ba sinasabi ng̃ alférez na canyáng ipahahanap ang mg̃a bátà? —¡Oo, ng̃uni't ng̃ sabihin iyo'y may caunting....calang̃uhan siyá! Casasabi pa ng̃ gayóng bágay ng̃ caniláng makitang hindî inihahatíd cung di kinacaladcad ang ul-ol na babae ng̃ isáng soldado: aayaw sumama si Sisa. —¿Bákit ba ninyó hinuli ang babaeng iyán? ¿Anó ang canyáng guinawá? ang tanong ni Ibarra. —¿Cung bákit? ¿Hindî ba ninyô nakita cung paano ang guinágawâ niyáng pag-iing̃ay?—ang sagót ng̃ tagapag-ing̃at ng̃ catahimican ng̃ bayan. Dalidaling kinuha ng̃ sanlazarohin ang canyáng baculan at lumayô. Minagalíng ni María Clarang umuwî na, sa pagca't lumipas sa canyá ang tuwá at casayahan. —¿Mayroon din palang mg̃a taong hindî lumiligaya! ang canyáng ibinulóng. Pagdatíng niyá sa pintuan ng̃ canyáng bahay, canyáng naramdamang naragdagan ang canyáng capanglawan, ng̃ canyáng mahiwatigang aayaw pumanhíc at nagpapaalam ang nang̃ing̃ibig sa canyá. —¡Kinacailang̃an!—ang sabi ng̃ binatà. Pumanhíc sa hagdanan si María Clarang ang sumasaisip ay totoong nacayayamot ang mg̃a araw ng̃ fiesta, pagcá dumarating ang mg̃a panauhing tagaibang bayan. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Sa Pagtatakipsilim
- Pagtatakipsilim