Noli Me Tangere/Kabanata 05 : Pangarap sa Gabing Madilim

Mula sa Wikibooks
Jump to navigation Jump to search
Kabanata 4: Erehe at Pilibustero
Paliwanag
Kabanata 5: Pangarap sa Gabing Madilim
(Paliwanag)

Kabanata 6: Si Kapitan Tiyago
Paliwanag

Teksto[baguhin]

Pumasok si Crisostomo Ibarra sa silid na nakaharap sa ilog. Naupo sa silya at tumitig sa bukas na bintana.

Maliwanag ang ilaw sa bahay sa ibayo ng ilog at naririnig niya ang masasayang tugtugin ng gitara. Kung hindi lamang gulo ang kanyang isip, marahil ay nakuha na niya ang largabista[talasalitaan 1] at natuksong sipatin ang magagandang tanawin sa kabilang ibayo. Matatanaw niya ang isang marilag na babae, na ang magandang hubog ng katawan ay nabibihisan ng katutubong damit. Nasa gitna ng nakapaligid na Intsik, Kastila, Pilipino, mga opisyal at pari, matatandang babae, at kababatang lalaki. Lahat sila ay nag-aagawang makabati at pumuri sa dalaga. Sa tabi ng dalaga ay makikita niya si Padre Damaso na nakangiti ngayon Kausap ng babae. si Padre Sibyla at inaayos naman ni Donya Victorina ang palamuting perlas at brilyante sa buhok ng dalaga. Maputi siya. May mga matang kapag itinititig ay may kislap ng kawalang-malay. May mga ngiting humahamak sa mga rosas at mga ngiping simputi ng garing. Sa kanyang maputi at wari'y nililok na leeg ay nakapahiyas ang brilyanteng kuwintas na nasisinag sa nakabalabal na jusi na yari sa himaymay ng pinya. Isang lalaki lamang ang tila hindi niya maakit. Isang Pransiskanong payat at putlain. Malayo ngunit nakatingin sa dalaga. Hindi yaon kumikilos at parang hindi humihinga.

Ngunit hindi nakikita ni Ibarra ang lahat nang ito. Iba ang nasa isip niya. Parisukat na pader na kumukulong sa makipot na silid. Sa gawing itaas ng pader ay may munting bintanang rehas. Sa lapag ay may nakalatag na maruming banig na kinahihigan ng isang matandang naghihingalo. Paminsan-minsan ay dumarating at binibigkas ang isang pangalan. Nag iisa ang matandang iyon. Mula sa labas ng pader ay maririnig ang kalansing ng kadena at panaghoy. Samantalang sa malayo ay ibang tanawin ang makikita. Kasayahan. Isang batang lalaki ang humahalakhak, sumisigaw, nagdidilig ng alak sa mga bulaklak sa saliw ng tawanan at palakpakan ng mga lasing nang kasamahan. Nasisinag niya sa matandang lalaki ang kanyang ama. Nakita niya ang sarili sa batang lalaki. Pangalan niya ang binibigkas sa panaghoy[talasalitaan 2] ng matandang lalaki.

Buod[baguhin]

Matapos ang kanilang pag-uusap ni Tenyente Guevarra ay wala sa sariling tumungo si Crisostomo Ibarra sa Hotel Lala. Dito ay patuloy na naglaro sa kanyang isipan ang malupit at malungkot na kapalarang sinapit ng kanyang ama na naging dahilan upang hindi niya mapansin ang magandang tanawing makikita sa kabilang ibayo ng ilog.

Talasalitaan[baguhin]

  1. largabista - teleskopyo na binubuo ng dalawang magkatabing lentang itinatapat sa mata upang makita ang anumang nasa malayo
  2. panaghoy - pag-iyak; paghihinagpis