Noli Me Tangere/Kabanata 04 : Erehe at Pilibustero

Mula sa Wikibooks
Jump to navigation Jump to search
Kabanata 3: Ang Hapunan
Paliwanag
Kabanata 4: Erehe at Pilibustero
(Paliwanag)

Kabanata 5: Pangarap sa Gabing Madilim
Paliwanag

Teksto[baguhin]

Hindi makapagpanya si Ibarra kung saan siya pupunta. Bahagyang napawi ng malamig na dampi ng panggabing-hangin ang pangungunot ng kanyang noo.

Matuling nagdaraan ang magagandang sasakyan samantalang mabagal ang takbo ng mga paupahang kalesa. Maraming naglalakad na mamamayan buhat sa iba't ibang bansa Marahan ang mga hakbang ni Ibarra na para bang naglilibang lamang. Nagtungo siya sa gawing liwasan ng Binondo. Pinaglipat-lipat ang tingin sa iba't ibang dako na para bang may hinahanap. Yaon din ang mga dating daan at mga bahay na may pintang puti at bughaw ... mga puting pader. Naroroon pa rin ang dating kampanaryo na may lumang orasan. Marumi pa rin at may tabing na rehas na bakal ang mga tindahan ng Intsik. Isa sa mga bakal na iyon ang binaluktot niya isang gabi upang parisan ang gawain ng mga batang walang pinag-aralan sa Maynila. Naroroon pa rin ang baluktot na bakal.

"Mabagal na pagsulong ito!" bulong niya at saka nagtuloy sa daang Sacristia.

Tulad ng dati, ang magsosorbetes ay sumisigaw ng "Sorbetes!" at mga huwepe o sulong yari sa sasa ang siya pa ring tumatanglaw sa mga tindahan ng Intsik at mga tindera ng pagkain at prutas.

"Kataka-taka!" naibulong niya. "Ito rin ang dating Intsik may pitong taon na ang nakalilipas. At ang matandang babaeng ito ay siya pa rin! Parang pangarap lamang ang gabing ito sa loob ng pitong taong itinigil ko sa Europa! Diyos ko! Hindi pa rin nanayos ang batong ito mula nang umalis ako." Tanggal pa rin sa dating kinalalagyan ang bato sa bangketa sa kanto ng San Jacinto at Sacristia.

Samantalang pinagmamasdan niya ang kababalaghang ito ng katatagan sa kaayusan ng lungsod—a Pilipinas na lupaing walang katatagan—ay naramdaman niyang may kamay na pumatong sa kanyang balikat. Lumingonsiya at nakita ang nakangiting matandang tenyente. Wala sa mukha ng militar ang anyong mabangis[talasalitaan 1] o pangungunot ng kilay.

"Mag-iingat kayo, binata! Maging aral sana sa inyo ang sinapit[talasalitaan 2] ng inyong ama!" payo nito.

"Ipagpatawad ninyo, palagay ko'y labis na napamahal sa inyo ang aking ama. Masasabi ba ninyo kung ano ang kanyang sinapit" tanong ni Ibarra sa militar.

"A,hindi pa ba ninyo alam?" nagtataka ring tanong nito.

"Nagtanong na po ako kay Don Santiago, ngunit nangakong bukas pa niya sasabihin. Nalalaman po ba ninyo?"

"Opo. Namatay siya sa bilangguan ... at alam ito ng lahat!"

Napaurong ang binata at tinitigan ang tenyente.

"Sa bilangguan? Sino ang namatay sa bilangguan?"

*Ang inyong ama!" sagot ng militar "Ang aking ama? Sa bilangguan? Nabilanggo? Totoo ba ang sinabi ninyo? Kilala ba ninyo ang aking ama? Alam ninyo?" sunod-sunod na tanong ng binata sabay sunggab[talasalitaan 3] sa militar.

"Palagay ko'y hindi ako nagkakamali. Siya'y si Don Rafael Ibarra."

Siya nga po,si Don Rafael Ibarra," mahinang ulit ng binata.

"Ngunit akala ko'y alam na ninyo!" pabulong na wika ng militar na biglang nakadama ng awa dahil sa napansing paghihinagpis[talasalitaan 4] ni Ibarra. "Akala ko'y ... kayo'y ... ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, Dito po ay hindi maaaring maging marangal[talasalitaan 5] nang hindi nabibilanggo!"

Matagal bago nakatugon[talasalitaan 6] si Ibarra. "Naniniwala akong hindi ninyo ako binibiro," mahina niyang wika. "Maaari po bang sabihin ninyo sa akin kung bakit siya nabilanggo?"

"Nagtataka ako kung bakit hindi ninyo nabalitaan ang nangyari sa inyong pamilya," anang matanda.

"Sa huling sulat nila sa akin, may isang taon na ngayon, sinabi nilang huwag akong mabahala[talasalitaan 7] kahit hindi sila nakasusulat sapagkat abala sila. Ipagpatuloy ko raw ang pag-aaral. Binendisyunan pa nila ako."

"Samakatwid ay huling sulat na nila iyon. Mag-iisang taon na namin siyang inilibing sa inyong bayan."

"Bakit po nabilanggo ang aking ama?"

"Napakarangal ang dahilan. Mabuti pang sumama kayo sa akin. Pupunta ako sa kuwartel at ikukuwento ko sa inyo sa daan."

Sabay silang lumakad at pagkaraan ng ilang sandali ay nagsimula nang magkuwento ang matanda.

"Ang inyong ama ay siyang pinakamayaman sa lalawigan. Mahal siya at iginagalang ng marami ngunit mayroon ding naiinggit at galit sa kanya. Hindi tama ang inaasal naming mga Kastila sa Pilipinas. Nasabi ko ito hindi para tukuyin lamang ang isa sa inyong mga ninuno, kundi gayundin ang mga kaaway ng inyong ama. Ang pagbabago-bago, kawalang-moral at disiplina ng matataas na opisyal, pagtangkilikan, kalapitan sa Espanya, at kamurahan ng pasahe patungong Pilipinas ang ugat ng lahat. Nagpupunta rito ang mga taong isinusuka na sa Espanya. Kahit mabuti ang Kastilang magtungo rito ay sumasama na rin kalaunan[talasalitaan 8]. At dahil nga rito kaya nagkaroon ng maraming kaaway na Kastila ang inyong ama. Isa na sa kanila ang kura"

Tumigil muna sa pagkukuwento ang tenyente. "Ilang buwan nakaraang umalis kayo ng Pilipinas ay nagsimula ang saman ng loob ng inyong ama at ni Padre Damaso," patuloy ng tenyente. "Hindi ko alam ang tunay na dahilan, ngunit si Don Rafael ay pinaratangan[talasalitaan 9] ng di pangungumpisal ni Padre Damaso. Alam naman ninyong dati na siyang hindi nangungumpisal pero magkaibigan pa rin silang matalik. Napakarangal ni Don Rafael kaya mas banal pa siya kaysa maraming nagpapakumpisal at nangungumpisal.

"Hanggang sa pulpito ay inaatake ni Padre Damaso ang inyong ama. Himalang hindi niya tuwirang binabanggit ang pangalan. Naisip ko tuloy na hindi magtatagal at hahantong[talasalitaan 10] ito sa masama."

Muling tumigil ang matanda.

"Noon naman ay may isang Kastilang natiwalag[talasalitaan 11] bilang artilyero[talasalitaan 12] ng hukbo dahil sa masamang asal at kamangmangan. Kailangan niyang kumita, ngunit dahil sa makasisira sa karangalan ng mga Kastila kung bibigyan siya ng mabibigat na trabaho kaya't ginawa siyang kolektor ng buwis sa mga sasakyan. Hindi siya nakapag-aral minsan man na nahalata naman agad ng mga Pilipino. Para sa mga Pilipino, hindi karaniwan na ang isang Kastila ay hindi marunong bumasa at sumulat. Kaya't nilibak nila ang pobreng[talasalitaan 13] hangal na nilulunok na lamang ang kahihiyan habang naniningil ng buwis. Alam niyang siya ang pinatutungkulan ng masasakit na birong iyon na lalo lamang nagpalala[talasalitaan 14] sa kanyang masamang ugali. Baligtad kung iabot sa kanya ang papeles; kunwari naman ay bahasahin niya at saka pipirmahan nang parang kinalkal[talasalitaan 15] ng manok. Nagbabayad nga ng buwis ang mga tao, pero nasisiyahan naman sa panlilibak[talasalitaan 16]. Nilulunok ng artilyero ang kanyang dangal habang patuloy sa pangongolekta ng buwis. Nasa ganitong takbo ang kanyang utak nang minsang magkapalitan sila ng masasakit na salita ng inyong ama.

Isang araw, habang binibiling-biling niya ang papeles sa isang tindahan ay may lumapit na batang lalaking nagtawa nang malakas at itinuro ang artilyero sa mga kalaro. Narinig niya ang tawanan kaya nagpalinga-linga. Napansin niya ang pagpipigil sa pagtawa ng mga tao sa paligid. Sumiklab ang galit ng artilyero kaya't hinabol niya ang mga bata. Nagtakbuhan ang mga nanunukso na malakas na isinisigaw ang ba-be-bi-bo-bu. Galit ang lalaki. Nang hindi niya abutan ang mga bata ay pinukol[talasalitaan 17] niya ng baston ang mga iyon. Tinamaan sa ulo ang isang batang lalaki at nawalan ng malay. Mabilis itong nilapitan ng kolektor at tinadyakan. Wala isa man sa mga naroroon ang nagtangkang[talasalitaan 18] umawat.

Nagkataon naman noon na nagdaraan ang inyong ama. Sinugod niya at hinawakan sa kamay ang Kastila. Nagtangkang lumaban ang kolektor ngunit higit na malakas ang inyong ama. Itinulak niya ang Kastila. Sabi ng ilan ay sinuntok niya ito. Sabi naman ng iba ay itinulak lamang. Nawalan ng panimbang ang kolektor at nabuwal[talasalitaan 19]. Tumama ang ulo sa bato. Nilapitan ni Don Rafael ang bata. Binulat at dinala sa tribunal. Nagsuka ng dugo ang kolektor. Hindi na natauhan at makaraan ang ilang minuto ay namatay. Hinuli ng pulisya ang inyong ama at ikinulong.

Noon nagsilantad[talasalitaan 20] ang mga kaaway ni Don Rafael. Nagsimulang maglabasan ang mga kasinungalingan. Inakusahan siya ng pagiging erehe[talasalitaan 21] at subersibo[talasalitaan 22]. Ang pagiging erehe ay grabeng kaso, lalo na sa pagkakataong ito. Subalit ang pagiging subersibo o pilibustero[talasalitaan 23] ay mas grabe kaysa pumatay ng tatlong kolektor ng buwis na marunong bumasa at sumulat. Itinakwil ng lahat ang inyong ama. Kinumpiska[talasalitaan 24] ang kanyang mga papeles at aklat. Inakusahan siyang nagbabasa ng mga babasahin mula sa Madrid at ibayong-dagat; na ipinadala kayo sa Alemanyang bahagi ng Switzerland, at samakatwid ay Protestante[talasalitaan 25] na nag-iingat ng larawan at mga sulat ng isang Pilipinong pari na binitay dahil sa pagkakasangkot sa rebelyon, at kung ano-ano pa. Lahat ng maisip nila ay ipinaratang[talasalitaan 26] sa inyong ama pati ang pagsusuot ng damit-Pilipino gayong siya'y may dugong Kastila. Siguro, kung naiba-iba lamang ang inyong ama ay madali siyang pinalaya. Ayon sa isang doktor ay alta presyon ang dahilan ng pagkamatay ng kolektor ng buwis. Subalit ang labis na yaman, pananalig sa katarungan, at poot sa gawaing ilegal ang nagpahamak sa inyong ama. Ginawa ko ang lahat ng aking magagawa para tulungan siya. Bagaman hindi ko ugaling humingi ng pabor ay nakipagkita ako sa Kapitan-Heneral, ang sinundan ng kasalukuyang Kapitan-Heneral. Sanabi ko sa kanya na ang taong tulad ng inyong ama na nagpapatuloy at nagpapakain sa mga dukha at walang masilungang mga Kastila, at dinadaluyan sa ugat ng dugo ng mabuting Kastila, ay hindi maaaring maging subersibo. Ako ang nanagot sa kanya. Sumumpa ako na wala siyang kasalanan. Sinaksi ko ang aking karukhaan[talasalitaan 27] at karangalan bilang militar. Ngunit ako'y ipinagtabuyan at pinaratangang isang sira.

Hiniling sa akin ng inyong ama na ako ang umasikaso sa kanyang kaso. Una kong nilapitan ang isang batang bata pero tanyag na abogadong Pilipino. Tumanggi siyang hawakan ang kaso ng inyong ama. 'Mapapahamak ako,' aniya. 'Kung tatanggapin ko ang kanyang asunto[talasalitaan 28] ay magiging dahilan iyon para siya bigyan ng panibagong kaso, at malamang na lasuhan pati ako.' Pinayuhan niya akong kumuha ng isang abogadong Kastila, at binanggit niya ang pangalan ng isang sikat at mahusay na orador. Nilapitan ko iyon at ipinagdepensa niya ang inyong ama nang buong husay. Ngunit napakaraming kaaway ang inyong ama. Ang ilan ay lihim at ayaw magpakilala. Marami ring huwad[talasalitaan 29] na testigo. Ang mga kasinungalingang iyon sa halip na kondenahin ay pinaniwalaan at tinanggap pang ebidensya. Kung napawawalan man ng saysay ng abogado ang ilan sa mga kasinungalingang iyon ay higit na marami pa ang nagsulputan Pinaratangan ang inyong ama ng ilegal na pagkakalat ng kayamanan. May humihingi ng danyos[talasalitaan 30] perwisyo. Mayroon ding nagsabing may koneksyon siya sa mga bandido[talasalitaan 31] para protektahan ang kanyang lupain at mga hayop. Naging komplikado ang asunto kaya't makanan ang isang taon ay hindi na maintindihan ang puno't dulo ng kaso. Naalis sa puwesto ang gobernador at pinalitan ng ibang kilalang makatarungan. Pero sa kasamaang palad ay iilang buwan lamang siyang nanungkulan.

Ang mga kabiguan ng inyong ama, ang hirap sa bilangguan at sama ng loob ay siyang sumira sa kanyang kalusugan na humantong sa pagkakasakit na tanging kamatayan lamang ang makagagamot. Namatay siyang nag-iisa sa kulungan ... nang malapit na sana siyang mapawalang-sala sa paratang na sedisyon[talasalitaan 32] at pagpatay. Inabot ko pa siya bago nalagutan ng hininga."

Saglit na natahimik ang nagkukuwento. Wala ring kibo si ibarra. Sinapit nila ang pintuan ng kuwartel. Huminto ang matanda at inilahad ang kamay.

"Alamin mo rin kay Kapitan Tiago ang iba pa. Paalam na."

Buong damdaming pinisil ni Ibarra ang kamay ng matanda at walang imik na inihatid ng tingin hanggang sa makapasok sa kuwartel.

Marahan siyang tumalikod at pinara ang isang nagdaraang karwahe.

"Sa Hotel Lala," aniya na bahagya nang marinig.

"Wala siguro sa sariling bait ang taong ito," anang kutsero sabay palo sa kabayo.

Buod[baguhin]

Mararamdaman ang matinding sakit at sama ng loob na naranasan ni Crisostomo Ibarra nang malaman niya mula kay Tenyente Guevarra ang tunay na dahilan ng pagpanaw ng kanyang ama. Ayon sa tenyente, hinuli at ikinulong ng pulisya ang kanyang ama dahil sa pagkamatay ng artilyerong Kastila nang tumama ang ulo nito sa batto dahil sa pagtatanggol ng kanyang ama sa isang batang lalaking pinukol niya ng baston sa ulo na naging sanhi upang mawalan ng malay ang bata. Sa pagsasakdal ng kasong krimen sa kanyang ama ay nagsilantad ang mga kaaway ni Don Rafael Ibarra. Nagsimulang maglabasan ang mga kasinungalingan laban sa kanya na humantong upang akusahan siya bilang erehe at subersibo. Tumagal ang paglilitis ng kanyang usapin hanggang sa mamatay na siya sa loob ng bilangguan.

Talasalitaan[baguhin]

  1. mabangis - mabagsik; matapang
  2. sinapit - tinamo; naranasan
  3. sunggab - dakma
  4. paghihinagpis - pighating pabuntong-hininga
  5. marangal - may magandang reputasyon
  6. nakatugon - nakasagot
  7. mabahala - matakot; mag-alala
  8. kalaunan - katagalan
  9. pinaratangan - pinagbintangan
  10. hahantong - maaaring maging bunga o resulta
  11. natiwalag - naalis sa grupo nang sapilitan
  12. artilyero - taong gumagawa ng kanyon o mga sandatang pandigma
  13. pobre - mahirap
  14. nagpalala - nagpatindi ng kalagayan
  15. kinalkal - kinalahig
  16. panlilibak - pang-aalipusta; pang-aapi
  17. pinukol - binato
  18. nagtangka - nagplano; nagbalak
  19. nabuwal - natumba
  20. nagsilantad - nagsilabas; nagpakilala
  21. erehe - Kristiyanong sumusuway at ayaw sumampalataya sa ilang mga kautusang ipinag-uutos ng Simbahang Katoliko Romano
  22. subersibo - taong lumalaban sa umiiral na sistema ng pamahalaan
  23. pilibustero - taong kalaban ng mga prayle o ng relihiyong Katoliko Romano
  24. kinumpiska - kinuha nang sapilitan
  25. Protestante - taong naniniwala sa doktrina ng relihiyong Protestantismo
  26. ipinaratang - ibinintang
  27. karukhaan - kahirapan
  28. asunto - kaso; paratang
  29. huwad - peke; hindi totoo
  30. danyos - bayad-pinsala
  31. bandido - tulisan; pusakal
  32. sedisyon - gawaing naghihikayat ng rebelyon, pag-aalsa o panggugulo sa katiwasayan o kapayapaan sa pamahalaan