Noli Me Tangere/Kabanata 1
←Sa Aking Tinubuang Lupa ←Paliwanag |
Kabanata 1: Isang Pagtitipon Paliwanag |
Kabanata 2: Si Crisostomo Ibarra→ Paliwanag→ |
Teksto
Isang Pagtitipon Nag-anyaya ng pagpapakain nang isang hapunan, ng magtatapos ang Oktubre, si Ginoong Santiago de los Santos, na lalong nakikilala ng bayan sa pamagat na Kapitang Tiago, anyayang baga man niyon lamang hapong iyon kanyang inihayag, laban sa dati niyang kaugalian, gayon ma'y siyang dahil na ng lahat ng mga usap-usapan sa Binundok, sa iba't ibang mga nayon at hanggang sa loob ng Maynila. Ng panahong yao'y lumalagay si Kapitang Tiagong isang lalaking siyang lalong magilas, at talastas ng ang kanyang bahay at ang kanyang kinamulatang bayan ay hindi nagsasara ng pinto kanino man, liban na lamang sa mga kalakal o sa ano mang isip na bago o pangahas. Kawangis ng kislap ng lintik ang kadalian ng pagkalaganap ng balita sa daigdigan ng mga dapo, mga langaw o mga "kolado"[k 1], na kinapal ng Diyos sa kanyang walang hanggang kabaitan, at kanyang pinararami ng boong pag-irog sa Maynila. Nangagsihanap ang iba nang "betun" sa kanilang sapatos, mga boton at korbata naman ang iba, ngunit silang lahat ay nangag iisip kung paano kaya ang mabuting paraang bating lalong walang kakimiang gagawin sa may bahay, upang papaniwalain ang makakakitang sila'y malalaon ng kaibigan, o kung magkatao'y humingi pang tawad na hindi nakadalong maaga. Ginawa ang anyaya sa paghapong ito sa isang bahay sa daang Anloague, at yamang hindi namin natatandaan ang kanyang bilang (numero), aming sasaysayin ang kanyang anyo upang makilala ngayon, sakali't hindi pa iginigiba ng mga lindol. Hindi kami naniniwalang ipinagiba ang bahay na iyon ng may-ari, sapagkat sa ganitong gawa'y ang namamahala'y ang Diyos o ang Naturaleza[k 2], na tumanggap din sa ating Gobyerno ng pakikipagkayari upang gawin ang maraming bagay.—Ang bahay na iyo'y may kalakhan din, tulad sa maraming nakikita sa mga lupaing ito; natatayo sa pampang ng ilog na sanga ng ilog Pasig, na kung tawagin ng iba'y "riya" (ilat) ng Binundok, at gumaganap, na gaya rin ng lahat ng ilog sa Maynila, ng maraming kapakanang pagkapaliguan, agusan ng dumi, labahan, pinangingisdaan, daanan ng bangkang nagdadala ng sarisaring bagay, at kung magkabihira pa'y kukunan ng tubig na inumin, kung minamagaling ng tagaigib na Intsik[k 3]. Dapat halataing sa lubhang kinakailangang gamit na ito ng nayong ang dami ng kalakal at taong nagpaparoo't parito'y nakatutulig, sa layong halos may sanglibong metro'y bahagya na lamang nagkaroon ng isang tulay na kahoy, na sa anim na buwa'y sira ang kabilang panig at ang kabila nama'y hindi maraanan sa nalalabi ng taon, na ano pa't ang mga kabayo, kung panahong tag-init, kanilang sinasamantala ang gayong hindi nagbabagong anyo, upang mula roo'y lumukso sa tubig, na ikinagugulat ng nalilibang na taong may kamatayang sa loob ng kotse ay nakakatulog o nagdidilidili ng mga paglago ng panahon. May kababaan ang bahay na sinasabi namin, at hindi totoong magaling ang pagkakaanyo; kung hindi napagmasdang mabuti ng "arkitektong"[k 4] namatnugot sa paggawa o ang bagay na ito'y kagagawan ng mga lindol at mga bagyo, sino ma'y walang makapagsasabi ng tukoy. Isang malapad na hagdanang ma'y kakapitang kulay berde, at nalalatagan ng alpombra sa mumunting panig ang siyang daanan mula sa silong o makapasok ng pintuang nalalatagan ng "asulehos"[k 5] hanggang sa kabahayan, na ang linalakara'y napapag-itanan ng mga maseta[k 6] at alagaan ng mga bulaklak na nakalagay sa "pedestal"[k 7] na losang gawa sa Tsina, na may sarisaring kulay at may mga dibuhong hindi mapaglirip. Yamang walang bantay-pinto o alilang humingi o magtanong ng "bilyete" o sulat na anyaya, tayo'y pumanhik, oh ikaw na bumabasa sa akin, katoto o kaaway! sakali't naaakit ikaw ng tugtog ng orkestra, ng ilaw o ng makahuluhang "klin-klan" ng mga pingga't kubyertos[k 8] at ibig mong mapanood kung paano ang mga piging doon sa Perlas ng Kasilanganan. Kung sa aking kaibigan lamang at sa aking sariling kaginhawahan, hindi kata papagalin sa pagsasaysay ng kalagayan ng bahay; ngunit lubhang mahalaga ito, palibhasa'y ang karaniwan sa mga may kamatayang gaya natin ay tulad sa pawikan: hinahalagahan at hinihirang tayo alinsunod sa ating talukab o tinatahanang bahay; dahil dito't sa iba pang mga anyo ng asal, kawangis nga ng mga pawikan ang mga may kamatayan sa Pilipinas.—Kung pumanhik tayo'y agad nating mararating ang isang malowang na tahanang kung tawagin doo'y "kaida"[k 9], ayawan kung bakit, na ng gabing ito'y ginagamit na "komedor"[k 10] at tuloy salon ng orkestra. Sa gitna'y may isang mahabang mesa, na nahihiyasan ng marami at mahahalagang pamuti, na tila mandin kumikindat sa "kolado," taglay ang katamistamisang mga pangako, at nagbabala sa matatakuting binibini, sa walang malay na dalaga, ng dalawang nakaiinip na oras sa kasamahan ng mga hindi kakilala, na ang pananalita't mga pakikikiusap ay ang karaniwa'y totoong kakaiba. Namumukod ng di ano lamang sa mga ganitong handang sa mundo'y nauukol, ang sumasapader na mga kuwadrong tungkol sa religion, gaya baga ng "Ang Purgatoryo," "Ang Impyerno," "Ang huling Paghuhukom," "Ang pagkamatay ng banal," "Ang pagkamatay ng makasalanan," at sa duyo'y naliligid nang isang maringal at magandañg "marko" na anyong "Renasimiento"[k 11] na gawa ni Arebalo, ang isang mabuting ayos at malapad na "lienso" na doo'y napapanood ang dalawang matandang babae. Ganito ang saysay ng doo'y titik: "Nuestra Señora de la Paz y Buen Viahe, na sinasamba sa Antipolo, sa ilalim ng anyong babaeng magpapalimos, dinadalaw sa kanyang pagkakasakit ang banal at bantog na si Capitana Ines"[k 12]. Tunay mang ang pagkakapinta'y hindi nagpapakilala ng "arte" at kabutihang lumikha, datapwat nagsasaysay naman ng karaniwang mamalas: ang babaeng may sakit ay tila na bangkay na nabubulok, dahil sa kulay dilaw at asul ng kanyang mukha; ang mga baso't iba pang mga kasangkapan, iyang maraming mga natitipong bagay bagay sa mahabang pagkakasakit ay doo'y lubhang mabuti ang pagkakasipi, na ano pa't napapanood pati ng linalaman. Sa panonood ng mga kalagayang iyong umaakit sa pagkakagana sa pagkain at naguudyok ng ukol sa paglasap ng masasarap na bagay bagay, marahil akalain ng ilang may masamang isipan ang may-ari ng bahay, na napagkikilalang magaling ang kalooban ng halos lahat ng mga magsisiupo sa mesa, at ng huwag namang mahalatang totoo ang kanyang panukala, nagsabit sa kisame ng maririkit na lamparang gawa sa Tsina, mga haulang walang ibon, mga bolang kristal na may asogeng may kulay pula, berde at asul, mga halamang pangbiting lanta na, mga tuyong isdang botete na hinipa't ng bumintog, at iba pa, at ang lahat ng ito'y nakukulong sa may dakong ilog ng maiinam na mga arkong kahoy, na ang anyo'y alangang hugis europeo't alangang hugis Intsik, at may natatanaw namang isang "asoteang"[k 13] may mga balag at mga "gloryetang"[k 14] bahagya na naliliwanagan ng mga maliliit na parol na papel na may sarisaring kulay. Nasa salas ang mga magsisikain, sa gitna ng lubhang malalaking mga salamin at na ngagniningning na mga araña[k 15]: at doon sa ibabaw ng isang tarimang[k 16] pino[k 17] ay may isang mainam na "piano de kola"[k 18], na ang halaga'y kamalasmalas, at lalo ng mahalaga ng gabing ito, sapagkat sino ma'y walang tumutugtog. Doo'y may isang larawang "al oleo"[k 19] ng isang lalaking makisig, nakaprak, unat, matuwid, timbang na tulad sa bastong may borlas na taglay sa mga matitigas na daliring puspos ng mga sinsing: wari'y sinasabi ng larawan: —Ehem! Masdan ninyo kung gaano karami ang suot ko at ako'y hindi tumatawa! Magaganda ang mga kasangkapan, baga man marahil ay hindi maginhawahang gamitin at nakasasama pa sa katawan: hindi nga ang ikaiilag sa sakit ng kanyang mga inaanyayahan ang naiisip ng may-ari, kung di ang sariling pagmamarikit.—Tunay at kakilakilabot na bagay ang pag-iilagin, datapwat kayo nama'y umuupo sa mga sillong gawang Europa, at hindi palaging makakatagpo kayo ng ganyan!—ito marahil ang sinasabi niya sa kanila. Halos puno ng tao ang salas: hiwalay ang mga lalaki sa mga babae, tulad sa mga sambahang Katoliko at sa mga sinagoga[k 20]. Ang mga babae ay ilang mga dalagang ang iba'y Pilipina at ang iba'y española: binubuksan nila ang bibig upang pigilin ang isang hikab; ngunit pagdaka'y tinatakpan nila ng kanilang mga abaniko; bahagya na nangagbubulungan ng ilang mga pananalita; ano mang pag-uusap na ipinagsusumalang pasimulan, pagdaka'y naluluoy sa ilang putol-putol na sabi; katulad niyang mga ingay na nariringig kung gabi sa isang bahay, mga ingay na gawa ng mga daga at ng mga butiki. Baca kaya naman ang mga larawan ng mga iba't ibang mga "Nuestra Señora"[k 21] na nagsabit sa mga pader ang siyang ninilit sa mga dalagang iyong huwag umimik at magpakahinhing lubos, o dito'y talagang natatangi ang mga babae? Ang tanging sumasalubong sa pagdating ng mga ginoong babae ay isang babaeng matandang pinsan ni Kapitan Tiago, mukhang mabait at hindi magaling magwikang Kastila. Ang pinakaubod ng kanyang pagpapakitang loob at pakikipagkapuwa tao'y wala kung ang di mag-alay sa mga española ng tabako at hitso, at magpahalik ng kanyang kamay sa mga Pilipina, na ano pa't walang pinag-ibhan sa mga prayle. Sa kawakasa'y nayamot ang abang matandang babae, kaya't sinamantala niya ang paglagapak ng isang pinggang nabasag upang lumabas na dalidali at nagbububulong: —Hesus! Hintay kayo, mga indigno[k 22]! At hindi na muling sumipot. Tungkol sa mga lalaki'y nangagkakainga'y nang kaunti. Umaatikabong nangagsasalitaan ang ilang mga kadete[k 23]; ngunit mahihina ang boses, sa isa sa mga sulok at manakanakang tinitingnan nila at itinuturo ng daliri ang ilang mga taong na sa salas, at silasila'y nangagtatawanang ga inililihim ng hindi naman; ang bilang kapalit nama'y ang dalawang extrangero[k 24] na kapwa nakaputi ng pananamit, nangakatalikod kamay at di umiimik ay nangagpaparoo't paritong malalaki ang hakbang sa magkabikabilang dulo ng salas, tulad sa ginagawa ng mga naglalakbay-dagat sa "kubyerta"[k 25] ng isang sasakyan. Ang masaya't mahalagang salitaa'y na sa isang pulutong na ang bumubuo'y dalawang prayle, dalawang paisano[k 26] at isang militar na kanilang naliligid ang isang maliit na mesang kinalalagyan ng mga botella ng alak at mga biskotso ingles[k 27]. Ang militar ay isang matandang tenyente, matangkad, mabalasik ang pagmumukha, na ano pa't anaki'y isang Duque de Alba[k 28] na napag-iwan sa eskalapon[k 29] ng Guwardiya sibil[k 30]. Bahagya na siya nagsasalita, datapwat matigas at maicli ang pananalita.—Ang isa sa mga prayle'y isang dominikong bata pa, maganda, malinis at maningning, na tulad sa kanyang salamin sa matang nakakabit sa tangkay na ginto, maaga ang pagka ugaling matanda: siya ang kura sa Binundok at ng mga nakaraang tao'y naging katedratiko[k 31] sa San Juan de Letran[k 32]. Siya'y balitang "diyalektiko"[k 33], kaya nga't ng mga panahong iyong nangangahas pa ang mga anak ni Guzmang[k 34] makipagsumag sa paligsahan ng katalasan ng isip sa mga "seglar"[k 35], hindi makuhang malito siya o mahuli kailan man ng magaling na "argumentador"[k 36] na si B. de Luna[k 37]; itinutulad siya ng mga "distingo"[k 38] ni Padre Sibyla sa mangingisdang ibig humuli ng igat sa pamamag-itan ng silo. Hindi nagsasalita ang dominiko at tila mandin pinakatitimbang ang kanyang mga pananalita. Baligtad ang isa namang prayle, na pransiskano, totoong masalita at lalo ng mainam magkukumpas. Baga man sumusungaw na ang mga uban sa kanyang balbas, wari'y nananatili ang lakas ng kanyang malusog na pangangatawan. Ang mukha niyang maganda ang tabas, ang kanyang mga pagtinging nakalalagim, ang kanyang malalapad na mga panga at batibot na pangangatawan ay nagbibigay anyo sa kanyang isang patrisyo romanong[k 39] nagbalat kayo, at kahit hindi sinasadya'y inyong magugunita yaong tatlong monheng[k 40] sinasabi ni Heine[k 41] sa kanyang "Diyoses en el destierro"[k 42], na nagdaraang namamangka pagkahating gabi sa isang dagatan doon sa Tyrol,[k 43] kung "ekwinoksyo"[k 44] ng Septyembre, at sa tuwing dumaraa'y inilalagay ng abang mamamangka ang isang salaping pilac, malamig na kawangis ng "hielo," na siyang sa kanya'y pumupuspos ng panglulumo. Datapwat si Padre Damaso'y hindi mahiwagang gaya nila; siya'y masaya, at kung pabug-al bug-al ang kanyang boses sa pananalita, tulad sa isang taong kailan ma'y hindi naaalang-alang, palibhasa'y ipinalalagay na banal at wala ng gagaling pa sa kanyang sinasabi, kinakatkat ang saklap ng gayong ugali ng kanyang tawang masaya at bukas, at hangang sa napipilitan kang sa kanya'y ipatawad ang pagpapakita ng mga paang walang kalketin at mga binting mabalahibo, na ikakikita ng maraming pagkabuhay ng isang Mendikta sa mga perya sa Kiapo. Ang isa sa mga paisano'y isang taong malinggit, maitim ang balbas at walang ikinatatangi kung di ang ilong, na sa kalakha'y masasabing hindi kanya; ang isa, nama'y isang binatang kulay ginto ang buhok, na tila bagong dating dito sa Pilipinas: ito ang masilakbong pinakikipagmatuwiranan ng pransiskano. —Makikita rin ninyo—ang sabi ng pransiskano—pagka po kayo'y natirang ilang bowan dito, kayo'y maniniwala sa aking sinasabi: iba ang mamahala ng bayan ng Madrid at iba, ang matira sa Pilipinas! —Ngunit.... —Ako, sa halimbawa—ang patuloy na pananalita ni Padre Damaso, na lalong itinaas ang boses at ng di na makaimis ang kanyang kausap—ako'y mayroon na ritong dalawampu't tatlong taong saging at "morisqueta"[k 45], makapagsasabi ako ng mapapaniwalaan tungkol sa bagay na iyan. Howag kayong tumutol sa akin ng alinsunod sa mga karunungan at sa mabubuting pananalita, nakikilala ko ang "Indyo"[k 46]. Akalain ninyong mula ng ako'y dumating sa lupaing ito'y ako'y iniukol na sa isang bayang maliit nga, ngunit totoong dumog sa pagsasaka. Hindi ko pa nauunawang magaling ang wikang Tagalog, gayon ma'y kinukumpisal ko na ang mga babae[k 47] at nagkakawatasan kami, at lubhang pinakaibig nila ako, na ano pa't ng makaraan ang tatlong taon, ng ako'y ilipat sa ibang bayang lalong malaki, na walang namamahala dahil sa pagkamatay ng kurang "Indyo" roon, nangagsipanangis ang lahat ng babae, pinuspos ako ng mga handog, inihatid nila akong may kasamang musika.... —Datapwat iya'y nagpapakilala lamang.... —Hintay kayo! hintay kayo! huwag naman sana kayong napakaningas! Ang humalili sa akin ay hindi totoong nagtagal na gaya ko, at ng siya'y umalis ay lalo ng marami ang naghatid, lalo ng marami ang umiyak at lalo ng mainam ang musika, gayong siya'y lalo ng mainam mamalo at pinataas pa ang mga "derechos ng parroquia"[k 48], hangang sa halos nag-ibayo ang laki. —Ngunit itutulot ninyo sa aking.... —Hindi lamang iyan, natira ako sa bayang San Diegong dalawampung taon, may ilang bowan lamang ngayong aking.... iniwan (dito'y nagpakitang tila masama ang loob). Hindi maikakait sa akin nino mang dalawampung tao'y mahigit kay sa katatagan upang makilala ang isang bayan. May anim na libo ang dami ng taong namamayan sa San Diego, at bawa't tagaroo'y nakikilala ko, na parang siya'y aking ipinanganak at pinasuso: nalalaman ko kung alin ang mga lisyang kaasalan nito, kung ano ang pinangangailangan niyon, kung sino ang nangingibig sa bawa't dalaga, kung ano anong mga pagkadupilas ang nangyari sa babaeng ito, kung sino ang tunay na ama ng batang inianak, at iba pa; palibhasa'y kinukumpisal ko ang kalahatlahatang taong-bayan; nangag-iingat ng mainam sila sa kanikanilang katungkulan. Magsabi kung nagsisinungaling ako si Santiagong siyang may ari nitong bahay; doo'y marami siyang mga lupa at doon kami naging magkaibigan. Ngayo'y makikita ninyo kung ano ang "Indyo"; ng ako'y umalis, bahagya na ako inihatid ng ilang mga matatandang babae at ilang "hermano" tersero[k 49], gayong natira ako roong dalawampung taon! Ngunit hindi ko mapagkuro kung ano ang kabagayan ng inyong mga sinabi sa pagkakaalis ng "estanko ng tabako"[k 50]—ang sagot ng may mapulang buhok na kausap, na kanyang sinamantala ang sandaling pagkatigil dahil sa pag-inom ng pransiskano ng isang kopita ng Jerez[k 51]. Sa panggigilalas ng di ano lamang ni Padre Damaso ay kaunti nang mabitiwan nito ang kopa. Sandaling tinitigan ang binata at: —Paano? paano?—ang sinabi pagkatapos ng boong pagtataka.—Datapwat mangyayari bagang hindi ninyo mapagwari iyang kasing liwanag ng ilaw? Hindi ba ninyo nakikita, anak ng Diyos, na ang lahat ng ito'y nagpapatibay na totoo, na pawang kahilingan ang mga pagbabagong utos na ginagawa ng mga ministro? Ngayo'y ang may pulang buhok naman ang natigagal, lalong ikinunot ng tenyente ang kanyang mga kilay, iginagalaw ang ulo ng taong bulilit na parang ipinahahalata niyang binibigyan niyang katwiran o hindi si Padre Damaso. Nagkasiya na lamang ang dominiko sa pagtalikod sa kanilang lahat halos. —Inaakala baga ninyo ...?—ang sa kawakasa'y nagawang tanong ng boong katimpian ng binata, na tinititigan ng boong pagtataka ang prayle. —Na kung inaakala ko? Sinasampalatayanan kong gaya ng pagsampalataya sa Ebanghelyo[k 52]! Napaka "indolente"[k 53] ang "Indyo"! —Ah! ipatawad po ninyong salabatin ko ang inyong pananalita—anang binata, na idinahan ang boses at inilapit ng kaunti ang kanyang upuan; sinabi po ninyo ang isang salita na totoong nakaakit sa aking magdilidili. Tunay nga kayang katutubo ng mga dalisay na tagarito ang pagka "indolente," o nangyayari ang sinasabi ng isang maglalakbay na taga ibang lupain, na tinatakpan natin ng pagka indolenteng ito ang ating sariling pagka indolente, ang pagkahuli natin sa pagsulong sa mga karunungan at ang ating paraan ng pamamahala sa lupaing nasasakupan? Ang sinabi niya'y ukol sa mga ibang lupaing sakop, na ang mga nananahan doo'y pawang sa lahi ring iyan!... —Oho! Mga kaingitan! Itanong po ninyo kay ginoong Laruha na nakakikilala rin sa lupaing ito; itanong ninyo sa kanya kung may mga katulad ang kamangmgan at ang pagka "indolente" ng Indyo! —Tunay nga—ang sagot naman ng bulilit na lalaking siyang binanggit—hindi po kayo makakakita sa alin mang panig ng daigdig ng hihigit pa sa pagka indolente ng Indyo, sa alin mang panig ng daigdig! —Ni iba pang lalong napakasama ng asal na pinagkaratihan, ni iba pang lalong hindi marunong kumilala ng utang na loob! —At ng ibang lalong masama ang turo! Nagpasimula ang binatang mapula ang buhok ng pagpapalingaplingap sa magkabikabila ng boong pag-aalap-ap. —Mga ginoo—ang sinabing marahan—tila mandin tayo'y na sa bahay ng isang "Indyo". Ang mga ginoong dalagang iyan.... —Bah! huwag kayong napaka magugunigunihin! Hindi ipinalalagay ni Santiagong siya'y "Indyo," bukod sa roo'y hindi siya nahaharap, at.... kahit nahaharap man siya! Iya'y mga kahilingan ng mga bagong dating. Hayaan ninyong makaraan ang ilang bowan; magbabago kayong isipan pagka kayo'y nakapagmalimit sa maraming mga piyesta at "bailuhan"[k 54], nakatulog sa mga katre at nakakain ng maraming "tinola". —Tinatawag po ba ninyong tinola ang bungang kahoy na kahawig ng "loto"[k 55] na ... ganyan ... nakapagmamalimutin sa mga tao? —Ano bang loto ni loteria!—ang sagot ni Padre Damasong nagtatawa;—nagsasalita kayo ng mga kahilingan. Ang tinola ay ang pinaghalong inahing manok at saka upo. Buhat pa kailan dumating kayo? —Apat na araw—ang sagot ng binatang ga namumuhi na. —Naparito ba kayong may katungkulan? —Hindi po; naparito ako sa aking sariling gugol upang mapagkilala ko ang lupaing ito. —Aba, napakatangi namang ibon!—ang saysay ni Padre Damaso, na siya'y minamasdan ng boong pagtataka—Pumarito sa sariling gugol at sa mga kahilingan lamang! Kakaiba namang totoo! Ganyang karaming mga libro ... sukat na ang magkaroon ng dalawang daling noo[k 56].... Sa ganya'y maraming sumulat ng mga dakilang libro! Sukat na ang magkaroon ng dalawang daling noo.... —Sinasabi ng "kagalanggalang po ninyo"[k 57] ("Vuestra reberencia"), Padre Damaso—ang biglang isinalabat ng dominiko na pinutol ang salitaan—na kayo'y nanahang dalawampung taon sa bayang San Diego at kayo umalis doon.... hindi po ba kinalulugdan ng inyong kagalangan ang bayang iyon? Biglang nawala ang katuwaan ni Padre Damaso at tumigil ng pagtatawa sa tanong na itong ang anyo'y totoong parang walang ano man at hindi sinasadya. Nagpatuloy ng pananalita ang dominiko ng anaki'y lalong nagwawalang bahala: —Marahil nga'y nakapagpipighati ang iwan ang isang bayang kinatahanang dalawampung taon at napagkikilalang tulad sa habitong suot. Sa ganang akin lamang naman, dinaramdam kong iwan ang Camiling, gayong iilang buwan akong natira roon ... ngunit yao'y ginawa ng mga puno sa ikagagaling ng Capisanan ... at sa ikagagaling ko naman. Noon lamang ng gabing iyon, tila totoong natilihan si Padre Damaso. Di kaginsaginsa'y pinakabigyanbigyan ng suntok ang palungan ng kamay ng kanyang sillon, huminga ng malakas at nagsalita: —O may Relihiyon o wala! samakatuwid baga'y o ang mga kura'y may kalayaan o wala! Napapahamak ang lupang ito, na sa kapahamakan! At saka muling sumuntok. —Hindi!—ang sagot na paangil at galit, at saka biglang nagpatinghiga ng boong lakas sa hiligan ng sillon. Sa pagkamangha ng nangasasalas ay nangagtinginan sa pulutong na iyon: itinunghay ng dominiko ang kanyang ulo upang tingnan niya si Padre Damaso sa ilalim ng kanyang salamin sa mata. Tumigil na sandali ang dalawang ekstranherong nangagpapasial, nangagtinginan, ipinakitang saglit ang kanilang mga pangil; at pagdaka'y ipinagpatuloy uli ang kanilang pagpaparoo't parito. —Masama ang loob dahilang hindi ninyo binigyan ng Reberensya (Kagalang-galang)!—ang ibinulong sa tainga ng binatang mapula ang buhok ni ginoong Laruha. —Ano po ba, ang ibig sabihin ng "kagalanggalang" ninyo (Vuestra Reberensya)? ano ang sa inyo'y nangyayari?—ang mga tanong ng dominiko at ng tenyente, na iba't iba ang taas ng boses. —Kaya dumarating dito ang lubhang maraming mga sakuna! Tinatangkilik ng mga pinuno ang mga "erehe"[k 58] laban sa mga "ministro" ng Diyos[k 59]! ang ipinagpatuloy ng pransiskano na ipinagtutumaas ang kanyang malulusog o na mga panuntok. —Ano po ba ang ibig ninyong sabihin?—ang muling itinanong ng abot ng kilay na tenyente na anyong titindig. —Na kung ano ang ibig kong sabihin?—ang inulit ni Padre Damaso, na lalong inilakas ang boses at humarap sa tenyente.—Sinasabi ko ang ibig kong sabihin! Ako, ang ibig kong sabihi'y pagka itinatapon ng kura sa kanyang libingan ang bangkay ng isang "erehe," sino man, kahi ma't ang hari ay walang katwirang makialam, at lalo ng walang katwirang makapagparusa. At ngayo'y ang isang "heneralito"[k 60], ang isang heneralito Kalamidad[k 61] ...! —Pari, ang kanyang Karilagan[k 62] (ang marilag bagang Gobernador Heneral) ay Bise-Real Patrono[k 63],—ang sigaw ng tenyente na nagtindig. —Ano bang Karilagan o Bise-Real Patrono[k 64] man!—ang sagot ng pransiskanong nagtindig din.—Kung nangyari ito sa ibang panaho'y kinaladkad sana siya ng pababa sa hagdanan, tulad ng minsa'y ginawa ng mga Kapisanan ng mga prayle sa pusong na Gobernador Bustamante[k 65]. Ang mga panahong iyon ang tunay na panahon ng pananampalataya! —Ipinauunawa ko sa inyo na di ko maitutulot ... Ang "Kanyang Karilagan," (o ang marilag na Gobernador Heneral) ang pinakakatawan ng Kanyang Makapangyarihan, ang Hari[k 66]. —Ano bang hari o kung Roque[k 67] man! Sa ganang amin ay walang ibang hari kung di ang tunay[k 68].... —Tigil!—ang sigaw ng tenyenteng nagbabala at wari'y mandin ay nag-uutos sa kanyang mga sundalo;—o inyong pagsisisihan ang lahat ninyong sinabi o bukas din ay magbibigay sabi ako sa Kanyang Karilagan!... —Lakad na kayo ngayon din, lakad na kayo!—ang sagot ng boong paglibak ni Padre Damaso, na lumapit sa tenyenteng nakasuntok ang kamay.—Akala ba ninyo't may suot akong habito'y wala akong ...? Lakad na kayo't ipahihiram ko pa sa inyo ang aking kotse! Nauuwi ang salitaan sa katawatawang anyo. Ang kagalingang palad ay nakialam ang dominiko.—Mga ginoo!—ang sabi niyang taglay ang anyong may kapangyarihan at iyang boses na nagdaraan sa ilong na totoong nababagay sa mga prayle;—huwag sana ninyong papagligawligawin ang mga bagay, at huwag naman kayong humanap ng mga paglapastangan sa walang makikita kayo. Dapat nating ibukod sa mga pananalita ni Padre Damaso ang mga pananalita ng tao sa mga pananalita ng saserdote. Ang mga pananalita ng saserdote, sa kanyang pagkasaserdote, "per se"[k 69], ay hindi makasasakit ng loob kanino man, sapagkat mula sa lubos ng katotohanan. Sa mga pananalita ng tao, ay dapat gawin ang isa pa manding pagbabahagi: ang mga sinasabing "ab irato"[k 70], ang mga sinabing "exore"[k 71], datapwat hindi "in korde"[k 72], at ang sinasabing "in korde". Ang mga sinasabing "in korde" lamang ang makasasakit ng loob: sakali't dating tinataglay ng "in meate"[k 73] sa isang kadahilanan, o kung nasabi lamang "per accidens"[k 74], sa pagkakainitan ng salitaan, kung mayroong.... —Ngunit ako'y "por accidens" at "por mi"[k 75] ay nalalaman ko ang mga kadahilanan, Padre Sibyla!—ang isinalabat ng militar, na nakikita niyang siya'y nabibilot ng gayong karaming mga pag tatangitangi, at nanganganib siyang kung mapapatuloy ay siya pa ang lalabas na may kasalanan.—Nalalaman ko ang mga kadahilanan at papagtatangiin ng "kagalangan po ninyo" (papagtatangitangiin po ninyo). Sa panahong wala si Padre Damaso sa San Diego ay inilibing ng koadhutor[k 76] ang bangkay ng isang taong totoong karapatdapat ...; opo, totoong karapatdapat; siya'y makailan kong nakapanayam, at tumuloy ako sa kanyang bahay. Na siya'y hindi nangumpisal kailan man, at iyan baga'y ano? Ako ma'y hindi rin nangungumpisal, ngunit sabihing nagpakamatay, iya'y isang kasinungalingan, isang paratang. Isang taong gaya niyang may isang anak na lalaking kinabubuhusan ng boong pag-irog at mga pag-asa, isang taong may pananampalataya sa Diyos, na nakakaalam ng kanyang mga katungkulang dapat ganapin sa pamamayan, isang taong mapagmahal sa kapurihan at hindi sumisinsay sa katwiran, ang ganyang tao'y hindi nagpapakamatay. Ito'y sinasabi ko, at hindi ko sinasabi ang mga ibang aking iniisip, at kilanling utang na loob sa akin ng "kagalangan" po ninyo. At tinalikdan ang pransiskano at nagpatuloy ng pananalita: —Ng magkagayo'y ng magbalik ang kurang ito sa bayan, pagkatapos na maalipusta ang koadhutor, ang ginawa'y ipinahukay ang bangkay na iyon, ipinadala sa labas ng libingan, upang ibaon hindi ko maalaman kung saan. Sa karuwagan nang bayang San Diego'y hindi tumutol; tunay nga't iilan lamang ang nakaalam, walang kamag-anak ang nasira, at na sa Europa ang kanyang bugtong na anak; ngunit nabalitaan ng Gobernador Heneral, at palibhasa'y taong may dalisay na puso, ay hiningi ang kaparusahan ... at inilipat si Padre Damaso sa lalong magaling na bayan. Ito nga lamang ang nangyari. Ngayo'y gawin ng "inyo pong kagalangan" ang pagtatangitangi. At pagka sabi nito'y lumayo sa pulutong na iyon. —Dinaramdam kong hindi ko sinasadya'y nabangit ko ang isang bagay na totoong mapanganib ani Padre Sibylang may pighati.—Datapwat kung sa kawakasa'y nakinabang naman kayo sa pagpapalit-bayan.... —Ano bang pakikinabangin! At ang nawawala sa mga paglipat ... at ang mga papel ... at ang mga ... at ang lahat ng mga naliligwin?—ang isinalabat na halos nauutal ni Padre Damaso na hindi makapagpigil ng galit. Unti-unting nanag-uli ang kapisanang iyon sa dating katahimikan. Nangagsidating ang iba pang mga tao, kaakbay ang isang matandang Kastilang pilay, matamis at mabait ang pagmumukha, nakaakay sa bisig ng isang matandang babaeng Pilipinang puno ng kulot ang buhok, may mga pinta ang mukha at nakasuot-Europea. Sila'y sinalubong ng bating katoto ng naroroong pulutong, at nangagsiupo sa tabi ng ating mga kakilala ang Doktor De Espadaña at ang ginoong asawa niyang "doktora" na si Doña Victorina. Doo'y napapanood ang ilang mga "periodista"[k 77] at mga "almasenero"[k 78] na nangagpaparoo't parito at walang maalamang gawin. —Ngunit masasabi po ba ninyo sa akin, ginoong Laruha, kung anong tao kaya ang may ari ng bahay?—ang tanong ng binatang mapula ang buhok.—Ako'y hindi pa naipapakilala sa kanya[k 79]. —Ang sabihana'y umalis daw, ako ma'y hindi ko pa siya nakikita. —Dito'y hindi kailanganang mga pagpapakilala!—ang isinabad ni Padre Damaso,—Si Santiago'y isang taong mabait. —Isang taong hindi nakatuklas ng polbora—ang idinugtong ni Laruha. —Kayo po naman, ginoong Laruha!—ang sinabi sa malambing na pagsisi ni Doña Victorinang nag-aabaniko.—Paano po bang matutuklasan pa ng abang iyon ang polbora, ay alinsunod sa sabi'y natuklasan na ito ng mga Intsik na malaong panahon na? —Nang mga Intsik? Nasisira ba ang isip ninyo?—ang sabi ni Padre Damaso,—Tumahan nga kayo! Ang nakatuklas ng paggawa ng polbora'y isang pransiskano, isa sa aming samahan, Padre Hindi ko maalaman Saballs, ng siglong ... ikapito! —Isang pransiskano! Marahil naging misionero sa Tsina, ang pari Saballs na iyan—ang itinutol ng ginoong babae na hindi ipinatatalo ng gayongayon lamang ang kanyang mga isipan. —Marahil Schwartz[k 80] ang ibig po ninyong sabihin, ginoong babae—ang itinugon naman ni Padre Sibyla, na hindi man lamang siya tinitingnan. —Hindi ko maalaman; sinabi ni Padre Damasong Saballs: wala akong ginawa kung di inulit ko lamang ang kanyang sinalita. —Magaling! Saballs o Chebas, eh ano ngayon? Hindi dahil sa isang letra ay siya'y magiging Intsik!—ang muling sinaysay na nayayamot ang pransiskano. —At ng ikalabing-apat na siglo at hindi ng ikapito—ang idinugtong ng dominiko, na ang anyo'y parang sinasala ang kamalian at ng pasakitan ang kapalaluan niyong isang prayle. —Mabuti, datapwat hindi sa paglalabis kumulang ng isang siglo'y siya'y magiging dominiko na! —Aba, huwag po sanang magalit ang kagalangan po ninyo!—ani Padre Sibylang ngumingiti.—Lalong magaling kung siya ang nakatuklas ng paggawa ng polbora, sapagkat sa gayo'y naibsan na niya sa pagkakapagod sa gayong bagay ang kanyang mga kapatid. —At sinasabi po ninyo, Padre Sibyla, na nangyari ang bagay na iyon ng ikalabing apat na siglo?—ang tanong na malaki ang nais na makatalos ni Doña Victorina—ng hindi pa o ng makapagkatawang tao na si Kristo? Pinalad ang tinatanong na pumasok sa salas ang dalawang ginoo. |
Isang Pagcacapisan Nag-anyaya ng̃ pagpapacain nang isáng hapunan, ng̃ magtátapos ang Octubre, si Guinoong Santiago de los Santos, na lalong nakikilala ng̃ bayan sa pamagát na Capitang Tiago, anyayang bagá man niyón lamang hapong iyón canyang inihayág, laban sa dati niyang caugalìan, gayón ma'y siyang dahil na ng̃ lahát ng̃ mg̃a usap-usapan sa Binundóc, sa iba't ibang mg̃a nayon at hanggang sa loob ng̃ Maynílà. Ng̃ panahóng yao'y lumalagay si Capitang Tiagong isáng lalaking siyang lalong maguilas, at talastas ng̃ ang canyang bahay at ang canyang kinamulatang bayan ay hindî nagsásara ng̃ pintô canino man, liban na lamang sa mg̃a calacal ó sa anó mang isip na bago ó pang̃ahás. Cawang̃is ng̃ kisláp ng̃ lintíc ang cadalîan ng̃ pagcalaganap ng̃ balítà sa daigdigan ng̃ mg̃a dápò, mg̃a lang̃aw ó mg̃a "colado"[o 1], na kinapal ng̃ Dios sa canyang waláng hanggang cabaitan, at canyang pinararami ng̃ boong pag-irog sa Maynílà. Nang̃agsihanap ang ibá nang "betún" sa caniláng zapatos, mg̃a botón at corbata naman ang ibá, ng̃uni't siláng lahát ay nang̃ag iisip cung paano cayâ ang mabuting paraang bating lalong waláng cakimìang gagawin sa may bahay, upang papaniwalàin ang macacakitang sila'y malalaon ng̃ caibigan, ó cung magcatao'y huming̃í pang tawad na hindî nacadalóng maaga. Guinawâ ang anyaya sa paghapong itó sa isáng bahay sa daang Anloague, at yamang hindî namin natatandâan ang canyang bilang (número), aming sásaysayin ang canyang anyô upang makilala ng̃ayón, sacali't hindî pa iguiniguibá ng̃ mg̃a lindól. Hindî camí naniniwalang ipinaguibâ ang bahay na iyon ng̃ may-arì, sa pagca't sa ganitong gawa'y ang namamahala'y ang Dios ó ang Naturaleza[o 2], na tumanggap din sa ating Gobierno ng̃ pakikipagcayarì upang gawín ang maraming bagay.—Ang bahay na iyo'y may calakhan din, tulad sa maraming nakikita sa mg̃a lupaíng itó; natatayô sa pampang ng̃ ilog na sang̃á ng̃ ilog Pasig, na cung tawaguin ng̃ iba'y "ría" (ilat) ng̃ Binundóc, at gumáganap, na gaya rin ng̃ lahát ng̃ ilog sa Maynílà, ng̃ maraming capacan-ang pagcapaliguan, agusán ng̃ dumí, labahan, pinang̃ing̃isdâan, daanan ng̃ bangcang nagdádala ng̃ sarisaring bagay, at cung magcabihirà pa'y cucunán ng̃ tubig na inumín, cung minamagalíng ng̃ tagaiguib na insíc[o 3]. Dapat halataíng sa lubháng kinakailang̃ang gamit na itó ng̃ nayong ang dami ng̃ calacal at táong nagpaparoo't parito'y nacatutulig, sa layong halos may sanglibong metro'y bahagyâ na lamang nagcaroon ng̃ isang tuláy na cahoy, na sa anim na bowa'y sirâ ang cabiláng panig at ang cabilâ nama'y hindî maraanan sa nálalabi ng̃ taon, na ano pa't ang mg̃a cabayo, cung panahóng tag-init, canilang sinasamantala ang gayong hindî nagbabagong anyô, upang mulà roo'y lumucsó sa tubig, na ikinagugulat ng̃ nalilibang na táong may camatayang sa loob ng̃ coche ay nacacatulog ó nagdidilidili ng̃ mg̃a paglagô ng̃ panahón. May cababâan ang bahay na sinasabi namin, at hindî totoong magaling ang pagcacàanyô; cung hindî napagmasdang mabuti ng̃ "arquitectong"[o 4] namatnugot sa paggawâ ó ang bagay na ito'y cagagawán ng̃ mg̃a lindól at mg̃a bagyó, sino ma'y walang macapagsasabi ng̃ tucoy. Isáng malapad na hagdanang ma'y cacapitáng culay verde, at nalalatagan ng̃ alfombra sa mumunting panig ang siyang daanan mulâ sa silong ó macapasoc ng̃ pintuang nalalatagan ng̃ "azulejos"[o 5] hanggang sa cabahayán, na ang linalacara'y napapag-itanan ng̃ mg̃a maceta[o 6] at álagaan ng̃ mg̃a bulaclac na nacalagay sa "pedestal"[o 7] na lozang gawâ sa China, na may sarisaring culay at may mg̃a dibujong hindî mapaglirip. Yamang walang bantay-pintô ó alilang huming̃î ó magtanong ng̃ "billete" ó sulat na anyaya, tayo'y pumanhic, ¡oh icaw na bumabasa sa akin, catoto ó caaway! sacali't naaakit icaw ng̃ tugtog ng̃ orquesta, ng̃ ilaw ó ng̃ macahulugáng "clin-clan" ng̃ mg̃a pingga't cubiertos[o 8] at ibig mong mapanood cung paano ang mg̃a piguíng doon sa Perla ng̃ Casilang̃anan. Cung sa aking caibigán lamang at sa aking sariling caguinhawahan, hindî catá pápagalin sa pagsasaysay ng̃ calagayan ng̃ bahay; ng̃uni't lubháng mahalagá ito, palibhasa'y ang caraniwan sa mg̃a may camatayang gaya natin ay tulad sa pawican: hinahalagahan at hinihirang tayo alinsunod sa ating talucab ó tinatahanang bahay; dahil dito't sa iba pang mg̃a anyô ng̃ asal, cawang̃is ng̃a ng̃ mg̃a pawican ang mg̃a may camatayan sa Filipinas.—Cung pumanhic tayo'y agad nating marárating ang isáng malowang na tahanang cung tawaguin doo'y "caida"[o 9], ayawán cung bakit, na ng̃ gabing ito'y guinagamit na "comedor"[o 10] at tuloy salón ng̃ orquesta. Sa guitna'y may isáng mahabang mesa, na nahihiyasan ng̃ marami at mahahalagang pamuti, na tila mandin cumikindat sa "colado," taglay ang catamistamisang mg̃a pang̃acò, at nagbabalà sa matatacuting binibini, sa walang malay na dalaga, ng̃ dalawang nacaiinip na oras sa casamahán ng̃ mg̃a hindî cakilala, na ang pananalita't mg̃a pakikikiusap ay ang caraniwa'y totoong cacaiba. Namúmucod ng̃ di ano lamang sa mg̃a ganitong handang sa mundo'y nauucol, ang sumasapader na mg̃a cuadrong tungcol sa religión, gaya bagá ng̃ "Ang Purgatorio," "Ang Infierno," "Ang hulíng Paghuhucom," "Ang pagcamatáy ng̃ banal," "Ang pagcamatáy ng̃ macasalanan," at sa duyo'y naliliguid nang isáng maring̃al at magandañg "marco" na anyong "Renacimiento"[o 11] na gawâ ni Arévalo, ang isáng mabuting ayos at malapad na "lienzo" na doo'y napapanood ang dalawang matandang babae. Ganitó ang saysay ng̃ doo'y titic: "Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje, na sinasamba sa Antipolo, sa ilalim ng̃ anyong babaeng magpapalimos, dinadalaw sa canyang pagcacasakít ang banal at bantog na si Capitana Inés"[o 12]. Tunay mang ang pagcacapinta'y hindî nagpapakilala ng̃ "arte" at cabutihang lumikhâ, datapowa't nagsasaysay naman ng̃ caraniwang mamalas: ang babaeng may sakít ay tila na bangcay na nabûbuloc, dahil sa culay dilaw at azul ng̃ canyang mukhâ; ang mg̃a vaso't iba pang mg̃a casangcapan, iyang maraming mg̃a natitipong bagay bagay sa mahabang pagcacasakít ay doo'y lubhang mabuti ang pagcacasipì, na ano pa't napapanood patí ng̃ linálaman. Sa panonood ng̃ mg̃a calagayang iyong umaakit sa pagcacagana sa pagcain at nagúudyoc ng̃ ucol sa paglasáp ng̃ masasaráp na bagay bagay, marahil acalain ng̃ iláng may masamáng isipan ang may-arì ng̃ bahay, na napagkikilalang magalíng ang calooban ng̃ halos lahát ng̃ mg̃a magsisiupô sa mesa, at ng̃ huwag namáng máhalatang totoo ang canyang panucalà, nagsabit sa quízame ng̃ maririkít na lámparang gawâ sa China, mg̃a jaulang waláng ibon, mg̃a bolang cristal na may azogueng may culay pulá, verde at azul, mg̃a halamang pangbíting lantá na, mg̃a tuyóng isdáng botete na hinipa't ng̃ bumintóg, at iba pa, at ang lahát ng̃ ito'y nacúculong sa may dacong ílog ng̃ maiinam na mg̃a arcong cahoy, na ang anyo'y alang̃ang huguis europeo't alang̃ang huguis insíc, at may nátatanaw namáng isáng "azoteang"[o 13] may mg̃a balag at mg̃a "glorietang"[o 14] bahagyâ na naliliwanagan ng̃ mg̃a maliliit na farol na papel na may sarisaring culay. Nasasalas ang mang̃agsisicain, sa guitnâ ng̃ lubháng malalakíng mg̃a salamín at na ng̃agníningning na mg̃a araña[o 15]: at doon sa ibabaw ng̃ isáng tarimang[o 16] pino[o 17] ay may isáng mainam na "piano de cola"[o 18], na ang halaga'y camalácmalác, at lalò ng̃ mahalagá ng̃ gabíng itó, sa pagca't sino ma'y walang tumútugtog. Doo'y may isáng larawang "al óleo"[o 19] ng̃ isáng lalaking makisig, nacafrac, unát, matuwíd, timbáng na tulad sa bastóng may borlas na tagláy sa mg̃a matitigás na daliring puspós ng̃ mg̃a sinsíng: wari'y sinasabi ng̃ larawan: —¡Ehem! ¡masdán ninyó cung gaano carami ang suot co at aco'y hindî tumatawa! Magagandá ang mg̃a casangcapan, baga man marahil ay hindî maguinhawahang gamitin at nacasasamâ pa sa catawan: hindî ng̃â ang icaiilag sa sakít ng̃ canyáng mg̃a inaanyayahan ang naiisip ng̃ may-arì, cung dî ang sariling pagmamarikít.—¡Tunay at cakilakilabot na bagay ang pag-iilaguín, datapowa't cayó namá'y umuúpô sa mg̃a sillóng gawáng Europa, at hindî palaguing macacátagpò cayó ng̃ ganyán!—itó marahil ang sinasabi niya sa canilá. Halos punô ng̃ tao ang salas: hiwaláy ang mg̃a lalaki sa mg̃a babae, tulad sa mg̃a sambahang católico at sa mg̃a sinagoga[o 20]. Ang mg̃a babae ay iláng mg̃a dalagang ang iba'y filipina at ang iba'y española: binúbucsan nila ang bibíg upang piguilin ang isáng hicáb; ng̃uni't pagdaca'y tinátacpan nilá ng̃ caniláng mg̃a abanico; bahagyâ na nang̃agbubulung̃an ng̃ iláng mg̃a pananalitâ; anó mang pag-uusap na ipinagsúsumalang pasimulán, pagdaca'y naluluoy sa iláng putól-putól na sábi; catulad niyáng mg̃a ing̃ay na náriring̃ig cung gabí sa isáng bahay, mg̃a ing̃ay na gawâ ng̃ mg̃a dagâ at ng̃ mg̃a butikî. ¿Bacâ cayâ naman ang mg̃a larawan ng̃ mg̃a iba't ibang mg̃a "Nuestra Señora"[o 21] na nagsabit sa mg̃a pader ang siyang ninilit sa mg̃a dalagang iyong huwag umimíc at magpacahinhíng lubós, ó dito'y talagang natatang̃ì ang mg̃a babae? Ang tang̃ing sumasalubong sa pagdatíng ng̃ mg̃a guinoong babae ay isáng babaeng matandang pinsan ni capitán Tiago, mukhang mabait at hindî magaling magwicang castilà. Ang pinacaubod ng̃ canyáng pagpapakitang loob at pakikipagcapuwa tao'y walâ cung ang dî mag-alay sa mg̃a española ng̃ tabaco at hitsô, at magpahalíc ng̃ canyang camáy sa mg̃a filipina, na ano pa't walang pinag-ibhán sa mg̃a fraile. Sa cawacasa'y nayamot ang abáng matandang babae, caya't sinamantala niya ang paglagapác ng̃ isang pinggang nabasag upang lumabás na dalidalì at nagbububulong: —¡Jesus! ¡Hintay cayó, mg̃a indigno[o 22]! At hindî na mulíng sumipót. Tungcol sa mg̃a lalaki'y nang̃agcacaing̃a'y ng̃ cauntî. Umaaticabong nang̃agsasalitaan ang iláng mg̃a cadete[o 23]; ng̃uni't mahihinà ang voces, sa isa sa mg̃a súloc at manacanacang tinitingnan nila at itinuturo ng̃ dalirî ang iláng mg̃a taong na sa salas, at silasila'y nang̃agtatawanang ga inililihim ng̃ hindi naman; ang bilang capalit nama'y ang dalawang extrangero[o 24] na capowâ nacaputî ng̃ pananamit, nang̃acatalicod camáy at dî umíimic ay nang̃agpaparoo't paritong malalakí ang hacbang sa magcabicabilang dulo ng̃ salas, tulad sa guinágawâ ng̃ mg̃a naglalacbay-dagat sa "cubierta"[o 25] ng̃ isáng sasacyán. Ang masaya't mahalagáng salitàa'y na sa isang pulutóng na ang bumubuo'y dalawang fraile, dalawang paisano[o 26] at isáng militar na canilang naliliguid ang isáng maliit na mesang kinalalagyan ng̃ mg̃a botella ng̃ alac at mg̃a biscocho inglés[o 27]. Ang militar ay isang matandang teniente, matangcád, mabalasic ang pagmumukhâ, na ano pa't anaki'y isang Duque de Alba[o 28] na napag-iwan sa escalafón[o 29] ng̃ Guardia Civil[o 30]. Bahagyâ na siya nagsásalita, datapuwa't matigás at maiclî ang pananalitâ.—Ang isá sa mg̃a fraile'y isang dominicong bata pa, magandá, malinis at maningning, na tulad sa canyang salamín sa matang nacacabit sa tangcáy na guintô, maaga ang pagca ugaling matandâ: siya ang cura sa Binundóc at ng̃ mg̃a nacaraang tao'y naguing catedrático[o 31] sa San Juan de Letran[o 32]. Siya'y balitang "dialéctico"[o 33], caya ng̃a't ng̃ mg̃a panahong iyóng nang̃ang̃ahas pa ang mg̃a anac ni Guzmang[o 34] makipagsumag sa paligsahan ng̃ catalasan ng̃ ísip sa mg̃a "seglar"[o 35], hindî macuhang malitó siya ó mahuli cailan man ng̃ magalíng na "argumentador"[o 36] na si B. de Luna[o 37]; itinutulad siya ng̃ mg̃a "distingo"[o 38] ni Fr. Sibyla sa máng̃ing̃isdang ibig humuli ng̃ igat sa pamamag-itan ng̃ sílò. Hindî nagsasálitâ ang dominico at tila mandin pinacatitimbang ang canyang mg̃a pananalità. Baligtád ang isá namáng fraile, na franciscano, totoong masalitâ at lalò ng̃ maínam magcucumpás. Bagá man sumusung̃aw na ang mg̃a uban sa canyang balbás, wari'y nananatili ang lácas ng̃ canyang malusóg na pang̃ang̃atawán. Ang mukhâ niyang magandá ang tabas, ang canyang mg̃a pagting̃ing nacalálaguim, ang canyáng malalapad na mg̃a pang̃á at batìbot na pang̃ang̃atawan ay nagbibigay anyô sa canyáng isáng patricio romanong[o 39] nagbalát cayô, at cahi't hindî sinasadya'y inyóng mágugunitâ yaong tatlong monjeng[o 40] sinasabi ni Heine[o 41] sa canyáng "Dioses en el destierro"[o 42], na nagdaraang namamangcâ pagcahating gabi sa isang dagatan doon sa Tyrol,[o 43] cung "equinoccio"[o 44] ng̃ Septiembre, at sa tuwing dumaraa'y inilálagay ng̃ abang mámamangca ang isáng salapíng pílac, malamíg na cawang̃is ng̃ "hielo," na siyang sa canya'y pumupuspos ng̃ panglulumó. Datapuwa't si Fray Dámaso'y hindî mahiwagang gaya nilá; siya'y masayá, at cung pabug-al bug-al ang canyáng voces sa pananalità, tulad sa isang taong cailan ma'y hindi naaalang-alang, palibhasa'y ipinalálagay na banal at walâ ng̃ gágaling pa sa canyáng sinasabi, kinacatcat ang sacláp ng̃ gayóng ugalî ng̃ canyáng táwang masayá at bucás, at hangang sa napipilitan cang sa canya'y ipatawad ang pagpapakita ng̃ mg̃a paang waláng calcetín at mg̃a bintíng mabalahíbo, na icakikita ng̃ maraming pagcabuhay ng̃ isáng Mendicta sa mg̃a feria sa Kiapò. Ang isa sa mg̃a paisano'y isang taong malingguit, maitím ang balbás at waláng íkinatatáng̃ì cung dî ang ilóng, na sa calakhá'y masasabing hindî canyá; ang isá, nama'y isang binatang culay guintô ang buhóc, na tila bagong datíng dito sa Filipinas: itó ang masilacbóng pinakikipagmatuwiranan ng̃ franciscano. —Makikita rin ninyó—ang sabi ng̃ franciscano—pagca pô cayó'y nátirang iláng bowan dito, cayó'y maniniwálà sa aking sinasabi: ¡ibá ang mamahala ng̃ bayan ng̃ Madrid at ibá, ang mátira sa Filipinas! —Ng̃uni't.... —Acó, sa halimbáwà—ang patuloy na pananalitâ ni Fr. Dámaso, na lalong itinaas ang voces at ng̃ dî na macaimíc ang canyang causap—aco'y mayroon na ritong dalawampo at tatlong taóng saguing at "morisqueta"[o 45], macapagsasabi aco ng̃ mapapaniwalâan tungcól sa bagay na iyan. Howág cayóng tumutol sa akin ng̃ alinsunod sa mg̃a carunung̃an at sa mabubuting pananalitâ, nakikilala co ang "indio"[o 46]. Acalain ninyong mulá ng̃ aco'y dumatíng sa lupaíng ito'y aco'y iniucol na sa isang bayang maliit ng̃a, ng̃uni't totoong dúmog sa pagsasaca. Hindî co pa nauunawang magalíng ang wicang tagalog, gayon ma'y kinúcumpisal co na ang mg̃a babae[o 47] at nagcacawatasan camí, at lubháng pinacaíbig nila aco, na ano pa't ng̃ macaraan ang tatlóng taón, ng̃ aco'y ilipat sa ibáng báyang lalong malakí, na waláng namamahálà dahil sa pagcamatáy ng̃ curang "indio" roon, nang̃agsipanang̃is ang lahat ng̃ babae, pinuspos acó ng̃ mg̃a handóg, inihatid nila acong may casamang música.... —Datapowa't iya'y nagpapakilala lamang.... —¡Hintáy cayó! ¡hintay cayó! ¡howag naman sana cayóng napacaning̃as! Ang humalili sa akin ay hindí totoong nagtagal na gaya co, at ng̃ siya'y umalís ay lalò ng̃ marami ang naghatíd, lalo ng̃ marami ang umiyác at lalo ng̃ mainam ang música, gayóng siya'y lalò ng̃ mainam mamálò at pinataas pa ang mg̃a "derechos ng̃ parroquia"[o 48], hangang sa halos nag-ibayo ang lakí. —Ng̃uni't itutulot ninyó sa aking.... —Hindî lamang iyan, nátira aco sa bayang San Diegong dalawampong taón, may iláng bowán lamang ng̃ayong aking.... iniwan (dito'y nagpakitang tila masamâ ang loob). Hindî maicacait sa akin nino mang dalawampong tao'y mahiguít cay sa catatagán upang makilala ang isang bayan. May anim na libo ang dami ng̃ taong namamayan sa San Diego, at bawa't tagaroo'y nakikilala co, na parang siya'y aking ipinang̃anac at pinasuso: nalalaman co cung alín ang mg̃a lisyang caasalan nito, cung anó ang pinang̃ang̃ailang̃an niyon, cung sino ang nang̃ing̃ibig sa bawa't dalaga, cung ano anong mg̃a pagcadupilas ang nangyari sa babaeng itó, cung sino ang tunay na amá ng̃ batang inianac, at iba pa; palibhasa'y kinucumpisal co ang calahatlahatang taong-bayan; nang̃ag-iing̃at ng̃ mainam sila sa canicaniláng catungculan. Magsabi cung nagsisinung̃aling aco si Santiagong siyang may arì nitong bahay; doo'y marami siyang mg̃a lupà at doon camí naguíng magcaibigan. Ng̃ayo'y makikita ninyó cung anó ang "indio"; ng̃ aco'y umalís, bahagya na acó inihatid ng̃ ilang mg̃a matatandáng babae at iláng "hermano" tercero[o 49], ¡gayóng nátira aco roong dalawampong taón! Ng̃uni't hindî co mapagcúrò cung anó ang cabagayán ng̃ inyong mg̃a sinabi sa pagcacaális ng̃ "estanco ng̃ tabaco"[o 50]—ang sagot ng̃ may mapuláng buhóc na causap, na canyang sinamantala ang sandaling pagcatiguil dahil sa pag-inom ng̃ franciscano ng̃ isang copita ng̃ Jerez[o 51]. Sa pangguiguilalas ng̃ dî anó lamang ni Fr. Dámaso ay cauntî nang mabitiwan nito ang copa. Sandalíng tinitigan ang binata at: —¿Paano? ¿paano?—ang sinabi pagcatapos ng̃ boong pagtatacá.—Datapowa't ¿mangyayari bagang hindî ninyo mapagwarì iyang casíng liwanag ng̃ ílaw? ¿Hindî ba ninyó nakikita, anác ng̃ Dios, na ang lahat ng̃ ito'y nagpapatibay na totoo, na pawang cahaling̃án ang mg̃a pagbabagong utos na guinágawà ng̃ mg̃a minìstro? Ng̃ayo'y ang may puláng buhóc naman ang natigagal, lalong ikinunot ng̃ teniente ang canyang mg̃a kilay, iguinagalaw ang ulo ng̃ taong bulilit na parang ipinahahalatâ niyang biníbigyan niyang catuwiran ó hindi si Fray Dámaso. Nagcasiya na lamang ang dominico sa pagtalicód sa canilang lahat halos. —¿Inaacalà bagá ninyó ...?—ang sa cawacasa'y nagawang tanóng ng̃ boong catimpian ng̃ binátà, na tinítitigan ng̃ boong pagtatacá ang fraile. —¿Na cung inaacalà co? ¡Sinasampalatayanan cong gaya ng̃ pagsampalataya sa Evangelio[o 52]! ¡Napaca "indolente"[o 53] ang "indio"! —¡Ah! ipatawad po ninyong salabatin co ang inyong pananalitâ—anang binatà, na idinahan ang voces at inilapít ng̃ cauntî ang canyang upuan; sinabi po ninyo ang isang salitâ na totoong nacaakit sa aking magdilidili. ¡Tunay ng̃a cayang catutubò ng̃ mg̃a dalisay na tagarito ang pagca "indolente," ó nangyayari ang sinasabi ng̃ isang maglalacbáy na taga ibang lupain, na tinátacpan natin ng̃ pagca indolenteng ito ang ating sariling pagca indolente, ang pagcáhuli natin sa pagsulong sa mg̃a carunung̃an at ang ating paraan ng̃ pamamahala sa lupaíng nasasacupan? Ang sinabi niya'y ucol sa mg̃a ibang lupaíng sacóp, na ang mg̃a nananahan doo'y pawang sa lahì ring iyan!... —¡Ohó! ¡Mg̃a cainguitan! ¡Itanong pô ninyo cay guinoong Laruja na nacakikílala rin sa lupaíng itó; itanong ninyo sa canya cung may mg̃a catulad ang camangmang̃an at ang pagca "indolente" ng̃ indio! —Tunay ng̃a—ang sagót namán ng̃ bulilít na lalaking siyang binangguit—¡hindî po cayó macacakita sa alin mang panig ng̃ daigdíg ng̃ híhiguit pa sa pagca indolente ng̃ indio, sa alin mang panig ng̃ daigdíg! —¡Ni iba pang lalong napacasama ng̃ asal na pinagcaratihan, ni iba pang lalong hindî marunong cumilala ng̃ utang na loob! —¡At ng̃ ibang lalong masamâ ang túrò! Nagpasimulâ ang binatang mapulá ang buhóc ng̃ pagpapaling̃apling̃ap sa magcabicabilà ng̃ boong pag-aalap-ap. —Mg̃a guinoo—ang sinabing marahan—tila mandin tayo'y na sa bahay ng̃ isang "indio". Ang mg̃a guinoong dalagang iyan.... —¡Bah! huwag cayóng napaca magugunigunihin! Hindî ipinalalagay ni Santiagong siya'y "indio," bucód sa roo'y hindî siya naháharap, at.... ¡cahi't náhaharap man siya! Iya'y mg̃a cahaling̃án ng̃ mg̃a bágong dating. Hayaan ninyong macaraan ang ilang bowan; magbabago cayóng isipán pagca cayo'y nacapagmalimít sa maraming mg̃a fiesta at "bailujan"[o 54], nacatulog sa mg̃a catre at nacacain ng̃ maraming "tinola". —Tinatawag po ba ninyong tinola ang bung̃ang cahoy na cahawig ng̃ "loto"[o 55] na ... ganyan ... nacapagmamalimutin sa mg̃a tao? —¡Ano bang loto ni loteria!—ang sagot ni párì Dámasong nagtátawa;—nagsasalitâ cayó ng̃ mg̃a cahaling̃án. Ang tinola ay ang pinaghalong inahíng manoc at sacá úpo. ¿Buhat pa cailán dumating cayó? —Apat na araw—ang sagot ng̃ binatang ga namumuhî na. —¿Naparito ba cayong may catungculan? —Hindi pô; naparito acó sa aking sariling gugol upang mapagkilala co ang lupaíng itó. —¡Aba, napacatang̃ì namang ibon!—ang saysay ni Fr. Dámaso, na siya'y minamasdan ng̃ boong pagtatacá—¡Pumarito sa sariling gugol at sa mg̃a cahaling̃án lamang! ¡Cacaibá namáng totoo! ¡Ganyang caraming mg̃a libro ... sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang dáling noo[o 56].... Sa ganya'y maraming sumulat ng̃ mg̃a dakílang libro! ¡Sucat na ang magcaroon ng̃ dalawang daling noo.... —Sinasabi ng̃ "cagalanggalang po ninyo"[o 57] ("Vuestra reverencia"), párì Dámaso—ang biglang isinalabat ng̃ dominico na pinutol ang salitaan—na cayo'y nanaháng dalawampong taón sa bayang San Diego at cayo umalis doon.... ¿hindî pô ba kinalúlugdan ng̃ inyong cagalang̃an ang bayang iyon? Biglang nawalâ ang catowaan ni Fr. Dámaso at tumiguil ng̃ pagtatawá sa tanóng na itong ang anyo'y totoong parang walang anó man at hindî sinásadyâ. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ ang dominico ng̃ anaki'y lalong nagwáwalang bahálà: —Marahil ng̃a'y nacapagpipighati ang iwan ang isáng bayang kinátahanang dalawampong taón at napagkikilalang tulad sa hábitong suot. Sa ganáng akin lamang naman, dinaramdam cong iwan ang Camilíng, gayóng iilang buwan acóng nátira roon ... ng̃uni't yaó'y guinawâ ng̃ mg̃a púnò sa icagagaling ng̃ Capisanan ... at sa icágagaling co namán. Noon lamang ng̃ gabíng iyón, tila totoong natilihan si Fr. Dámaso. Di caguinsaguinsa'y pinacabigyanbigyan ng̃ suntóc ang palung̃án ng̃ camáy ng̃ canyáng sillón, huming̃a ng̃ malacás at nagsalitâ: —¡O may Religión ó wala! sa macatuid baga'y ¡ó ang mg̃a cura'y may calayâan ó walâ! ¡Napapahamac ang lupang itó, na sa capahamacán! At sácâ mulíng sumuntóc. —¡Hindi!—ang sagót na paang̃il at galit, at saca biglang nagpatinghigâ ng̃ boong lacás sa hiligán ng̃ sillón. Sa pagcámanghâ ng̃ nang̃asasalas ay nang̃agting̃inan sa pulutóng na iyón: itinungháy ng̃ dominico ang canyáng ulo upang tingnán niya si pári Dámaso sa ilalim ng̃ canyáng salamín sa mata. Tumiguil na sandali ang dalawáng extranjerong nang̃agpapasial, nang̃agting̃inan, ipinakitang saglít ang caniláng mg̃a pang̃il; at pagdaca'y ipinagpatuloy uli ang caniláng pagpaparoo't parito. —¡Masamâ ang loob dahiláng hindî ninyó binigyán ng̃ Reverencia (Cagalang-galang)!—ang ibinulóng sa taing̃a ng̃ binatang mapulá ang buhóc ni guinoong Laruja. —¿Anó pô bâ, ang ibig sabihin ng̃ "cagalanggalang" ninyó (Vuestra Reverencia)? ¿anó ang sa inyo'y nangyayari?—ang mg̃a tanóng ng̃ dominico at ng̃ teniente, na iba't ibá ang taas ng̃ voces. —¡Cayâ dumaráting dito ang lubháng maraming mg̃a sacunâ! ¡Tinatangkílik ng̃ mg̃a pinúnò ang mg̃a "hereje"[o 58] laban sa mg̃a "ministro" ng̃ Dios[o 59]! ang ipinagpatuloy ng̃ franciscano na ipinagtutumâas ang canyáng malulusog ó na mg̃a panuntóc. —¿Anó pô ba ang ibig ninyóng sabihin?—ang mulíng itinanóng ng̃ abot ng̃ kilay na teniente na anyóng titindig. —¿Na cung anó ang íbig cong sabíhin?—ang inulit ni Fr. Dámaso, na lalong inilacás ang voces at humaráp sa teniente.—¡Sinasabi co ang ibig cong sabihin! Acó, ang ibig cong sabihi'y pagca itinatapon ng̃ cura sa canyáng libing̃an ang bangcáy ng̃ isáng "hereje," sino man, cahi ma't ang hárì ay waláng catuwirang makialám, at lalò ng̃ waláng catuwirang macapagparusa. ¡At ng̃ayo'y ang isáng "generalito"[o 60], ang isáng generalito Calamidad[o 61] ...! —¡Párì, ang canyáng Carilagán[o 62] (ang marilág bagáng Gobernador General) ay Vice-Real Patrono[o 63],—ang sigaw ng̃ teniente na nagtindíg. —¡Anó bang Carilagán ó Vice-Real Patrono[o 64] man!—ang sagót ng̃ franciscanong nagtindíg din.—Cung nangyari itó sa ibáng panaho'y kinaladcád sana siyá ng̃ pababâ sa hagdanan, tulad ng̃ minsa'y guinawâ ng̃ mg̃a Capisanan ng̃ mg̃a fraile sa pusóng na Gobernador Bustamante[o 65]. ¡Ang mg̃a panahóng iyón ang tunay na panahón ng̃ pananampalataya! —Ipinauunawà co sa inyó na di co maitutulot ... Ang "Canyang Carilagán," (ó ang marilág na Gobernador General) ang pinacacatawán ng̃ Canyáng Macapangyarihan, ang Hárì[o 66]. —¡Anó bang hárì ó cung Roque[o 67] man! Sa ganáng amin ay waláng ibáng hárì cung dî ang tunay[o 68].... —¡Tiguil!—ang sigáw ng̃ tenienteng nagbabalà at wari'y mandin ay nag-uutos sa canyáng mg̃a sundalo;—¡ó inyóng pagsisisihan ang lahát ninyóng sinabi ó búcas din ay magbíbigay sabi acó sa Canyang Carilagán!... —¡Lacad na cayó ng̃ayón din, lacad na cayó!—ang sagót ng̃ boong paglibác ni Fr. Dámaso, na lumapít sa tenienteng nacasuntóc ang camáy.—¿Acalà ba ninyo't may suot acóng hábito'y walâ acóng ...? ¡Lacad na cayo't ipahihíram co pa sa inyó ang aking coche! Naoowî ang salitaan sa catawatawang anyô. Ang cagaling̃ang palad ay nakialam ang dominico.—¡Mg̃a guinoo!—ang sabi niyáng taglay ang anyóng may capangyarihan at iyáng voces na nagdaraan sa ilóng na totoong nababagay sa mg̃a fraile;—huwag sana ninyóng papagligáwligawín ang mg̃a bagay, at howag namán cayóng humánap ng̃ mg̃a paglapastang̃an sa waláng makikita cayó. Dapat nating ibucód sa mg̃a pananalitâ ni Fr. Dámaso ang mg̃a pananalitâ ng̃ tao sa mg̃a pananalitâ ng̃ sacerdote. Ang mg̃a pananalitâ ng̃ sacerdote, sa canyáng pagcasacerdote, "per se"[o 69], ay hindî macasasakít ng̃ loob canino man, sa pagca't mulâ sa lubós ng̃ catotohanan. Sa mg̃a pananalitâ ng̃ tao, ay dapat gawín ang isá pa manding pagbabahagui: ang mg̃a sinasabing "ab irato"[o 70], ang mg̃a sinabing "exore"[o 71], datapuwa't hindî "in corde"[o 72], at ang sinasabing "in corde". Ang mg̃a sinasabing "in corde" lamang ang macasasakít ng̃ loob: sacali't dating tinatagláy ng̃ "in meate"[o 73] sa isáng cadahilanan, ó cung nasabi lamang "per accidens"[o 74], sa pagcacáinitan ng̃ salitàan, cung mayroong.... —¡Ng̃uni't aco'y "por accidens" at "por mi"[o 75] ay nalalaman co ang mg̃a cadahilanan, pári Sibyla!—ang isinalabat ng̃ militar, na nakikita niyáng siya'y nabibilot ng̃ gayóng caraming mg̃a pag tatang̃itang̃i, at nang̃ang̃anib siyáng cung mapapatuloy ay siyá pa ang lalábas na may casalanan.—Nalalaman co ang mg̃a cadahilanan at papagtatang̃iin ng̃ "cagalang̃an pô ninyo" (papagtatang̃itang̃iin pô ninyo). Sa panahóng wala si pári Dámaso sa San Diego ay inilibíng ng̃ coadjutor[o 76] ang bangcáy ng̃ isáng táong totoong carapatdapat ...; opò, totoong carapatdapat; siya'y macáilan cong nácapanayam, at tumúloy acó sa canyáng bahay. Na siya'y hindi nang̃umpisál cailan man, at iyán bagá'y ¿anó? Acó ma'y hindi rin nang̃ung̃umpisál, ng̃uni't sabihing nagpacamatáy, iya'y isáng casinung̃aling̃an, isáng paratang. Isáng táong gaya niyáng may isáng anác na lalaking kinabubuhusan ng̃ boong pag-irog at mg̃a pag-asa, isáng táong may pananampalataya sa Dios, na nacacaalám ng̃ canyang mg̃a catungculang dapat ganapín sa pamamayan, isáng táong mapagmahál sa capurihán at hindi sumisinsay sa catuwiran, ang ganyáng tao'y hindî nagpápacamatay. Ito'y sinasabi co, at hindî co sinasabi ang mg̃a ibáng aking iniisip, at kilanlíng utang na loob sa akin ng̃ "cagalang̃an" pô ninyó. At tinalicdán ang franciscano at nagpatuloy ng̃ pananalitâ: —Ng̃ magcágayo'y ng̃ magbalic ang curang itó sa bayan, pagcatapos na maalipustá ang coadjutor, ang guinawa'y ipinahucay ang bangcáy na iyón, ipinadala sa labás ng̃ libing̃an, upang ibaón hindi co maalaman cung saan. Sa caruwagan nang bayang San Diego'y hindi tumutol; tunay ng̃a't iilan lamang ang nacaalam, walang camag-anac ang nasirà, at na sa Europa ang canyang bugtóng na anác; ng̃uni't nabalitaan ng̃ Gobernador General, at palibhasa'y táong may dalisay na púsò, ay hining̃i ang caparusahán ... at inilipat si pári Dámaso sa lalong magaling na bayan. Itó ng̃â lamang ang nangyari. Ng̃ayo'y gawín ng̃ "inyó pong cagalang̃án" ang pagtatang̃itang̃i. At pagca sabi nitó'y lumayò sa pulutóng na iyón. —Dináramdam cong hindî co sinásadya'y nábanguit co ang isáng bagay na totoong mapang̃anib ani párì Sibylang may pighatî.—Datapuwa't cung sa cawacasa'y nakinabang naman cayó sa pagpapalít-bayan.... —¡Anó bang pakikinabang̃in! ¿At ang nawáwalâ sa mg̃a paglipat ... at ang mg̃a papel ... at ang mg̃a ... at ang lahát ng̃ mg̃a náliligwín?—ang isinalabat na halos nauutál ni Fr. Dámaso na hindi macapagpiguil ng̃ galit. Untiunting nanag-úli ang capisanang iyón sa dating catahimican. Nang̃agsidatíng ang ibá pang mg̃a tao, caacbáy ang isáng matandáng castilàng piláy, matamís at mabaít ang pagmumukhâ, nacaacay sa bísig ng̃ isáng matandáng babaeng filipinang punô ng̃ culót ang buhóc, may mg̃a pintá ang mukhâ at nacasuot europea. Sila'y sinalubong ng̃ bating catoto ng̃ naroroong pulutóng, at nang̃agsiupô sa tabí ng̃ ating mg̃a cakilala ang Doctor De Espadaña at ang guinoong asawa niyang "doctora" na si Doña Victorina. Doo'y napapanood ang iláng mg̃a "periodista"[o 77] at mg̃a "almacenero"[o 78] na nang̃agpaparoo't parito at waláng maalamang gawín. —Ng̃uni't ¿masasabi pô ba ninyo sa akin, guinoong Laruja, cung anóng tao cayâ ang may arì ng̃ bahay?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc.—Aco'y hindî pa naipapakilala sa canyá[o 79]. —Ang sabihana'y umalís daw, acó ma'y hindi co pa siyá nakikita. —¡Dito'y hindî cailang̃anang mg̃a pagpapakilala!—ang isinabád ni Fr. Dámaso,—Si Santiago'y isáng táong mabaít. —Isang táong hindi nacátuclas ng̃ pólvorâ—ang idinugtong ni Laruja. —¡Cayó pô namán, guinoong Laruja!—ang sinabi sa malambing na pagsisi ni Doña Victorinang nag-aabanico.—¿Paano pô bang matutuclasan pa ng̃ abang iyón ang pólvora, ay alinsunod sa sabi'y natuclasan na ito ng̃ mg̃a insíc na malaong panahón na? —¿Nang mg̃a insíc? ¿Nasisirà bâ ang isip ninyo?—ang sabi ni Fr. Dámaso,—¡Tumahán ng̃â cayó! ¡Ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora'y isang franciscano, isá sa aming samahan, Fr. Hindî co maalaman Savalls, ng̃ siglong ... ¡icapitó! —¡Isang franciscano! Marahil naguíng misionero sa China, ang párì Savalls na iyan—ang itinutol ng̃ guinoong babae na hindî ipinatatalo ng̃ gayongayon lamang ang canyang mg̃a isipan. —Marahil Schwartz[o 80] ang ibig pô ninyong sabihin, guinoong babae—ang itinugón namán ni Fr. Sibyla, na hindî man lamang siya tinítingnan. —Hindî co maalaman; sinabi ni Fr. Dámasong Savalls: walâ acóng guinawâ cung dî inulit co lamang ang canyang sinalitâ. —¡Magalíng! Savalls ó Chevás, ¿eh anó ng̃ayon? ¡Hindî dahil sa isáng letra ay siya'y maguiguing insíc!—ang mulíng sinaysay na nayáyamot ang franciscano. —At ng̃ icalabing-apat na siglo at hindî ng̃ icapitó—ang idinugtóng ng̃ dominico, na ang anyo'y parang sinásala ang camalìan at ng̃ pasakitan ang capalaluan niyong isáng fraile. —¡Mabuti, datapuwa't hindî sa paglalabis cumulang ng̃ isáng siglo'y siya'y maguiguing dominico na! —¡Abá, howag pô sanang magalit ang cagalang̃án pô ninyo!—ani párì Sibylang ng̃umíng̃itî.—Lalong magalíng cung siya ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora, sa pagca't sa gayo'y naibsan na niya sa pagcacapagod sa gayóng bagay ang canyang mg̃a capatíd. —¿At sinasabi pô ninyo, párì Sibyla, na nangyari ang bagay na iyón ng̃ icalabíng apat na siglo?—ang tanóng na malakí ang nais na macatalós ni Doña Victorina—¿ng̃ hindî pa ó ng̃ macapagcatawáng tao na si Cristo? Pinalad ang tinátanong na pumasoc sa salas ang dalawang guinoo. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Isang Handaan
- Isang Salusalo
- Ang Pagtitipon
- Ang Piging
Baybayin
Talababaan
|
|