Esperanto/Ano ang Esperanto
Ang wikang Esperanto ay isang artipisyal at niyaring wika. Sa ngayon, ito ang wika ng ganitong klase ang may pinakamaraming nagsasalita sa buong mundo. Ang wikang ito ay ginawa noong 1887 ng isang doktor na taga-Polonya na nagngangalang Ludwig Leizer Zamenhof. Ginawa niya ito bilang isang madali at walang kinikilingang wika na maari maging susi sa kapayapaan sa pagitan ng mga nagaalitang bansa.
Ang Unua Libro, na isinulat ni Zamenhof sa sagisag na Doktor Esperanto, ang kauna-unahang librong naisulat tungkol sa Esperanto. Sa librong ito, ang wikang Esperanto ay tinawag na Ang Wikang Internasyunal ngunit sumikat ang Esperanto bilang pangalan ng wika na hango sa sagisag na Esperanto.
Malayo na ang narating ng Esperanto bilang isang artipisyal na wika. May mga 2 milyon* ang nakakaalam sa wikang ito at ilang libo ang kayang makapagsalita nito lalo na sa Europa at Silangang Asya. May makakausap ka na kahit papaano isang tao sa wikang Esperanto sa isang bansa. Kikikilala rin ito ng mga sikat na websites tulad ng Google at Facebook at inaaral rin dahil sa tulong nito sa pag-aaral ng iba pang wika tulad ng mga wikang Europeo.
Mayaman ang kultura ng Esperanto kahit walang bansa ang kumikilala sa wikang ito. Mayroon itong mga akda, awit, at mga palabas na naipon na buhat noong ginawa ang wikang ito. Ang mga kongreso ng Esperanto ay mga taunang pagtitipon ng mga Esperantista mula sa iba't-ibang panig ng mundo upang magkakilanlan at magbahagi ng kani-kanilang mga kultura. Ang Pasporta Servo naman ay isang serbisyo kung saan ang mga Esperantista ay maaaring makituloy o magpatuloy sa isang kapwang Esperantista sa bahay nito. Dahil sa internet, mas lalong lumaganap ang wikang ito.