Florante at Laura/Kabanata 6

Mula sa Wikibooks

Panibugho sa Minamahal
Paliwanag
Paggunita sa Nakaraan
(Paliwanag)

Pagdating ng Moro sa Gubat
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit — anaki'y matibay;
tapat ang puso mo[1]'t 'di nagunam-gunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan."

"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil."

"'di kung ako Poo'y utusang manggubat
ng hari[2] mong ama sa alinmang s'yudad[3],
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong perlas[4]?"

Ang aking plumahe kung itinatahi
ng parang korales na iyong daliri,
buntung-hininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi."

"Makailan, Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok!"

"Baluti't koleto'y 'di mo papayagan
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumham."

"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad."

"Pinahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L[5]."

"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok[6],
nakikita mo na'y may dala pang takot."

"Buong panganib mo'y baka nakasugat,
'di maniniwala kung 'di masiyasat;
at kung magkagurlis ng munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak[7]."

"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang 'di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi."

"Hindi ka tutugot kung 'di natalastas,
kakapitan mo nang mabigla ang lubas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaliw sa mga bulaklak."

"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang sasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit."

"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha:
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay 'di iapula?"

"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay —
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan."

"At ngayong malaki ang aking dalita
ay 'di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula."

"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingni ang sugat kong 'di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong[8] sa gitgit
ng kamay ko, paa't natataling liig."

"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang;
kalagin ang lubid at iyong bihisan,[9]
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan."

"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong saklakan ng sakit,
upanding mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikakapatid[10]."

"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!"

"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
Wala na si Laura'y aking tinatawag!
Napalayu-layo't 'di na lumiliyag
ipinagkanulo ang sinta kong tapat."

"Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinang-anyaya,
nilimot ang sinta't sinayang ang luha."

"Alin pa ang hirap na 'di na sa akin?
May kamatayan pang 'di ko daramdamin?
Ulila sa ama't sa inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw."

"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumino,
ako'y sinusunog niring panibugho."

"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad."

"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinukuban,
ang kabangisan mo'y pinapasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw."

Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntung-hininga't luhang lumagaslas.

Sa puno ng kahoy ay napayukayok,
ang liig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay na burok
ng kaniyang mukha'y naging puting lubos.

Orihinal

Catiualà aco,t, ang iyòng carictán
capilas nang Lan͠git anaqui matibay,
tapát ang púsò mo,t, dî nagunamgunam
na ang pag lililo,i, na sa cagandahan.

Hindî co acalang iyóng sa-sayan͠gin
maraming lúhà mong guinugol sa aquin
taguring madalás na acó ang guiliu,
muc-hâ co ang lunas sa madláng hilahil.

Di cong acó Poo,i, utusang mang-gúbat
nang Hari mong Amá sa alín man Ciudad
cong guinagauá mo ang aquing saguisag
dalauá mong matá,i, nanalong nang perlas?

Ang aquing plumage cung itinatalî
nang parang corales na iyóng dalirî
buntóng hihin͠gá mo,i, naquiqui-ugalî
sa quilos nang guintóng ipinananahî.

Macailan Laurang sa aqui,i, iabot,
basâ pa nang lúhà bandang isusuut,
ibinibigay mo ay nag hihimutóc
tacot masugatan sa paquiquihamoc.

Baluti,t, coleto,i, dî mo papayagan
madampi,t, malapat sa aquing catao-an
cundî tingnan muna,t, bacâ may calauang
ay nan͠gan͠ganib cang damit co,i, marumhán.

Sinisiyasat mo ang tibay, at quintáb
na cong sayaran man nang tagá,i, dumulás
at cong malayò mang iyóng minamalas
sa guitnâ nang hokbo,i, makilalang agád.

Pahihiasan mo ang aquing turbante
nang perlas topasio,t, maningníng na rubé,
bucód ang magalao na batóng diamante
púnô nang n͠galan mong isang letrang L.

Hangang aco,i, uala,t, naquiquipag-hámoc
nang aapuhap ca nang pang aliu loob;
manalo man aco,i, cun bagong nanasoc
naquiquita mo na,i, may dalá pang tácot.

Boong pan͠ganib mo,i, bacâ nagca sugat
di maniniualà cundi masiasat
at cung magcagurlís nang muntî sa balát
hinuhugasan mo nang lúhang nanatác.

Cung aco,i, mayroong cahapisang muntî
tatanun͠gin moná cun anó ang sanhî,
hangang di malining ay idinarampî
sa mga muc-ha co, ang rube mong lábî.

Hindî ca tutugot cundî matalastás,
cacapitan monang mag bigla nang lúnas,
dadalhin sa jardi,t, doon ihahanap,
nang ica-aaliu, sa mga bulaclác.

Iyong pipitasín ang lalong mariquít
dini sa li-ig co,i, cúsang isasabit
tuhog na bulaclac sadyáng saglit-saglit,
pag-uupandín mong lumbay co,i, mapacnít.

At cun ang hapis co,i, hindî masauatâ
sa pilic-matá mo,i, dadáloy ang lúhâ
na pasaán n͠gayón ang gayóng arugâ
sa dalá cong sáquit ay di i-apulâ?

Halina Laura,t, aquing cailangan
n͠gayon, ang lin͠gap mo nang naunang arao,
n͠gayón hinihin͠gî ang iyong pag-damay;
ang abáng sintá mo,i, na sa camatayan.

At n͠gayóng malaqui ang aquing dálitâ,
ay dî humahanap nang maraming lúhâ,
sucat ang capatác na maca-apulâ
cun sa may pag sintang púsò mo,i, mag mulâ.

Catao-ang co,i, n͠gayón siyasatin, ibig,
tigní ang súgat cong dí gauâ nang cáliz
hugasan ang dugóng nanálong sa guitguít
nang camay co, paa,t, natataling li-ig.

Halina, irog co,t, ang damít co,i, tingnán,
ang hindî mo ibig dampioháng calauang
calaguín ang lubid, at iyong bihisan,
matinding disa co,i, nang gumaán-gaán.

Ang m͠ga matá mo,i, cun iyóng ititig
dini sa anyô cong sadlacan nang sáquit
upanding mapiguil ang tacóng mabilís
niyaring abáng búhay sa icapapatíd.

Uala na Laura,t, icao nan͠ga lamang
ang macalulunas niyaring cahirapan;
damhín nang camay mo ang aquing catauan,
at bangcay man aco,i, mulíng mabúbuhay!

N͠guní ¡sa abáco! ¡ay sa laquing hirap!
ualâ na si Laura,i, laquing tinatauag!
napalayo-layo,t, di na lumiliyag,
ipinag cánolò ang sintá cong tapát.

Sa ibang candun͠ga,i, ipinagbiyayà
ang púsong aquin na, at aco,i, dinayá
boóng pag-ibig co,i, ipinan͠ganyaya
linimot ang sintá,t, sinayang ang luhá.

Alin pa ang hirap na dî na sa aquin?
may camatayan pang dîco dadamdamín?
ulila sa Amá,t, sa Ináng nag-angquin,
ualang kaibiga,t, linimot ng guiliu.

Dusa sa puri cong cúsang siniphayò,
palasong may lasong natiric sa púsò;
habág sa Amá co,i, túnod na tumimo;
aco,i, sinusunog niyaring panibughò.

Ito,i, siyang una sa lahat n͠g hirap,
pag dayà ni Laura ang cumacamandág
dini sa búhay co,i, siyang magsa-sadlac
sa lingin͠gang la-án ng masamáng palad.

O conde Adolfo,i, ilinapat mo man
sa aquin ang hirap n͠g sangsinucuban,
ang caban͠gisan mo,i, ipinasalamatan,
ang púsò ni Laura,i, cong hindî inagao.

Dito nag-himutóc ng casindac-sindác
na umaalin͠gao-n͠gao sa loob n͠g gúbat
tinangay ang diua,t, caramdamang hauac
n͠g buntóng hinin͠ga,t, lúhang lumagaslás.

Sa púno n͠g cahoy ay napa-yucayoc,
ang li-ig ay supil n͠g lúbid na gapos,
bangcay na mistula,t, ang culay na buroc
n͠g caniyang muc-ha,i, naguing puting lubós.

Talababaan

  1. Si Laura ang itinutukoy.
  2. Ang Haring Linceo ang itinutukoy.
  3. Ginagamit ang "siyudad" sa pagpapahulugang "bayan"/"bansa", hindi bilang isang lungsod.
  4. Tinutukoy nito ang pag-iyak ni Laura sa bawat pag-alis ni Florante upang managupa sa ilalim ng mga utos ng Haring Linceo, hari ng Albanya, at ama ni Laura.
  5. Binibigkas nang /e-le/ (Kastilang pagbigkas).
  6. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "pumapasok". Parehong salita ay mula sa pandiwang pasok.
  7. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "pumapatak". Parehong salita ay mula sa pandiwang patak.
  8. Ang aspeto ng pandiwang ito ay makaluma, at hindi na ginagamit sa kasalukuyang Tagalog. Sa kasalukuyang Tagalog, ito ay "kumakalong". Parehong salita ay mula sa pandiwang kalong.
  9. Ang katawan ni Florante ang itinutukoy.
  10. ikakamatay


Mga kagamitang pansarili