Florante at Laura/Kabanata 5

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Masamang Kapalarang Sinapit
Paliwanag
Panibugho sa Minamahal
(Paliwanag)

Paggunita sa Nakaraan
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

"Kung siya Mong[1] ibig na ako'y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi Mo lamang sa puso ni Laura[2]
ako'y minsan-minsang mapag-alaala."

"At dito sa laot ng dusa't hinagpis,
malawak na lubhang aking tinatawid;
gunita ni Laura sa naabang ibig,
siya ko na lamang ligaya sa dibdib."

"Munting gunam-gunam ng sinta ko't mutya
nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
higit sa malaking hirap at dalita,
parusa ng taong lilo't walang awa."[3]

"Sa pagkagapos ko'y guni-gunihin,
malamig nang bangkay akong nahihimbing;
at tinatangisan ng sula ko't giliw,
ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin."

"Kung apuhapin ko sa sariling isip,
ang suyuan naman ng pili kong ibig;
ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
nagiging ligaya yaring madlang sakit."

"Nguni, sa aba ko sawing kapalaran!
Ano pang halaga ng gayong suyuan ...
ang sing-ibig ko'y katahimikan
ay humihilig na sa ibang kandungan?"

"Sa sinapupunan[4] ng Konde Adolfo,
aking natatanaw si Laurang sinta ko;
kamataya't nahan ang dating bangis mo,
nang 'di ko damdamin ang hirap na ito?"

Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit[5];
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.

Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
ng lalong marahas, lilong kamatayan.

Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita'y magmamahabagin
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.

Sukat na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakayin biglang umiyak ang puso,
kung wala nang luhang sa mata'y itulo.

Gaano ang awang bubugso sa dibdib
na may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?

Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing na lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.

"Ay! Laurang[6] Poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso[7]
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?"

"'di[8] sinumpaan mo sa harap ng Langit
na 'di maglililo sa aking pag-ibig?
Ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!"

Orihinal

Cong siya mong ibig na aco,i, magdusa
Lan͠git na mataás aquing mababata
iságì mo lamang sa púso ni Laura
aco,i, minsan minsang mapag ala-ala.

At dito sa laot n͠g dusa,t, hinagpis,
malauac na luhang aquing tinatauid
gunitâ ni Laura sa naabáng ibig
siya co na lamang ligaya sa dibdib.

Munting gunam-gunam n͠g sintá co,t, mutyâ
n͠g dahil sa aqui,i, daquilâ cong touâ,
higuít na malaquíng hírap at dalita
parusa ng táuong lilo,t, ualang aua.

Sa pagka gapus co,i, cong guni-gunihín
malamig nang bangcay acong nahihimbíng
at tinatan͠gisan nang sula co,t, guiliu,
ang pagca-búhay co,i, ualang hangá mandin.

Cong apuhapin co sa sariling isip
ang suyúan namin nang pili cong ibig,
ang pag luhâ niyá cong aco,i, may hapis
naguiguing ligaya yaring madláng sáquit.

¡Ngunì sa abá co! ¡sauing capalaran!
anópang halagá nang gayóng suyúan
cun ang sin-ibig co,i, sa catahimican
ay humihilig na sa ibáng candun͠gan?

Sa sinapupunan nang Conde Adolfo
aquing natatanáo si Laurang sintá co,
camataya,i, nahan ang dating ban͠gis mo?
nang díco damdamín ang hirap na itó.

Dito hinimatáy sa pag hihinagpís
sumúcò ang püsò sa dahás nang sáquit,
ulo,i, nalun͠gay-n͠gay, lúhà,i, bumalisbís,
quinagagapusang cahoy ay nadilíg.

Mag mulâ sa yapac hangang sa ulunán
nalimbág ang ban͠gís nang capighatían,
at ang panibugho,i, gumamit nang asal
nang lalong marahás lilong camatayan.

Ang cahima,t, sinong hindî maramdamin
cong ito,i, maquita,i, mag mamahabáguin,
matipid na lúhà ay pa-aagusin
ang nagparusa ma,i, pilit hahapisin.

Súcat na ang tingnàn ang lugaming anyo
nitong sa dálita,i, hindi macaquibô
aacaing bigláng umiyác ang púsô
cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô.

Ga-ano ang áuang bubugsô sa dibdib
nang may caramdamang ma anyóng tumitig
cun ang panambita,t, daing ay marin͠gig
nang mahimasmasan ang tipon nang sáquit?

Halos boong gúbat ay na sa sabúgan
nang ina-ing-aing na lubháng malumbáy
na inu-ulit pa at isinisigao
sagót sa malayò niyaóng alin͠gao-n͠gao.

¡Ay Laurang poo,i,! baquit isinúyò
sa iba ang sintang sa aqui pan͠gacò
at pinag liluhan ang tapat na púsó
pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?

Dî sinumpa-án mo sa haráp nang lan͠git
na dî maglililo sa aquing pagibig?
ipinabigay co namán yaring dibdib
uala sa gunitâ itóng masasapit.

Talababaan

  1. Itinutukoy dito ang Diyos ng Kristiyanismo.

  2. Ibinibigkas nang /'laʊra/ sa karamihan ng pagkakataon.
  3. Si Laura ang tinutukoy ni Florante.
  4. Ang kahulugang ginagamit dito ay "pangangalaga", at walang kaugnayan ito sa higit na kilalang kahulugan nitong "kinalalagyan ng sanggol sa loob ng isang babae".
  5. Ibinibigkas nang /'sakɪt/, hindi nang /sa'kɪt/ dahil itinutukoy ng salita ang paghihirap ng sarili at isip hindi ng mismong katawan. Ganito rin ang pagtutukoy sa karamihan ng paggamit ng salitang ito.
  6. Ibinibigkas nang /'lauraŋ/, kakaiba sa karaniwang bigkas ng pangalan ni Laura. Ito ay upang matiyak ang pagkakaroon ng 12 pantig sa bawat taludtod.
  7. Ang tinutukoy dito ay ang puso ni Florante.
  8. Nangungulang ng "ba" ang taludtod. Muli inalis ito upang matiyak ang 12 pantig.