Florante at Laura/Kabanata 23

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pangimbulo — Ugat ng Kataksilan
Paliwanag
Mariing Hampas ng Langit sa Bayan
(Paliwanag)

Bakit, Ama Ko?
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

"'di nag-ilang buwan ang sa reynong tuwa
at pasasalamat sa pagkatimawa,
dumating ang isang hukbong maninira
ng tagaTurkiyang masakim na lubha."

"Dito ang panganib at pag-iiyakan
ng bagong nahugot sa dalitang bayan,
lalo na si Laura't ang kapangambahan
ang ako ay sam-ing palad sa patayan."

"Sapagkat heneral akong inatas
ng hari sa hukbong sa Moro'y lalabas;
nag-uli ang loob ng bayang nasindak
puso ni Adolfo'y parang nakamandag."

"Niloob ng Langit[1] na aking masupil
ang hukbo ng bantog na si Miramolin;
siyang mulang araw na ikinalagim
sa Reynong Albanya ng Turkong masakim."

"Bukod dito'y madlang digma ng kaaway
ang sunud-sunod kong pinagtagumpayan;
anupa't sa aking kalis na matapang,
labimpitong hari ang nangagsigalang."

"Isang araw akong bagong nagbiktorya
sa Etolyang S'yudad na kusang binaka,
tumanggap ng sulat ng aking monarka,
mahigpit na biling umuwi sa Albanya."

"At ang paninihala sa dala kong hukbo,
ipagkatiwalang iwan kay Menandro;
noon di'y tumulak sa Etolyang Reyno,
pagsunod sa hari't Albanya'y tinungo/"

"Nang dumating ako'y gabing kadiliman,
pumasok sa reynong walang agam-agam;
pagdaka'y nakubkob[2] ... (Laking kaliluhan)[3]
ng may tatlumpung libong sandatahan."

"'di binigyang-daang akin pang mabunot
ang sakbat na kalis at makapamook;
buong katawan ko'y binidbid ng gapos,
piniit sa karsel na katakut-takot."

"Sabihin ang aking pamamahangha't lumbay,
lalo nang matantong monarka'y pinatay
ng Konde Adolfo't kusang idinamay
ang ama kong irog na mapagpalayaw[4]."

"Ang nasang yumama't haring mapatanyag
at uhaw sa aking dugo ang yumakag
sa puso ng Konde sa gawang magsukab ...
(O, napakarawal na Albanyang S'yudad[5]!)"

"(Mahigpit kang aba sa mapagpunuan
ng hangal na puno at masamang asal,
sapagkat ang haring may hangad sa yaman
ay mariing hampas ng Langit sa bayan.)"

"Ako'y lalong aba't dinaya ng ibig,
may kahirapan pang para ng marinig
na ang prinsesa ko'y nangakong mahigpit
pakasal sa Konde Adolfong balawis?"

"Ito ang nagkalat ng lasong masidhi
sa ugat ng kaing pusong mapighati
at pinagnasaang buhay ko'y madali
sa pinanggalingang wala'y masauli."

"Sa pagkabilanggong labingwalong araw,
naiinip ako sa 'di pagkamatay;
gabi nang hangui't ipinagtuluyan
sa gubat na ito'y kusang ipinugal."

"Bilang makalawang maligid ni Pebo
ang sandaigdigan sa pagkagapos ko,
nang inaakalang nasa ibang mundo,
imulat ang mata'y nasa kandungan mo[6]."

"Ito ang buhay kong silu-silong sakit
at hindi pa tanto ang huling sasapit ..."[7]
Mahahabang salita ay dito napatid,
ang gerero[8] naman ang siyang nagsulit.

Orihinal

Di nag iláng buan ang sa Reinong touà
at pasasalamat sa pagca-timua,
dumating ang isang hucbong maninira
nang taga Turquiang masaquím na lubha.

Dito ang pan͠ganib at pag-iiyacan
nang bagong nahugot sa dálitang bayan
lalo na si Laura,t, ang capan͠gambahán
ang acó ay samíng pálad sa patayan.

Sa pagca,t, general acóng ini-átas
nang Harî sa hocbóng sa moro,i, lalabás
nag-uli ang loob nang bayang nasindác,
púsò ni Adolfo,i, parang nacamandág.

Linoob nang Lan͠git na aquing nasúpil
ang hocbó nang bantóg na si Miramolín
siyang mulang arao na iquinalaguím
sa reinong Albania, nang turcong masaquím.

Bucód dito,i, madláng digmâ nang ca-auay
ang sunód-sunód cong pinag-tagumpayán
ano pa,t, sa aquing cáliz na matapang
labing-pitóng hari ang nan͠gag-sigalang.

Isang arao acóng bagong nagvictoria
sa Etoliang Ciudad na cúsang binaca
tumangáp ng súlat n͠g aquing Monarca
mahigpít na biling moui sa Albania.

At ang panihála sa dalá cong hocbó
ipinagtiualang iuan cay Minandro;
noón di,i, tumulac sa Etoliang Reino,
pagsunód sa Hari,t, Albania,i, tinun͠go.

Nang dumatíng aco,i, gabíng cadilimán
pumasoc sa Reinong ualáng agam-agam
pagdaca,i, quinubcob ¡laquíng caliluhan!
na may tatlóng-pauong libong sandatahán.

Di binig-yang daang aquing pang mabunot
ang sacbát na cáliz at maca-pamoóc
boong catauán co,i, binidbíd ng gápos
piniit sa cárcel na catacot-tacot.

Sabihin ang aquing pamamangha,t, lumbáy
lálo nang matantóng Monarca,i, pinatáy
n͠g Conde Adolfo cúsang idinamay,
ang Amá cong irog na mapagpalayao.

Ang násang yumama,t, háring mapataniág,
at uháo sa aquing dugô, ang yumacag,
sa púso ng Conde, sa gauáng magsucáb
¡o napacarauál na Albaniang Ciudad!

Mahigpit cang abá sa mapag-punuán
n͠g han͠gal na púnò at masamáng ásal,
sa pagca,t, ang Haring may han͠gad sa yaman
ay mariing hampás nang Lan͠git, sa bayan.

Aco,i, lálong abá,t, dinayà n͠g ibig,
¿may cahirapan pang para n͠g marin͠gig,
na ang princesa co,i, nangacong mahigpit
pacasál sa Conde Adolfong balauis?

Itó ang nagcalat n͠g lásong masid-hi
sa ugát ng aquing púsong mapighatí,
at pinag-nasaang búhay co,i, madalí
sa pinangalin͠gang uala,i, magsaulí.

Sa pagcabilangóng labing-ualóng arao
na iiníp acó n͠g di pagcamatáy,
gabí n͠g hangoi,t, ipinagtuluyan
sa gúba,t, na ito,t, cúsang ipinugal.

Bilang macalauang maliguid ni Febo
ang sangdaigdigan sa pagca-gapus co,
ng ina-acalang na sa ibang Mundó
imulat ang matá,i, na sa candungan mo.

Itó ang búhay cong silo-silong sáquit
at hindi pa tantô ang huling sasapit"
mahabang salitá, ay dito napatíd,
ang guerrero naman ang siyang nagsulit.

Talababaan

  1. Itinutukoy ang Diyos ng kristiyanismo.
  2. si Florante
  3. Ipinapahiwatig ng pangungusap na itong nasa loob ng mga panaklong na ito ay isinasaisip lamang ng nagsasalita ngunit hindi ibinibigkas.
  4. Ang paggamit ng salitang ito at ng iba pang mga salitang nagmula sa palayaw sa buong kabanatang ito ay sa kahulugan nitong "pagpapalaki sa layaw", hindi sa "pagbabansag".
  5. Ginagamit ang "siyudad" sa pagpapahulugang "bayan"/"bansa", hindi bilang isang lungsod.
  6. Si Laura ang itinutukoy dito sa paglalaran ng, ayon kay Florante, kanyang malaPebo sa liwanag na mukha.
  7. Dito nagtapos ang pagsasalaysay ni Florante habang si Aladin naman ang magsasalaysay ng kanyang buhay.
  8. Si Aladin ang itinutukoy at ang sunod na magsasalaysay.