Lunas Gamit ang Halamang Gamot at Haydroterapi/Paligong may gawgaw

Mula Wikibooks

Pakahulugan[baguhin]

Isang paligong lubog sa tubig na may gawgaw para sa nakapagpapaginhawang bisa.

Mga Nagagawa[baguhin]

  • Pinahuhupa ang pangangati ng balat.
  • Pinagiginhawa ang nagbabaga at nangangating pakiramdam.
  • Nagagawang patuyin ang balat

Mga Bagay na Kailangan[baguhin]

  • Banyerang paliguan. Para sa mga sanggol maaaring gumamit ng malaking palanggana.
  • Malaking dram o plastik na sisidlan ng tubig para sa matatanda, may sapat na laki upang ilubog ang buong katawan.
  • Dalawang basong gawgaw para sa matatanda; ½ baso naman sa mga bata at sanggol.
  • Tuwalyang pangligo.
  • Labakara o bimpo.

Paraan[baguhin]

  1. Punuin ng maligamgam na tubig hanggang ⅔ ng banyera. Ang tubig ay dapat na may sapat na lalim upang mailubog ang mga bahaging apektado. Gumamit ng banyerang paliguan kung apektado ang buong katawan.
  2. Tunawin ang gawgaw sa malamig na tubig sa isang maliit na palanggana. Ihalo itong mabuti sa banyera ng tubig.
  3. Hubaran ang pasyente at tulungan siyang lumusong sa banyera.
  4. Gamitin ang labakara sa pagpapaligo sa mga bahaging hindi nakalubog. Basain ang ulo o buhok kung ang anit ay apektado. IIubog ang pasyente nang hanggang 20 minuto; huwag siyang kuskusin ng tuwalya.
  5. Pagkaraan ng 20 minuto, alisin ang tubig at dampi-dampiang patuyuin ng tuwalya ang maysakit. Huwag banlawan ang gawgaw. Huwag gumamit ng sabon maging sa paghuhugas ng mga kamay, maliban kung itinagubilin ng manggagamot ang isang tiyak na sabon.
  6. Panatilihing naiinitan ang pasyente at huwag bayaang ginawin.
  7. Paliguan nang minsan o dalawang beses araw-araw ang pasyente, ayon sa kanyang kalagayan.