Noli Me Tangere/Kabanata 47 : Ang Dalawang Senyora

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Naisipan mamasyal ni Donya Victorina. Nais daw nitong makita kung paano mamuhay ang mga indiyo, kung paano sila magsaka. Nguso ito ng nguso sa nakikitang ayos ng mga bahay at naiinis dahil hindi nagbibigay pugay ang mga tao sa kanya. Iniutos sa asawang mamalo ng sumbrero gaya ng ginagawa ng mga kura at tinyente ng mga sibil sa mga di nagbibigay - galang. Ngunit tumaggi ito dahil pilay raw siya at paano kung siya'y gantihan. Napadaan sila sa bahay ng alperes at tiyempo namang nakadungaw ang ginang nito sa bintana. Nagkatinginan agad ang dalawa. Minasdan ni Donya Consolacion si Donya Victorina mula ulo hanggang paa at pagkatapos ay dumura saka lumingon sa kabila. Nainis si Donya Victorina. Tinapatan ang nakadungaw at nakakalokong tinanong siya nito kung ano ang kanyang kailangan.

"Bakit kung makatingin ka sa akin ay ganyan?"

"Ah, oo, kasi kulot ka."

"Ang walang hiyang ito, ah."

"Hoy, kilalanin mo ang iyong kaharap. Sa maynila, kahit mga alperes ay di ko pinapapasok sa aking bahay, sila'y nasa labas lamang."

"Hoy, ang alperes ay di pinapapasok pero ang mga pilantod tulad ng asawa mo ay oo," at humalakhak ito.

Susugurin sana ni Donya Victorina ngunit hindi siya pinahintulutang makapasok ng bantay. Nagkakatipon na ang maraming tao na ang hinihintay ay ang bakbakan.

"Hoy, nakakahiya kang kausap, ipaglaba nyo nga ako, babayaran ko kayo kahit magkano."

Nag - init ng husto si Donya Consolacion dahil sa mga salitang iyon. Bumaba ito dala ng latigo ng kanyang asawa. Inawat ni Don Tiburcio ang dalawa. Salamat at dumating ang alperes kaya't di natuloy ang pagsusunggaban ng dalawa. Nagpatuloy ang dalawang babae sa pagsisigawan sa kabila ng   pag - awat ng kani - kanilang mga asawa. Ang mga nanonood ay hindi nalalaman kung bakit nag - aaway ang dalawa. Ngunit marami ang nalilibang, nais nilang matuloy ang sagupaan. Maya - maya'y dumating ang kura. Nang awatin ng kura ang dalawa ay sinabihan siya ng alperes na di siya dapat makialam. Nang malaunan ay tumigil din ang dalawang donya. Marahil napagod din. Niyaya na ni Donya Victorina ang asawa. Panay ang daldal habang daan. Inuutusan na hamunin ni Don Tiburcio ang alperes upang itayo raw ang kanilang kahihiyan.

Hindi pumayag si Don Tiburcio sa katuwirang hindi siya marunong humawak ng anumang sandata. Hinablot ni Donya Victorina ang kanyang pustiso at pinag - aapakan sa lupa. Halos mapaiyak ang lalaki sa sama ng loob.

Pagdating sa bahay ay dinatnan nila ai Linares na kausap si Maria Clara at ng kaibigan nito. Inutusan ni Donya Victorina si Linares na hamunin sa isang duelo ang alperes at kung hindi ay ibubulgar niya ang tunay na pagkatao nito.

"Sa anong dahilan at kailangan kong hamunin ang alperes?"

"Tayo ay hinamak ng alperes at ng walang hiya niyang asawa, at itong si Tiburcio ay hindi man lamang naipagtanggol ang ating karangalan, kaya't ikaw ang magsasagawa. Kapag hindi mo ginawa ipagtatapat ko kay Don Santiago na isa kang huwad."

Nilapitan agad ng namutlang binata si Dinya Victorina at pinatitigil sa mga sinasabi nito. Nagkatinginan ang tatlong dalaga. Dumating ang malungkot na si Kapitan Tiago buhat sa sabungan, talunan. Hindi na siya binigyan ng pagkakataon ng Donya na makapagpahinga pa. Isinalaysay agad nito ang nangyari sa kanila ng asawa ng alperes sa paraang hindi siya lalabas na kahiyahiya.

"Dahil po sa nangyari, iiwan namin si Linares, at kami'y luluwas na sa Maynila. Hahamunin niya sa isang duelo ang alperes at kung hindi niya ito magagawa huwag kayong papayag na magpakasal siya kay Clarita. Kung magpapakita siya ng karuwagan ay hindi siya karapat - dapat sa inyong dalaga."

Lumisan kinabukasan  ang mag - asawa matapos maningil ng malaking halaga kay Kapitan Tiago. Naiwan si Linares sa isang paghihiganting wala siyang kinalaman.