Ibong Adarna/Kabanata 11
Muling sumumpong ang antak luha sa mata'y nalaglag, nagunitang lahat-lahat ang ligayang nagsilipas. Bayan niyang sinilangan yaong palasyong nilikhan, magulang na mapagmahal kapwa bata't kaibigan. Mula pa sa pagiging bata sa pagsuyo'y nanagana, munting magkabahid-luha ama't ina'y may dalita. Nadama ang laking dusa malayo sa isang ina, sa ilang ay nag-iisa katawan ay sugatan pa. "O! Ina kong mapagmahal kung ngayon mo mamasdan, ang bunso mong si Don Juan malabis kang magdaramdam. Katawan ko ay bugbog na sa sugt ay tadtad pa, ako kaya'y may pag-asa ika'y muli kong makita? Narito at nakalugmok, gagapang-gapang sa gulod, tumatawag ng kupkop walang sinumang dumulog. Sino ang mag aalala ang bunso mo'y magdudusta sa ganito kong pagluha, anak mo rin ang may gawa.