Florante at Laura/Kabanata 1

Mula sa Wikibooks
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Mga tauhan at tagpuan Pag-aalay kay Selya
(Paliwanag)

Sa Babasa Nito
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

Kung pagsaulan kong basahin[1] sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig,
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Selyang[2] namugad sa dibdib?

Yaong Selyang laging pinapanganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan;
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

Makaligtaan ko kayang 'di basahin,
nagdaang panahon ng suyuan namin?
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.

Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho'y inaalaala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.

Sa larawang guhit ng sintang pinsel,
kusang inilimbag sa puso't panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin,
at 'di mananakaw magpahanggang libing.

Ang kaluluwa ko'y kusang dumadalaw
sa lansanga't ngayong iyong niyapakan;
sa Ilog Beata't Hilom[3] na mababaw,
yaring aking puso'y laging lumiligaw.

'di mamakailang mupo ng panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin;
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta'y aking inaaliw.

Ang katauhan ko'y kusang nagtatalik[4]
sa buntung-hininga nang ika'y may sakit,
himutok ko noo'y inaaring-langit,
paraiso naman ang may tulong-silid.

Nililigawan ko ang iyong larawan
sa makating ilog[5] na kinalagian;
binabakas ko rin sa masayang do'ngan[6],
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.

Nagbabalik mandi't parang hinahanap,
dito ang panahong masayang lumipas;
na kung maliligo'y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.

Parang naririnig ang lagi mong wika:
"Tatlong araw na 'di nagtatanaw-tama,"
at sinasagot ko ng sabing may tuwa-
"Sa isang katao'y marami ang handa."

Anupa nga't walang 'di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas;
sa kagugunita, luha'y lagaslas,
sabay ang taghoy kong "O, nasawing palad!"

Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib?
Ang suyuan nami'y bakit 'di lumawig?
Nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluta't langit?

Bakit baga ngayong kami maghiwalay
ay dipa nakitil yaring abang buhay?
Kung gunitain ka'y aking kamatayan,
sa puso ko Selya'y, 'di ka mapaparam.

Itong 'di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, o nalayong tuwa,
ang siyang umakay na ako'y tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.

Selya'y talastas ko't malalim na umid,
mangmang ang Musa ko't malumbay na tinig;
'di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ng tainga't isip.

Ito'y unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal mong yapak;
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.

Kung kasadlakan man ng pula't pag-ayop,
tubo ko'y dakila sa pahunang pagod;
kung binabasa mo'y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.[7]

Masasayang Ninfas sa lawa ng Bai,
Sirenas, ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayo'y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na Musa kong imbi.

Ahon sa dalata't pampang na nagligid,
tonohan ng lira yaring abang awit
na nagsasalitang buhay mo'y mapatid,
tapat na pagsinta'y hangad na lumawig.

Ikaw na bulaklak niring dilidili,
Selyang sagisag mo'y ang MAR[8]
sa Birheng[9] mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si FB[10]

Orihinal

Cong pag saulang cong basahin sa isip
ang nan͠gacaraang arao n͠g pag-ibig,
may mahahaguilap cayang natititic
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?

Yaong Celiang laguing pinan͠gan͠ganiban
baca macalimot sa pag-iibigan;
ang iquinalubog niyaring capalaran
sa lubhang malalim na caralitaan.

Macaligtaang co cayang di basahin
nagdaáng panahón n͠g suyuan namin?
caniyang pagsintáng guinugol sa aquin
at pinuhunan cong pagod at hilahil?

Lumipas ang arao na lubhang matamis
at ualáng nátira condi ang pag-ibig,
tapat na pag suyong lalagui sa dibdib
hanggang sa libin͠gan bangcay co,i, maidlip.

N͠gayong namamanglao sa pangongolila
ang guinagaua cong pag-alio sa dusa
nag daang panaho,i, inaala-ala,
sa iyong laraua,i, ninitang guinhaua.

Sa larauang guhit n͠g sa sintang pincel
cusang ilinimbag sa puso,t, panimdim,
nag-íisang sanláng naiuan sa aquin
at di mananacao magpahangang libing.

Ang caloloua co,i, cusang dumadalao
sa lansan͠ga,t, náyong iyóng niyapacan
sa ilog Beata,t, Hilom na mababao
yaring aquing puso,i, laguing lumiligao.

Di mámacailang mupo ang panimdin
sa puno n͠g mangang náraanan natin,
sa nagbiting bun͠gang ibig mong pitasín
ang ulilang sinta,i, aquing ináaliu.

Ang catauhang co,i, cusang nagtatalic
sa buntong-hinin͠ga nang icao,i, may saquit,
himutoc co niyao,i, inaaring Lan͠git
Paraiso namán ang may tulong silíd.

Liniligauan co ang iyong larauan
sa Macating ilog, na quinalagui-an
binabacás co rin sa masayáng doon͠gan,
yapac n͠g paá mo sa batóng tuntun͠gan.

Nag babalíc mandi,t, parang hinahanp
dito ang panahóng masayáng lumipas
na cong maliligo,i, sa tubig áagap,
nang hindi abutin n͠g tabsing sa dagat.

Parang naririn͠gig ang laguî mong uica
"tatlong arao na di nag tatanao tama"
at sinasagot co ng sabing may touâ
sa isa catauo,i, marami ang handa.

Ano pan͠ga,t, ualang dî nasisiyasat,
ang pagiisipco sa touang cumupas
sa cagugunitâ, luha,i, lalagaslás
sabay ang taghoy cong "¡ó, nasauing palad!"

Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami,i, baquít dí lumauig?
nahan ang panahóng isá niyang titig
ang siyang búhay co, caloloua,t, Lan͠git?

Baquit bagá niyaóng cami mag hiualay
ay dîpa naquitil yaring abáng búhay?
con gunitain ca,i, aquing camatayan,
sa puso co Celia,i, dica mapaparam.

Itong dî matiis na pagdaralitâ
nang dahil sa iyo, ó nalayóng touâ,
ang siyang umacay na aco,i, tumulâ
auitin ang búhay nang isang na abâ.

Celia,i, talastás co,t, malabis na umid,
mangmáng ang Musa co,t, malumbay ang tinig
di quinabahag-yâ cong hindí malait
palaring dinguin mo ng tainga,t, isíp.

Ito,i, unang bucal nang bait cong cutad
na inihahandóg sa mahal mong yapac
tangapin mo nauâ cahit ualang lasáp
nagbúhat sa puso nang lingcód na tapát.

Cong casadlacán man ng pula,t, pag ayop
tubo co,i, daquila sa puhunang pagod,
cong binabasa mo,i, isá mang himutóc
ay alalahanin yaríng nag hahandóg.

Masasayáng Ninfas sa laua nang Bay,
Sirenas, ang tinig ay cauili-uili
cayó n͠gayo,i, siyang pinipintacasi
n͠g lubháng mapanglao na Musa cong imbi.

Ahon sa dalata,t, pangpang na nag liguid
tunuhan nang lira yaring abáng auit
na nag sasalitáng búhay ma,i, mapatid,
tapát na pag sinta,i, han͠gad na lumauig.

Icao na bulaclac niyaring dili-dili,
Celiang saguisag mo,i, ang M. A. R.
sa Virgeng mag-Iná,i, ipamintacasi
ang tapát mong lingcód na si F. B.

Talababaan

  1. Ginagamit sa katuturan ng "aalalahanin" o "isipin".
  2. bansag na ibinigay ni Francisco Balagtas sa dating kasintahan
  3. mga katubigan sa Pandakang kanilang dinadalaw nang sila ay magkasintahan pa
  4. Ginagamit sa katuturan ng "nangungusap", hindi sa "pakikiapid" o "pagsisiping".
  5. Walang kaugnayan sa Lungsod ng Makati o sa pangangailangan ng pagkamot, kundi ito ay mula sa salitang "kati", na nangangahulugang taas ng tubig sa dagat.
  6. mula sa "daungan"
  7. Si Francisco Balagtas ang itinutukoy.
  8. Binabasa nang /'eme 'a 'ere/ (Kastilang pagbikas).
  9. Ang tinutukoy ay si Maria ng Kristyanismo.
  10. Binabasa nang /'efe 'be/ (Kastilang pagbigkas).