El Filibusterismo

Mula sa Wikibooks
Jump to navigation Jump to search

Ang nobelang “El Filibusterismo” (literal “Ang Pilibustero” o “Ang Paghahari ng Kasakiman”) ay ang pangalawang nobelang isinulat ng magiting na bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal, at kaniyang buong pusong inialay sa tatlong paring martir na sina Gomez, Burgos, at Zamora, o mas kilala bilang GOMBURZA. Ang mga paring ito ay lakas-loob na tumaligsa sa mga Espanyol at dahil dito ay nahatulan ng garote. Habang isinusulat ito, maraming paghihirap ang dinanas niya tulad noong sinulat din niya ang Noli Me Tangere na isang nobelang pagtuligsa rin sa mga Espanyol. Sinimulan niya ang akda noong Oktubre ng 1887 habang nagsasanay ng medisina sa Calamba.

Sa London, Inglatera noong 1888, gumawa siya ng maraming pagbabago sa balangkas at pinagbuti niya ang ilang mga kabanata. Ipinagpatuloy ni Rizal ang pagtatrabaho sa kaniyang manuskrito habang naninirahan sa Paris, Madrid, Bruselas(Brussels), at Belgica kung saan naisulat niya ang malaking bahagi nito. Natapos niya ito noong ika-29 ng Marso, taong 1891 sa Biarritz, Pransiya. Ngunit hindi kaagad nailathala ang nobela dahil sa problemang pinansyal. Isang kaibigang nagngangalang Valentin Ventura, na noo'y naninirahan sa Paris, ang nagpahiram ng pera sa kaniya upang tuluyan nang maipalimbag at mailathala ang aklat. Sa wakas, nailathala ito noong Setyembre 22, 1891 sa Gante (Gent), Belgica. Bilang pasasalamat sa kaniyang matalik na kaibigan, ibinigay ni Rizal kay Ventura ang orihinal na manuskrito ng nobela kalakip ang isang nilimbag na sipi na may sarili nitong lagda.

Ang nasabing nobela ay pampolitika na nagpapadama, nagpapahiwatig, at nagpapagising pang lalo sa maalab na hangaring makapagtamo ng tunay na kalayaan mula sa mga Kastila at karapatan ng bayan.