Noli Me Tangere/Kabanata 29
←Kabanata 28: Mga Liham ←Paliwanag |
Kabanata 29: Ang Umaga Paliwanag |
Kabanata 30: Sa Loob ng Simbahan→ Paliwanag→ |
Teksto
Ang Umaga |
Ang Umaga Tinugtóg ng̃ mg̃a banda ng̃ música ang "diana" sa unang pagsilang ng̃ liwayway, na anó pa't pinucaw ng̃ masasayáng tugtuguin ang mg̃a pagál na mg̃a mamamayan. Nanag-uli ang búhay at casayahan, mulíng nirepique ang mg̃a campanà at nagpasimulâ ang mg̃a putucan. Yaon ang catapusang áraw ng̃ fiesta, yaón ang tunay na araw ng̃ cafiestahan. Inaasahang lalong marami ang mapapanood, higuít pa sa nacaraang araw. Lalong marami ang mg̃a "manong" ng̃ V.O.T. (Venerable Orden Tercera; Cagalanggalang na Pang̃atlong Hánay) cay sa mg̃a manong ng̃ Santísimo Rosario, at nang̃agsising̃itî ng̃ boong cabanalan ang mg̃a manong na iyon ni San Francisco, sa caniláng paniniwalang sa gayo'y caniláng mahihiyâ, ang caniláng mg̃a capang̃agaw. Lalong marami ang bilang ng̃ mg̃a candilang caniláng binilí: nag-ani ng̃ malaking pakinabang ang mg̃a insíc na magcacandilâ, at nangag-iisip siláng pabinyag upang máipakilala nilá ang canilang pagtumbás, baga man sinanabi ng̃ ilang yao'y hindî raw sa caniláng pananampalataya sa pagca católico cung dî sa canilang nais na macapag-asawa. Datapawa't sa gayó'y sumásagot ang mg̃a babaeng banal: —Cahi't magcagayon man, hindî mangyayaring hindî maguíng isang himala ang sabaysabáy na pag-aasawa ng̃ gayong caraming mg̃a insíc; papagbabaliking loob na silá ng̃ canicanilang mg̃a esposa. Isinuot ng̃ mg̃a tao ang caniláng lalong magagaling na mg̃a bihisan; lumabás sa kinatataguang mg̃a cajita ang lahát ng̃ mg̃a hiyas. Sampô ng̃ mg̃a "tahur" at ng̃ mg̃a sugarol ay nagbihis ng̃ mg̃a barong bordado na may malalaking brillante, mabibigat na tanicalang (cadena) guintô at mapuputing sombrerong jipijapa. Ang matandáng filósofo lamang ang nananatili sa dating suot; ang baro'y sinamáy na may mg̃a guhit na itim, nabobotones hanggang sa liig maluang na zapatos at malapad na sombrerong fieltro na culay abó. —¡Ng̃ayó'y lalò pa manding mapanglaw cayó cay sa dati!—ang sabi sa canyá ng̃ teniente mayor,—¿aayaw pô ba cayóng manacanacâ tayong magsayá, yamang maraming tayong lubhang sucat na itang̃is? —¡Hindî ang cahulugan ng̃ pagsasaya'y dapat na gumawâ ng̃ mg̃a caululan!—ang isinagot ng̃ matandâ.—¡Itó rin ang halíng na pagtatapon ng̃ salapî sa taôn-taón! At ang lahat ng̃ ito'y ¿bakit? iwaldás ang salapî, sa gayóng macapál na totoo ang carukhaân at mg̃a pang̃ang̃ailang̃an. ¡Abá! nalalaman co na; ¡itó ang pagtatapón, ang maruming paggagalac upang matacpán ang mg̃a caraing̃an ng̃ lahát! —Nalalaman na pô ninyóng sumasang-ayon acó sa inyóng mg̃a caisipan,—ang mulíng sinabi ni don Filipo, na tíla ibig magpakitang galit at tíla ng̃uming̃iti.—Cayó'y aking ipinagsasanggalang, datapuwa't ¿anó ang aking magagagawâ sa gobernadorcillo at sa cura? —Magbitiw ng̃ tungcól—ang sinundán ng̃ filósofo, at saca lumayò. Natigagal si Don Filipo, at sinundán ng̃ matá ang matandâ. —Magbitiw ng̃ tungcól!—ang ibinúbulong, samantalang tumutung̃o sa simbahan,—¡magbitíw! ¡Oo! cung isá sanang bagay na nagbibigay dang̃al ang tungcúling itó at hindî isáng pas-anin, ¡oo, bibitiwan co! Punô ng̃ tao ang patio ng̃ simbahan: mg̃a lalaki't mg̃a babae, mg̃a bata't mg̃a matatanda, taglay ang lalong magagaling na pananamit, na nang̃agcacahalo-halò, pumapasoc at lumalabas sa makikipot na mg̃a pintúan. Amóy pólvora, amóy bulaclác, amóy incienso, amóy pabang̃ó; pinatatacbó at pinasisigaw ang mg̃a babae at pinapagtatawá ang mg̃a batâ ng̃ mg̃a bomba, ng̃ mg̃a cohete at ng̃ mg̃a buscapiés. Isáng banda ng̃ música ang tumútugtog sa tapát ng̃ convento, isáng banda namán ang naghahatid sa mg̃a nang̃ang̃atungculan sa bayan, ang mg̃a ibáng banda'y naglilibót sa mg̃a daang kinalaladlaran at winawagaywayan ng̃ maraming mg̃a bandera. Lumilibang sa paning̃in ang liwanag at cúlay na sarisarì, at sa pangpakinig nama'y mg̃a tínig at mg̃a úgong. Hindî nagtitiguil ang mg̃a campanà ng̃ carerepique, nagcacasalasalabat ang mg̃a coche at mg̃a calesa, na manacanacáng ang mg̃a cabayong humihila sa canilá'y nangáguiguitla dumádamba, humuhulay, mg̃a bagay na bagá man hindî casangcáp sa palatuntunan ng̃ fiesta, gayón ma'y naguiguing isáng pánooring hindî pinagbabayaran at siyáng lalong mahalaga. Nag-utos ang Hermano Mayor sa áraw na itó ng̃ mg̃a alilà upang mang̃aghanáp sa mg̃a daan ng̃ mg̃a inaanyayahan, túlad sa nagpiguing na sinasabi sa atin ng̃ Evangelio. Hálos sápilitan ang pag-aanyaya upang uminóm ng̃ chocolate, café, chá, cumain ng̃ matamis, at iba pa. Madalás na naguiguing cawang̃is ng̃ isáng pakikipagcagalít ang guinagawang pag-aanyaya. Gágawin na ang misa mayor, ang misang tinatawag na "de dalmática", catulad ng̃ misa cahapong sinasaysay ng̃ carapatdapat na corresponsal, at ang bílang caibhán lámang, ang magmimisa ng̃ayo'y si Parì Salví, at sa mg̃a taong makikiníg ng̃ misa ng̃ayo'y casama ang Alcalde ng̃ lalawigan, caacbáy ang maraming mg̃a castílà at mg̃a táong marurunong, upang pakinggán si Párì Dámaso na totoong bantóg sa lalawigan. Sampô ng̃ alférez, bagá man siya'y lubháng dalá na sa mg̃a pang̃ang̃aral ni Párì Salví, pumaroon din, sa pagpapatotoo niya ng̃ cagaling̃an ng̃ canyang loob at ng̃ cung mangyayari, macapanghiganti siyá sa mg̃a pagbibigay galit na sa canyá'y guinawâ ng̃ cura. Sa calakhán ng̃ pagcábantog ni Párì Dámaso'y ipinag-páuna na ng̃ corresponsal ang pagsúlat namamatnugot ng̃ pamahayagan ng̃ sumúsunod: "Alinsunod sa aking ipinagpáuna na sa inyo sa waláng wastô cong mg̃a talata cahapó'y gayón ng̃a ang nangyari. Nagcamít cami ng̃ tang̃ing capalarang mápakinggan ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Damaso Verdolagas, na nagcurang malaon sa bayang itó, at ng̃ayó'y inilipat sa lálong malaki, bílang ganting pala sa canyang mabuting pagtupad sa canyang mg̃a catungculan. Lumagáy ang maningning na mananalumpati ng̃ mg̃a mahal na bagay sa paaralang Espiritu Santo ang nagtuturo, at nagsaysay ng̃ carikitdikitan at cálalim-lalimang sermon, na nagbigay cabanalan sa madlâ at pinagtakhán ng̃ lahát ng̃ mg̃a binyágang naghihintay ng̃ boong pagmimithî ng̃ pagsilang sa lubhang mapagbung̃ang mg̃a labi ng̃ nacaguiguinhawang bucál ng̃ waláng hanggáng-búhay. Cadakilaan sa mg̃a cahulugan, capang̃ahasan sa mg̃a munacalà, mg̃a bagong pananalitâ, cagandahan sa anyô, catutubong mg̃a galaw, pagsasaysay na calugodlugód, calusugán ng̃ mg̃a adhicâ, nárito ang mg̃a híyas ng̃ Bossuet na castilà, na talagáng carapatdapat ng̃á ang canyáng malakíng pagcábantog hindî lamang sa mg̃a marurunong na mg̃a castila, cung di naman sa mg̃a waláng pinag-aralang mg̃a "indio" at sa mg̃a mapanglinlang na mg̃a anác ng̃ "calang̃itang imperio" (imperio ng̃ cainsican)." Gayon man, unti ng̃ mapilitan ang mapagcatiwalang corresponsal na canyang sirain ang calahatlahatan niyang sinulat. Idinaraing ni Párì Damaso ang isáng magaang na sipóng canyang nasaguip ng̃ gabing nagdaan: pagcatapos na siya'y macapagcantá ng̃ masasayáng mg̃a "petenera", (caraniwang kinacanta sa mg̃a lalawigang andalus, sa España), siya'y uminóm ng̃a tatlong vásong sorbete at sandali siyang nanood ng̃ pinalalabas sa teatro. Dahíl sa bagay na ito'y ibig sana niyang magbitíw ng̃ pagca tagasalitâ ng̃ mg̃a wicà ng̃ Dios sa mg̃a tao, ng̃uni't sapagca't waláng ibáng makitang nacacaalam ng̃ búhay at mg̃a himalâ ni San Diego,—túnay ng̃a't natátalos ang mg̃a bagay na itó ng̃ cura, ng̃uni't kinacailang̃ang siyá'y magmisa,—pinagcaisahan ng̃ ibáng mg̃a fraile na walâ ng̃ gagaling pa sa tínig ng̃ voces ni Párí Dámaso, at lubhang túnay na cahinahinayang na huwag italumpati ang totoong mainam na sermóng gaya na ng̃a ng̃ naisulat at naisaulo na. Dahil dito'y ang babaeng dating tagapag-ing̃at ng̃ susi'y siya'y ipinaghandâ ng̃ mg̃a limonada, pinahiran ang canyang dibdib at liig ng̃ mg̃a unguente at mg̃a lang̃is, binalot siyá ng̃ maiinit na mg̃a cúmot, siya'y hinilot at iba pa. Umínóm si Parî Dámaso ng̃ hiláw na itlóg na binati sa álac, at sa boong umaga'y hindî nagsalitâ at hindî man lamang nag-agahan; bahagyâ na uminóm ng̃ isáng vasong gatas, isáng tazang chocolate at lalabin-dalawang biscocho, na anó pa't tiniis niya ng̃ boong cabayanihang huwag cumain ng̃ isáng sisiw na frito at calahating quesong gawang Laguna, na canyang kinaugaliang canin pagcacaumaga, sapagca't ayon sa canyang catiwalang babae, maaaring macapagpaubó ang sisiw at ang queso, dahil sa capuwâ may asin at may tabá. —¡Guinágawá ang lahat ng̃ itó't ng̃ camtan natin ang calang̃itan at magbalíc loob tayo!—ang sabi ng̃ mg̃a Hermana ng̃ V.O.T., ng̃ caniláng maalaman ang ganitóng canyáng mg̃a pagpapacahirap. —¡Siyá'y pinarurasahan ng̃ Virgen de la Paz!—ang ibinúbulong naman ng̃ mg̃a Hermana ng̃ Santisimo Rosario, palibhasa'y hindî nilá maipatawad ang canyang pagkiling sa canilang mg̃a caaway na capuwà babae. Lumabás ang procesión pagca alas ocho y media sa lilim ng̃ mg̃a toldang lona. Nacacahawig din ng̃ guinawâ, cahapon, baga man may isáng bagay na nabago: ang mg̃a Hermano ng̃ V.O.T., na mg̃a matatandang lalaki't babae, casama ang iláng mg̃a dalagang patungó na sa pagtandá, ang pananamit na dalá'y mahahabang hábitong guingón: damít na guingóng magaspáng ang sa mg̃a mahihirap, at ang sa mg̃a mayayama'y guingóng sutlâ, sa macatuwid baga'y ang tinatawag na "guingông franciscano", sa pagca't siyang lalong caraniwang gamitin ng̃ mg̃a cagalanggalang na mg̃a fraileng franciscano. Ang lahat ng̃ mg̃a mahal na hábitong iyó'y mg̃a dalísay, sa pagca't pawang galing sa convento sa Maynilà, na siyáng kinucunan ng̃ mg̃a mamamayan sa limós na ang capalit ay salapíng isinasang-ayon sa táning na halagang hindî natatawaran, cung bagá mangyayaring sabíhing cawang̃is ng̃ sa isáng tindahan. Ang halagang itóng hindî nababawasa'y mangyaring maragdagan, ng̃uni't hindî nababawasan. Tulad sa mg̃a habitong itó'y nagbibilí ng̃ gayón ding mg̃a hábito sa monasterio ng̃ Santa Clara, na tagláy, bucód ang mg̃a tang̃ing biyáyang nacapagbibigay ng̃ maraming mg̃a indulgencia sa mg̃a patáy na pinagsasaputan, ang biyáyang lalò pa manding tang̃i: na lalò pang mahál ang halagá paga lalong lumà, gulanit at hindî na magagamit. Itinititic namin itó at baca sacaling banal na bumabasang nagcacailang̃an ng̃ gayóng mg̃a mahál na "reliquia" (anó mang bagay na guinamit ó linangcáp na ng̃a ibá), ó baca caya may matalas na isip casam-ang mámumulot ng̃ mg̃a basahang taga Europa, na ibig yumaman sa pagdadalá sa Filipinas ng̃ isáng "cargamento"" (maraming yácos na catatagang lúlan sa ísáng daóng) ng̃ mg̃a hábitong masurot at malibág, sa pagca't nagcacahalagá ng̃ labíng anim na píso ó higuit pa, ayon sa calakhán ng̃ pagcalibaguing humiguít cumulang. Nacapatong si San Diego de Alcalá sa isáng carrong napapamutihan ng̃ mg̃a planchang pílac na nabuburdahan. May malaking capayatán ang Santo, garing mulá sa úlo hanggáng bay-awang, magagalitín at nacacaaalang-alang ang anyô ng̃ pagmumukhâ, baga mán culót ang buhóc sa úlo, na catulad ng̃ mg̃a ita. Sutlang raso na nabuburdahan ng̃ guintô ang canyáng pananamit. Sumusunod ang ating cagalang-galang na Amang si San Francisco, pagcatapos ay ang Virgeng gaya cahapon, ang caibhán lamang ay si Párì Salví ng̃ayón ang sumasailalim ng̃ palio at hindî ang makisig na si Párì Sibyla na mainam cumíyà. Ng̃uni't cung di tagláy ni Párì Salví ang magandang anyô ni Párì Sibyla, datapuwa't nagcacanlalabis naman sa canyá ang pagca anyóng banál: nacatung̃ó ang mg̃a matá; nacadoop ang mg̃a camay na ang anyó'y matimtiman at lumalacad na nacayucód. Ang mg̃a may dalá ng̃ palio'y yaón ding dáting mg̃a cabeza de barangay, na nagpapawis ng̃ boong ligaya, sa caniláng panunungcól na nakikisacristán, bucód sa silá'y manining̃il ng̃ buwis, manunubos ng̃ mg̃a taong lagalág at mg̃a dukhâ, sa macatuwid baga'y mg̃a Cristong nagbibigay ng̃ dugô dahil sa mg̃a casalanan ng̃ mg̃a ibá. Ang coadjutor, na nacasobrepelliz, ay nagpaparoo't parito sa iba't ibáng mg̃a carro, na dalá ang incensario, at canyáng manacanacang hinahandugan ng̃ úsoc nitó ang pang̃amoy ng̃ cura, na pagca nagcacagayo'y lalong lalong ng̃ nagmumukhang caaway ng̃ tawa at magagalitín. Dahándahán ng̃a at matimtiman ang lacad ng̃ procesióng inaacbayan ng̃ ugong ng̃ mg̃a bomba at ng̃ tinig ng̃ mg̃a cantá at músicang tungcol sa religióng ilinalaganap sa impapawid ng̃ mg̃a banda ng̃ músicang sumusunod sa licurán ng̃ bawa't carro. Samantala'y napakasipag na totoo ang pamamahagui ng̃ Hermano Mayor ng̃ malalaking mg̃a candila, na ang marami sa mg̃a nakipagprocesio'y nag-uwi sa canilang mg̃a bahay ng̃ maipag-iilaw sa apat na gabi samantalang nang̃agsusugál. Nagsisiluhód ng̃ boong gálang ang mg̃a nanonood pagca nagdaraan ang carro ng̃ Ina ng̃ Dios at nang̃agdarasal silá ng̃ taimtim sa loob ng̃ mg̃a Sumasampalataya ó ng̃ mg̃a Aba pô. Tumiguil ang carro sa tapát ng̃ isáng báhay na sa mg̃a bintanang napapamutihan ng̃ maririkit na mg̃a pangsampáy (colgadura) ay nacasung̃aw ang Alcalde, si capitang Tiago, si María Clara, si Ibarra, ilang mg̃a castilà at mg̃a dalaga; nágcataong tumungháy si Párì Salví, datapuwa't hindî gumawâ ng̃ cahi't munting kilos na magpahalatang siya'y bumabatì ó nakikilala niyá silá; ang tang̃ing guinawá niyá'y lumindíg lamang, tinuíd ang catawán at sa gayo'y sumabalicat niyá ng̃ lalong caayusan at gandá ang "capa pluvial." Sa dacong ibabâ ng̃ bintana'y may isáng dalagang nacalúlugód ang gandá ng̃ mukhâ, mahalagá ang suut na damít at may kílic na isáng musmós na lalaki. Marahil siyá'y sisiwa ó taga pag-alagà lamang, sa pagca't ang sanggól na iyó'y maputi at mapulá ang buhóc, samantalang ang dalaga'y caymangguí at mahiguít pa sa caitimán ng̃ azabache ang canyáng mg̃a buhóc. Pagcakita sa cura, iniunat ng̃ musmós ang canyáng maliliit na bísig, tumawa niyáng táwang hindî nacapagbibigay sákit at hindî namán pighati ang nacapagpapatawá, at sumigáw ng̃ pautál sa guitna ng̃ isáng sandalíng catahimican: ¡Tá ...tay! ¡Tatay! ¡Tatay! Kinilabutan ang dalaga, dalidaling inilagay ang canyang camay sa ibabaw ng̃ bibig ng̃ sanggól na lalaki at patacbóng lumayô roong taglay ang totoong malaking cahihiyan. Umiyác ang bátà. Nang̃agkindatan ang mg̃a mapaghinala, at nang̃agsing̃ití ang mg̃a castilang nacamasid ng̃ gayóng maiclíng pangyayari. Naguing pulá ang catutubong pamumutla ni Párì Salví. At gayón ma'y wala sa catuwiran ang táo: hindî man lamang nakikilala ng̃ cura ang babaeng iyón, siya'y taga-ibang bayan. |
Teksto (Baybayin)
Ito ay nakasulat sa Baybayin. Kapag wala kang makita o puro kahon lamang, maaaring hindi naka-install ang font para sa Baybayin. Para sa karagdagang impormasyon, tignan ang Wikibooks:Baybayin. |
Iba pang pamagat
Latin
- Kinaumagahan