Florante at Laura/Kabanata 26

Mula sa Wikibooks

Sa Ngalan ng Pag-ibig
Paliwanag
Kamatayan sa Palaso ni Flerida
(Paliwanag)

Pagwawakas
Paliwanag

Awit

Kasalukuyan

Anupa nga't yaong gubat na malungkot,
sa apat ay naging paraiso'y lugod;
makailang hintong kanilang malimot
na may hininga pang sukat na malagot[1].

Sigabo ng tuwa'y unang dumalang-dalang,
dininig ng tatlo kay Laurang buhay;
nasapit sa reyno mula nang pumanaw
ang sintang naggubat, ganito ang saysay:

"'di lubhang nalaon noong pag-alis mo[2],
o sintang Florante sa Albanyang Reyno,
narinig sa baya'y isang piping gulo
na umalingawngaw hanggang sa palasyo."[3]

"Ngunit 'di mangyaring mawatasan-watasan
ang bakit at hulo ng bulung-bulungan;
parang isang sakit na 'di mahulaan
ng medikong pantas ang dahil at saan."

"'di kaginsa-ginsa, palasyo'y nakubkob
ng magulong baya't baluting soldados;
(o, araw na lubhang kakilakilabot!
Araw na isinumpa ng galit ng Diyos!)[4]"

"Sigawang malakas niyong bayang gulo:
"Mamatay, mamatay ang Haring Linceo
na nagmunakalang gutumin ang reyno't
lagyan ng estangke ang kakani't trigo."

"Ito'y kay Adolfong kagagawang lahat
at nang magkagulo yaong bayang bulag;
sa ngalan ng hari ay isinambulat
gayong ordeng mula sa dibdib ng sukab[5]."

"Noon di'y hinugot sa tronong luklukan
ang ama kong hari at pinapugutan;
may matuwid bagang makapanlumay
sa sukab na puso't nagugulong bayan?"

"Sa araw ring yao'y maputlan ng ulo
ang tapat na loob ng mga konseho;
at hindi pumurol ang tabak ng lilo
hanggang may mabait na mahal sa reyno."

"Umakyat sa trono ang kondeng malupit
at pinagbalaan ako nang mahigpit,
na kung 'di tumanggap sa haing pag-ibig,
dustang kamataya'y aking masasapit."

"Sa pagnanasa kong siya'y magantihan
at sulatan kita sa Etolyang Bayan,
pinilit ang pusong huwag ipamalay
sa lilo[6] — ang aking kaayawa't suklam."

"Limang buwang singkad ang hininging taning
ang kaniyang sinta't bago ko tanggapin;
ngunit ipinasyang tunay sa panimdim
ang pagpatiwakal kundi ka rumating."

"Niyari ang sulat at ibinigay ko
sa tapat na lingkod, nang dalhin sa iyo;
'di nag-isang buwa'y siyang pagdating mo't
nahulog sa kamay ni Adolfong lilo."

"Sa takot sa iyo niyong palamara[7]
kung ika'y magbalik na may hukbong dala,
nang mag-isang muwi[8] ay pinadalhan ka
ng may selyong sulat at sa haring pirma."

"Matanto ko ito'y sa malaking lumbay
gayak na ang puso na magpatiwakal
ay siyang pagdating ni Menandro naman
kunubkob ng hukbo ang Albanyang Bayan."

"Sa banta ko'y siyang tantong nakatanggap
ng sa iyo'y aking padalang kalatas,
kaya't nang dumating sa Albanyang S'yudad[9],
lobong nagugutom ang kahalintulad."

"Nang walang magawa ang Konde Adolfo
ay kusang tumawag ng kapuwa lilo;
dumating ang gabi umalis sa reyno
at ako'y dinalang gapos sa kabayo."

"Kapag dating dito ako'y dinarahas
at ibig ilugso ang puri kong ingat[10];
pana'y isang tunod na kung saan buhat,
pumako sa dibdib ni Adolfong sukab."

Sagot ni Flerida: "Nang dito'y sumapit
ay may napakinggang binibining boses
na pakiramdam ko[11]'y binibigyang-sakit,
nahambal ang aking mahabaging dibdib."

"Nang paghanapin ko'y ikaw ang natalos,
pinipilit niyong taong balakiyot;
hindi ko nabata't bininit sa busog
ang isang palasong sa lilo'y tumapos ..."

Orihinal

Ano pa n͠gayaóng gúbat na malungcót
sa apat, ay naguíng Paraiso,t, lugód,
macailang hintóng caniláng malimot,
na may hinin͠gá pang súcat na malagót.

Sigabó ng toua,i, n͠g dumalang dalang
dinin͠gig n͠g tat-lo cay Laurang búhay,
nasapit sa Reino mula ng pumanao
ang sintang nag gúbat: ganitó ang saysay.

"Di lub-háng nalaon niyaóng pag alismo
ó sintáng Florante sa Albaniang Reino!
naringig sa baya,i, isang píping guló
na umalin͠gaon͠gao hangáng sa Palacio.

N͠guni,t, dî mangyaring mauatasuatasan
ang báquit, at húlo ng bulongbulon͠gan
parang isang saquít na di mahulaan
ng médicong pantás, ang dahil; at saan.

Dî caguinságuinsá Palacio,i, nacubcób
n͠g magulóng baya,t, baluting soldados
¡o arao nalubháng caquiquilabot!
¡arao na sinumpa n͠g galit n͠g Dios!

Sigauang malacás niyaóng bayang guló,
mamatáy mamatáy ang háring Linceo
na nagmunacalang gutumin ang Reino,t,
lag-yan nang Estanque ang cacani,t, trigo.

Ito,i, cay Adolfong cagagauáng lahat,
at n͠g magcaguló yaóng bayang bulág
sa n͠galan ng Hari ay isinambulat
gayóng órdeng mula sa dibdib n͠g sucáb,

Noón di,i, hinugot sa tronong luc-lucan
ang Amá cong Hari at pinapugutan
¿may matouíd bagáng macapang-lulumay
sa sucáb na puso,t, nagugulóng bayan?

Sa arao ring yao,i, naput-lán ng ulo
ang tapát na loob n͠g m͠ga consejo
at hindî pumuról ang tabác na lilo
hangang may mabait na mahal sa Reino.

Umacyát sa trono ang Condeng malupít,
at pinagbalaan acó n͠g mahigpít,
na cong dî tumangáp sa haying pag-ibig
dustáng camataya,i, aquing masasapit.

Sa pagnanasa cong siya,i, magantihán,
at sulatan quitá sa Etoliang bayan,
pinilit ang púsong houag ipamalay
sa lilo, ang aquing ca-ayaua,t, suclám.

Limáng bouang singcád ang hin͠ging taning
ang caniyáng sinta,i, bago co tangapín;
n͠guni,t, pinasiyáng túnay sa panimdím,
ang mag patiuacál cundî ca dumatíng.

Niyari ang sulat at ibinigáy co
sa tapát na lingcód, n͠g dalhín sa iyó;
dî nag-isang bua,i, siyáng pagdatíng mo,t,
nahulog sa camáy ni Adolfong lilo.

Sa tacot sa iyó niyaóng palamara
cong acó,i, magbalíc na may hocbóng dalá
n͠g mag-isáng moui ay pinadalhánca
n͠g may Sellong súlat at sa Haring firma.

Matanto co ito,i, sa malaquíng lumbay
gayác na ang puso na mag-patiuacál
ay siyáng pagdating ni Minandro namán
quinubcób n͠g hocbó ang Albaniang bayan.

Sa banta co,i, siyang tantóng nacatangáp
ng sa iyo,i, aquing padaláng calatas
caya,t, n͠g dumating sa Albaniang Ciudad,
Lobong nagugutom ang cahalintulad.

Nang ualáng magauá ang Conde Adolfo
ay cúsang tumauag n͠g capoua lilo
dumatíng ang gabí umalís sa Reino
at aco,i, dinalang gapús sa cabayo.

Capagdatíng dito aco,i, dinadahás
at ibig ilugsó ang puri cong ingat,
mana,i, isang túnod na cong saán búhat
pumáco sa dibdib ni Adolfong sucáb...."

Sagót ni Flerida "nang dito,i, sumapit
ay may napaquingang binibining voses
na paquiramdám co,i, binibig-yáng sáquit
nahambál ang aquing mahabaguíng dibdib.

Nang paghanaping co,i, icáo ang nataós
pinipilit niyaóng táuong balaquiót,
hindi co nabata,t, bininit sa búsog
ang isang palasóng sa lilo,i, tumapos..."

Talababaan

  1. Itinutukoy dito si Adolfong kasalukuyang naghihingalo at malapit nang mamatay dahil sa pagpana sa kanya ni Flerida.
  2. Si Florante ang ikinakausap ni Laura.
  3. Si Laura ang nagsasalaysay.
  4. Ipinapahiwatig ng pangungusap na itong nasa loob ng mga panaklong na ito ay isinasaisip lamang ng nagsasalita ngunit hindi ibinibigkas.
  5. Si Adolfo ang itinutukoy.
  6. Si Adolfo ang itinutukoy.
  7. Si Adolfo ang itinutukoy.
  8. Ipinaikling "himutok" upang tumugma sa 12 pantig ng bawat taludtod.
  9. Ginagamit ang "siyudad" sa pagpapahulugang "bayan"/"bansa", hindi bilang isang lungsod.
  10. Itinutukoy ni Laura rito ang kanyang pagkabirhen.
  11. Si Flerida ang itinutukoy at nagsasalita.


Mga kagamitang pansarili